Digital Lamang: Mga Young Adult
Hindi Tayo Kailangang Mahati-hati Dahil sa Ating mga Pagkakaiba
Nahihirapan akong ayusin ang relasyon ko sa isang kaibigan na hindi ko katulad ang mga paniniwala. Ipinakita sa akin ng pagmamahal ng Diyos kung paano.
Pagdating sa pakikipag-ugnayan, ang pinakamagandang sagot na ibinigay sa atin ay dumating sa anyo ng isang Tagapagligtas: “Sapagka‘t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak” (Juan 3:16; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kapag nalalagay ako sa gitna ng tila hindi malutas na tanong o hindi komportableng pagtatalo, lumalapit ako kay Jesucristo at napapanatag ako ng kapayapaan at pagmamahal na nagmumula sa Kanya. Ang Kanyang pagmamahal, para sa akin, ang pumupuno sa kahungkagan.
Ang pagmamahal ni Jesucristo ang sagot na natanggap ko nang sabihin sa akin ng isang malapit na kaibigan na lumalayo siya sa Simbahan. Bago ang desisyong ito, nabanggit niya sa akin ang kanyang taos-pusong mga tanong, at hiningi ang opinyon ko at ipinagtapat sa akin ang tungkol sa sakit na nadarama niya. Ang sakit na nadarama niya ay totoo, taos-puso ang kanyang mga tanong, at nadama ko na karangalan kong makinig. Gayunman, ang mga ideyang ibinahagi ko ay tila hindi nakakarating sa kanya.
Natatapos ang aming pag-uusap na hindi ako sigurado kung paano siya susuportahan. Sa isang partikular na pag-uusap, buong katapatan siyang nagtanong tungkol sa isang bagay na personal kong nadarama na hindi ko tiyak at pagkatapos ay inalam kung talagang pinaniniwalaan ko ito noong hindi ko na alam kung paano tutugon. Naaalala ko na sinabi niyang, “Em, hindi ka talaga naniniwala diyan. Alam kong hindi ka naniniwala.”
Tama siya.
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, nadama ko na lumalayo na ako sa pagkakaibigan namin. Hindi ako komportableng talakayin ang mga espirituwal na bagay sa kanya at nadismaya dahil sa mga pagkakaiba namin ng pinaniniwalaan at kawalan ko ng tumpak na mga sagot. Pakiramdam ko ay wala na akong pag-asa. Unti-unti akong tumigil sa pagtatanong sa kanya tungkol sa mga tanong niya sa ebanghelyo dahil sa takot na wala akong maisagot. Nagsimula akong mag-isip na masyado kaming maraming pagkakaiba para maging magkaibigan kami.
Ilang buwan bago ko natanto na sa paghahanap ng mga sagot sa kanya (at sa aking) mga tanong, nawala sa akin ang pinakamahalagang sagot: Mahal na mahal ng Diyos ang mundo—mahal na mahal ng Diyos ang kaibigan ko.
Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2020, ipinaalala sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na, “Ang turo ng Tagapagligtas na mahalin ang isa’t isa ay batay sa katotohanan na lahat ng mortal ay minamahal na mga anak ng Diyos.” Tinapos niya ang kanyang mensahe na may paalala tungkol sa pananaw na ibinibigay ng kaalamang ito: “Ang pagkaalam na tayong lahat ay mga anak ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng banal na pananaw tungkol sa kahalagahan ng lahat ng iba pa.”1
Namangha ako sa mga salitang iyon. Mangyari pa, ang turong ito ay pangunahing katotohanan. Gayunman, natanto ko na sa pagtugon ko sa paglayo ng loob ng kaibigan ko sa Simbahan, naisantabi ko ang katotohanang ito.
Ang malaman na ang kaibigan ko—anuman ang mga pagkakaiba ng aming paniniwala—ay minamahal na anak ng Diyos ang nagpabago sa lahat ng bagay para sa akin.
Ilang buwan na ang lumipas na dama kong malayo ako sa kaibigan ko, pero agad ko siyang tinawagan pagkatapos kong matanto ito, at sinabi ko sa kanya na mahal siya ng Diyos. Nagawa kong ipaliwanag kung bakit ako lumayo sa kanya. Ipinaliwanag ko kung bakit masakit para sa akin na ang isang bagay na napakahalaga sa akin ay hindi iginalang. Mabuti na lang, nakakaunawa siya, at pareho kaming humingi ng paumanhin. Pinag-usapan namin kung gaano kahalaga ang aming pagkakaibigan at kung paanong mas malakas ang aming mga pagkakatulad kaysa sa aming mga pagkakaiba. Sinabi ko sa kanya na gusto kong magtagpo kami kung nasaan siya habang sinusunod ko ang aking mga pamantayan at pananampalataya, at na umasa ako na patuloy naming masusuportahan ang isa’t isa. Laki ng pasasalamat ko nang pumayag siya.
Tulad ni Zoram na “tunay na kaibigan” ni Nephi (2 Nephi 1:30), nais kong maging malapit na kaibigan niya, anuman ang aming mga pagkakaiba.
Nagpapasalamat ako sa pag-ibig ng Diyos—salamat at napakadalisay nito, napakalakas, at laganap kaya maaari itong mapasaatin sa mahihirap na pag-uusap. Nagpapasalamat ako na ang pag-ibig ng Diyos ay para sa bawat kaluluwa ng tao. Nagpapasalamat ako na ang pagmamahal ng Diyos ay nagtutulot sa atin na lubos na mahalin ang isa’t isa. Isang banal at di-maipaliwanag na pag-ibig.