Pag-aaral ng Doktrina
Pag-aayuno at mga Handog-ayuno
Ang pag-aayuno at mga handog-ayuno ay isang paraan para matulungang mapangalagaan ang mga maralita at nangangailangan. Itinuro ng Tagapagligtas na si Jesucristo na dapat nating mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili. Kapag nagsasakripisyo at naglilingkod tayo sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, ang nagbibigay at tumatanggap ay kapwa napagpapala ng pagkahabag, pagdamay, at pagmamahal na humahantong sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.
Buod
Itinuro ng Tagapagligtas na si Jesucristo na dapat nating mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili. Kapag nagsasakripisyo at naglilingkod tayo sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, ang nagbibigay at tumatanggap ay kapwa napagpapala ng pagkahabag, pagdamay, at pagmamahal na humahantong sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.
Itinuro ni Bishop Dean M. Davies na “ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay pangunahing doktrina ng ebanghelyo at mahalagang bahagi sa walang-hanggang plano ng kaligtasan” (“Ang Batas ng Ayuno: Isang Personal na Responsibilidad na Pangalagaan ang mga Maralita at Nangangailangan,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2014).
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng utos na ito na maglingkod sa kapwa.
“Yamang hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailanman, kaya’t aking iniutos sa iyo, Buksan mo ang iyong kamay sa iyong kapatid na nangangailangan, at sa dukha na nasa iyong lupain” (Deuteronomio 15:11).
Ang pag-aayuno at mga handog-ayuno ay isang paraan para matulungang mapangalagaan ang mga maralita at nangangailangan.
“Itinatag ng Panginoon ang batas ng ayuno at mga handog-ayuno upang pagpalain ang Kanyang mga tao at maglaan ng paraan na mapaglingkuran nila ang mga nangangailangan (tingnan sa Isaias 58:6–12; Malakias 3:8–12). Kapag nag-aayuno ang mga miyembro, hinihingi na magbigay sila sa Simbahan ng handog-ayuno na katumbas man lang ng halaga ng pagkaing kakainin sana nila. Kung posible, dapat sila maging bukas-palad at magbigay nang higit pa. Ang mga pagpapalang nauugnay sa batas ng ayuno ay kinabibilangan ng pagiging malapit sa Panginoon, ibayong espirituwal na lakas, temporal na kapakanan, higit na malasakit, at mas matinding hangarin na maglingkod” (Hanbuk 2, 6.1.2).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Ano ang pag-aayuno?
Ang pag-aayuno ay isang kautusan mula sa Panginoon kung saan nagpapakumbaba tayo sa Kanyang harapan sa pamamagitan ng kusang-loob na hindi pagkain at pag-inom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:76).
Sa Simbahan ngayon, itinatalaga ang isang araw ng Sabbath kada buwan para sa layunin ng pag-aayuno. Hindi kumakain at umiinom ang mga miyembro ng Simbahan nang dalawang magkasunod na kainan sa loob ng 24 na oras at pagkatapos ay iniaambag para sa mga nangangailangan ang pera na ginastos sana nila para sa pagkain (tingnan sa Alma 34:28).
Ginagawa na ng mga propeta ng Diyos at ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan ang pag-aayuno noon pang sinaunang panahon. Sa panahon ng Lumang Tipan, nag-ayuno sina Moises at Elijah (tingnan sa Exodo 34:28; 1 Mga Hari 19:8). Para sa mga Israelita, madalas gamitin ang pag-aayuno sa ilang pagkakataon o sa paghingi ng tulong sa Diyos. Sa panahon ng Bagong Tipan, nag-ayuno si Jesucristo nang 40 araw at 40 gabi upang makapaghanda para sa Kanyang ministeryo (tingnan sa Mateo 4:1–4). Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa kapangyarihan at kahalagahan ng pag-aayuno. Ang kautusang mag-ayuno ay iniuutos pa rin sa ating panahon.
Paano ko magagawang katanggap-tanggap na handog sa Panginoon ang aking pag-aayuno?
Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin: “Kung walang panalangin, hindi kumpleto ang pag-aayuno; simpleng pagpapagutom lang ito. Kung nais nating higit pa sa hindi pagkain ang ating pag-aayuno, dapat na iangat natin ang ating mga puso, isipan, at tinig sa pananalangin sa ating Ama sa Langit. Ang pag-aayuno na sinamahan ng matinding panalangin ay mabisa. Mapupuspos nito ang ating mga isipan ng mga paghahayag ng Espiritu. Mapapalakas tayo nito laban sa mga panahon ng tukso” (“Ang Batas ng Ayuno,” pangkalahatang kumperesnsya ng Hul. 2001).
Sinabi ni Elder L. Tom Perry said: “Habang tumatanda ako, lalo akong humahanga sa paraan ng Panginoon sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan. Siguradong walang sinumang tao ang makakapag-isip ng gayong kasimple ngunit malalim na paraan ng pagtugon sa pangangailangan ng tao—ang umunlad sa espirituwal at temporal sa pamamagitan ng regular na pag-aayuno at pagbibigay sa bishop ng halaga na ginastos sana sa pagkain para magamit sa pangangasiwa sa mga pangangailangan ng mga maralita, maysakit, naapi, na nangangailangan ng tulong at suporta upang makaraos sa buhay” (“The Law of the Fast,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 1986).
Marami pa sa mga banal na kasulatan: Omni 1:26; Doktrina at mga Tipan 59:12–16; Alma 17:3
Paano ko mapapakinabangan nang husto ang pribilehiyo na mag-ayuno?
Ang pag-aayuno ay maaaring maging mas espirituwal na karanasan at mas maglalapit sa iyo sa Diyos. Isaalang-alang ang mga sumusunod:
-
Simulan at tapusin ang iyong pag-aayuno sa panalangin.
-
Mag-ayuno nang may layunin (tingnan sa Mateo 17:18–21; Mosias 27:22–23; Alma 5:45–46; 28:4–6; Helaman 3:35).
-
Mag-ayuno nang may masayang mukha (tingnan sa Mateo 6:1–4, 16–18; 3 Nephi 13:16–18).
-
Hikayatin ang mga miyembro ng iyong pamilya na mag-ayuno, na laging sinusunod ang matalinong payo ni Pangulong Joseph F. Smith:
“Maraming may sakit, ang iba ay mahina ang kalusugan, at ang iba ay nagpapasuso ng mga sanggol; sa sitwasyong ito, hindi nila kailangang mag-ayuno. Hindi rin dapat pilitin ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak na mag-ayuno” (Gospel Doctrine, p. 244).
Ipinayo rin sa atin ni Pangulong Joseph F. Smith na maging matalino sa ating pag-aayuno. “Mayroong tinatawag na pagmamalabis sa paggawa ng mga bagay-bagay. Maaaring mag-ayuno at manalangin ang isang tao hanggang sa mapatay niya ang kanyang sarili; at hindi na ito kinakailangan pa; ni karunungan ang gawin ito. … Maririnig ng Panginoon ang isang simpleng panalangin na inihandog nang may pananampalataya, sa kalahati lamang ng isang dosenang salita, at tatanggapin niya ang pag-aayuno na hindi na maaaring maipagpatuloy pa nang mahigit sa dalawampu’t apat na oras, na kasing bilis at bisa ng pagsagot niya sa isang panalangin na may libong mga salita at pag-aayuno ng isang buwan. … Tatanggapin ng Panginoon ang yaong sapat, na mas kalugud-lugod at kasiya-siya kaysa sa yaong labis at hindi kinakailangan” (sa Conference Report, Okt. 1912, 133–34).
-
Dumalo sa pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo [fast and testimony meeting] kasama ang pamilya (tingnan sa Alma 6:6; Moroni 6:5).
-
Mag-ayuno kung minsan para sa mga espesyal na layunin maliban pa sa Linggo ng ayuno (tingnan sa Mosias 27:22).
-
Maging bukas-palad sa pagbibigay ng handog-ayuno, at hikayatin ang iyong mga anak na mag-ambag ng handog-ayuno (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:14–18).
-
Turuan ang iyong pamilya na magbigay ng handog-ayuno nang bukal sa kalooban at nang masaya (tingnan sa 2 Corinto 9:6–7; 3 Nephi 13:16–18; Moroni 7:6–8).
Ano ang mga pagpapala ng pagsunod sa batas ng ayuno?
Itinuro ni Elder L. Tom Perry: “Ang batas ng ayuno ay may tatlong dakilang layunin. Una, nagbibigay ito ng tulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng kontribusyon na mga handog-ayuno, na halaga ng pagkain na hindi natin kinain. Pangalawa, makabubuti sa ating katawan ang pag-aayuno. Pangatlo, pag-iibayuhin nito ang kababaang-loob at espirituwalidad ng bawat tao” (“The Law of the Fast, ”pangkalahatang kumperensya ng Abr. 1986).
“Kapag nagugutom ang mga maralita, hayaang mag-ayuno ng isang araw ang mga nakaririwasa at ibigay sa mga bishop para sa mga maralita ang katumbas na halaga ng pagkaing kakainin sana nila, at lahat ay mananagana sa mahabang panahon. … At hangga’t ipinamumuhay ng lahat ng banal ang alituntuning ito nang may galak sa puso at nang masaya, lagi silang mananagana” (History of the Church, 7:413; tingnan din sa Joseph B. Wirthlin, “Ang Batas ng Ayuno,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2001).
“Magbigay nang sagana, upang kayo mismo ay umunlad. Huwag magbigay nang dahil lamang sa kapakinabangan ng mga maralita, kundi magbigay rin para sa inyong sariling kapakanan. Magbigay ng sapat upang mailaan ninyo ang inyong sarili sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng inyong salapi at inyong panahon. Magbayad ng tapat na ikapu at maging bukas-palad sa pagbibigay ng handog-ayuno kung gusto ninyo ng mga pagpapala ng langit. Ipinapangako ko sa bawat isa sa inyo na gagawa nito na kayo ay sasagana, kapwa sa espirituwal at sa temporal. Gagantimpalaan kayo ng Panginoon ayon sa inyong mga ginawa” (Marion G. Romney, Welfare Agricultural Meeting, Set. 30, 1967; tingnan din sa Marion G. Romney, “The Blessings of the Fast,” Hulyo 1982).
Marami pa sa mga banal na kasulatan: Isaias 58:6–12; Malakias 3:10; Alma 17:1–3
Paano pinangangasiwaan ang mga handog-ayuno?
Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin, “Sa iisang layunin lang ginagamit ang mga handog-ayuno: ang pagpalain ang buhay ng mga nangangailangan. Lahat ng [perang] ibinibigay sa bishop bilang handog-ayuno ay napupunta sa pagtulong sa mga maralita” (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2001).
Ang bishop ng ward ay tinawag ng Panginoon para mangasiwa sa lahat ng temporal na bagay, kabilang na ang pamamahagi ng mga pondo ng handog-ayuno (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:68). Dahil pinagkalooban ng mga kapangyarihang makahiwatig, ang bishop ang nagpapasiya kung sino ang dapat tumanggap ng temporal na tulong at kung paano ito dapat ibigay. Nang may lubos na pang-unawa sa sagradong gawaing ito, ang bishop ay ginagabayan ng mga pangunahing alituntunin [ng welfare]. Kabilang sa mga alituntuning ito ang pagpapayo nang may pagmamahal at habag; paghihikayat sa pamilya na maging self-reliant; pagpapalakas ng mga miyembro para maging self-reliant, kapwa sa espirituwal at temporal; pagtugon sa pansamantalang mga pangangailangan; pagbibigay ng mga pagkain at serbisyong kinakailangan para mabuhay na karaniwan sa halos lahat ng miyembro ng ward; at pagbibigay ng mga pagkakataon na magtrabaho ang tatanggap ng tulong ayon sa kanyang kakayahan para sa natanggap na tulong.
Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Umaasa kami na sa pamamagitan ng pagbibigay ng handog-ayuno nang sagana ay magkakaroon ng higit pa sa sapat na pondo para makatulong sa mga pangangailangan ng mga taong kapus-palad. Kung ang bawat miyembro ng simbahang ito ay mag-aayuno at magiging bukas-palad sa pagbibigay ng handog-ayuno, ang mga maralita at nangangailangan—hindi lamang ang nasa Simbahan, gayon din ang maraming iba pa—ay mapagpapala at matutulungan. Ang lahat ng nagbibigay ay mapagpapala sa katawan at espiritu, at ang mga nagugutom ay mapapakain, ang hubad ay mabibihisan alinsunod sa pangangailangan” (“Rise to a Larger Vision of the Work,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 1990).
Para sa impormasyon tungkol sa pangangasiwa ng mga handog-ayuno, maaaring sumangguni ang mga bishop sa Hanbuk 1, 5.2.4.
Paano ako mag-aambag sa pondo ng handog-ayuno?
Ang mga handog-ayuno ay maiaambag sa pamamagitan ng pagkumpleto sa isang donation slip at pagbibigay nito sa mga miyembro ng bishopric. Kung saan maaari, ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ay maaaring atasan ng bishop na kolektahin ang mga handog-ayuno mula sa mga tahanan ng mga miyembro kada buwan. Maaari ding hilingin sa mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood na tumulong.
Walang sinusunod na halaga sa pagbibigay ng handog-ayuno. Kapag nag-ambag ka nang bukas palad sa pondong ito, pagpapalain ka kapwa sa espirituwal at temporal dahil sa pagnanais mong tulungan ang iba (tingnan sa Ikapu at mga Handog-ayuno [2007], 1–14).
Paano ko ituturo sa mga anak ko ang tungkol sa handog-ayuno?
Sa pagtuturo sa mga anak ng tungkol sa handog-ayuno, isaalang-alang na pag-aralan ang Mateo 25:35–40 para mailarawan ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan. Ipaliwanag na kapag nagbibigay sila ng kanilang mga handog-ayuno sa bishop, ang mga pondong iyon ay ginagamit upang tulungan ang mga miyembrong maysakit at nangangailangan sa inyong ward o branch. Kung alam na ng iyong anak ang tungkol sa mga nangangailangan, tulad ng isang miyembrong maysakit o isang pamilyang nahihirapang maghanap ng trabaho, maaari mong gamitin ito bilang halimbawa kung saan mapupunta ang kanilang mga handog-ayuno. Sabihin sa iyong mga anak na pag-isipan kung paano sila makapag-aambag sa pondo ng handog-ayuno. Marami pang mababasa rito.
Mga Kaugnay na Paksa
-
Kabuhayan ng Pamilya
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ayuno, Pag-aayuno”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
Pagtulong Ayon sa Paraan ng Panginoon: Buod ng Gabay ng Lider sa Gawaing Pangkawanggawa
“Mga Alituntunin at Pamumuno sa Welfare,” Hanbuk 2, 6
Mga Magasin ng Simbahan
Cecilie Norrung, “Pag-aayuno at Pagdarasal para kay Emma,” Liahona Oktubre 2016
“Mga Ikapu at mga Handog,” Liahona Hunyo 2014
“Kailan ako dapat magsimulang magbayad ng mga handog-ayuno at iba pang mga donasyon?” Liahona, Setyembre 2013
“Ang Lakas ng Nakararami,” Liahona Hunyo 2011