2013
Lugar Kung Saan Inilathala ang Aklat ni Mormon
Marso 2013


Sa Daan

Lugar Kung Saan Inilathala ang Aklat ni Mormon

Samahan ninyo ako sa paglilibot sa mahalagang lugar sa kasaysayan ng Simbahan!

Noong tag-init ng 1829, pumunta si Joseph Smith sa gusaling yari sa pulang laryo sa Palmyra, New York, USA, kung saan naroon ang limbagan ni Mr. Egbert B. Grandin. Katatapos lang isalin ng propeta ang mga salita sa mga gintong lamina, at gusto niyang ilathala ni Mr. Grandin ang unang 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon. Nang sumunod na tagsibol, inilimbag ang bagong aklat ng banal na kasulatan at handa nang mabasa ng mga tao.

Binisita ni Luke S., walong taong gulang, ang Grandin Building para malaman ang kamangha-manghang kuwento ng pagkakalathala ng Aklat ni Mormon 183 taon na ang lumipas sa buwang ito.

Ang bagong limbagan ni Mr. Grandin ay nakapaglilimbag ng 16 na pahina noon—doble sa nagagawa ng mga lumang limbagan.

Ang silid na ito ay may mga replika ng kasangkapang ginamit sa paglimbag ng Aklat ni Mormon.

Ang mga case na ito ay naglalaman ng maliliit na letrang tinatawag na type. Ang malalaking letra ay tinatawag na “upper case” dahil inilalagay ito sa itaas na mga case.

Inilalagay ng typesetter nang isa-isa ang letra sa kagamitang tinatawag na composing stick.

Ginagamit ang mga ink ball sa paglagay ng tinta sa type.

Isinasampay ang mga pahina para matuyo ang tinta.

Ang malalaking pahina, na tinatawag na signatures, ay dinadala sa bindery. Dito itinutupi, pinuputol sa maliliit na pahina, at tinatahi ang mga ito.

Gusto ni Joseph Smith na katad ang gawing pabalat at patatakan ng ginintuang mga letra ang Aklat ni Mormon, na gaya ng Biblia.

Ang Aklat ni Mormon ay unang ipinagbili noong Marso 26, 1830. Bawat kopya ay nagkakahalaga ng U.S.$1.75. (Mga U.S.$24 ang katumbas nito ngayon.) Karamihan sa mga tao noon ay kailangang magtrabaho nang mga dalawang araw para kitain ang halagang iyan.

Ngayon libu-libong kopya ng Aklat ni Mormon ang inilalathala bawat taon sa 85 iba’t ibang wika. May mga bahagi ng aklat na isinasalin din sa 23 pang wika.

Mga larawang kuha ni Brent Walton