Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aking Kliyente o ang Aking Tungkulin?
Habang nagsisikap akong gawin ang aking mga responsibilidad sa priesthood, ipinakita sa akin ng Panginoon na alam Niya ang aking sitwasyon sa pinansiyal.
Nang tawagin ako bilang elders quorum president noong 2000, pitong elder lang ang dumadalo sa miting ng priesthood. Hindi rin namin nagagawa nang mabuti ang aming home teaching—na ministering ngayon.
Alam ko na nahaharap kami sa isang malaking hamon na mahikayat ang mga elder na gawin ang kanilang responsibilidad. Kaya, para masimulan, nagpasiya kami na muling iorganisa ang mga assignment at dagdagan ang pagtutok dito.
Dahil ako ay self-employed na abogado, madalas akong magbiyahe. Napakarami kong pinagkakaabalahan, ngunit nais kong gawin ang aking mga responsibilidad sa priesthood.
Isang araw, kinailangan kong magbiyahe sakay ng bus papunta sa isa pang lungsod para kausapin ang isang kliyente. Dahil gipit ako sa pera, umasa ako na papayag ang kliyente ko na bigyan ako ng paunang bayad.
Habang papunta sa sakayan ng bus, nagpasiya akong puntahan ang ilang miyembro ng korum at hikayatin silang bisitahin ang mga pamilyang nakatalaga sa kanila. Ang ilan ay nakalimot pero nangakong gagawin ito. Ang iba ay nangako na tatapusin ang kanilang mga pagbisita sa mismong linggong iyon.
Tuwang-tuwa ako sa kanilang mga pangako kaya nagpasiya akong bisitahin at hikayatin ang iba pang mga miyembro ng korum. Hindi ko napansin na hapon na pala. Kaya, sa halip na umalis ng bayan, nagpasiya akong pumunta sa aking opisina para repasuhin ang kaso ng kliyente.
Nagulat ako, nang dumating ako sa aking opisina, na nakatayo ang kliyente ko sa labas kasama ang isang tao. Ipinaliwanag ko sa aking kliyente na rerepasuhin ko na ang kanyang kaso at magrereport sa kanya kinabukasan. Sinabi niya na naroon siya para ipakilala ako sa isang bagong kliyente. Matapos kaming mag-usap ng kaibigan niya, nagkasundo kami ng bayad niya sa akin para tulungan siya na malutas ang kanyang kaso. Pagkatapos, biglang nag-alok ang kliyente ko ng paunang bayad.
Para sa akin, iyon ay isang himala. Alam ng Ama sa Langit na sinisikap kong maging tapat sa Kanya. Alam Niya rin ang aking mga pangangailangan. Pinagpala Niya ako sa maraming paraan sa nakaraang mga taon, ngunit sa pagkakataong ito binigyan Niya ako ng pagpapalang pinansiyal. Tinupad Niya ang Kanyang salita sa mga banal na kasulatan sa mga yaong naglilingkod sa Kanya: “Hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian [ng Diyos] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).
At ang aming elders quorum? Pinagpala kami ng Panginoon nang kumilos kami nang may pagkakaisa. Hindi nagtagal ay umabot ng 100 porsiyento ang aming home teaching, at ang attendance namin sa priesthood ay nadagdagan at naging 35 matatapat na elder.
Pinatototohanan ko na lahat tayo ay maaaring maging kasangkapan sa gawain ng Panginoon at magkaroon ng kagalakan at mga pagpapala sa paglilingkod sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.