Magdadala nang Pasulong sa Sion
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw na pinagpala ng ipinanumbalik na ebanghelyo, tayo ay tinatawag na palakasin ang Simbahan at itatag ang Sion.
Sa buong kasaysayan, hinangad ng mga tao ng Panginoon na magtatag ng isang lipunang nakabatay sa mga alituntunin ng ebanghelyo kung saan Siya makapananahan. Upang maging gayong komunidad ng mga Banal, dapat nating matutuhang pabanalin at pagkaisahin ang ating mga puso at isipan, makitungo nang makatarungan nang walang pagtatalo at alitan, at mamuhay sa kabutihan na walang maralita sa atin (tingnan sa Moises 7:18).
Halimbawa, matapos sumapi nina John at Maria Linford sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Gravely, England, noong 1842, si John ay naging branch president sa kanilang lugar. Gayunman, hindi nagustuhan ng mga kamag-anak at kaibigan ang kagalakang natagpuan ng mga Lindford sa Pagpapanumbalik. Kung hindi nila mahihikayat si John na talikuran ang kanyang bagong relihiyon, “pahihirapan” nila siya sa pamamagitan ng pagboykot sa negosyo nito na paggawa ng mga sapatos.
Noong 1856, ang Perpetual Emigrating Fund ay nagbigay kina John at Maria ng pagkakataong mandayuhan sa Lambak ng Salt Lake. Naglayag sila patungong New York kasama ang tatlo sa kanilang mga anak na lalaki. Mula roon ay naglakbay sila patungong Lungsod ng Iowa, Iowa, kung saan sila umalis noong Hulyo 1856 kasama ng sinawing-palad na grupo ng kariton ni James G. Willie.
Noong mga unang araw ng Oktubre 21, malapit sa pampang ng Ilog Sweetwater sa Wyoming, inusal ni John ang kanyang mga huling salita.
“Masaya ako na pumunta tayo,” sabi niya kay Maria nang tanungin siya nito kung nagsisisi ba ito na umalis sila sa England. “Hindi ko na mararating ang Salt Lake, ngunit kayo ng mga anak mo ay makararating doon, at hindi ko pinagsisisihan ang lahat ng hirap na dinanas natin kung ang mga anak naman natin ay magsisilaki at magkakaroon ng sariling pamilya sa Sion.”1
Ano ang Sion?
Ilang paksa bukod sa pagsilang ng Panginoong Jesucristo ang nagbigay-inspirasyon sa mga sinauna at makabagong propeta at mga Banal nang higit sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel sa mga huling araw at sa pagtatatag ng Sion bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.2
Bakit napakahalaga ng Sion sa mga Banal sa mga Huling Araw—noon at ngayon, saanman naroroon ang mga tao ng Panginoon?
Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mula sa panahon ni Adan hanggang sa kasalukuyan—sa tuwing may sariling mga tao ang Panginoon; tuwing may mga nakikinig sa kanyang tinig at sumusunod sa kanyang mga kautusan; sa tuwing pinaglilingkuran siya ng kanyang mga banal nang may buong layunin ng puso—naroroon ang Sion.”3
Inilarawan sa mga banal na kasulatan ang lipunan ng Sion. Si Enoc, isang propetang may malaking pananampalataya noong panahon ni Noe, ay “nagtayo ng isang lunsod na tinawag na Lunsod ng Kabanalan, maging ang Sion” (Moises 7:19). Ang Panginoon ay nanirahan doon kasama ang Kanyang mga tao, pinagpapala sila at ang kanilang lupain (tingnan sa Moises 7:16–18). Sinabi ng Panginoon kay Enoc, “Masdan, ako ang Diyos; Taong Banal ang aking pangalan” (Moises 7:35).
Ang mithiin ng Sion ay magtatag ng nagkakaisang lugar ng pananampalataya na itinatag ayon sa mga alituntuning selestiyal ng langit, kung saan makapaninirahan ang mga tao ng Diyos kasama Niya at makapananahan mismo ang Diyos dito.
Pinatototohanan ng Aklat ni Mormon na matapos dalawin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang Bagong Daigdig [Amerika], “ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain. …
“At nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog. …
“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao” (4 Nephi 1:2, 3, 15).
Nasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan
Ang panahon ni Enoc ay panahon ng digmaan, pagdanak ng dugo, takot, kadiliman, at pagkapoot—nang “ang kapangyarihan ni Satanas ay nasa ibabaw ng buong mundo” (Moises 7:24; tingnan din sa mga talata 16, 17, 33). Ngunit si Enoc ay tapat, at tinawag siya ng Panginoon na mangaral ng pagsisisi.
Sinabi ng Panginoon kay Enoc na gayon ding “matinding paghihirap” (Moises 7:61) ang mangyayari bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. “Yayamang ako ay buhay, gayon pa man ako ay paparito sa mga huling araw, sa mga araw ng kasamaan at paghihiganti, upang tuparin ang sumpang aking ginawa sa iyo hinggil sa mga anak ni Noe” (Moises 7:60).
Sa ating panahon, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson , “Itinuturing ko ang kasalukuyang pandemyang [COVID-19] bilang isa sa maraming problema na laganap sa ating mundo, kabilang ang pagkapoot, kaguluhang sibil, rasismo, karahasan, kasinungalingan, at kawalan ng kabutihan.”4 Gayunman, binigyan tayo ng katiyakan ng propeta. Sinabi rin ni Pangulong Nelson:
“Nabubuhay tayo sa panahong ‘hinintay ng ating mga ninuno nang may pananabik na pag-aasam.’ [Doktrina at mga Tipan 121:27.] Nasa magandang posisyon tayo upang masaksihan nang aktuwal ang pangyayari na nakita ni Nephi sa pangitain lang, na ang ‘kapangyarihan ng Kordero ng Diyos’ ay bababa ‘sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.’ [1 Nephi 14:14.]
“Kayo, mga kapatid, ay kabilang sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata na nakita ni Nephi.”5
Kasama ang bawat isa sa atin sa paanyayang tipunin at pagpalain ang mga nasa magkabilang panig ng tabing, itatag ang Sion, at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas. “Sa dinami-dami ng mga taong tumira sa mundo natin,” sabi ni Pangulong Nelson, “tayo ang mga makikilahok sa huli at malaking pagtitipon na ito.”6
Paano Tayo Makikilahok?
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw na pinagpala ng ipinanumbalik na ebanghelyo, tayo ay “tinawag upang gumawa sa ubasan [ng Panginoon], at upang magtatag ng [Kanyang] simbahan, at magdadala nang pasulong sa Sion” (Doktrina at mga Tipan 39:13). Ang gawaing iyan ay nangangailangan ng pagmamahal, pagkakaisa, pananampalataya, paglilingkod, sakripisyo, at pagsunod.
“Kapag minamahal ng mga tao ang Diyos nang buong puso at matwid na nagsisikap na maging katulad Niya, mas kaunti ang pag-aaway at pagtatalo sa lipunan. Higit na magkakaroon ng pagkakaisa,” sabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sinabi pa niya: “Ang pagkakaisa ay … may malawak na kahulugan subalik tiyak na tiyak na ipinakikita nito ang una at pangalawang dakilang kautusang mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa. Tinutukoy nito ang mga tao ng Sion na ‘magkakasama ang mga puso at isipan sa pagkakaisa’ [Mosias 18:21].”7
Sa pagmamahal at pagkakaisang iyan, nananampalataya tayo para magamit ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, na magpapabago sa atin kapag dinadalisay natin ang ating puso at buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:21). Tinitipon natin ang mga taong handang lumapit sa Panginoon sa kabutihan. Sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa at selestiyal na alituntunin, inaanyayahan natin ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay (tingnan sa Mosiah 3:19; Doktrina at mga Tipan 105:5). Inilaan sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa, itinatatag natin ang Sion at naghahanda para sa Ikalawang Pagparito.
“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “At ang pananampalataya sa Kanya at ang lubos na mga epekto ng Kanyang walang-katapusang Pagbabayad-sala ang magpapamarapat sa inyo, at sa inyong mga minamahal at pinaglilingkuran para sa maluwalhating kaloob na mamuhay sa lipunang iyon ng Sion na inasam at ipinangako noon pa man.”8
Maghanda para sa mga Araw na Darating
Itinuturo ng mga makabagong propeta na ang paglapit sa Tagapagligtas ay tungkol sa pagiging tapat ng bawat isa, hindi ang pisikal na lugar.
“Tunay na noong bago pa lang ang Simbahan, kaakibat ng pagbabalik-loob ang pandarayuhan,” paliwanag ni Pangulong Nelson. “Ngunit ngayon ang pagtitipon ay ginagawa sa bawat bansa. [Iniutos] ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion sa bawat lugar kung saan isinilang at naninirahan ang Kanyang mga Banal.”9
Kapag tinanggap natin ang hamon at pagpapala ng pagtatatag ng Sion sa ating mga pamilya, branch, ward, stake, at komunidad, inaasam natin, tulad nina John at Maria Linford, ang araw kung kailan ang ating mga anak at apo ay “magsisilaki at magkakaroon ng sariling pamilya sa Sion” sa bawat bansa, lahi, at wika.
Kapag inuuna nating hanapin ang Panginoon at ang Kanyang kabutihan, idinadalangin natin na “ang kanyang kaharian ay lumaganap sa mundo, upang ang mga naninirahan dito ay matanggap ito, at maging handa para sa mga araw na darating, na kung kailan ang Anak ng Tao ay bababa mula sa langit, nadaramitan ng liwanag ng kanyang kaluwalhatian, upang salubungin ang kaharian ng Diyos na itinatag sa mundo” (Doktrina at mga Tipan 65:5).