2021
Liwanag na Nagprotekta sa Amin
Setyembre 2021


Liwanag na Nagprotekta sa Amin

Hindi bumaba ang drayber sa kanyang trak, pero alam ko na dumating siya para protektahan kami.

snowy road at night

Itaas: larawan mula sa Getty Images; gitna: litrato sa kagandahang-loob ng may-akda

Noong isang maginaw na gabi ng taglamig ng Pebrero, kami ng dalawa kong anak, kasama ang aking inang si Jo Ann, ay nagmamaneho patungong Idaho. Kasama sa aming walong oras na biyahe ang pagdaan sa dalawang tagaytay ng bundok. Sa panahong ito ng taon, maaaring maging masungit ang panahon.

Kaaalis lang namin sa Baker City, Oregon, nang magsimulang umulan ng niyebe. Habang nagbibiyahe kami, lumakas ang pag-ulan ng niyebe. Sa loob ng ilang minuto, habang dumaraan kami sa tagaytay ng isang bundok, wala akong makitang anuman sa harapan ko, kaya huminto ako sa tabi ng kalsada. Nanalangin ako sa Ama sa Langit na tulungan ako para makarating kami nang ligtas ng pamilya ko. Pagkatapos kong magdasal, isang semitruck ang pumarada sa likuran namin nang ilang pulgada ang layo sa bumper ng aking sasakyan.

Hindi bumaba ang drayber sa kanyang trak, at hindi ko kailanman nakita ang kanyang mukha. Ngunit alam ko sa sandaling iyon na dumating siya para protektahan kami. Sa pagparada sa likuran namin, ginamit niya ang mga ilaw sa kanyang trak para malaman ng iba pang mga drayber na nakaparada kami. Nang sa huli ay magkalakas-loob na akong magpatuloy sa pagmamaneho, tinahak ko ang daan na sinusundan ang isa pang semitruck habang nasa likuran namin ang unang semitruck. Minaneho ko ang sasakyan sa pagitan ng dalawang trak habang ginagabayan nila kami para hindi maaksidente.

Nang makalabas na kami sa tagaytay ng bundok, ang niyebe ay naging ulan. Gusto kong pasalamatan ang drayber sa likuran namin, pero noong sandaling makalabas na kami ng tagaytay ng bundok, hindi ko na siya nakita. Mula roon, alam ko na magiging OK na kami at makauuwi nang ligtas, na nagawa nga namin.

Noon lang ako nakaramdam ng sobrang takot sa buhay ko. Nagpapasalamat ako na nagpadala ang Ama sa Langit ng mga anghel na tagapag-alaga upang protektahan kami, ibsan ang aming pangamba, at bigyan ako ng lakas at tapang na kailangan ko para maiuwi ang aking pamilya.

two women and two little boys standing next to a car

“Noon lang ako nakaramdam ng sobrang takot sa buhay ko,” sabi ni Chelsey, nasa larawan kasama ang kanyang ina na si Jo Ann Bressler, at kanyang mga anak na sina Wyatt at Adam.

Itaas: larawan mula sa Getty Images; gitna: litrato sa kagandahang-loob ng may-akda

Ang kakatwa, anak ako ng isang drayber ng trak. Sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin sa pagpapadala sa amin ng mga tagapagprotekta na mga drayber ng trak. Lumakas nang husto ang aking patotoo nang gabing iyon—hindi lamang sa panalangin kundi pati sa patotoo na Siya ay kasama natin tuwina at magpakailanman.