Library
Kaloob na Espiritu Santo


“Kaloob na Espiritu Santo,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

sikat ng araw na sumisilay sa kaulapan

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Kaloob na Espiritu Santo

Nakakasama sa tuwina ang isang miyembro ng Panguluhang Diyos

Naisip mo na ba ang lahat ng paraan na napagpala ka sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo? Madarama ng lahat ng anak ng Diyos ang impluwensya ng Espiritu Santo na ginagabayan sila patungo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ngunit ang kaloob na Espiritu Santo ay nakalaan para sa mga taong, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi, nakikipagtipan kay Jesucristo sa pamamagitan ng binyag. Ang kaloob na ito ay ang pangako na makakasama mo sa tuwina ang Espiritu Santo—isang miyembro ng Panguluhang Diyos. Hindi ito pangkaraniwang kaloob—hindi ito makikita—ngunit ang kapangyarihan nito ay hindi maikakaila kapag pinili mong tanggapin ito sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay. Ang mga tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay nalilinis mula sa kasalanan, tumatanggap ng personal na paghahayag, at ng mga pagpapalang kilala bilang “mga kaloob ng Espiritu.”

Ano Ang Kaloob na Espiritu Santo?

Ang kumpirmasyon na ordenansa ng priesthood ay isinasagawa matapos binyagan ang isang tao sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Ang ordenansa ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang taong maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Sa ordenansang ito ibinibigay ang kaloob na Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay miyembro ng Panguluhang Diyos at maaaring makasama sa tuwina ng mga nagsisikap na sundin ang mga kautusan at anyayahan Siya sa kanilang buhay.

Overview ng paksa: Espiritu Santo

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Espiritu Santo, Mga Tipan at mga Ordenansa, Personal na Paghahayag, Mga Kaloob ng Espiritu

Bahagi 1

“Tanggapin ang Espiritu Santo”

babaeng tumatanggap ng basbas

Kapag ang isang tao ay kinumpirmang miyembro ng Simbahan, siya ay sinasabihan na “tanggapin ang Espiritu Santo.” Ang kaloob na Espiritu Santo ay hindi ipinipilit kaninuman. Responsibilidad ng mga miyembro na anyayahan ang Espiritu Santo na samahan sila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:33). Sinabi ni Elder David A. Bednar, “Sa pagtanggap natin sa ordenansang ito, tinatanggap ng bawat isa sa atin ang isang sagrado at patuloy na responsibilidad na maghangad, humiling, gumawa, at mamuhay nang karapat-dapat para tunay nating ‘tanggapin ang Espiritu Santo’ at ang kasama nitong mga espirituwal na kaloob.”1

Ipinaliwanag ni Jesus kay Nicodemo—isang pinuno ng mga Judio—na “malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5). Kaya, dagdag pa sa pagpapabinyag sa pamamagitan ng tubig, nais ng Panginoon na ikaw ay “ipinanganak ng Espiritu” (talata 6). Nangyayari ito kapag natanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo at naranasan ang “binyag ng apoy at ng Espiritu Santo” (tingnan sa 2 Nephi 31:13–14). Ang apoy ay simbolo ng pagdadalisay. Ang nakapagpapabanal na kapangyarihang ito ay nagdudulot ng kapatawaran ng mga kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 31:17; 3 Nephi 12:1–2). Pagkatapos ng binyag, maaaring maranasan ng miyembro ng Simbahan ang binyag ng apoy nang unti-unti (tingnan sa 3 Nephi 9:20) o mas tuwiran ang binyag ng apoy (tingnan sa Mosias 4:2–3).

Mga bagay na pag-iisipan

  • Nang magministeryo ang nabuhay na mag-uling si Jesucristo sa mga tao sa Lumang Amerika, ibinigay Niya sa labindalawang disipulo ang kapangyarihang magkaloob ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 18:36–37). Itinuro sa mga tao ang tungkol sa kaloob na ito, at “sila ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila” (3 Nephi 19:9). Paano mo ilalarawan ang nadarama mo tungkol sa kaloob na Espiritu Santo?

  • Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang binyag sa tubig, kung walang binyag na apoy at pagdalo ng Espiritu Santo, ay walang kabuluhan; kinakailangang ang mga ito ay magkasama at di-maaaring paghiwalayin.”2 Upang matulungan kang mas maunawaan ang kahulugan ng “binyag ng apoy at ng Espiritu Santo,” panoorin ang “The Baptism of Fire” (1:41). Batay sa mga pahayag ni Elder David A. Bednar sa video, paano mo ipaliliwanag ang kahulugan ng “binyag ng apoy”?

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Ang Espiritu Santo ay Maaari Nating Makasama sa Tuwina

mga kabataang lalaki na may dalang skateboard

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring: “Kailangan natin palagi ang patnubay ng Espiritu Santo. Hinahangad natin ito, ngunit alam natin mula sa karanasan na hindi madaling mapanatili ito. Bawat isa sa atin ay nakakaisip, nakakapagsalita, at nakakagawa ng mga bagay sa ating buhay araw-araw na nagpapalayo sa Espiritu. Itinuro sa atin ng Panginoon na ang Espiritu Santo ay makakasama natin sa tuwina kapag ang ating puso ay puspos ng pag-ibig sa kapwa-tao at [puspos] ng kabanalan ang [ating] mga iniisip nang walang humpay (tingnan sa D&T 121:45).”3 Kapag sinisikap mo na makasama ang Espiritu Santo, madarama mo kung anong mga bagay ang kinakailangang baguhin sa iyong buhay.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ang mga panalangin sa sakramento ay isang mabisang paalala na maaaring mapasaatin sa tuwina ang Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Kapag karapat-dapat kang naghahanda at tumatanggap ng sakramento, inaanyayahan mo na mapasaiyo ang Espiritu. Paano napagpala ang iyong buhay sa pagsisikap na maging karapat-dapat sa Kanyang presensya sa tuwina?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Isiping basahin at pag-usapan ang pahayag na ito ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Sa palagay ko lubos na nalalaman ni Mormon mula sa kanyang sariling karanasan ang katotohanan ng kanyang mga salita na ang ‘Mang-aaliw ay pumupuno ng pag-asa at ganap na pag-ibig, kung aling pag-ibig ay tumatatag sa pamamagitan ng matiyagang panalangin, hanggang sa dumating ang wakas, kung kailan ang lahat ng banal ay mananahanan kasama ng Diyos’ (Moro. 8:26). Bagama’t maaaring nag-iisa tayo kung minsan habang kahalubilo ang mga yaong nasa sanlibutan, hindi tayo kailangang malungkot, dahil binigyan tayo ng Panginoon ng Espiritu Santo upang makasama natin sa paglalakbay sa buhay.”4 Maaari ninyong talakayin kung bakit kailangan ng propetang si Mormon ang mga pagpapalang inilarawan niya. Kailan nagbigay ng kapayapaan at tulong sa inyo ang Espiritu Santo?

Alamin ang iba pa

  • 3 Nephi 27:20; Doktrina at mga Tipan 14:8; 20:77, 79; 121:45–46

  • David A. Bednar, “Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Liahona, Mayo 2006, 28–31

  • Dallin H. Oaks, “Always Have His Spirit,” Ensign, Okt. 1996, 59–61

  • Gordon B. Hinckley, “The Gift of the Holy Ghost,” Liahona, Ene. 2005, 5–7

Bahagi 3

Paano Ko Malalaman Kung Nadarama Ko ang Espiritu Santo?

lalaking nakangiti

Nasubukan mo na bang makipag-usap sa isang taong nagsasalita ng wikang hindi mo nauunawaan? Maaaring nakakadismaya kapag sinasabi ng isang tao na nadarama niya ang Espiritu ngunit hindi mo alam kung ano mismo ang pakiramdam niyon. Gayunpaman, wala kang dapat ikahiya, dahil sa iba’t ibang paraan natin nadarama ang Espiritu. Ang matutuhang mahiwatigan at maunawaan kung paano nakikipag-ugnayan ang Espiritu Santo sa iyo ay maaaring mangailangan ng panahon at pagsisikap. Nalaman ng propetang si Elijah na ang Espiritu ay maaaring ihalintulad sa isang “banayad at munting tinig” (tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12). Kung minsan ang Espiritu Santo ay mahihiwatigan sa pamamagitan ng nadaramang pag-asa at kagalakan (tingnan sa Roma 15:13). Ang Espiritu Santo ay mahalagang paraan para malaman natin ang katotohanan (tingnan sa Juan 14:26; Moroni 10:5).

Mga bagay na pag-iisipan

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Isinasalin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Aklat ni Mormon nang malaman nila na mararamdaman kung minsan ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng “[nag-a]alab” na damdamin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:8–9). Isiping basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:1–2; 11:11–14 at sama-samang talakayin ang tungkol sa mga karaniwang paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Espiritu Santo. Talakayin kung bakit mahalagang tandaan na ang nag-aalab na damdamin ay hindi lamang ang paraan na madarama mo ang Espiritu.

Alamin ang iba pa

Iba pang mga Sanggunian tungkol sa Kaloob na Espiritu Santo