2021
Ang Aking Matapat na Counselor
Setyembre 2021


Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda

Ang Aking Matapat na Counselor

Pagdating sa paglilingkod, hindi kailanman itinuring ni Larry na hadlang ang edad.

couple visiting an elderly woman

Mga paglalarawan ni Carolyn Vibbert; larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Morgan

Nang bumalik ang pamilya ko sa bayan kung saan ako lumaki, nakita namin ang pagbabago sa komunidad. Dati ay lugar ito ng mga bata pang pamilya, ngayon ito ay tahanan na ng maraming balo, ng mga magulang na ang mga anak ay naglakihan na at bumukod, at ng maliit ngunit dumaraming bilang ng bata pang pamilya na lumilipat dito kapag may mga bakanteng tirahan.

Dahil sa pabagu-bagong populasyon, muling inorganisa ang mga hangganan ng ward. Pinagsama ang ilang bahagi ng tatlong ward sa isang ward, at tinawag ako bilang bishop. May ilang araw ako para pag-isipan ang magiging mga counselor ko. Ang unang pangalan ay mabilis na dumating at pinagtibay ito ng Espiritu. Pero hindi ako sigurado kung sino ang isang pang counselor.

Isinaalang-alang ko ang ilang mas nakababatang kalalakihan sa bagong ward, pero hindi ko sila gaanong kilala. Tila para sa akin mas kailangan namin sila sa organisasyon ng Young Men.

May kilala akong matandang lalaki, si Larry Morgan, na matagal nang nakatira sa komunidad. Sa katunayan, siya ay lider ng mga kabataan noong tinedyer ako. Ngayon ay 76 na taong gulang na siya. Nadama ko na dapat ko siyang kausapin. “Siguro matutulungan niya akong mas makilala ang ilan sa mga taong hindi ko kilala,” naisip ko.

Nakatayo siya sa daanan ng garahe nang dumating ako sa kanyang tahanan, at nang walang salitang namutawi, alam ko na si Larry ang isa sa counselor. Kinausap ko siya nang ilang minuto; pagkatapos ay umuwi ako at tinawagan ko ang stake president. Nang Linggong iyon sinang-ayunan ang bishopric, kasama si Larry bilang pangalawang counselor.

Mahinahong magsalita at maginoong kumilos si Larry, ngunit kapag nagsalita siya, nakikinig ang mga tao. Siya rin ay may hindi natitinag na pananampalataya sa Panginoon. Kaagad akong nagtiwala sa payo niya.

“Dadalawin Namin Sila”

Mahusay na nagawa ng mga home teacher (na kilala ngayon bilang mga ministering brother) ang pagbisita sa mga balo at naipaalam sa bishopric kung ano ang kalagayan ng mga ito. Ngayon, karamihan sa responsibilidad para sa kanilang kapakanan ay nakaatang sa elders quorum at Relief Society. Ngunit noong panahong iyon, nadama ko na tungkulin ko ring bisitahin sila. Kaya sinikap kong makabisita ng isa o dalawang beses kada linggo. Sa ganyang bilang halos isang taon ang kakailanganin para mabisita silang lahat. Dahil bata pa ang pamilya ko na nangangailangan din ng aking panahon, wala akong sapat na oras para magawa ito.

Sinabi ko ito sa bishopric meeting, at may naisip si Larry.

Larry and Elizabeth Morgan

Larry at Elizabeth Morgan

Mga paglalarawan ni Carolyn Vibbert; larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Morgan

“Ano kaya kung tumulong kami ng asawa ko?” sabi niya. “Marami kaming oras para bumisita. Magtiwala tayo sa mga home teacher, pero hayaan mong puntahan namin ni Elizabeth ang mga mas nangangailangan ng atensyon. Ipararating namin sa kanila na inaalala mo sila.”

Pagkatapos niyon, ang aking matapat na counselor at ang kanyang asawa ay maraming nabisita at napasayang miyembro. Pinagaan nila nang husto ang aking gawain.

“Ilang Taon na ang Propeta?”

Minsan, kailangan ng ward namin ng guro sa Gospel Doctrine sa Sunday School. Bilang bishopric nagdasal kami at nirepaso namin ang ilang pangalan kasama ang Sunday School president. Pero wala kaming nadamang kumpirmasyon kung ano ang gagawin namin. Muling may naisip si Larry. “Si Ila Gibb kaya?” Si Ila ay nasa ikapitong dekada na ng kanyang buhay, ngunit nadama naming lahat na magiging mahusay siyang guro. Pumayag ang Sunday School president.

Natawa si Sister Gibb nang ipaabot namin ni Larry ang calling na ito. “Matanda na ako,” sabi niya. “Ibigay na lang ninyo sa iba ang calling.”

Nang tumugon si Larry, “Sister Gibb, ilang taon … ,” akala ko ay gagawin niyang halimbawa ang kanyang sarili. Pero hindi niya ginawa iyon. Magiliw niyang sinabi, “Ilang taon na ang propeta?” Sa panahong ito, si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ay katatawag lang na Pangulo ng Simbahan sa edad na 84.

“Alam ko na ang susunod mong sasabihin,” tugon ni Ila. “Sa palagay ko ay hindi pa tayo masyadong matanda para maglingkod.” At sa sumunod na tatlong taon, naglingkod siya bilang isang kahanga-hangang guro sa Gospel Doctrine.

Ako ay 69 na taong gulang na ngayon, at madalas kong maisip si Larry at ang pananampalatayang ipinakita niya para tanggapin ang tungkuling maglingkod bilang counselor sa bishopric sa edad na 76. Habang iniisip ko ang kanyang paglilingkod, nabigyang-inspirasyon akong isipin na marami pa akong magagawa—at marami pang magagawa tayo na mga nasa ikaanim, ikapito at ikawalong dekada ng ating buhay—upang patuloy na maitayo ang kaharian ng Diyos.