2013
Pagpapaaktibo
Marso 2013


Mensahe sa Visiting Teaching

Pagpapaaktibo

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society. Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Hinihikayat tayo ng ating propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, na “tumulong [na] iligtas ang mga nangangailangan ng ating tulong at iahon sila sa mas mataas na lugar at mas mainam na daan. … Gawain ito ng Panginoon, at kapag nasa paglilingkod tayo ng Panginoon, … may karapatan tayo sa tulong Niya.”1

Maraming taon na ang nakaraan dinalaw ni LaVene Call at ng kanyang kompanyon sa visiting teaching ang isang di-gaanong aktibong miyembro. Kumatok sila sa pinto at nakita ang bata pang ina na nakasuot ng bata [bathrobe]. Tila may sakit siya, ngunit nalaman nila kalaunan na alak ang problema niya. Naupo at kinausap ng mga visiting teacher ang nahihirapang ina.

Pagkaalis nila, sinabi nila, “Siya ay anak ng Diyos. Responsibilidad nating tulungan siya.” Kaya’t madalas nila siyang dinalaw. Sa bawat pagdalaw, may nakikita at nadarama silang mabuting pagbabago. Hiniling nila sa miyembrong ito na dumalo sa Relief Society. Bagama’t nag-aalangan, di-nagtagal palagi na siyang dumadalo. Matapos ang panghihikayat, nagsimba na ang mag-asawa at kanilang anak. Nadama ng lalaki ang Espiritu Santo. Sinabi niya, “Gagawin ko ang sinasabi sa akin ng bishop.” Aktibo na sila ngayon sa Simbahan at nabuklod na sa templo.2

Mula sa mga Banal na Kasulatan

3 Nephi 18:32; Doktrina at mga Tipan 84:106; 138:56

Mula sa Ating Kasaysayan

Ang pagtulong sa mga nalilihis ng landas para makabalik sa ebanghelyo ni Jesucristo ay bahagi na noon pa man ng pagiging Banal sa mga Huling Araw at miyembro ng Relief Society. Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77), “Magdamayan tayo sa isa’t isa, … at gabayan ng mga nakauunawa ang mga mangmang hanggang sa makita nila mismo ang tamang landas.”3

Pinasalamatan ni Eliza R. Snow, pangalawang Relief Society general president, ang pagsisikap ng mga miyembrong babae sa Ogden, Utah, USA, na palakasin ang isa’t isa. “Alam ko na talagang napakaraming donasyon [mga paglilingkod] na hindi naisulat sa mga aklat ng [talaan],” sabi niya. Ngunit dahil natatantong may talaan sa langit na nagtatala ng mga ginagawa ng kababaihan sa pagtulong sa mga pusong nanlalamig na sa ebanghelyo, sabi niya: “Sinabi ni Pangulong Joseph Smith na ang samahang ito ay itinatag upang magligtas ng mga kaluluwa. … May isa pang aklat na iniingatan at ito ay naglalaman ng inyong pananampalataya, kabaitan, mabubuting gawa, at mga salita. … Walang paglilingkod na nalilimutan.”4

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Ang Sagradong Tawag na Maglingkod,” Liahona, Mayo 2005, 55, 56.

  2. Liham sa Relief Society general presidency mula sa anak na babae ni LaVene Call.

  3. Brigham Young, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 125.

  4. Eliza R. Snow, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 99–100.

Paglalarawan ni Robert Casey; background ni Steve Bunderson