Mga Unang Kababaihan ng Pagpapanumbalik
Handang Magbahagi si Caroline
Magkano ang perang handang ibigay ni Caroline Tippets para makatulong sa pagbili ng lupain sa Sion?
Si Caroline Tippets at ang kanyang pamilya ay masikap, kapwa sa pisikal at espirituwal. Ang mga kapatid na lalaki ni Caroline ay nagtrabaho sa mga lagarian, tumutulong sa paglagari ng mga tabla na sagana sa estado ng New York, USA, kung saan sila nakatira. Sumapi ang kanilang pamilya sa Simbahan noong 1832. Isa sa kanyang mga kapatid na lalaki na si Alvah ang namuno noon sa branch ng mga Banal sa kanilang lugar.
Noong 1834, sinabi sa kanila ni Alvah ang tungkol sa isang paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na humihiling sa mga miyembro na mag-ambag o manghiram ng pera upang makatulong na “maitatag ang Sion” (Doktrina at mga Tipan 101:74). Batid na kailangang bumili ng lupain ang Simbahan kung saan maaaring magtipon ang mga Banal, si Caroline, edad 21, ay pumayag na magbigay ng perang $150 at ari-arian na nagkakahalaga ng $107, na mas malaki sa iniambag ng sinuman sa branch.1
Si Caroline, ang kanyang nakababatang kapatid na si Joseph, at isa sa kanilang mga pinsan ay dumaan muna sa Kirtland, Ohio, sa pagpunta nila sa Missouri. Nakipagkita sila kay Joseph Smith at sa Kirtland high council. Maraming utang ang Simbahan noong panahong ito, at tinanong ng high council kung handa ba si Caroline na ipahiram sa Simbahan ang kaunti sa kanyang pera. Tulad ng nakasaad sa pulong, “Nilinaw ng konseho [na] nagbigay si Sister Caroline Tippets ng halagang $149.75. … Siya ay tinawag ng konseho at nagpahayag ng kahandaang magpahiram ng gayong halaga.”2
Nakita ni Caroline ang paglagda nina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at Frederick Williams sa kasunduan sa pag-utang. Ngunit marahil ay hindi niya nakita ang pagluhod nina Joseph at Oliver para manalangin nang sumunod na araw, na “nagpapasalamat sa tulong na ipinadala ng Panginoon kamakailan.”3 Salamat sa kahandaan ni Caroline na ibahagi ang anumang mayroon siya, nabayaran ng Simbahan ang ilang utang at patuloy na naitayo ang Kirtland Temple.