2013
Ang Bagong Aklat ni Ric
Marso 2013


Ang Bagong Aklat ni Ric

Si Laura Byrd ay nakatira sa Oregon, USA.

“Tuwing ako’y mabait at matulungin sa iba, masaya akong talaga” (“A Happy Helper,” Children’s Songbook, 197).

Hinahaplus-haplos ni Ric ang mga ginintuang letra sa pabalat ng kanyang bagong aklat. Lalong nag-umpukan sa kanya ang kanyang mga kaibigan.

“Ang ganda naman niyan!” sabi ni Jake. “Ngayon lang ako nakakita ng pulang Aklat ni Mormon.”

“Parang magkakasya sa bulsa ng polo mo,” dagdag pa ni Jarom.

“Kasya nga,” sabi ni Ric, habang ibinubulsa ito at inilalabas ulit. Maya-maya pa binati na ng Primary president ang lahat para sa oras ng pagbabahagi, kaya huminto na sa pag-uusap ang mga bata. Pero hindi mapigil ni Ric na sulyapan ang kanyang aklat paminsan-minsan.

Nang tapos na ang Primary, dumaan si Ric sa nursery para kunin ang kanyang kapatid. Naroon na si Itay.

“Nakita mo ba si Inay mo?” tanong ni Itay.

“Hindi po, pero sana handa na siyang umuwi,” sabi ni Ric. “Gutom na po ako!”

Kumakalam na ang tiyan ni Ric nang mahanap nila si Inay, pero ngumiti siya nang makita niyang kasama siya nina Brother at Sister Bird. Si Brother Bird ay nakatayo. Si Sister Bird ay nakaupo sa kanyang wheelchair, tulad nang dati. Sinabi noon ni Inay na maysakit si Sister Bird na tinatawag na multiple sclerosis, o MS, kaya nahihirapan siyang igalaw ang kanyang mga kalamnan. Kung minsan nasasaktan siya, pero lagi siyang nakangiti sa lahat. Sina Brother at Sister Bird ang ilan sa mga paborito ni Ric sa ward.

“O, kumusta na, iho,” sabi ni Brother Bird habang kinakamayan si Ric. “Kumusta ang Primary?”

“Masaya po. Naipakita ko po ito sa lahat.” Inilabas ni Ric ang kanyang maliit at pulang aklat.

“Ano iyan?” tanong ni Sister Bird.

“Ito po ang bago kong Aklat ni Mormon. Ipinadala po ito ng lolo’t lola ko,” sabi ni Ric nang iabot niya ito kay Sister Bird.

“Ngayon lang ako nakakita nito,” sabi ni Sister Bird habang pinaglilipat-lipat sa kanyang mga kamay ang maliit na aklat. “Ang liit at magaan. Gustung-gusto kong basahin ang Aklat ni Mormon, pero napapagod ang mga kamay ko sa paghawak ng mga banal na kasulatan kaya pahintu-hinto ako pagkatapos lang ng ilang minuto. Pero kaya ko itong hawakan nang matagal.” Isinauli niya ito.

Tiningnan ni Ric ang kanyang magandang aklat. Pagkatapos ay tumingin siya kay Sister Bird.

“Heto po, Sister Bird. Gusto ko pong ibigay ito sa inyo.” Ibinalik ni Ric ang Aklat ni Mormon sa kanyang mga kamay.

“Talaga?” tanong ni Brother Bird.

“Opo,” sabi niya.

“O, Ric, salamat sa iyo.” Napuno ng luha ang mga mata ni Sister Bird. “Kapag nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan nakakayanan ko ang sakit. Malaking tulong sa akin ang munting aklat mo.” Iniunat niya ang kanyang mga kamay at niyakap si Ric.

Habang papunta sila sa sasakyan, sinabi ni Inay, “Napakatahimik mo. Nalulungkot ka ba na ipinamigay mo ang iyong aklat?”

“Hindi naman po. Maganda nga iyon, pero may isa pa naman akong Aklat ni Mormon sa bahay. At saka, mas mahalaga naman ang nilalaman ng aklat kaysa sa pabalat nito.”

Magiliw na pinisil ni Inay ang kanyang balikat.

“Sana lang hindi malungkot sina Lolo’t Lola na ipinamigay ko ang aking Aklat ni Mormon.”

“Maniwala ka sa akin Ric, hindi sila magagalit.”

Nadama ni Ric na tama ang inay niya.

Paglalarawan ni Matt Smith