Digital Lamang
Mas Mabuti Kung Magkakasama Tayo
Mas malinaw tayong makakakita kapag natanto natin na ang ating pananaw ay limitado kung wala ang mga pananaw ng iba.
Sumapi ako sa Simbahan nang mag-isa sa central California, USA, noong tinedyer ako, at sa loob ng mahigit 20 taon mula noon, laging ako lang ang Itim sa aking ward o isa sa iilan lamang. Nagkaroon ako ng ilang mahihirap na karanasan, kahit sa simbahan, tungkol sa aking lahi. Salamat na lang, may patotoo ako na mahal ako ng Diyos at may lugar para sa ating lahat sa Kanyang kaharian.
Mahirap Maging Kakaiba
Ang pinakamaganda, ang simbahan ay maaaring maging lugar ng kanlungan para sa atin kapag nahihirapan tayo at kailangan ng suporta at pakikipagkapatiran ng mga taong kapareho natin ang mga pinahahalagahan. Gayunman, ang pakiramdam na iyan ng kaligtasan at suporta ay maaaring mawala kung dama mong hindi ka kasali dahil sa iyong mga pagkakaiba. Maaaring mahirap ang maging kakaiba, at mahirap itong ilarawan sa isang taong hindi pa nakaranas nito.
Bagama’t nanawagan ang mga lider ng Simbahan sa “lahat ng tao na talikuran ang mga pag-uugali at kilos ng maling palagay sa anumang grupo o indibiduwal,”1 may ilan na hindi pa rin natututong gawin ito. Nakita ko na bilang young single adult ay naiwan akong nagtataka kung iyon ang dahilan kung bakit wala ni isa sa mga lalaki ang interesadong makipagdeyt sa akin at kung magkakaroon ba ako ng pagkakataong makasal sa templo dahil dito. Nakikita ko ito ngayon kapag may isang tao sa simbahan na gumagawa ng maling puna tungkol sa lahi na para bang ako ang tinutukoy, na para bang sinusuri ang pagiging karapat-dapat ko sa harap ng lahat. At kung walang magsasalita para itama ang maling doktrinang ito, akong mag-isa ang gumagawa nito.
Hindi komportable ang matitigan, hawakan ng mga tao ang buhok ko nang walang pahintulot, o balewalain. At kapag sinisikap kong pag-usapan ang mga bagay na ito, labis akong nasasaktan kapag sinasabihan ako ng mga taong mahal ko at pinagtitiwalaan ko na gawa-gawa ko lang ito, masyado akong sensitibo, o umaarte ako na parang biktima ako.
Bakit nararanasan ko at ng iba ang ganito kasakit na mga karanasan? Dahil gusto kong maging bahagi ng pamilya ko sa ward. Dahil nakikita ko kung gaano ang maiaambag ko kung bibigyan ako ng pagkakataon. Pero pakiramdam ko nasa gilid lang ako ng Simbahan—hindi lubos na protektado sa kanlungan na kailangan nating lahat. Ito ay dahil sa mas malalim na pang-unawa sa isa’t isa, magiging mas mabuti na magkakasama tayo.
Mapalalakas Tayo ng Pagkakaiba-iba
“Hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao” (Mga Gawa 10:34). Mahal Niya ang lahat ng Kanyang anak (tingnan sa Juan 3:16) at nais Niyang lumapit tayong lahat sa Kanya (tingnan sa 2 Nephi 26:24).
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang Diyos ay hindi nagmamahal ng isang lahi nang higit kaysa sa isa pa.”2
Ang ating mga pagkakaiba ay hindi isang bagay na kailangan lang nating kalimutan. Ang mga ito ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos. Itinuro ni Pablo:
“Datapuwa’t ngayo’y inilagay ng Dios ang bawa’t isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling. …
“Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, Hindi kita kailangan” (tingnan sa 1 Corinto 12:17–21).
Bawat isa sa atin ay bunga ng di-mabilang na mga pagpili at karanasan na humubog sa ating partikular na pananaw ukol sa daigdig, at may kagandahan at lakas na natatamo mula sa ating mga pagkakaiba.
Ang ating pagkakaiba-iba ay nagpapabuti sa atin, hindi lamang dahil sa lahat tayo ay may iba-ibang kalakasan kundi dahil kailangan nating magtulungan nang may pagkakaisa para mapagpala ng mga kalakasang iyon. Sa katunayan, ang ating mga pagkakaiba ay tumutulong sa atin na matuto at umunlad habang sama-sama tayong sumusulong, naghahanda para sa muling pagparito ni Cristo.
Saan Tayo Magsisimula?
Hindi palaging magiging madali kapag nagtutulungan tayo para magkaroon ng higit na pagkakaisa. Kailangang sapat ang ating pagpapakumbaba para kilalanin ang iba’t ibang pananaw, matuto mula sa mga taong naiiba sa atin, at magbago kapag nalaman natin na nagkamali tayo.
Magagawa natin ito sa pagkakaroon ng marami pang mga kaibigan at paghahangad ng karagdagang pananaw sa pamamagitan ng mapagkakatiwalaang resources. Kailangan nating pakinggan ang mga nakikita natin na kaiba sa atin at kilalanin ang kanilang mga karanasan. Para maunawaan ang isa’t isa, kailangan nating pakinggan ang isa’t isa. Sa isang sanaysay para sa Simbahan, sinabi ni Darius Gray, “Kung tapat natin silang hahayaang ibahagi ang kanilang buhay, kanilang kasaysayan, kanilang pamilya, kanilang pag-asa, at kanilang mga hirap, hindi lamang tayo magkakaroon ng mas malawak na pang-unawa, kundi ang gawaing ito ay habambuhay na magpapagaling sa mga sugat ng rasismo.”3
Gusto kong bigyan ng pagkakataon ang mga tao na makilala ako, kaya sinisikap kong maging bukas at tapat sa lahat ng nakikilala ko. Sinisikap kong simulan ang pakikipagkaibigan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga tao na mananghalian at magsimulang makipag-usap. Sinisikap kong lumikha ng ligtas na agwat para sa katapatan, kahinaan, at pagmamahal, at mag-ukol ng oras para sa ibang tao na tulad ng pag-asang maglalaan sila ng oras para sa akin. Sinisikap kong maging ang kaibigan na gusto ko—na nagsisikap na maunawaan ang mga karanasan ng iba na hindi ko naranasan.
Nadama ko na napapansin at kabilang ako sa pamamagitan ng mga simpleng pagpapakita ng kabaitan at pagtulong. Nadarama ko na kabilang ako kapag sinisikap ng mga tao na talagang kausapin ako, pag-ukulan ako ng oras, o anyayahan akong sumama sa kanila. Napakasarap sa pakiramdam kapag ipinapakita ng mga tao na gusto nilang makasama ka.
Maaari Tayong Maging Higit Pa
Sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagkakaisa at pagkakaiba ay hindi magkasalungat. Tayo ay magkakaroon ng mas matibay na pagkakaisa habang nagtataguyod tayo ng isang kapaligirang tanggap ang lahat at may respeto sa pagkakaiba.”4
Kapag pinipili nating mag-ukol ng oras para maunawaan ang mga karanasan sa buhay ng bawat isa—kahit hindi madali para sa atin na gawin ito—at piliing magtulungan para gamitin ang ibinigay sa atin upang paglingkuran ang Panginoon at ang isa’t isa, tayo ay talagang higit pa sa kabuuan ng ating mga bahagi.