Mga Tupa ni Megan
Si Julina K. Mills ay nakatira sa Arizona, USA.
“Paglingkuran ang isa’t isa” (Mosias 2:18).
“Kailangang may pakinabang ang mga hayop.” Pabalik-balik sa isip ni Megan ang sinabi ng kanyang tatay. Binabantayan ng mga aso ang mga tupa, at nangingitlog ang mga manok. Ang mga balahibo ng tupa ay naipagbibili. Tumutulong si Megan sa paggupit sa balahibo tuwing tagsibol, at parang natutunaw na niyebe ang hitsura ng makapal nilang balahibo sa luntiang bukid.
Pero naiiba ang mga tupa ni Megan. Mga bansot na tupa sila na ipinanganak noong nakaraang taon, at dahil napakaliit, hindi sila makapagbigay ng balahibo na sapat na pantustos sa pagkain nila. Gusto ni Itay na dalhin na ang mga ito sa nagkakatay ng karne, pero napamahal na kay Megan ang mga munting tupa. Nakiusap siyang alagaan na lang ang mga ito, at pumayag naman si Itay. “Pero,” babala niya, “kailangang ikaw lang ang mag-alaga sa mga iyan.”
Noong una, OK lang ang lahat. Ipinambili ni Megan ng dayami ang pera para sa kaarawan niya nang magsimula nang kumain ang mga tupa. Pero ubos na ang perang iyon, at sinabi ni Itay na napakamahal kung hahayaang manginain ang mga tupa sa bukid na inuupahan niya sa labas ng bayan. Isa pa, alam ni Megan na bihira na lang niyang makikita ang mga ito kapag dinala na sila sa bukid. Napabuntung-hininga siya habang minamasdan niyang kinakain ng mga tupa ang natitirang dayami. Mauubos na ito bukas, at kailangan niyang humanap ng paraan para mapakain ang kanyang mga tupa.
Hinaplos ni Megan ang puting balahibo sa ulo ng mga tupa habang nakasandal siya sa kulungan. Sa di-kalayuan nakita niya si Mr. Flowers na nag-aalaga ng kanyang mga rosas. Sa banda pa roon, uugud-ugod na lumakad si Mrs. Wilmot para kumuha ng sulat. Si Mrs. Wilmot ay balo na at mag-isa na lang sa buhay. Kung minsan nangangalaykay ng mga dahon ang kapatid ni Megan para kay Mrs. Wilmot, pero lagi itong nagrereklamo dahil hindi siya kayang bayaran ni Mrs. Wilmot.
Napansin ni Megan na matataas na ang damo kina Mrs. Wilmot. “Sasabihin ko sa kanya na maghahawan ako ng damuhan niya nang walang bayad,” pasiya ni Megan. “Pero hindi ngayon. Kailangan ko munang ihanap ng pagkain ang mga tupa ko.”
Biglang may naisip si Megan. May damuhan si Mrs. Wilmot, at may mga tupa si Megan na kailangang manginain—tamang-tamang kombinasyon! Mabilis na tinapik ni Megan sa ulo ang kanyang mga tupa at tumakbo papunta sa bahay ni Mrs. Wilmot. Nang buksan ni Mrs. Wilmot ang pintuan, nginitian niya si Megan, natutuwa na may bisita siya. Nagkandabulol si Megan sa pagpapaliwanag ng kanyang ideya.
“Mrs. Wilmot, palagay ko po makatutulong ito sa ating dalawa!” ang patapos na sabi ni Megan. Pigil ang hiningang naghintay siya ng sagot.
“Palagay ko nga rin!” sabi ni Mrs. Wilmot. “May makakasama na ako, at mahahawan pa ang damuhan ko. Dalhin mo kaagad dito ang mga tupa bukas ng umaga.” Nginitian nina Megan at Mrs. Wilmot ang isa’t isa, at masayang umuwi ng bahay si Megan.
Ang sumunod na araw ang simula ng matagal at magandang pagkakaibigan. Dinadala ni Megan ang kanyang mga tupa sa bahay ni Mrs. Wilmot tuwing umaga bago siya pumasok sa eskwela, at tuwing hapon nakikipagkuwentuhan muna siya kay Mrs. Wilmot bago niya iuwi ang mga tupa sa gabi. Nahawan nang maayos ang damuhan ni Mrs. Wilmot sa tamang taas, at naging kapaki-pakinabang ang mga tupa ni Megan.