2021
Mga Tipan, mga Ordenansa, at mga Pagpapala
Setyembre 2021


Mga Tipan, mga Ordenansa, at mga Pagpapala

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Covenants—Accepting God’s Offered Blessings,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Setyembre 22, 2020.

Pinipili nating tanggapin ang mga iniaalok na pagpapala ng Diyos kapag ginagamit natin ang ating kalayaang pumili na tumanggap ng mga ordenansa at tuparin ang kaugnay na mga tipan nito.

one man baptizing another

Noong unang semester ko sa law school, ang nagtuturo sa klase ko sa contract law ay isang kilalang propesor na napakabait at maginoo—kapag wala siya sa loob ng klase. Sa klase, siya ay isang dalubhasa sa pagtuturo gamit ang pamamaraang Socratic—isang paraan sa pagtuturo na kinapapalooban ng mga tanong na pag-iisipan at susuriing mabuti.

Sa halos lahat ng oras ng klase inaatasan niya kaming magbasa ng tatlong legal na desisyon o kaso. Sa oras ng klase, isang estudyante ang tatawagin para ibuod ang mga nilalaman ng kaso at pagkatapos ay ilarawan ang mga ligal na alituntunin ng contract law na nagamit sa mga kaso. Pagkatapos, ang kawawang estudyante ay tatanungin nang husto ng propesor at papaikut-ikutin. Ito ay halos palaging nakapagpapakumbabang karanasan.

Noong unang pagkakataon na matawag ako, ang kaso ay tungkol sa isang alituntunin ng contract law na kilala bilang unilateral acceptance. Dahil dito, hindi ko nalimutan kailanman ang alituntuning iyan.

Pag-alok at Pagtanggap

Bukod sa iba pang mga bagay, para magkaroon ng matibay na kontrata ayon sa mga batas ng tao, kailangang may alok at pagtanggap. Karaniwan, isang kontrata ang nabubuo kapag nag-aalok ang isang partido at tinatanggap naman ito ng kabilang partido.

Para sa ilang kasunduan, tulad ng kontrata sa pagbili ng ari-arian, hinihingi ng batas na idokumento ang alok at ang pagtanggap. Sa iba pang mga sitwasyon, kailangan lamang na berbal na magkasundo ang mga partido. Ngunit para sa ilang kasunduan, ang pagtanggap ng alok ay nagagawa lamang sa pamamagitan ng paggawa nito. Ito ay tinatawag na unilateral acceptance.

Halimbawa, maaari kong sabihin sa iyo, “Kung dadalhan mo ako ng isang dosenang saging, babayaran kita ng $100.” Para matanggap ang aking malaking alok, hindi mo kailangang lumagda ng isang kasunduan o sabihing magdadala ka sa akin ng mga saging. Ang kailangan mo lamang ay pumunta sa tindahan o palengke, bumili ng isang dosenang saging, at dalhin ang mga ito sa akin. O, sa ilang bahagi ng mundo, maaaring ikaw mismo ang pumitas ng mga saging. Alinman dito, kung magdadala ka sa akin ng isang dosenang saging, obligado akong magbayad sa iyo ng $100. Bakit? Dahil tinanggap mo ang alok ko sa pamamagitan ng paggawa nito.

Dapat Tayong Kumilos

Ang mga tipan sa ating Ama sa Langit ay halos ganito rin. Para matanggap ang malalaking pagpapalang iniaalok Niya, dapat tayong kumilos na tanggapin ang mga ito. Walang negosasyon pagkatapos lagdaan ang pagtanggap. Sa halip, sa ating malinaw na pagsang-ayon at pagkilos ayon sa Kanyang kalooban, kabilang na ang pagtanggap ng mahahalagang ordenansa, ipinapakita natin ang ating hangarin at kahandaang makipagtipan sa Kanya. Kapag tinupad natin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng ginagawa natin, nagiging karapat-dapat tayo sa saganang mga pagpapalang ipinangako Niya.

Nalaman natin sa Doktrina at mga Tipan:

“May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—

“At kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (Doktrina at mga Tipan 130:20–21).

Itinuro ng Tagapagligtas, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).

Sa madaling salita, tinatanggap natin ang iniaalok na pagpapala ng ating Ama sa Langit na buhay na walang hanggan sa kaharian ng langit hindi lamang sa sinasabi natin kundi sa ginagawa rin natin. At kapag nakikipagtipan tayo sa Kanya, tinitiyak Niya sa atin na, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi.” Nilinaw din Niya na kung hindi natin gagawin ang Kanyang kalooban—kung hindi natin tatanggapin ang Kanyang alok—wala tayong kasunduan: “Kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (Doktrina at mga Tipan 82:10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Mga Ordenansa ng Kaligtasan at Kadakilaan

young couple walking in front of temple

Pumapasok tayo sa mga tipang iyon na kinakailangan para sa kaligtasan at kadakilaan sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga sagradong ordenansa. Tulad ng nakasaad sa Pangkalahatang Hanbuk: “Ang mga miyembro ay gumagawa ng tipan sa Diyos kapag tumatanggap sila ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. … Ang lahat ng magtitiis hanggang wakas sa pagtupad sa kanilang mga tipan ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”1

Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay ang binyag, kumpirmasyon at ang kaloob na Espiritu Santo, ordenasyon sa Melchizedek Priesthood para sa kalalakihan, at ang mga ordenansa na endowment at pagbubuklod sa templo.2 Bawat isa sa limang ordenansang ito ay isinasagawa sa templo para sa mga yumaong ninuno dahil ang mga ordenansang ito ay kinakailangan ng lahat ng anak ng Diyos.

Ang tala tungkol kay Alma na nagtuturo sa mga Tubig ng Mormon ay naglalarawan ng kaugnayan ng mga tipan, mga ordenansa, at mga pagpapala. Pansinin kung paano, sa pamamagitan ng Kanyang propeta, itinakda ng Diyos ang mga kundisyon, kung paano Niya inilarawan ang mga ipinangakong pagpapala, at ipinahayag kung paano natin matatanggap ang mga pagpapalang iyon.

Sa mga yaong nagtipon sa mga Tubig ng Mormon na nagpahayag ng kanilang pagnanais na pumasok sa kawan ng Diyos—pagnanais ang unang mahalagang hakbang (tingnan sa Alma 32:27)—itinuro ni Alma ang inaasahan sa kanila. Sila ay dapat na “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw,” at “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar … maging hanggang kamatayan” (Mosias 18:8, 9).

Pagkatapos ay inilarawan ni Alma ang mga ipinangakong pagpapala sa kanila: “Kayo ay ma[tu]tubos ng Diyos, at mapa[pa]bilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” at ang “Panginoon … [ay] ibu[bu]hos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo” (Mosias 18:9, 10).

Ano ang kailangang gawin ng mga tao para matanggap ang mga kamangha-manghang pagpapalang iyon? Sa mga salita ni Alma: “Kayo … [ay kinakailangang] [magpa]binyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan,” (Mosias 18:10; idinagdag ang pagbibigay-diin). Pansinin na ang ordenansa ng binyag, isang sagradong gawain na malinaw na naaalala ng karamihan sa atin, ay nagsisilbing patotoo o katibayan na nakipagtipan tayo sa Diyos.

Talagang ninais ng mga tao na gawin ito kaya nga “ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at nagbulalas: Ito ang mga naisin ng aming mga puso” (Mosias 18:11). Kusa nilang ninais na makipagtipan nang pumasok sila sa mga tubig ng binyag.

Gayon din, kapag tinanggap natin ang bawat isa sa iba pang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, tumatanggap tayo ng mga karagdagang pangako na malalaking pagpapala. Ang mga tipang ginagawa natin ay sagrado at nakatali tayo rito at ang Diyos. Pinipili nating tanggapin ang Kanyang mga iniaalok na pagpapala kapag ginagamit natin ang ating kalayaang pumili na tumanggap ng mga ordenansa at tuparin ang kaugnay na mga tipan nito.

Ang Sacrament

young man passing the sacrament to members in church

Ang ordenansa ng sacrament ay nag-aanyaya sa atin na alalahanin ang Tagapagligtas at ang ating mga tipan. Nang pasimulan ni Jesucristo ang sacrament sa mga Nephita, binigyan Niya ng kapangyarihan ng priesthood ang Kanyang mga disipulo at tinagubilinan sila na “pagputul-putulin ang tinapay at basbasan ito at ibigay ito sa mga tao ng aking simbahan, sa lahat ng yaong maniniwala at magpapabinyag sa aking pangalan” (3 Nephi 18:5).

Madalas nating isipin na ang pagtanggap ng sacrament ay pagpapanibago ng ating tipan sa binyag. Bagama’t tama iyan, pansinin ang mga salitang ginamit ng Tagapagligtas. Nang tagubilinan Niya ang Kanyang mga tagasunod na kainin ang tinapay, sinabi Niya, “Ito ay gagawin ninyo sa pag-alaala sa aking katawan, na ipinakita ko sa inyo. At ito ay magiging patotoo sa Ama na lagi ninyo akong naaalaala” (3 Nephi 18:7; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nang uminom sila ng alak, sinabi Niya, “Ito ay pagtupad sa aking mga kautusan, at ito ang sumasaksi sa Ama na kayo ay nahahandang gawin ang yaong iniutos ko sa inyo” (3 Nephi 18:10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa madaling salita, kapag tumatanggap tayo ng sacrament bawat linggo, pinatototohanan at pinatutunayan natin nang panibago na lagi nating aalalahanin si Jesucristo at handa tayong sundin ang Kanyang mga kautusan. Kung lagi natin Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu (tingnan sa 3 Nephi 18:7, 11).

Mga Pagpapalang Natatanggap Natin

Pinagninilayan ang mga pagpapalang dumarating sa atin kapag tumatanggap tayo ng sacrament, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Dahil pinagputul-putol ito, bawat piraso ng tinapay ay natatangi, tulad ng mga taong tumatanggap nito na mga natatangi. Lahat tayo ay may magkakaibang kasalanan na dapat pagsisihan. Lahat tayo ay may magkakaibang pangangailangan na dapat palakasin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, na inaalaala natin sa ordenansang ito.”3

Nakatulong sa akin na pagnilayan ang mga talata 10, 12, at 14 ng 3 Nephi 18. Sa bawat isa sa mga talatang ito sinasabi ng Tagapagligtas sa mga tumatanggap ng sacrament, “Pinagpala kayo,” ngunit hindi Niya tinukoy kung ano ang magiging pagpapala. Marahil dahil ang bawat taong nakikibahagi sa sagradong ordenansang ito ay magkakaiba tulad ng hugis ng bawat piraso ng tinapay, magkakaiba ang pagpapalang kailangan ng bawat isa sa atin. Bagama’t magkakaiba ang mga hamon, kalagayan, at pangangailangan natin, nangako ang Tagapagligtas sa bawat isa sa atin na tumutupad sa tipan ng sacrament, “Pinagpala kayo.”

Pagmamahal at Awa

Ngayon ay bibigyang-diin ko ang mahalagang pagkakaiba ng mga batas ng Diyos at ng mga batas ng tao: ang ginagampanan ng pagmamahal at awa sa plano ng pagtubos ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Tulad ng nabanggit, sa maraming pagkakataon natatamo natin ang Kanyang mga alok na pagpapala sa pamamagitan ng ating mga gawa. Tulad ng ginagawa ng mga mapagmahal na magulang, maawaing isinasaalang-alang ng Ama sa Langit ang naisin ng ating puso gayon din ang ating mga gawa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:9). Nauunawaan Niya na kung minsan ang pagkakataong kumilos ay maaaring nalilimitahan ng mga sitwasyong hindi natin kayang kontrolin. Ang maagang kamatayan, malubhang kapansanan, simpleng kawalan ng kaalaman o oportunidad, o anumang kawalan ng katarungan na nangyayari sa mundong ito na puno ng kasamaan ay tila balakid sa ating pag-unlad at pagtanggap ng ipinangakong mga pagpapala na ninanais natin.

the Savior praying in Gethsemane

Christ in Gethsemane [Si Cristo sa Getsemani], ni Dan Burr

Kaya, ang sentro sa dakilang plano ng kaligayahan ay ang Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagpupuno sa kakulangan, dumadaig sa kawalang-katarungan, at tinutulutan ang lahat—lahat ng tunay na nagnanais at ginagawa ang lahat sa abot ng kanilang makakaya—na matanggap at matamasa sa huli ang mga ipinangakong pagpapala ng mapagmahal na Ama sa Langit.

Nais ng Ama sa Langit na makabalik tayo sa Kanyang piling, ngunit nais Niyang bumalik tayo dahil nais nating gawin ito. Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya. Kung ang nais lang Niya ay maging masunurin tayo, bibigyan Niya kaagad tayo ng mga gantimpala o kaparusahan para maimpluwensyahan ang ating pag-uugali.”4

Hinihingi ng Ama sa Langit ang pusong handang sumunod at gayon din ang ating pagsisikap. Marami sa mga gantimpala sa pagpili ng tama ang darating sa hinaharap, at ang mga ito ay higit pa sa nararapat nating matanggap—kaya nga may ilang gantimpala na tinutukoy bilang kaloob (tingnan sa 1 Nephi 10:17; Doktrina at mga Tipan 14:7). Dahil ang Ama sa Langit ay isang mabait at maawaing magulang, marami Siyang ibinibigay sa atin—higit pa sa anumang dapat nating matanggap. Kaya nga, ang kadakilaan ay hindi natatamo, kundi kailangan itong piliin, tanggapin, at pasalamatan.

Sa lahat ng panahon at lahat ng kalagayan, nawa’y kumilos ang bawat isa sa atin nang may pananampalataya, pagsunod, pagsusumigasig, at pasasalamat na maghandang tumanggap ng “lahat ng mayroon ang [ating] Ama” (Doktrina at mga Tipan 84:38; tingnan din sa Alma 34:32).

Mabubuti at mga Pinagtipanang Tao

Nabubuhay tayo sa isang napakagandang panahon kung saan nakahanda na ang mga pagpapala ng ebanghelyo para matamo ng mga yaong tatanggap nito. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Nasa magandang posisyon tayo upang masaksihan nang aktuwal ang pangyayari na nakita ni Nephi sa pangitain lang, na ang ‘kapangyarihan ng Kordero ng Diyos’ ay bababa ‘sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian’ [1 Nephi 14:14].

Kayo, mga kapatid, ay kabilang sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata na nakita ni Nephi. Isipin ninyo iyan!”5

Mahal tayo ng Ama sa Langit at talagang nais Niyang pagpalain tayo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo, lahat ay mapagagaling. Kapag nagtiwala tayo sa Diyos at kumilos nang may pananampalataya na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya, magiging napakalaki ng ating kagalakan ngayon at sa buong kawalang-hanggan.

Mga Tala

  1. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.5.1, ChurchofJesusChrist.org.

  2. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 18.1.

  3. Dallin H. Oaks, “Introductory Message” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 25, 2017), 2.

  4. Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104.

  5. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88.