2021
Pag-uwi nang Maaga—Ang Natutuhan Ko mula sa Kampo ng Sion
Setyembre 2021


Digital lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 102–105

Pag-uwi nang Maaga—Ang Natutuhan Ko mula sa Kampo ng Sion

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang umuwi ako nang maaga mula sa aking misyon, nakadama ako ng kapanatagan sa isang kuwento tungkol sa mga naunang Banal.

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Habang lumalaki ako, naging malaya at simple ang buhay ko. Naging madali para sa akin ang paaralan at mga libangan. Wala akong gaanong reklamo at sa pangkalahatan ay masaya ako.

Pero nang mag-19 anyos ako, nagbago ang buhay ko.

Nang umalis ako para magmisyon sa Asuncion, Paraguay, tuwang-tuwa ako. Inasahan kong magiging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, tulad ng naging buhay ko. Gayunman, pagkaraan ng mga apat na buwan sa aking misyon, natagpuan ko ang sarili ko sa sarili kong bayan dahil sa matinding depresyon at pagkabalisa. Sa aking isipan, palagi akong nagtatagumpay—isang taong walang mga kahinaan, na para bang posible iyon. Ngayon ay puno ako ng takot, pagkabagabag, galit, kawalan ng pag-asa, at kalungkutan. Ang naiisip ko lang ay talagang isa akong bigo.

Pagkatuto mula sa Kampo ng Sion

Isang kuwento sa kasaysayan ng Simbahan ang nagbigay sa akin ng kaunting kapanatagan. Noong Pebrero 24, 1834, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag (Doktrina at mga Tipan 103) para iorganisa ang mahigit 100 kalalakihan na maglalakbay papuntang Jackson County, Missouri, USA, upang tulungan ang mga Banal na mabawi ang lupain na nawala sa kanila nang paalisin sila roon noong nakaraang taon. Mga 230 kalalakihan, kababaihan, at mga bata ang sumali sa ekspedisyon, na nakilala bilang Kampo ng Sion. Matapos maghanda, umalis ang grupo noong Mayo at nagmartsa nang hanggang 40 milya sa isang araw.1

Hindi lamang hinarap ng Kampo ng Sion ang pisikal na mga aspeto ng paglalakbay, kundi ipinakita rin ng ilang miyembro ng grupo ang paninira, pagsuway, at paghihimagsik. Subalit marami pang iba ang nanatiling tapat at itinuring ang ekspedisyon at ang pagkakataong makasama si Joseph bilang isang pribilehiyo. Sa mga sitwasyong nagbabago sa kanilang paligid, ang Propeta ay naghangad ng patnubay mula sa Panginoon at tumanggap ng isa pang paghahayag noong Hunyo (Doktrina at mga Tipan 105) na nagsasabing hindi na nila kailangang ipagpatuloy ang kanilang mga pagsisikap. Umuwi ang mga miyembro ng kampo na tila hindi tinupad ang layunin na tubusin ang Sion, bagaman marami ang nakatanto na hindi ito kabiguan dahil ang paglalakbay ay lalong naglapit sa kanila sa Diyos at nakita nila ang Kanyang kamay sa kanilang buhay.2

Si Joseph Smith at ang iba pang kalalakihan na humihila ng bagon na may kalandong

Paghihirap sa Kampo ng Sion, ni Clark Kelley Price

Pagbabago ng Pokus mula sa “Mga Bakit” ng Nakalipas

Nang harapin ng mga Banal sa Kampo ng Sion ang balita na uuwi na sila nang hindi nakamit ang inasahan nilang pagpapala, maaaring inisip nila kung bakit hiniling pa sa kanila ng Ama sa Langit na maglakbay sila. Nagtaka rin ako kung bakit ako inakay tungo sa direksyon na ang kinalabasan ay hindi tulad ng plano ko.

Pagkaraan ng ilang linggo na dama ang lungkot na hindi ko nadama noon, natanto ko na ayaw kong patuloy na mamuhay nang may negatibong saloobin. Alam ko na hindi ako ipinadala sa mundo upang mamuhay na mahina-ang-kalooban at negatibo. Tutal, tayo ay narito upang “magkaroon ng kagalakan”! (2 Nephi 2:25). Nagpasiya akong ituon ang aking pansin mula sa “mga bakit” ng nakalipas tungo sa paghahanap ng layunin sa gitna ng paghihirap.

Tumulong ako sa ibang tao, nakibahagi sa mga bagong libangan, at bumalik sa paaralan. Sinimulan ko rin ang araw-araw na journal ng pasasalamat. Ang nagsimula bilang isang-linyang tala ay naging mga buong pahina nang magsimula kong makilala ang kamay ng Panginoon sa aking buhay nang hindi gaanong nahihirapan. Nagbago ang mga dalangin ko, mula sa mga listahan ng nais ko ito ay naging mga listahan ng pasasalamat.

Kahit hindi nawala ang mga araw na mahihirap—mayroon pa rin hanggang ngayon—alam ko na ngayon kung ano ang kaibhang nagagawa ng pagtuon ng aking pananaw sa kabutihan sa buhay. Sa halip na ituring na masamang bagay ang mga pagsubok ko sa buhay, nagpasiya akong isipin na pagkakataon ang mga ito para umunlad.

Pagkilala sa mga Dahilan

Sa pagbabalik-tanaw sa kinalabasan ng mga bagay-bagay mula nang umuwi ako mula sa Paraguay, nakikita ko kung paano ako ginagabayan at binibigyan ng Ama sa Langit ng mga pagkakataon sa pamamagitan ng aking mga karanasan. Nakilala ko ang ilan sa mga pinakamatalik kong kaibigan sa mga buwang iyon pagkatapos ng aking misyon, at agad akong nakapag-aral sa isang lokal na unibersidad, kahit lumipas na ang deadline para sa enrollment. Ang programa ang naging daan para makapag-aral ako sa Switzerland, kung saan ko naibahagi ang ebanghelyo sa pamilyang kumupkop sa akin.

Dahil sa mga taong iyon na sadyang pinipili ang magpasalamat nakagawian kong pasalamatan ang Ama sa Langit para sa lahat ng bagay, na nagpapalakas sa aking pananampalataya sa Kanya.

Ang mga salitang ito sa basbas ng priesthood na natanggap ko sa malungkot na linggong iyon ay nakatulong din sa akin na maunawaan ang pananampalataya: “Binabasbasan kita ng pang-unawa at kaalaman na ang Diyos … ay ibibigay sa iyo ang mga bagay na hindi lamang para sa iyong ikabubuti kundi … tutulungan kang maging tulad ng nais Niyang kahinatnan mo. Hindi laging magiging madali ang mga pagpapalang iyon, dahil ang ating mga pakikibaka at paghihirap ang mga bagay na nagpapaunlad sa atin.”

Alam ko na inilalaan ng Ama sa Langit ang ating mga pagsisikap, at tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Gustung-gusto ng Panginoon ang pagsisikap.”3 Talagang hangad ng Diyos ang ating kaligayahan at nasa panig natin Siya magpakailanman.

Mga Tala

  1. Church History Topics, “Zion’s Camp (Camp of Israel),” ChurchofJesusChrist.org/study/history/topics.

  2. Church History Topics, “Zion’s Camp (Camp of Israel).”

  3. Russell M. Nelson, sa Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 16.