2021
Pagtuturo tungkol sa Pagtupad ng mga Tipan at Pagtatatag ng Sion
Setyembre 2021


Para sa mga Magulang

Pagtuturo tungkol sa Pagtupad ng mga Tipan at Pagtatatag ng Sion

family having home evening

larawang kuha ni Alexandre Borges

Minamahal na mga Magulang,

Sa isyung ito, umaasa kami na matutuwa kayo sa mga artikulong tungkol sa pagtupad ng mga tipan, pagtatatag ng Sion, pag-alam sa mga taktika ni Satanas, at marami pang iba. Ang pahinang ito ay may mga ideya sa paggamit ng isyung ito para matulungan kayong ituro ang mga paksang ito sa inyong pamilya.

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo

Mga Tipan at mga Pagpapala

Ano ang mga tipan, at ano ang ibig sabihin ng gumawa ng tipan? Sa kanyang artikulo sa pahina 30, sinagot ni Elder Randy D. Funk ng Pitumpu ang mga tanong na ito. Gamitin ang artikulong ito para matulungan kayong talakayin ang mga sumusunod na tanong sa inyong pamilya: Anong mga tipan ang nagawa na ninyo, at alin ang pinaghahandaan ninyong gawin? Paano natin mas matutupad ang ating mga tipan? Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa paggawa ng mga tipan?

Pagtatatag ng Sion

Itanong sa inyong mga anak kung ano sa palagay nila ang kahulugan ng Sion. Pagkatapos ay gamitin ang artikulo ni Elder Gerrit W. Gong na “Magdadala nang Pasulong sa Sion” sa pahina 6 para matulungan silang malaman pa ang tungkol sa kahulugan ng Sion noon at ngayon. Isiping talakayin ang mga paraan na makatutulong ang inyong pamilya sa pagtatatag ng Sion sa loob ng inyong tahanan at sa inyong komunidad.

Pagdepensa laban kay Satanas

Tukuyin ang ilang mahahalagang bagay at pahayag mula sa “Alamin ang mga Taktika ng Ating Kaaway” sa pahina 20 at talakayin sa inyong pamilya ang ilang paraan na maaari silang matukso ni Satanas. Talakayin ang ilang paraan na maaari kayong magtulungan para mapalakas ang isa’t isa laban sa mga tuksong ito.

Mga Tulong sa Pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Tingnan sa pahina 26 ang mga artikulo tungkol sa iba’t ibang paksa sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na tutulong sa pag-aaral ninyo ng Doktrina at mga Tipan sa buwang ito.

Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

a sister and a brother at a table together

Mga Pagpapala mula sa Templo

Doktrina at mga Tipan 109

Inilaan ang Kirtland Temple noong Marso 27, 1836. Maraming espirituwal na karanasan ang naitala mula sa kaganapang ito.

  1. Basahin ang ilan sa mga salaysay mula sa bahaging “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik” na nasa dulo ng Setyembre 27–Oktubre 3 na aralin sa manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

  2. Maaaring magdrowing ang mas maliliit na bata ng larawan ng Kirtland Temple.

  3. Pag-usapan kung ano ang pakiramdam kung naroon kayo sa paglalaan ng Kirtland Temple. Anong mga detalye mula sa mga salaysay ang tila pinakamahalaga sa inyo?

  4. Awitin ang “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2), na isinulat para sa paglalaan ng templong ito.

Talakayan: Bakit mahalaga ang mga templo sa inyo? Magbahagi ng inyong mga espirituwal na karanasan dahil sa mga templo.

Bilog ng Pasasalamat

Doktrina at mga Tipan 98:1

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag matakot, maaliw sa inyong mga puso; oo, magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat” (Doktrina at mga Tipan 98:1).

  1. Tumayo nang pabilog at hawakan ang mga kapamilya na katabi ninyo.

  2. Magsisimula ang isang tao sa pagsasabi ng isang bagay na ipinagpapasalamat niya, pagkatapos ay pipisilin niya ang kamay ng tao na nasa kanyang kanan o kaliwa.

  3. Pagkatapos ang taong iyon ay magpapasalamat din at pipisilin ang kamay ng taong nasa kanan o kaliwa niya, na nag-aanyaya sa taong iyon na magpasalamat din.

  4. Tingnan kung gaano katagal magpapatuloy ang bilog ng pasasalamat.

Talakayan: Paanong lalo pang nag-iibayo ang pasasalamat kapag ginagawa natin ito? Paano nakapapanatag ang pasasalamat? Paano nito “[ina]aliw [ang] inyong mga puso”?