Library
Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan


“Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

kongregasyong umaawit ng himno

Mga Tanong tungkol sa Simbahan at sa Ebanghelyo

Ang Tanging Tunay at Buhay na Simbahan

Ang paghahanap ng mga sagot sa ating mga tanong ay mas maglalapit sa atin kay Jesucristo kung gagamitan natin ng mga tamang alituntunin. Mahalagang maunawaan kung paano makatanggap ng paghahayag kapag naghahanap ng mga sagot. Tingnan ang paksang “Kilalanin na ang Paghahayag ay Isang Proseso” para makita ang iba pang mga tip sa pagsagot sa mga tanong.

Buod

Mula nang magsimula ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo hanggang sa kasalukuyan, pinagtibay na ng mga pinuno ng Simbahan na lahat ng tao ay anak ng Diyos. Mahal at nais ng ating Ama sa Langit na pagpalain ang lahat ng Kanyang anak.

Hindi sinasabi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na sila lamang ang may kabutihan at katotohanan. Napakaraming tao sa buong mundo na mga halimbawa ng integridad at mabuting kalooban. At ang totoo at mabuting mga alituntunin ay matatagpuan sa iba’t ibang relihiyon at sistemang etikal sa buong mundo. Bawat isa sa atin ay may karapatang maniwala at sumamba ayon sa dikta ng ating sariling budhi (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11).

Kasabay nito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may natatanging utos mula sa Diyos na ihandog ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo. Ipinahayag ng Panginoon mismo na ito “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (Doktrina at mga Tipan 1:30). Kasama sa mensahe ng ebanghelyong ibinabahagi natin ang mahahalagang ipinanumbalik na katotohanan na hindi matatagpuan sa iba pang lugar tungkol sa Diyos at sa ating kaugnayan sa Kanya. Ang Simbahan ay mayroon ding awtoridad ng priesthood mula sa Diyos na pangasiwaan ang mga ordenansang ginagamit natin sa pakikipagtipan sa Kanya.

Naniniwala at nagpapatotoo ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang pamumuhay ayon sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay naghahatid ng walang-hanggang kagalakan, nagpapahilom sa mga bunga ng kasalanan, at naghahanda sa mga anak ng Diyos na makapiling Siyang muli.

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo:

Paggalugad sa Iyong mga Tanong

Ano ang pananaw ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba pang mga tradisyong panrelihiyon?

Naniniwala kami na binibigyang-inspirasyon ng Diyos ang mabubuting tao sa lahat ng relihiyon at paniniwala. Noong 1978, ipinahayag ng Unang Panguluhan ng Simbahan: “Ang mga dakilang lider ng relihiyon sa mundo tulad nina Mohammed, Confucius, at mga Repormista, gayundin ang mga pilosopo, kasama na sina Socrates, Plato, at iba pa, ay nakatanggap ng bahagi ng liwanag ng Diyos. Ang moral na mga katotohanan ay ibinigay sa kanila ng Diyos upang maliwanagan ang mga bansa at bigyan ng higit na [antas ng] pang-unawa ang mga tao.” Nakikiisa kami sa mga taong may pananampalataya at mabuting kalooban sa buong mundo upang patatagin ang mga komunidad, alagaan ang mga nangangailangan, at gawin ang gawain ng Diyos sa mundo.

Pinahahalagahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang “anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri” sa ibang mga simbahan at tradisyong panrelihiyon sa mundo. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Sa diwa ng pagmamahal ay sinasabi naming dalhin ninyo ang lahat ng kabutihan at katotohanang taglay ninyo mula sa kahit saan, at halina’t tingnan natin kung may maidaragdag pa kami rito.”

Ano ang ibig sabihin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang “tanging tunay at buhay na simbahan”?

Ang Simbahan ay ginagabayan ni Jesucristo, na naghahayag ng Kanyang kalooban sa ating panahon sa mga buhay na propeta at iba pang mga inspiradong pinuno. Ang patuloy na paghahayag mula sa Tagapagligtas ay tinutulutan ang Simbahan na makaayon sa langit at lumago rin at umunlad—na maging kapwa isang tunay at buhay na simbahan. Lahat ng nabubuhay ay lumalago at nagbabago. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Saksi tayo sa proseso ng pagpapanumbalik. Kung inaakala ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo. Napakarami pang mangyayari.”

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo na matatagpuan sa Simbahan ng Panginoon ay nagbibigay ng kaalaman at katotohanan na hindi matatagpuan sa iba pang lugar. Nag-aalok ito ng indibiduwal na access sa nagpapabanal na kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo at sa kaligtasan at kadakilaan ng pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood. Sa Doktrina at mga Tipan 1:30, ipinahayag ng Panginoon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo, na kung saan ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod, nangungusap sa buong simbahan at hindi sa bawat isa lamang.”

Kailangan bang maging miyembro ka ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw para maligtas?

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, naniniwala kami na naghanda ng paraan ang Diyos para magtamo ng kaligtasan ang lahat ng Kanyang anak sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Lahat ay maliligtas mula sa kamatayan sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Itinuturo pa ng isang maluwalhating pangitaing ipinakita kay Propetang Joseph Smith na halos lahat ng anak ng Diyos ay magmamana ng isang kaharian ng kaluwalhatian matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli.

Pinatutunayan ng mga turong ito ang dakilang kapangyarihan ng ating mapagmahal na Diyos na magligtas at ang Kanyang matinding hangaring gawin ito. Inaalok sa atin ng Diyos ang lahat ng mayroon Siya. Ngunit kailangan nating piliing tanggapin ang mga pagpapalang ito. Para tumanggap ng kadakilaan, ang kabuuan ng kaluwalhatiang inaalok ng Diyos, kailangan nating makipagtipan sa Kanya, tanggapin si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo, sikaping mamuhay ayon sa mga turo at halimbawa ni Jesus, at mapagpakumbabang magsisi sa ating mga kasalanan kapag nagkulang tayo. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may awtoridad mula sa Diyos na ialay ang mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo na naghahanda sa atin para sa pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal ng Diyos.

Siyempre pa, karamihan sa mga anak ng Diyos sa buong kasaysayan ng mundo ay hindi kailanman naging mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Sa katunayan, karamihan sa mga taong nabuhay sa lupa ay hindi narinig ang tungkol kay Jesucristo. Subalit napakaraming mabubuting tao—sa bawat panahon, relihiyon, at kultura ng mundo—na nagpapakita ng halimbawa ng kabanalan sa kanilang buhay. Bawat tao ay magkakaroon ng oportunidad, sa buhay na ito o sa kabilang buhay, na maturuan ng kabuuan ng ebanghelyo at tanggapin o tanggihan ang mga ordenansa at tipan nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:30–35, 57–59).

Bakit hindi tinatanggap ng Simbahan ang mga binyag ng iba pang mga Kristiyano?

Hindi nagtagal matapos maorganisa ang Simbahan ni Jesucristo noong 1830, inisip ng mga magiging miyembro na nabinyagan na dati kung kailangan pa nilang mabinyagang muli sa bagong ipinanumbalik na Simbahan. Bilang tugon, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith na kinakailangang mabinyagan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na Kanyang naipanumbalik. Bagama’t iginagalang ng Simbahan ang matwid na layunin ng ibang mga Kristiyano sa dati nilang binyag, sinusunod natin ang turong ito ngayon.

Mayroon bang “mga piniling tao” ang Diyos?

Bawat isa sa atin ay minamahal na anak ng Diyos. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na nakikipagtipan ang Diyos sa Kanyang mga anak para anyayahan silang pumasok sa isang walang-hanggang nagbibigkis na kaugnayan sa Kanya. Mula sa Biblia, nalaman natin na itinatag ng Diyos ang Kanyang tipan kay Abraham, na ipinapahayag na sa pamamagitan ng pamilya ni Abraham ay mapagpapala ang buong mundo (tingnan sa Genesis 17:1–7; 22:17–18). Ang tipang ito ay pinanibago sa mga anak ni Israel, ang mga inapo ni Abraham (tingnan sa Genesis 28:10–15). Bagama’t naunawaan ng mga tao sa iba’t ibang panahon sa buong kasaysayan na ang tipang ito ay limitado lamang sa isang partikular na angkan, inihayag ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol na “walang kinikilingan ang Diyos, kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.”

Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith ay isang pagpapanibago ng walang-hanggang tipan ng Diyos sa mga huling araw. Sinumang pumipiling makipagtipan sa Panginoon sa pamamagitan ng wastong awtoridad ay bahagi ng Kanyang pinagtipanang mga tao. Tulad ng sabi ng Diyos kay Abraham, “Kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay … ibibilang sa iyong mga binhi.” Bunga ng pagpiling sundin si Jesucristo, sila ay nagiging “isang lahing pinili, isang maharlikang [priesthood], isang bansang banal, [isang] sambayanang pag-aari ng Diyos.”

Ano ang mga pananaw ng Simbahan tungkol sa kalayaang panrelihiyon?

Ang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit ay nakasalalay sa ating kakayahang pumili para sa ating sarili, na ginagawang isang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang kalayaang panrelihiyon.

Pinahahalagahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kalayaang panrelihiyon noon pa mang mga unang panahon ng Simbahan. Ang karanasan ni Joseph Smith bilang biktima ng pag-uusig at karahasan ay nagturo sa kanya na manindigan para sa kalayaang panrelihiyon, hindi lamang para sa mga Banal sa mga Huling Araw kundi para sa lahat ng tao. Hinikayat niya ang mga Banal na “[ialis sa atin ang] bawat espiritu ng paninira at hindi pagpaparaya sa paniniwala sa relihiyon ng isang tao.” Itinuro niya na “ang hindi-maiaalis na karapatan ng tao na mag-isip ayon sa kanyang kagustuhan [at] sumamba ayon sa kanyang nais” ay “ang unang batas ng lahat ng bagay na sagrado.”

Pinagtitibay ng mga pinuno ng Simbahan ngayon ang kahalagahan ng pagbibigay-daan sa lahat ng tao na “sumamba kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.” Sa pagsasalita sa lahat ng taong may pananampalataya, hinimok ni Pangulong Dallin H. Oaks: “May pagmamahal at paggalang sa isa’t isa na itinuro sa mga banal na kautusan, kailangan nating humanap ng mga paraan para matuto mula sa isa’t isa at mapalakas ang mga karaniwang pangakong nagbibigkis sa atin at nagtataguyod ng matatag na magkakaibang lipunan. Dapat tayong magtulungan sa landas ng kalayaang panrelihiyon para sa lahat, habang ginagamit pa rin ang kalayaang iyon para ituloy ang ating natatanging mga paniniwala.”

Alamin ang iba pa