Paano Ako Makatutulong na Madaig ang Di-matwid na Pagpapalagay?
Narito ang anim na paraan na maaari nating talikuran ang di-matwid na pagpapalagay at itaguyod ang paggalang.
Ano ang Magagawa Ko Para Madaig ang Di-matwid na Pagpapalagay?
1. Tingnan muna ang kalooban. Maaari tayong mangakong kilalanin sa ating sarili at talikuran ang anumang “pag-uugali at kilos [na may] di-matwid na pagpapalagay.”1
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sinuman sa atin na may di-matwid na pagpapalagay sa ibang lahi ay kailangang magsisi!”2
2. Hangaring makaunawa. Mag-ukol ng oras na makinig sa mga taong nakaranas ng di-matwid na pagpapalagay ng iba. Maaaring kabilang dito ang mapagkakatiwalaang mga aklat, pelikula, at balita tungkol sa paksa.3
Napansin ni Darius Gray, isang bantog na miyembrong African American at lider ng Simbahan, “Kung magsisikap tayong tunay na makinig sa mga itinuturing nating ‘iba,’ at kung ang tapat na pagtutuon natin ay ang hayaan silang ibahagi ang kanilang buhay, kanilang mga kasaysayan, kanilang pamilya, kanilang mga pag-asa, at kanilang mga pasakit, hindi lamang tayo magkakaroon ng mas malaking pang-unawa, kundi ang gawaing ito ay makatutulong sa pagpapagaling ng mga sugat ng rasismo.”4
3. Magsalita. Kung may narinig kang isang tao na nagbabahagi ng isang mali o negatibong ideya tungkol sa lahi, magsalita sa mabait ngunit malinaw na paraan.
Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kailangan nating paghusayin pa ang ating pagsisikap na tumulong para mabura ang rasismo.”5
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Inaanyayahan tayong baguhin ang sanlibutan sa ikabubuti nito, mula sa loob palabas, isang tao, isang pamilya, isang komunidad sa bawat pagkakataon.”6
Ano ang Magagawa Ko Kung Nakaranas Na Ako ng Diskriminasyon?
1. Magpatawad, at magkaroon ng kaibigan. Kapag nasaktan tayo sa mga kilos ng iba, maaari tayong magturo at magpatawad at maghangad na magkaroon ng ugnayan.
Habang naglilingkod bilang Area Seventy, sinabi ni Elder Fred A. “Tony” Parker: “Noong naging biktima ako ng rasismo, nakahanap ako ng tagumpay sa pagtugon dito nang deretsahan, pinapatawad ang indibiduwal at tinutugunan ang isyu. Kung may nagsasabi ng isang bagay na nakasasakit sa damdamin ko, kailangan kong humanap ng paraan para matulungan siyang maunawaan kung bakit nakasasakit iyon. Ito ay isang pagkakataon hindi lamang para magpatawad kundi para bumuo ng ugnayan upang hindi lamang tumingin ang tao kay Tony Parker bilang isang African-American kundi bilang anak ng Diyos. Si Jesus ay nagturo ng kapatawaran (tingnan sa Mateo 18:21–35), at itinuro Niya sa atin na kapag sumama ang loob natin ay pumunta sa nakasakit sa atin at lutasin ang sitwasyon (tingnan sa Mateo 18:15).”7
2. Matuto ng mga makatutulong na aral mula sa masasakit na mga karanasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7).
Isinalaysay ni Reverend Amos C. Brown ang isang kuwento tungkol kay Howard Washington Thurman. Nanirahan si Howard sa tabi ng isang babaeng nagmalupit sa kanyang pamilya dahil sila ay Maiitim—at naghagis pa ng dumi mula sa kulungan ng kanyang manok sa bakuran ng mga Thurman.
Nang magkasakit ang babae, dinalhan siya ng ina ni Howard ng sopas at ilang rosas. Nang may pasasalamat, nagtanong ang babae kung saan nanggaling ang mga bulaklak. Ipinaliwanag ni Mrs. Thurman, “Habang inihahagis mo ang mga dumi ng manok, inihahanda ng Diyos ang lupa.”
“Iyan ang kailangan nating gawin sa gitna ng kasamaan,” sabi ni Reverend Brown. “Kunin ang dumi ngunit magkaroon ng pananampalataya sa Diyos na magamit ito para magpalago ng isang halamanan ng mga rosas.”8
3. Bumaling kay Cristo para sa pagpapagaling at patnubay. Ang pagtitiwala sa Tagapagligtas ng inyong pasakit at pagsunod sa Kanya ay makapagdudulot ng kapayapaan.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na bukod sa pagtubos sa atin mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga hinihingi ng katarungan sa atin, si Jesucristo ay “pinagbayaran din ang pagkakautang sa atin ng katarungan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa atin at pagpuno para sa anumang pagdurusang tinitiis natin nang walang pagkakasala.”9
Ibinigay ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa na ating tutularan. Itinuro Niya sa atin kung ano ang gagawin kapag tayo ay nasaktan ang damdamin (tingnan sa Mateo 18:15), inusig (tingnan sa Mateo 5:38–48), at di-makatarungan pang hatulan ng kamatayan (tingnan sa Lucas 23:34).