2021
Alamin ang mga Taktika ng Ating Kaaway
Setyembre 2021


Alamin ang mga Taktika ng Ating Kaaway

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Ang malaman ang mga taktika ng kaaway ay makatutulong sa mga disipulo ni Jesucristo na magamit ang Kanyang kapangyarihan at lakas upang madaig si Satanas at ang kanyang mga kampon sa mga digmaang darating.

several game pieces used for the game of chess

Mga larawan mula sa Getty Images

Noong naglilingkod ako sa militar, isa sa mga unang bagay na natutuhan ko ay ang kahalagahan na alamin ang tungkol sa kaaway para mahusay silang malabanan. Nag-ukol ako ng oras sa pag-aaral ng mga taktika at estratehiya ng mga kaaway para makabuo ako ng mahuhusay na plano na dadaig at tatalo sa kanila kung sakali mang makaharap ko sila sa digmaan.

Dahil ang ating mga kaaway sa espirituwal, si Satanas at ang kanyang mga kampon, ay hindi natin nakikita, nalilimutan natin na nakabantay sila sa atin at nagtatangkang tuksuhin tayo. Nagbabala si Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan: “Natanto ko na kung makikita ng ating mga mata ang daigdig ng mga espiritu sa ating paligid, … hindi tayo magiging labis na pabaya at walang ingat at walang pakialam kung nasa atin o wala ang espiritu at kapangyarihan ng Diyos; kundi mananatili tayong alisto at mananalangin sa ating Ama sa Langit na patnubayan tayo ng Kanyang Banal na Espiritu at banal na mga anghel para palakasin tayo na mapaglabanan ang lahat ng masamang impluwensya.”1

Ang maunawaan ang kapangyarihan at kakayahan ng diyablo ay makatutulong sa atin na malaman ang pinsala at pagkawasak na hangad niya at ng kanyang mga kampon na maranasan natin. Dapat palagi tayong maging alisto at handa sa ating mga taktikang pangdepensa at pang-opensiba para hindi tayo matukso at maakit.

Ang digmaan ay nagsimula sa premortal na buhay.

Nang makipaglaban tayo sa Digmaan sa Langit, hindi tayo nakipaglaban gamit ang mga riple at bomba kundi ang patotoo at pananalig. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang digmaang ito sa langit ay hindi digmaan na nagpadanak ng dugo. Ito ay digmaan ng magkakasalungat na mga ideya—ang simula ng pagtatalo.”2

two game pieces from chess

Ang mga tagasunod ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay pumarito sa lupa na may mortal na katawan. Narito rin sa lupa si Satanas at ang kanyang mga kampon ngunit bilang mga espiritu.3 Ang digmaang nagsimula sa premortal na buhay ay hindi pa tapos. Simula noong panahon ni Adan, si Satanas at ang kanyang malaking hukbo ay patuloy na nakidigma laban sa mga yaong sumusuporta sa Ama at sa Kanyang plano ng kaligtasan. Ipinahayag ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pakikidigma ng kabutihan laban sa kasamaan ay magpapatuloy habang nabubuhay tayo dahil layunin ng kaaway na gawing kaaba-abang katulad niya ang lahat ng tao. Tatangkain ni Satanas at ng kanyang mga anghel na lituhin ang ating isipan at kontrolin tayo sa pamamagitan ng panunukso sa atin na magkasala. Kung magagawa nila ito, mawawasak nila ang lahat ng mabuti. Magkagayunman, mahalagang maunawaan na magkakaroon lamang sila ng kapangyarihan sa atin kung tutulutan natin ito.”4

Hindi kakaunti ang puwersa ng kasamaan. Dahil sa “ikatlong bahagi ng hukbo ng langit” (Doktrina at mga Tipan 29:36) ang pinalayas sa langit kasama ni Satanas, napakaraming espiritu ang nasa ilalim ng kanyang pamumuno. “Kami ay napaliligiran ng mga demonyo, oo, kami ay napalilibutan ng mga anghel niya na naghahangad na wasakin ang aming mga kaluluwa” (Helaman 13:37).

Tulad ng digmaan sa mundo, kapag natutuhan natin kung ano ang magagawa natin para madaig ang mga kalaban sa espirituwal—kanilang mga kakayahan, kalakasan at kahinaan, at hangarin—makapaghahanda tayo na malabanan sila nang mahusay. Malalaman natin ang ilang pangunahing taktika na ginagamit ni Satanas sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga makabagong propeta.

1. Nagtutuon ang mga kaaway sa pagsalakay sa pinakamalalakas na katunggali.

several blue chess piecess surrounding a tan chess piece

Inilarawan ito ni Pangulong George A. Smith (1817–75) ng Unang Panguluhan nang ikuwento niya ang pabula na ito ng mga Tsino:

“Isang lalaki, na naglalakbay sa buong bansa, ang nakarating sa isang malaking lungsod, na napakayaman at napakaganda; minasdan niya ito at sinabi sa kanyang kasamang gabay, ‘Tiyak na mabubuting tao ang mga nakatira dito, dahil isang maliit na diyablo lamang ang nakikita ko sa napakaringal na lungsod na ito.”

“Sumagot ang gabay, ‘Hindi po ninyo nauunawaan, ginoo; ang lungsod na ito ay napakasama na … kaya isang diyablo na lang ang kailangan para mapasunod sila.’

“Naglakbay pa siya nang kaunti, at nakarating siya sa isang baku-bakong daan at nakita ang isang matandang lalaki na nagsisikap na makaakyat sa burol, napaliligiran ng pitong tuso, malalaki, at mabalasik na mga diyablo.

“‘Naku,’ sabi ng manlalakbay, ‘tiyak na napakasama ng matandang ito, tingnan mo na lang kung ilang diyablo ang nakapaligid sa kanya.’

“‘Siya,’ sagot ng gabay, ‘ang nag-iisang mabuting tao sa bansa at pito sa pinakamalalaking diyablo ang nagtatangkang alisin siya sa kanyang landas at lahat sila ay hindi ito nagawa.’”5

Kung matutukso ni Satanas ang isang miyembro ng Simbahan, mas malaki ang tagumpay niya kaysa sa pagtukso sa isang taong hindi kailanman gumawa ng anumang tipan sa Diyos. Itinuro ni Elder Larry R. Lawrence, isang emeritus na miyembro ng Pitumpu: “Pinupuntirya ng diyablo ang lahat ng tao, ngunit lalo na yaong mga may potensyal na magtamo ng walang-hanggang kaligayahan. Malinaw na naiinggit siya sa sinumang nasa landas tungo sa kadakilaan.”6

Maging ang isang mas tiyak na panalong labanan ay napapanalunan ng kaaway kung ang isang lider ng Simbahan ay nadaig ng kaaway. Isinulat ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Nais ni Satanas na matukso ang lahat ng tao, ngunit lalo na ang mga namumunong kalalakihan na may impluwensya. Marahil tatangkain niyang mahila lalo na ang mga kalalakihan na malamang ay magiging pinakamatindi niyang katunggali, kalalakihang nanunungkulan na nakahihikayat ng marami na huwag maging alipin ni Satanas.”7

Ang malaman na itutuon ni Satanas ang kanyang puwersa sa kanyang pinakamalalakas na katunggali ay makatutulong sa atin na maghandang harapin ang mga digmaan sa buong buhay natin. Mahihikayat tayo na patuloy na maglagay ng mga pananggalang laban sa ating kaaway sa espirituwal.

Ang malaman ito ay makatutulong din sa atin kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo sa ating mga kaibigan at pamilya. Sinabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tayo ay nakikipaglaban kay Satanas para sa mga kaluluwa ng mga tao. Ang magkabilang panig sa labanang ito ay natukoy na sa premortal na buhay. Hindi tinanggap ni Satanas at ng ikatlong bahagi ng mga anak ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga pangako ng kadakilaan. Mula noong panahong iyon, ang mga kampon ng kaaway ay nakikipaglaban na sa matatapat na pinipili ang plano ng Ama.”8

Kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo na nababatid na makararanas din ang lahat ng sarili nilang pakikipaglaban kay Satanas, mas magiging handa tayong mahiwatigan ang mga labanang iyon at makiisa sa iba pa sa paglaban sa kanya anuman ang kanilang mga paniniwala.

2. Tatangkain ni Satanas at ng kanyang masamang hukbo na hadlangan ang mga kaganapan na may espirituwal na kahalagahan.

Pag-isipan ang mga halimbawang ito mula sa mga banal na kasulatan:

  • Tinukso nang husto ni Satanas sina Adan at Eva na kumain ng ipinagbabawal na bunga sa Halamanan ng Eden, naniniwala na sa paggawa nito, maaari niyang wasakin ang plano ng kaligtasan bago pa ito maisakatuparan (tingnan sa Moises 4:6–12).

    chess pieces and an apple
  • Matapos makita ni Moises ang Diyos nang harapan, “si Satanas ay sumigaw sa malakas na tinig at naghuhumiyaw sa lupa, at nag-utos” na sambahin siya ni Moises (Moises 1:19).

  • Matapos mag-ayuno si Cristo nang 40 araw at makausap ang Ama sa Langit, tinangka ni Satanas na tuksuhin si Cristo na gamitin sa maling paraan ang Kanyang kapangyarihan (tingnan sa Mateo 4:2–11; Lucas 4:1–13).

  • Si Joseph Smith ay dinaig ng kadiliman bago ang sandaling nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesucristo upang simulan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mundo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17).

Marami pang iba sa buong banal na kasulatan at sa lahat ng panahon ang nakaranas ng puwersa ng kasamaan para hadlangan sila sa kanilang bahagi sa plano ng Ama sa Langit.

Sa ating buhay, dapat nating malaman na gagawin ni Satanas o ng kanyang mga kampon ang lahat para mahadlangan ang isang sagradong kaganapan o mga resulta ng kaganapang iyan. Ilan ba sa atin ang natukso, nakaranas ng mga personal na pagsubok, o dinaig ang isang balakid bago ang espirituwal na pangyayari sa ating buhay? Ang pagtanggap ng bagong tungkulin, paghahandang pumunta sa templo, o pakikibahagi sa anumang iba pang espirituwal na kaganapan ay bihirang mangyari nang walang balakid.

Sinabi minsan ni Pangulong Brigham Young (1801–77), “Kapag ang mga indibiduwal ay biniyayaan ng mga pangitain, paghahayag at dakilang pagpapakita, mag-ingat kayo, ang diyablo ay nariyan sa tabi ninyo, at kayo ay tutuksuhin katumbas sa mga pangitain, paghahayag, o pagpapakita na natanggap ninyo.”9

3. Ang nag-udyok sa diyablo ay kapalaluan.

Sa premortal na buhay, sinabi ni Satanas sa Ama sa Langit, “Aking tutubusin ang buong sangkatauhan … ; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan” (Moises 4:1). Ang kapalaluang iyan ay humantong sa pagbagsak niya at pagpapalayas sa kanya. Isinulat ni Isaias:

“Ano’t nahulog ka mula sa langit, O [Lucifer], anak ng Umaga! …

“Sinabi mo sa iyong puso, ‘Ako’y aakyat sa langit; sa itaas ng mga bituin ng Diyos aking itatatag ang aking trono sa itaas: …

“… Gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan” (Isaias 14:12–14).

Dapat tayong mag-ingat sa sarili nating kapalaluan at huwag tulutan si Satanas na magamit ito para tuksuhin tayo. Halimbawa, maaaring gamitin ni Satanas ang ating kapalaluan para tuksuhin tayong masaktan sa sinabi ng isang tao kaya ayaw na nating bumalik sa simbahan. O maaari niyang gamitin ang ating kapalaluan para udyukan tayong magtuon sa pagiging tama natin kaysa pakinggan at mahalin ang isang tao.

Ang pag-alam sa mga estratehiya ni Satanas ay makatutulong sa atin na madaig siya.

two tan chess pieces standing and several blue lying down

Tinatangka ni Satanas at ng kanyang mga kampon na madaig tayo. Tayo ay napaliligiran ng mga kaaway na ito at madaling matukso ng pagtatangka nila sa araw-araw sa ating buhay. Hindi natin dapat maliitin ang kanilang kapangyarihan o isiping walang kuwenta ang kanilang mithiin.

Subalit inihanda na tayo para sa mismong digmaang ito mula pa noong bago tayo isinilang. Minsan ay nagkaroon ng pangitain si Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) kung saan nalaman niya na maraming piling espiritu ang “tumanggap ng kanilang mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu at inihanda upang bumangon sa takdang panahon ng Panginoon upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao” (Doktrina at mga Tipan 138:56). Bawat tao sa mundong ito ay piniling sundin ang plano ng Ama sa Langit sa premortal na buhay at muli natin itong magagawa.

Alam ng ating Ama sa Langit na mapupuno ng panganib, katiwalian, at panlilinlang ang mga huling araw na ito. Upang madaig si Satanas at ang kanyang bihasa at malakas na hukbo sa huling labanan bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, dapat tayong magsikap na maging ilan sa pinakamalakas at pinakatapat na mga anak na babae at lalaki ng Diyos.

Mga Tala

  1. George Q. Cannon, Gospel Truth, sel. Jerreld L. Newquist (1987), 64–65.

  2. Russell M. Nelson, “The Canker of Contention,” Ensign, Mayo 1989, 69.

  3. Tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Digmaan sa Langit,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

  4. Ulisses Soares, “Oo, Kaya at Mapagtatagumpayan Natin!” Liahona, Mayo 2015, 75.

  5. George A. Smith, “Discourse,” Deseret News, Nob. 11, 1857, 287.

  6. Larry R. Lawrence, “Patuloy ang Digmaan,” Liahona, Abr. 2017, 33.

  7. Spencer W. Kimball, The Miracle of Forgiveness (1969), 175.

  8. Ronald A. Rasband, “Magtayo ng Isang Muog ng Espirituwalidad at Proteksyon,” Liahona, Mayo 2019, 108.

  9. Brigham Young, “Discourse,” Deseret News, Peb. 27, 1856, 402.