Pag-aaral ng Doktrina
Pagiging Disente
Buod
Ang pagiging disente ay pag-uugaling wasto at maayos sa pananamit, kaanyuan, pananalita, at kilos. Kung disente tayo, hindi tayo gagawa ng bagay na labis na nakakatawag pansin sa ating sarili. Sa halip, hinahangad nating “luwalhatiin ng [ating] katawan at [ng ating] espiritu ang Diyos” (1 Corinto 6:20; tingnan din sa 1 Corinto 6:19).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Pananamit at Pag-aayos ng Sarili
Kung hindi tayo sigurado kung disente ang ating pananamit o kaayusan, dapat nating itanong sa ating sarili, “Magiging komportable ba ako sa kaanyuan ko kung nasa piling ako ng Panginoon?” Maaari din nating itanong sa ating sarili ang gayon ding tanong tungkol sa ating pananalita at kilos: “Sasabihin ko ba ang mga salitang ito o makikibahagi ba ako sa mga aktibidad na ito kung narito ang Panginoon?” Ang ating tapat na mga sagot sa mga tanong na ito ay maaaring humantong sa paggawa natin ng mahahalagang pagbabago sa ating buhay. Lagi tayong pinapayuhan ng mga propeta na manamit nang disente. Ang payong ito ay nakasalig sa katotohanan na ang katawan ng tao ay sagradong likha ng Diyos. Dapat nating igalang ang ating katawan bilang kaloob mula sa Diyos. Sa ating pananamit at kaanyuan, maipapakita natin sa Panginoon na alam natin kung gaano kahalaga ang ating katawan.
Ipinapakita sa ating pananamit kung sino tayo. Nagbibigay ito ng mga mensahe tungkol sa atin, at nakaiimpluwensya ito sa paraan ng pagkilos natin at ng iba. Kapag maayos ang ating kaanyuan at disente ang ating pananamit, maaanyayahan natin ang Espiritu na mapasaatin at magiging mabuting impluwensya tayo sa mga nakapaligid sa atin.
Ang mahalagang bahagi sa utos na maging disente ay ang maunawaan ang sagradong kapangyarihang lumikha ng buhay, ang kakayahang magdala ng mga anak sa mundo. Ang kapangyarihang ito ay dapat gamitin lamang ng mag-asawa. Ang mga kasuotan na naglalantad ng katawan at mahalay, na kinabibilangan ng napakaiikling shorts at palda, hapit na damit, at mga kamiseta na litaw ang tiyan, ay nag-uudyok ng mga hangarin at gawain na labag sa batas ng Panginoon sa kalinisang-puri.
Bukod pa sa pag-iwas sa kasuotang naglalantad ng katawan, dapat nating iwasan ang pagiging sobra at kakaiba sa pananamit, kaanyuan, at ayos ng buhok. Sa pananamit, pag-aayos, at pagkilos, dapat ay lagi tayong maging maayos at malinis, huwag burara o sobrang kaswal. Huwag nating papangitin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagpapatato o pagpapabutas sa katawan. Ang mga babaeng gustong magpabutas ng kanilang mga tainga ay dapat magsuot lamang ng isang pares ng disenteng hikaw.
Pananalita at Kilos
Tulad ng ating pananamit at pag-aayos ng sarili, ang ating pananalita at kilos ay nagpapakita ng ating pagkatao. Ang mga salita at kilos natin ay may malaking impluwensya sa atin at sa iba. Dapat nating ipahayag ang saloobin natin sa paggamit ng malinis, positibo, nakasisiglang pananalita at pagkilos na nagpapasaya sa mga nakapaligid sa atin. Ang ating pagsisikap na maging disente sa salita at gawa ay humahantong sa higit na paggabay at kapanatagan mula sa Espiritu Santo.
Dapat nating iwasan ang maruruming pananalita at ang kaswal at di-mapitagang paggamit ng pangalan ng Panginoon na karaniwan sa mundo, at dapat nating paglabanan ang anumang tuksong makibahagi sa mararahas o hindi angkop na gawain. Ang gayong walang-galang na pananalita at kilos ay nagpapahina sa kakayahan natin na matanggap ang banayad na mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Mga Kaugnay na Paksa
-
Profanity [Kalapastanganan]
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kalinisang-puri,” “Dalisay, Kadalisayan,” “Kabanalan”
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Resources sa Pag-aaral
Pangkalahatang Resources
“Pananamit at Kaanyuan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mga Magasin ng Simbahan
“Mga Bagay tungkol sa Kahinhinan,” Liahona, Hunyo 2006
Jan Pinborough, “Bawat Bagay na Mabuti at Maganda,” Liahona, Marso 2003