“Mga Tipan at mga Ordenansa,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Mga Tipan at mga Ordenansa
Ang mahahalagang tipan at ordenansa ay tumutulong sa atin sa pagtahak sa landas tungo sa kadakilaan at buhay na walang hanggan
Sa pamamagitan ng teknolohiya ngayon, mabilis tayong makahahanap ng detalyadong mga tagubilin at mapa para tulungan tayong makarating saanman natin gustong pumunta. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang ating mapa at detalyadong tagubilin para mahanap ang kahulugan sa buhay na ito gayundin ang buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Kapag pinipili nating sundin si Cristo at ipamuhay ang ebanghelyo, binibigyan tayo ng Diyos ng mga sagradong tipan at mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, na nag-uugnay sa atin sa Kanya at gumagabay sa atin sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.
Bahagi 1
Ang Landas ng Tipan ay Aakay sa Iyo Patungo sa Buhay na Walang Hanggan
Kung iniisip mo ang iyong buhay bilang isang paglalakbay pabalik sa Diyos, ang paggawa ng mga tipan at pagtanggap ng mga ordenansa ay tulad ng pagsunod sa mga tanda at direksyon sa pagtahak sa landas tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7). Ang mga ito ay mahahalagang hakbang sa iyong pagsisikap na lumapit kay Jesucristo, na ang tulong Niya ay kailangan mo upang sumulong sa landas (tingnan sa 2 Nephi 9:41). Sa Simbahan, tinutukoy natin ito kung minsan na “landas ng tipan,” na isang metapora para sa pamumuhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag itinuturing natin ang ebanghelyo bilang landas, binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan at pagtanggap ng mga ordenansa habang sumusulong tayo tungo sa buhay na walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ang pananatili sa landas ng tipan ay magbibigay sa iyo ng kaligtasan, kapayapaan, at walang hanggang kagalakan. Bibigyan ka nito ng lakas sa mahihirap na panahon. Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ngayon, sa bawat miyembro ng Simbahan sinasabi ko, manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.” 1
Mga bagay na pag-iisipan
-
Inanyayahan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga tao na nagtipon sa templo sa lupaing Masagana na lumapit sa Kanya (tingnan sa 3 Nephi 11:14–17). Panoorin ang video na “Covenants and Ordinances” (1:37), at pakinggan ang itinuro ni Elder David A. Bednar kung paano tayo tinutulungan ng mga tipan at mga ordenansa na lumapit kay Jesucristo. Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong karapat-dapat na nakikipagtipan sa Diyos at tumatanggap ng Kanyang mga ordenansa?
-
Itinala ng propetang si Lehi ang isang panaginip kung saan nakita niya ang isang landas patungo sa punungkahoy ng buhay. Basahin ang 1 Nephi 8:19–24, 30. Ano ang matututuhan natin mula sa scripture passage na ito tungkol sa kahalagahan ng pananatili sa landas ng tipan? Anong mga pagsisikap ang ginawa mo sa iyong buhay upang manatili sa landas ng tipan? Paano ka matutulungan ng pagsisisi na manatiling nakatuon sa landas ng Diyos?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, ang mga nakikipagtipan ay maaaring tumanggap ng banal na tulong upang maging mga taong tumutupad ng tipan. Panoorin ang “The Covenant Path” (2:30). Pag-usapan ang mga paraan para matupad ang mga tipan ayon sa binigyang-diin ni Elder D. Todd Christofferson sa video na ito. Ano ang ilan sa mga pagpapala ng pagtahak sa landas ng tipan?
-
Isiping ipaaral sa iyong mga kagrupo ang artikulo na “Why Ordinances and Covenants Matter.” Anyayahan ang mga kagrupo na tukuyin ang mahalagang papel na ginagampanan ng bahay ng Panginoon sa ating mga pagsisikap na magpatuloy at manatili sa landas ng tipan.
Alamin ang iba pa
-
2 Nephi 31:17–20; 33:9; Helaman 3:27–30; Doktrina at mga Tipan 84:20–21; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3
-
Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.3.2, 3.5.1, 3.5.2, Gospel Library
-
D. Todd Christofferson, “Bakit Mahalagang Tahakin ang Landas ng Tipan,” Liahona, Mayo 2021, 116–19
-
Randy D. Funk, “Mga Tipan, mga Ordenansa, at mga Pagpapala,” Liahona, Set. 2021, 30–35
-
“Why Ordinances and Covenants Matter,” ChurchofJesusChrist.org.
Bahagi 2
Inaanyayahan Ka ng Diyos na Ibigkis ang Iyong Sarili kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga Tipan
Ang paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan ay nagbibigkis sa iyo sa Panginoong Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:24). Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat sa buhay. Huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa sa akin: Hindi ko sinabi na pinadadali ng pakikipagtipan ang buhay. … Ngunit ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.”2
Lahat ng bagay sa ebanghelyo ni Jesucristo ay naglalayong ihanda ka na sumunod sa Kanya at maging higit na katulad Niya. Ipinahayag ni Elder David A. Bednar, “Ang mga tipan at ordenansa ang mga building block na nagtutulot sa atin na maitatag ang ating buhay sa ‘bato na ating Manunubos’ [Helaman 5:12] at sa Kanyang Pagbabayad-sala.”3 Kapag sinisikap mong magtiis hanggang wakas sa pamamagitan ng pagtupad sa iyong mga tipan, matatamasa mo ang kaligtasan at pagtubos na inihandog ni Jesucristo (tingnan sa Omni 1:26).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Bagama’t iba-iba ang mga ordenansang natatanggap natin, may karaniwan sa lahat ng ito—ang mga ito ay tumutulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo at nagbibigay ng access sa Kanyang kapangyarihan. Ang ilang ordenansa ng priesthood sa Simbahan ay tumutulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo ngunit hindi itinuturing na kinakailangan sa kaligtasan at buhay na walang hanggan (tulad ng pagpapangalan at pagbabasbas ng mga bata, paglalaan ng langis, o paglalaan ng mga libingan).
Ang iba pang mga ordenansa ay kailangan para sa ating kaligtasan at kadakilaan (binyag, kumpirmasyon at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, ordenasyon sa Melchizedek Priesthood para sa kalalakihan, endowment sa templo, at pagbubuklod sa templo sa asawa). Paano makatutulong sa iyo ang pag-aaral ng tungkol sa mahahalagang ordenansang ito at kaugnay na mga tipan nito para masukat mo ang iyong pagsulong sa landas ng tipan?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang propetang si Abraham sa Lumang Tipan ay isang halimbawa ng isang taong tapat sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos. Panoorin ang video na “Elder Nelson Talks about Covenants” (4:45), at pakinggan ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham. Alin sa mga ipinangakong pagpapalang ito ang makakamtan ng mga miyembro ng Simbahan ngayon? Paano nakatutulong sa atin ang mga pagpapalang ito ng tipan na mas maunawaan ang mapagmahal na plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak?
Alamin ang iba pa
-
1 Nephi 17:40; Alma 13:16; 3 Nephi 20:24–26; Doktrina at mga Tipan 43:9; 82:15
-
Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95–98
-
David A. Bednar, “Subalit Hindi Namin Sila Pinansin,” Liahona, Mayo 2022, 14–16
-
David A. Bednar, “Nakabigkis sa Tagapagligtas sa Pamamagitan ng mga Tipan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2022, 3–5
-
Dale G. Renlund, “Pagtatamo ng Kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2023, 35–37