2021
Alam ni Jesucristo ang Sakit na Nadarama Natin mula sa Masasamang Palagay
Setyembre 2021


Alam ni Jesucristo ang Sakit na Nadarama Natin mula sa Di-matwid na Pagpapalagay

Ang awtor ay naninirahan sa Gauteng Province, South Africa.

Ang mithiin ko ay makita ang mga tao tulad ng pagtingin sa kanila ng Tagapagligtas.

people gathered on the Rome Italy Temple grounds

Sa Rome Italy Temple open house, napaliligiran ng mga miyembro at kaibigan ang estatwa ng Christus, tulad ng nakikita sa bintana ng visitors center.

Nakaranas ako ng di-matwid na pagpapalagay ng iba o diskriminasyon sa ilang paraan sa loob ng halos 20 taon.

Matapos sumapi sa Simbahan sa Mozambique, lumipat ako sa South Africa. Ito ay isang magandang bansa, isa sa mga pinakamaunlad sa Africa. Ang kagandahan nito ay dinagdagan ng pagkakaiba-iba ng mga tao nito at ng yaman sa kultura.

Ang South Africa ay isang bansang nagpapagaling pa rin mula sa kasaysayan na nabahiran ng segregasyon ng mga lahi. Bagama’t pormal na inalis ang apartheid noong 1994, nananatili pa rin ang mga pilat ng dating patakarang ito ng rasismo na ipinatupad ng pamahalaan.

Bilang isang maitim na babaeng Mozambican na Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa South Africa sa nakalipas na 18 taon, maingat akong kumilos sa gitna ng diskriminasyon at pagbubukod, na madalas na ipinapakita bilang hindi halatang agresyon. Ang rasismo, klasismo, tribalismo, sexism, at xenophobia ay ilang halimbawa ng mga problema sa segregasyon na kinakaharap pa rin ng lipunan. May isang bagay sa likas na tao na tila gustong hatiin ang lipunan at paniwalain tayo na masama ang maging kakaiba.

Ang Sinusubukan Nating Gawin

Maaari bang maimpluwensyahan ang mga miyembro ng Simbahan sa ganitong paraan ng pag-iisip? Oo naman. Kailangan nating hubarin ang likas na tao sa ating habambuhay na pagsisikap na maging mga banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo (tingnan sa Mosias 3:19).

Tuwing nadarama namin ng mga anak ko na kami ay nakahiwalay, hindi napapansin, na-stereotype, o inuusyoso, umuuwi kami at pinag-uusapan ito. Sinasabi namin, “Ano ang nangyari? Suriin natin ito. Pag-usapan natin kung bakit ganito ang ikinikilos ng mga tao.” Ang pag-uusap tungkol dito ay nakatutulong sa amin na pigilan ang paglala ng nararamdaman namin.

Sinisikap kong ituro sa aking mga anak na ang aming kadakilaan ay nakasalalay sa paraan ng pakikitungo namin sa mga taong nasa laylayan o pinatatalsik ng lipunan (tingnan sa Mateo 25:40). Maaaring mangahulugan iyan ng paghahanap ng mga paraan para matulungan ang iba upang hindi natin sila ipuwera.

Sinisikap Kong Tularan si Jesus

Masakit man ang ilan sa mga karanasan, ginagawang mas mabubuting tao ng mga aral na natututuhan namin ang aking mga anak. At ako rin. Ang aming mga kabiguan ay nakatulong sa amin na magkaroon ng habag at pagdamay sa iba.

Ang pagdanas ng di-matwid na pagpapalagay ng iba ay nagbigay sa akin ng pagkakataong pumili. Ako ba ay magkakaroon ng kapaitan at gaganti, o bibigyan ko ang taong iyon ng hindi lamang isa pang pagkakataon kundi ng pangalawa, pangatlo, at pang-apat na pagkakataon? Makikita ko ba ang lipunan bilang isang kakila-kilabot na lugar, o magiging puwersa ba ako para sa positibong pagbabago?

Naharap din ang Tagapagligtas sa di-matwid na pagpapalagay ng iba dahil sa kung sino Siya, sa Kanyang pinaniniwalaan, at sa lugar kung saan Siya nagmula (tingnan sa Juan 1:46). Subalit hindi Siya tumugon nang may karahasan, galit, kapaitan, o pagkamuhi. Nagturo Siya laban sa lahat ng bagay na ito at kumilos nang may pagmamahal at katotohanan. Itinuro Niya na ang kapangyarihan at impluwensya ay dumarating sa pamamagitan ng paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, at pagmamahal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41). Itinuro Niya na kapag nasaktan ang ating damdamin, dapat nating puntahan ang ating kapatid at magkasamang pag-usapan ito (tingnan sa Mateo 18:15). Tinuruan Niya tayong ipagdasal ang mga umuusig sa atin (tingnan sa Mateo 5:38–48). At nang Siya ay nilitis sa hindi makatarungang paraan at ipinako sa krus upang mamatay, tinuruan Niya tayo na magpatawad (tingnan sa Lucas 23:34).

Sa huli, ang Kanyang pagmamahal ang babago sa atin at sa mundo (tingnan sa 2 Nephi 26:24).

At Patuloy Akong Magsisikap

Hindi ako perpektong tao; hindi ako palaging nagpapatawad kaagad matapos akong masaktan ng isang tao. Kailangan ng panahon, kailangan ng paggaling, at kailangan ko ng tulong ng Espiritu Santo. Kung minsan pinipili kong masaktan ang aking damdamin, at hindi ko kaagad tinatanggap ang Kanyang mga pahiwatig. Ngunit kung bukas ako sa Kanya, matiyagang nakikipagtulungan sa akin ang Espiritu hanggang sa maunawaan ko ang nais ipagawa sa akin ng Ama sa Langit sa sitwasyong iyon.

Ang mithiin ko ay tunay na makita ang mga tao tulad ng pagtingin sa kanila ng Tagapagligtas. Para magawa iyan, dapat handa tayong tanggapin na wala sa atin ang lahat ng sagot. Kapag handa tayong sabihing, “Hindi ako perpekto; marami akong dapat matutuhan. Ano ang matututuhan ko mula sa mga pananaw ng iba?”—iyon ang panahon na talagang nakaririnig tayo. Iyon ang panahon na talagang nakakikita tayo.

Sa paglalakbay kong ito, nakatutulong na alalahanin na narito ako para sa isang layunin, na ang mga pagsubok sa buhay ay pansamantala—isang mahalagang bahagi ng mortalidad—at na hindi ako nag-iisa. Sa kabila ng lahat ng ito, sinisikap kong tularan si Jesus! Ang pagsisikap ay aktibo, at kapag nabigo tayo, maaari tayong sumubok muli.