“Daigdig ng mga Espiritu,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Daigdig ng mga Espiritu
Kung saan nananahan ang mga espiritu sa pagitan ng ating kamatayan at pagkabuhay na mag-uli
Naisip mo na ba kung ano ang mangyayari kapag namatay tayo? Malinaw na itinuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo na ang buhay ay hindi lamang dito sa mundo. Ang ating mga espiritung katawan ay nabuhay bago tayo isinilang at patuloy na mabubuhay pagkatapos nating mamatay. Pagkatapos ng kamatayan, pumupunta tayo sa daigdig ng mga espiritu upang hintayin ang ating pagkabuhay na mag-uli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo din sa daigdig ng mga espiritu. Dahil bawat kaluluwa ay mahalaga sa Diyos, naglaan si Jesucristo ng paraan para maligtas ang mga namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang ebanghelyo.
Bahagi 1
May Kabilang-Buhay
Ang pagkamatay ng isang kaibigan o mahal sa buhay ay masakit at malungkot. Bagama’t ang pagdadalamhati sa pagkawala ng iba ay bahagi ng ating mortal na karanasan, ipinahayag sa mga banal na kasulatan na inalis ni Jesucristo ang “tibo ng kamatayan” sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa mga patay (Mosias 16:8; Alma 22:14; Mormon 7:5). Dahil kinalag ni Jesucristo ang mga gapos ng kamatayan, lahat tayo ay mabubuhay na muli (tingnan sa Alma 11:42–43). Kapag namatay tayo, ang ating pisikal na katawan at espiritu ay maghihiwalay. Pagkatapos, ang ating katawang espiritu “ay itatalaga sa isang lugar alinsunod sa [ating] mga gawa kasama ang mabubuti o kasama ang masasama, upang hintayin doon ang pagkabuhay na mag-uli.”1 (Tingnan sa Alma 40:11–13.)
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ipinahayag ni Elder Weatherford T. Clayton: “Ang tingin ng mundo sa pagsilang at kamatayan ay simula at katapusan. Ngunit dahil sa banal na plano ng Diyos, alam natin na ang pagsilang at kamatayan ay mahahalagang pangyayari lamang sa ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.”2 Paano ka maihahanda ng pananaw na ito para sa panahon na namatay ang isang taong mahal mo?
-
Basahin ang 1 Corinto 15:51–55, 57. Isipin ang isang pagkakataon na namatay ang isang taong mahal mo. Paano nakatulong sa iyo ang kaalaman na nadaig ni Jesucristo ang kamatayan? Paano mo magagamit ang kaalamang iyan para palakasin ang iba na may mga tanong tungkol sa pagpanaw at kamatayan?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Upang matulungan ang mga hindi pamilyar sa konsepto ng mga espiritung katawan, maaari kang gumamit ng guwantes para kumatawan sa pisikal na katawan at ang iyong kamay upang kumatawan sa espiritu. Isuot ang guwantes at ipaliwanag na ang guwantes ay “buhay” lamang kapag nakasuot sa kamay. Pagkatapos ay alisin ang iyong kamay at ipaliwanag na ang kamay ay patuloy na nabubuhay anuman ang mangyari sa guwantes. Pagkatapos ay maaari mong isuot muli ang guwantes at ipaliwanag na pagkatapos nating mabuhay na mag-uli, ang ating espiritu at ating katawan ay hindi na muling maghihiwalay pa. (Tingnan sa Alma 11:45.)
Alamin ang iba pa
-
Paul V. Johnson, “At Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan,” Liahona, Mayo 2016, 121–23
Bahagi 2
Ano ang Alam Natin tungkol sa Daigdig ng mga Espiritu?
Pagkatapos ng kamatayan, ang ating mga espiritung katawan ay pumupunta sa daigdig ng mga espiritu. Doon, ang mga espiritu ng mabubuti “ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan” (Alma 40:12). “Yaong mga nangamatay sa kanilang mga kasalanan, na walang nalalaman sa katotohanan, o sa paglabag, na tumanggi sa mga propeta,” ay mga espiritung nasa bilangguan (Doktrina at mga Tipan 138:32; tingnan din sa 1 Pedro 3:18–20).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang mga espiritung nasa bilangguan ay maaaring tumanggap ng mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ngunit ang kalagayan ng ilang espiritung nasa bilangguan ay tinutukoy kung minsan sa mga banal na kasulatan na “impiyerno,” o pansamantalang lugar kung saan ang mga hindi tapat at ang mga taong hindi tatanggap ng ebanghelyo ay magdurusa hanggang sa kanilang pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:81–85). Ang mga taong piniling hindi magsisi ng kanilang mga kasalanan o piniling hindi tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo ay pagdurusahan ang kanilang sariling mga kasalanan bago maligtas sa isang kaharian ng kaluwalhatian sa kawalang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–18). Paano makatutulong sa iyo ang mga talatang ito na mas maunawaan ang karanasan ng mga nasa bilangguan ng mga espiritu?
-
Ang mga espiritu na nasa paraiso ay mga espiritu ng mabubuti na “[tinatanggap] sa kalagayan ng kaligayahan, … isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan” (Alma 40:12). Paano nadaragdagan ng katotohanang ito ang iyong pagnanais na sundin ang mga kautusan ng Diyos at mamuhay nang matwid?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Para malaman kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa daigdig ng mga espiritu, gumawa ng dalawang column sa papel at sulatan ang isang column ng “Mabuti” at ang isa pa ng “Masama.” Pagkatapos ay pag-aralan ang Alma 40:6-14 at Doktrina at mga Tipan 138:12–14, 20–22. Talakayin ang natuklasan mo sa mga scripture passage na ito.
Alamin ang iba pa
-
“Ang Daigdig ng mga Espiritu,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 311–18
Bahagi 3
Ang Ebanghelyo ay Ipinangaral sa Daigdig ng mga Espiritu
Naisip mo na ba kung ano ang mangyayari sa mga taong namatay nang hindi naririnig ang ebanghelyo ni Jesucristo o hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan? Isang matalino at mapagmahal na Ama sa Langit ang naghanda ng paraan para makabalik ang lahat ng Kanyang anak at makapiling Siya kung pipiliin nila. Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan, “Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, na yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat ang mga bilanggo ay makalalaya” (Doktrina at mga Tipan 128:22).
Noong 1918, nakakita si Pangulong Joseph F. Smith ng isang makalangit na pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Ang mga detalye ng pangitaing iyon, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138, ay nagpapalinaw sa ating pagkaunawa kung paano ginawang posible ni Jesucristo para sa mga espiritung bihag ng bilangguan na matutuhan ang ebanghelyo, magsisi, at tumanggap ng mahahalagang ordenansa ng priesthood.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:16–19, 50–52. Ayon sa mga talatang ito, sa paanong paraan natutulad sa bilangguan ang buong daigdig ng mga espiritu kahit sa mabubuting espiritu? (tingnan din sa 1 Pedro 3:18–20; 4:6). Ano ang mga naramdaman ng mga taong iyon sa paraiso sa pagkamatay ni Jesucristo at sa Kanyang pagdalaw sa daigdig ng mga espiritu?
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:29–37, 57–59, at alamin kung paano maibibigay ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa mga taong namatay nang hindi natatanggap ang ebanghelyo sa buhay na ito. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng maliligtas ang iyong mga ninuno dahil sa ginawa ni Jesucristo?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel.”3 Talakayin ang mga paraan na matutulungan mo ang mga namatay na matubos at tumanggap ng mahahalagang ordenansa. Anyayahan ang mga kagrupo na nakibahagi sa gawaing iyon na ibahagi ang sarili nilang mga karanasan.
Alamin ang iba pa
-
Juan 5:25–29; 1 Pedro 3:18–22; 4:6; Doktrina at mga Tipan 138:53–56
-
Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 46–49
-
“Pagtubos sa Ating mga Patay sa Pamamagitan ng Serbisyo sa Templo,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (2011), 483–91