2021
Pagiging Kabilang kay Jesucristo
Setyembre 2021


Digital Lamang

Pagiging Kabilang kay Jesucristo

Ang awtor ay naninirahan sa Kanagawa Prefecture, Japan.

Habang naglalaho ang mga hindi patas na pagtrato tungkol sa mga hamon na kinakaharap ng aking mga anak, nadama ng pamilya ko ang pagiging kabilang—at ang malaking kagalakang nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo.

ina na nakayakap sa kanyang anak na lalaki

Madalas nating marinig na mapapagaling ng pagmamahal ang lahat ng sugat, ngunit hindi ko alam kung gaano katotoo ito hanggang sa ipamuhay ko ito.

Sa loob ng maraming taon, nahirapan ang pamilya ko na makahanap ng lugar kung saan madarama namin na kabilang kami. Ang dalawang anak kong lalaki ay nasuri na may autism at ADHD sa murang edad, at dahil sa kanilang di-mapigilang pag-uugali at kadalasan ay nakakabahalang pag-uugali, maraming tao ang hindi nakauunawa sa kanilang sitwasyon. Sa aking bansang Japan, 98 porsiyento ng populasyon ang Hapones. Sa alinmang lugar na may kaunting mga pagkakaiba, maaaring mahirap para sa lipunan na tanggapin ang mga taong medyo naiiba.

Noong maliliit pa ang mga anak ko, sinikap kong i-enrol sila sa preschool. Nagsimula akong mag-aplay sa mga paaralan sa lugar, pero sa bawat aplikasyon, naharap ako sa mahirap na sagot: sa sandaling makilala ng mga tauhan ang mga anak ko at malaman ang kanilang kalagayan, sinasabi sa amin na wala nang bakante sa paaralan. Kalaunan ay malugod kaming tinanggap ng isang pasilidad sa kalapit na bayan, pero ito ay matapos kaming tanggihan ng bawat preschool sa aming lungsod.

Napakasakit nito.

Ang pagsakay sa pampublikong transportasyon ay hindi mas madali. Kung minsan, kapag pinagagalitan ko ang mga bata dahil sa pag-iingay nila sa tren, umaarte sila, na dahilan para sabihin sa akin ng mga estranghero na mapang-abuso ako. Sa ibang mga pagkakataon, pinipigilan ko ang sarili ko na sawayin ang mga bata dahil sa takot sa magiging reaksyon nila, para lang sabihin sa akin ng iba pang mga pasahero na pabaya ako.

Iginiit pa nga ng mga social worker na ilagay ko ang isa sa mga anak ko sa isang semipermanent facility, na minsan lang kada dalawang taon ako kokontak sa kanya, dahil naniniwala sila na hindi ko makakayang palakihing mag-isa ang dalawang bata na may autism at ADHD. Gayunman, dahil personal kong naranasan ang mga hirap noong aking kabataan—nagdiborsyo ang mga magulang ko noong bata pa ako at sa maraming dahilan ay hindi nila ako naalagaan—determinado akong gawin ang lahat para ibigay sa aking mga anak ang matinding pagmamahal na nararapat ibigay sa bawat anak.

Ligtas na Natipon

Ilang taon na ang nakalipas, dumalo ako sa isang work seminar, at napansin ko na ang ilan sa mga lider ng seminar ay naghahalukipkip at yumuyuko bago kumain ng tanghalian. Ang mga taong ito ay karaniwang napakabait, naisip ko. Bakit hindi maganda ang mood nila sa tuwing uupo sila para kumain?

Agad kong nalaman na nagdarasal sila—hindi naiinis—at hindi ko maiwasang hindi magtanong tungkol sa kanilang pananampalataya. Napakabait nila at kakaiba ang diwang taglay nila, at hinangad kong malaman pa ang iba. Nalaman ko na mga miyembro sila ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at agad naming tinanggap ang paanyaya nilang magsimbang kasama nila.

Dahil sa kanyang autism, takot ang bunsong anak ko sa malaking grupo at magkaroon ng mga bagong kakilala, pero malugod kaming tinanggap ng ward at ginawa ang lahat para maasikaso ang aming mga pangangailangan. Naglaan ang mga miyembro ng isang espesyal na silid sa likod ng chapel para lang sa anak ko, at sinunod nila ang aming kahilingan na iwasang tumingin sa kanyang mga mata hanggang sa mas panatag na ang loob niya. Kahit magulo ang isa sa mga anak ko sa sacrament meeting, pinakitunguhan kami nang may lubos na paggalang at kabaitan.

Nakita ko ang mga anak ko na naging panatag sila sa magiliw na pagtanggap ng ward. Agad silang nagkaroon ng mga bagong kaibigan, at nagsimula ring dumalo ang mga anak ko sa mga klase sa Primary sa mga araw na hindi ako nakasimba.

Kalaunan ay nabinyagan kami, isang alaala na naghahatid pa rin ng luha sa aking mga mata. Sa serbisyo sa binyag, ang mga miyembro ng ward—na nauunawaan ang takot ng mga anak ko sa maraming tao—ay pumasok sa likod ng silid nang dahan-dahan matapos makaupo ang mga bata upang maiwasan na matakot sila. Pagkatapos, napakaraming magiliw na bumati sa amin, at dama ang pagmamahal sa silid kaya sinabi ng mga anak ko, “Gusto kong mabinyagang muli!”

Wala akong ibang nadama kundi pasasalamat sa aking puso kapag naiisip ko ang matinding pagmamahal na ipinakita ng mga miyembro sa aming ward—isang pagmamahal na sa huli ay naging daan para mahanap namin ang liwanag ng ebanghelyo. Lubos na ipinakita ng ward ang ibig sabihin ng ang ating “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21). Talagang pinagpala ang pamilya ko ng kabaitan ng malugod na pagtanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Pagkakaroon ng Kapayapaan at Pagiging Kabilang

Dalawang taon na ngayon mula nang mabinyagan kami ng mga anak ko. Kapwa naordenan ang aking mga anak sa Aaronic Priesthood, at nakakita ako ng pambihirang pagbabago sa kanilang mga kilos.

Nagpapasalamat ako sa maraming mapagmalasakit na taong tumanggap sa aking pamilya at tumulong sa aking mga anak na madaig ang kanilang takot sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagmamahal. Nagpapasalamat ako sa ebanghelyo ni Jesucristo, na sa pamamagitan nito ang pinakamatitinding sugat ng hindi patas na pagtrato ay mapapagaling. At higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa mapagmahal na Ama sa Langit, na naghanda ng paraan para makahanap ng kapayapaan at pagiging kabilang ang aking pamilya, kahit hindi ko makita kung ano ang landas na iyon.

Natutuhan ko na kapag nagbigay tayo ng puwang para sa ating mga pagkakaiba, nagbibigay tayo ng puwang para sa higit na pagmamahal. Bawat isa sa atin ay minamahal na anak ng mga magulang sa langit, at kapag tinandaan natin ang katotohanang ito, lahat tayo—saanman tayo naroon o kung sino tayo—ay nagiging isa kay Cristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:27).