2021
Pagtulong sa Iba na Maghanda para sa mga Hindi Inaasahang Pangangailangan
Setyembre 2021


Mga Alituntunin ng Ministering

Pagtulong sa Iba na Maghanda para sa mga Hindi Inaasahang Pangangailangan

Bilang mga ministering brother at sister, matutulungan natin ang ating mga kapatid na maghanda para sa isang mundong walang katiyakan.

a mother and her toddler son planting an indoor garden

Larawan mula sa Getty Images

Mga pandemya, kalamidad, pagbagsak ng ekonomiya, kaguluhan sa pulitika, at marahas na alitan—ang mundo ay marami nito sa nakalipas na taon. Bukod pa sa laganap na mga pangyayaring ito, nahaharap din tayo sa mga hindi inaasahang hamon sa ating personal na buhay, tulad ng karamdaman, diborsyo, pagkawala ng kita, at iba pa.

Ang ating mga pagsisikap na maghanda para sa mga hindi inaasahang bagay ay makapagbibigay ng kaligtasan at seguridad para sa ating sarili at sa iba. Ano ang magagawa natin bilang mga ministering brother at sister upang matulungan ang mga mahal natin sa buhay na makayanan ang mga hindi inaasahang unos sa kanilang buhay?

Si Carlomagno Aguilar mula sa Angeles, Philippines, ay nagbigay lamang ng isang halimbawa. Nang malaman niya na isasailalim sa quarantine ang kanilang lugar dahil sa pandemyang COVID-19, nagmamadali siyang bumili ng mga suplay—bagama’t naiiba ang listahan ng bibilhin niya sa bibilhin ng ibang tao. Nagplano siyang maging handa, bumili siya ng mga binhi at pataba para sa kanyang hardin sa bahay.Upang maging mas self-reliant, si Carlomagno ay matagal nang urban farmer. Tinutulungan din niya ang kanyang mga kapitbahay, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng produkto mula sa kanyang hardin at pagtuturo sa kanila na magtanim ng sarili nilang pagkain. Gumawa rin siya ng online channel kung saan maaaring panoorin ng lahat ang kanyang mga tip at tutorial, tinutulungan ang kanyang kapwa na maging mas self-reliant at maghanda para sa hinaharap.

video still of man teaching about growing food

Sinimulan ni Carlomagno Aguilar ang isang online channel para ituro ang tungkol sa urban farming.

Itinuro ni Bishop W. Christopher Waddell, Unang Tagapayo sa Presiding Bishopric: “Kapag ipinamuhay natin ang mga espirituwal na alituntunin at humingi ng inspirasyon mula sa Panginoon, tayo ay gagabayan na malaman kung ano ang kalooban ng Panginoon sa atin, bilang indibiduwal at mga pamilya, at kung paano pinakamainam na maisasabuhay ang mahahalagang alituntunin ng temporal na kahandaan. Ang pinakamahalagang hakbang sa lahat ay ang magsimula” (“May Pagkain,” Liahona, Nob. 2020, 44–45).

Ang pagtulong sa isa’t isa na maging handa sa mundong ito na walang katiyakan ay isang pangunahing paraan para maipakita ang pagmamahal na katulad ng kay Cristo. Tulungan natin ang isa’t isa na gawin ang “pinakamahalagang hakbang” na iyon para makapagsimula.

Mga Mungkahi sa Pagtulong sa Iba

Tulad ng dati, ang ministering ay nagsisimula sa mapanalanging pagsasaalang-alang at pagsasanggunian. Ang mga sumusunod na mungkahi ay makatutulong sa inyo na pag-isipan kung paano ninyo o ng mga mini-minister ninyo sisimulan ang paghahanda para makatugon sa mga hindi inaasahang hamon o pangyayari.

  1. Pag-isipan ang kabuuan at ang bawat aspeto nito. Makapaghahanda tayo sa maraming iba’t ibang paraan para sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Mahalagang mag-imbak at magpabunga ng pagkain kung kaya ninyo, maghanda sa pinansyal, magkaroon ng matatag na damdamin, at gumawa ng mga plano para sa mga biglaang sitwasyon.

  2. Pag-usapan ang mga problema o sakuna na pinakaposibleng mangyari sa lugar kung saan kayo nakatira at kung paano haharapin ang mga ito. Ang iba’t ibang lugar sa buong mundo ay may magkakaibang mga problema o sakuna. Kung nakatira kayo sa isang lugar kung saan madalas ang paglindol, talakayin kung paano ninyo maihahanda ang inyong tahanan para matulungan kayo na manatiling ligtas, gaya ng matibay na pagkakabit ng mabibigat na kasangkapan sa dingding. O kung nakatira kayo sa isang lugar na madalas bagyuhin, pag-usapan kung paano tutugon sa sitwasyong iyan, tulad ng pagkakaroon ng radyo para malaman ang balita o paglikas papunta sa mataas na lugar.

  3. Pag-usapan kung paano magkaroon ng emergency fund. Ang pag-iimpok ng pera ay makatutulong sa inyo kung mawawalan kayo ng trabaho o magkakaroon ng mga hindi inaasahang karagdagang gastusin. Pag-usapan kung paano mag-impok ng pera, tulad ng pagsisimula sa maliit na halaga at pag-iimpok nang kaunti tuwing susuweldo kayo hanggang sa makamit ninyo ang inyong mithiin.

  4. Magkakasamang magtipon ng mga suplay para sa isang emergency kit. Ang pagkakaroon ng emergency kit ay makatutulong sa inyo na maging handa kung kailangan ninyong pansamantalang lisanin ang inyong tahanan. Magtulungan sa pag-iisip at pagtipon ng mga kinakailangang bagay. Magagawa ito sa loob ng ilang panahon. Isaalang-alang ang titirhan, gamit na nagbibigay-liwanag, pera, pagkain at tubig, mga suplay ng gamot, komunikasyon, mahahalagang dokumento, pamalit na damit, mga aytem na nakalilibang at nakaaaliw (mga laro, aklat, laruan para sa mga bata), at iba pang mga pangangailangan.

  5. Makipagkaibigan sa taong pinaglilingkuran ninyo. Mahalagang magkaroon ng mga kasanayan para makayanan ang mga damdaming madarama kapag dumating ang paghihirap o problema. Isa sa mga kasanayang ito ay ang pagkakaroon ng mabubuting ugnayan. Kapag pinatitibay ninyo ang pagkakaibigan ninyo sa taong iyon, tinutulungan ninyo siya na magkaroon ng support system.

  6. Pag-usapan ang tungkol sa pag-iimbak ng pagkain. Makatutulong na magkaroon ng ekstrang pagkain para sa mga emergency. Hikayatin ang isa’t isa na magsimula sa pagkakaroon ng panandaliang suplay na magagamit at mapapalitan ninyo sa inyong regular na pagluluto. Pagkatapos ay simulan ang pagtitipon ng mga pangmatagalang suplay ng mga talagang kinakailangan. Kung wala kayong gaanong espasyo para sa pag-iimbak ng pagkain o kung ipinagbabawal ng batas ang pag-iimbak ng maraming pagkain, mag-imbak lamang nang naaangkop ayon sa inyong kalagayan.