Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya
Hindi Na Kami Natatakot
Talagang nalungkot kami nang masuri ang aming anak na lalaki na may kanser, ngunit ang kanyang karamdaman ay humantong sa malalaking pagpapala para sa aming pamilya.
Lumaki ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pero umalis ako sa Simbahan noong tinedyer ako matapos lumipat ang pamilya ko mula sa Alabama. Kalaunan, lumipat ako sa California, kung saan ako nagtrabaho at nag-aral. Doon ko nakilala si Patrick. Makalipas ang anim na linggo, nakatakda na kaming ikasal.
Nang magpakasal na kami at nagsimulang magkaroon ng mga anak, alam namin na mahalagang maunawaan nila ang kahalagahan ng pananampalataya at relihiyon. Gusto naming maging bahagi iyon ng aming pamilya.
Kami ay naging ang tinatawag na “mga nagsisimbang nakabakasyon,” na bumibisita sa maraming simbahan. Sinusubukan namin ang isa rito at ang isa roon, pero wala kaming nadamang tama.
Noong 2012 naglakbay kami papuntang Alabama para muling magkaroon ng ugnayan sa mga miyembro ng pamilya. Napamahal sa amin ang lugar na tinirhan ko noong bata pa ako. Kaya, lumipat kami roon noong 2014, bumili ng kaunting lupain at mga hayop, at nagsimulang mag-alaga at magbenta ng mga ani namin.
“Bakit Hindi Ako Nabinyagan?”
Isang umaga ang aming pitong-taong-gulang na anak na si Jesse, ay pumasok sa aming silid na may dalang Biblia na pambata na may mga larawan.
“Inay, tingnan mo ang larawang ito ni Jesus,” sabi niya. “Binibinyagan siya. Bakit hindi po ako nabinyagan?”
Binasa at gustung-gusto ng mga bata ang Biblia na iyon, at silang lahat ay nagsimulang magtanong: “Bakit wala tayong simbahan? Kailan tayo bibinyagan?”
Sa panahon ding ito sinimulan naming gumawa ng mga caramel mula sa gatas ng kambing at ibinenta ang mga ito sa mga lokal na magsasaka. Gustung-gusto ito ng mga tao, at nagsimula ang aming negosyo sa caramel. Pagsapit ng taglagas na iyon, nagbebenta kami ng mga caramel sa mga 30 tindahan. Pagsapit ng Hunyo 2015, nagpunta kami sa isang malaking international market sa Atlanta at nagdagdag ng mga isandaang tindahan. Hindi nagtagal, kami ay nasa telebisyon na at sa ilang magasin.
Ibinuhos namin ang aming oras sa paggawa ng mga caramel sa taglagas na iyon. Noon na nagbago ang aming buhay.
“Maghanda para sa Mahabang Pananatili”
Nasa akin na ang inakala kong gusto ko noon pa man sa buhay—isang negosyo sa bukid na katuwang ang aking pamilya at nagtuturo sa aking mga anak tungkol sa buhay sa bukid. Nakikita ng mga tao ang magandang larawan na ito ng pagtutulungan ng aming pamilya, pero nahirapan kami nang husto.
Binabalewala namin ang mga bata para magpatuloy ang negosyo. Hindi namin napag-uukulan ng pansin ang samahan naming mag-asawa. Masyado kaming maraming ginagawa. Hindi diretso ang aming mga prayoridad. Wala kaming espirituwal na saligan. Wala ang patnubay ng Ama sa Langit sa aming buhay. Sinisikap lang naming gawin ang lahat nang kami lang.
Noong taglagas na iyon lahat ng bata ay sumakit ang lalamunan at napaos. Binigyan namin sila ng mga antibiotic, at di-nagtagal lahat ay ayos na maliban kay Jesse. Hindi mawala ang ubo niya, at namaga ang kanyang leeg. Dinala siya ni Pat sa pediatrician para sa inaakala naming pangalawang antibiotic.
Makalipas ang dalawang oras tumawag si Pat mula sa ospital. Ipinadala doon ng pediatrician si Jesse para ma-X-ray at tingnan kung may impeksiyon ang kanyang baga. Sa halip, may nakita ang mga doktor na 11-pulgadang tumor sa kanyang dibdib.
“Umuwi kayo, mag-impake na kayo, pumunta kayo sa Birmingham, at maghandang lumagi doon nang matagal,” sabi ng doktor.
Ilang araw pagkarating namin sa ospital ng mga bata sa Birmingham, natanggap namin ang resulta ng pagsusuri kay Jesse. Mayroon siyang pediatric acute lymphoblastic leukemia, isang bihirang uri ng agresibong leukemia.
“Naaalala Mo Ba Ako?”
Nang sumunod na tatlong linggo, nakatira kami ni Pat sa ospital. Habang binabantayan ko si Jesse, si Pat ay 90-minutong nagmamaneho sa balikang paglalakbay mula sa aming tahanan papunta sa ospital. Sinikap niyang patakbuhin nang maayos ang aming negosyo at inalagaan ang aming mga kambing. Ang biyenan kong babae ay taga-California at sinamahan niya ang iba pa naming mga anak.
Nagsimulang humarang sa daluyan ng hangin ang tumor ni Jesse, pero lumiit ito pagkaraan ng anim na linggong chemotherapy. Inakala namin na kapag nawala na ang kanser, magiging madali na ang lahat, pero may namuong dugo sa utak ni Jesse. Matapos iyong gamutin ng mga doktor, nagkaroon siya ng fungal pneumonia. Pitong beses siyang pabalik-balik sa ospital nang sumunod na ilang buwan.
Noong Disyembre 2015, habang nasa ospital ulit si Jesse, sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon. Naisip ko, “Umalis ako sa Simbahan, at gusto ko lang isantabi ito tulad ng ginawa ko sa iba pang mga simbahan.” Pero kaagad, ay napakalakas ng impluwensya nito sa akin—ganap na kapayapaan. Nangusap sa akin ang aklat. Ni hindi ko kinailangang magdasal para malaman na ito ay totoo. Alam ko sa puso ko na totoo ito sa simula pa lang. Ilang oras akong nagbabasa habang nakaupo sa silid na iyon sa ospital.
Minsan, nagkaroon ng mataas na lagnat si Jesse, na tumagal nang 10 araw. Ayaw itong tumigil, at nagpasiya ang mga doktor na kailangan nilang gawin ang bone marrow biopsy para malaman kung nagbalik ang leukemia. Naaalala kong nakahiga ako sa sahig ng ospital. Dapang-dapa na ako. Noon ako nagpasiyang tawagan si Elaine Oborn, isang miyembro ng aming ward habang lumalaki ako sa Alabama.
Matalik kong kaibigan ang anak ni Sister Oborn. Bagama’t mga 20 taon ko nang hindi nakausap ang pamilya Oborn, ayaw maalis sa isipan ko ang mukha ni Elaine. Hinanap ko siya sa Facebook, at doon sa sahig ng ospital, tinawagan ko siya.
“Naaalala mo pa ba ako?” tanong ko.
“Dumarating ang mga Anghel para Tulungan Kami”
Matapos ipaliwanag ang nararanasan ng aming pamilya, sinabi ko kay Sister Oborn: “Hindi ko alam kung ano ang kailangan ko, pero may kailangan ako. Hindi ako aktibo sa Simbahan Ni wala kaming simbahan, pero palagi kitang naiisip. Puwede mo ba akong tulungan?”
“Maaari nating simulan sa pagtanggap mo at ni Jesse ng basbas,” sabi niya. Sinabi niya na ang kanyang asawang si Lynn ay pupunta sa ospital nang gabing iyon.
Pagkatapos ng tawag sa telepono, sinabi ko kay Pat, “Alam ko na hindi ka miyembro ng Simbahan, pero maaari bang pumunta rito ang ilang lalaki para bigyan ng basbas si Jesse?”
“Anuman ang kailangan para gumaan ang pakiramdam niya,” sabi niya.
Nang gabing iyon, dumating si Brother Oborn kasama ang dalawang full-time missionary, lahat ay nakasuot ng puting kasuotang medikal dahil malubha ang sakit ni Jesse.
“Paparating na ang mga anghel para sa atin,” naaalala ko nang buksan ko ang pinto.
Binigyan nila si Jesse ng basbas. Pagkatapos ay pinapila ni Brother Oborn ang lahat ng bata at binigyan ang bawat isa sa kanila ng basbas. Pagkatapos ay binasbasan niya ako. At binasbasan niya si Pat. Isa iyon sa mga unang karanasan kung saan nadama naming lahat ang Espiritu. Makapangyarihan iyon. Kinabukasan, nawala na ang lagnat ni Jesse. Nang palabasin na siya sa ospital, nagsimula kaming magsimba.
“Nasumpungan Namin Ito”
Noong Pebrero 2016, sinimulan kaming bisitahin ng mga full-time missionary. Noong una akala ni Pat ay pupunta sila para tumulong sa bukid. Nang tanggapin namin ang paanyaya sa kanila na turuan kami, naisip niya na ang mga lesson ay para lamang sa mga bata.
Habang naghahanda ang mga missionary na ituro sa amin ang kanilang unang lesson, lumabas si Pat para magtrabaho gamit ang traktora. Pagkaraan ng mga 20 minuto, nakita ko na sila—dalawang sister at dalawang elder—ay nalungkot. Sa sandaling iyon, nadama ko na dapat kong tawagin si Pat at hilingin sa kanya na makinig nang ilang minuto.
Kalaunan sinabi sa akin ng mga missionary na ipinagdasal nila na iyon ang gawin ko. Alam nila na kailangang marinig ni Pat ang itinuturo nila.
Matapos kaming turuan ng mga missionary nang ilang linggo, gusto nina Jesse, Bo, at Frank na magpabinyag. Naisip ni Pat na maganda iyon, pero pakiramdam niya ay “hindi siya kayang iligtas.” Iyon ay bago niya nakilala sina Von at Glenda Memory at narinig si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na magsalita sa pangkalahatang kumperensya.
Nang makita namin si Brother Memory sa simbahan, nakilala ko na pala siya noong bata pa ako. Naglilingkod siya ngayon bilang ward mission leader. Nagpakilala si Pat, at sinabi kay Brother Memory na talagang gusto niya ang Simbahan para sa aming mga anak.
“Mukhang maganda iyan,” sabi ni Brother Memory na may kislap sa kanyang mata. “Gagawin natin ito para sa mga bata.”
Makalipas ang ilang linggo, matapos ang isang lesson ng mga missionary tungkol sa plano ng kaligtasan, sinabi ni Brother Memory, “Mga bata, pag-uusapan natin ang inyong binyag.” At idinagdag niya, “At pagkatapos ay pag-uusapan natin ang binyag ng inyong tatay.”
Pumayag si Pat, pero nagpatuloy ang kanyang pagdududa tungkol sa kanyang kahandaan at pagkamarapat hanggang sa pangkalahatang kumperensya noong Abril na iyon.
“Maaaring kayo ay natatakot, nagagalit, nagdadalamhati, o pinahihirapan ng pagdududa,” sabi ni Elder Uchtdorf sa kanyang mensahe. “Ngunit tulad ng paghahanap ng Mabuting Pastol sa Kanyang nawawalang tupa, kung ibabaling lamang ninyo ang inyong puso sa Tagapagligtas ng sanlibutan, mahahanap Niya kayo.”1
Sabi ni Pat: “Bago iyon, hindi ko naisip na talagang maaari akong maging bahagi nito, na ako ay karapat-dapat sa kaligtasan. Pero matapos makinig kay Elder Uchtdorf, natanto ko na hindi pa huli ang lahat para sa akin. May pagkakataon ako para makarating sa langit. Noon ko lang nadama ang gayon. Mula noon ay nalaman ko na. Ito ang Simbahan ng Panginoon. Nahanap namin ito. Nabinyagan ako at tumanggap ng priesthood. Pagkaraan ng isang linggo bininyagan ko ang mga anak kong lalaki. Noong nasa tamang edad na ang mga anak naming babae, bininyagan ko sila.”
Makalipas ang isang taon, nabuklod kami sa Birmingham Alabama Temple.
“Hindi Na Kami Natatakot”
Ang pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan ay nagpalakas sa pagsasama naming mag-asawa. Naging mas mabuting ina ako dahil dito. Nagbigay ito sa aming mga anak ng pundasyon na hindi nila naranasan kailanman. Tiwala kami sa kanilang kinabukasan, ngayon na mayroon na silang Simbahan sa kanilang buhay.
Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng nangyari at sa lahat ng aral na natutuhan ko. Sa tingin ko ay mahalaga para sa akin na pagdaanan ang maraming bagay, ang maraming dalamhati ng kaisipan. Kinailangan kong magpakumbaba, maging desperado para hingin ang tulong at pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos, at patawarin ang sarili ko sa mga maling nagawa ko sa buhay ko.
Natapos ni Jesse ang chemotherapy at ang kanyang huling round ng mga steroid noong Marso 2019. Talagang malulungkot kami kung nagbalik ang kanser ni Jesse, pero ngayon ay mayroon na kaming walang-hanggang pananaw. Nabuklod na kami ngayon bilang pamilya. Hindi ko maisip na mawawalan ako ng Simbahan na malalapitan ko sa lahat ng bagay. Binago kami ng ebanghelyo magpakailanman.
Anuman ang mangyari, magiging OK ang lahat. Hindi na kami natatakot. Ang karamdaman ni Jesse ang naging daan tungo sa pinakamagandang nangyari sa amin. Dinala kami nito sa Simbahan ng Tagapagligtas.