Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Espiritu Santo
Isang sugo at saksi ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo
May naiisip ka bang mga sandali na alam mo na nagmamalasakit sa iyo ang Ama sa Langit o nakadarama ka ng pasasalamat para sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Marahil ay naaalala mo ang isang pagkakataon na nakikinig ka sa buhay na propeta at alam mo na ang itinuturo niya ay totoo. O maaaring naaalala mo na nagbasa ka ng mga banal na kasulatan at naantig ang iyong damdamin. Siguro nakadama ka ng isang pahiwatig na naghikayat sa iyo na umiwas sa isang bagay na mapanganib o nakadama ka ng kapayapaan at kapanatagan sa mahirap na panahon. Lahat ng ito ay pagpapahiwatig ng Espiritu Santo. Tinutulungan ng Diyos ang Kanyang mga anak at nakikipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng impluwensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo. Natanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo nang mabinyagan ka para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ginagawang posible ng iyong mapagmahal na Ama sa Langit na matamasa mo ang Kanyang pagmamahal, patnubay, at paggabay—at kung minsan ang Kanyang pagtutuwid—sa pamamagitan ng Kanyang sugo, ang Espiritu Santo.
Bahagi 1
Ang Espiritu Santo ay Maaaring Maging Walang Katumbas na Pagpapala sa Iyo
Habang lalo mong natututuhan ang tungkol sa Espiritu Santo, mas nanaisin mong tanggapin at maranasan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang mga Nephita sa templo sa Masagana ay taos-pusong naghangad na mapagkalooban ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 19:8–9). May mga hakbang kang magagawa para madagdagan ang iyong pagnanais na madama ang Espiritu Santo, o ang Espiritu ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 13:37; 2 Nephi 31:12–13; Moroni 7:31–32; 8:26). Dahil isinugo sa iyo ang Espiritu Santo upang magpatotoo at sumaksi sa Diyos Ama at kay Jesucristo at magbigay-inspirasyon sa iyo na sundin Sila, ito ay isang walang katumbas na pagpapala (tingnan sa 2 Nephi 31:18).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Maaari mong rebyuhin ang ilan sa mga banal na kasulatan na nagbigay-diin sa ilang paraan na mas mailalapit ka ng Espiritu Santo sa Diyos. Ang Espiritu Santo:
-
Nagpapatotoo tungkol sa Ama at sa Anak (tingnan sa Juan 15:26; 3 Nephi 11:32, 36).
-
Nagpapabanal at nagdadalisay (tingnan sa Alma 13:10–12; 3 Nephi 27:19–20; Moroni 6:4).
-
Naghahayag at nagpapatotoo sa katotohanan (tingnan sa 2 Nephi 32:4–5; Alma 5:46–47; Doktrina at mga Tipan 8:2–3).
-
Nagbibigay ng kapanatagan (tingnan sa Juan 14:16–17, 26; Moroni 8:26; Doktrina at mga Tipan 36:2).
-
Nagpapatibay at nagbubuklod bilang Banal na Espiritu ng Pangako (tingnan sa Efeso 1:13–14; Doktrina at mga Tipan 88:3–4; 132:7).
-
-
Ipinahayag ni Pangulong Wilford Woodruff, “Kung nasa inyo ang Espiritu Santo … wala nang hihigit pang kaloob, wala nang hihigit pang biyaya, wala nang hihigit pang patotoo na ibinigay sa sinumang tao sa mundo.”1 Ang isang mahalagang paraan upang madama mo nang mas madalas ang Espiritu Santo ay kapag karapat-dapat kang tumatanggap ng sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Isiping ilista ang mga paraan na naging pagpapala sa iyo ang Espiritu Santo. Anong paghahanda ang maaari mong gawin para maranasan ang karagdagang mga pahiwatig ng Espiritu Santo?
-
Naisip mo na ba kung narinig mo na ang tinig ng Espiritu? Maaari mong basahin ang mga talata mula sa banal na kasulatan na ito para marebyu ang mga paraan na mahihiwatigan mo ang Espiritu Santo: 1 Mga Hari 19:11–12; Lucas 24:30–32; Galacia 5:22–23; Helaman 5:30; Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 11:11–14.
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang buhay ni Pangulong Lorenzo Snow ay napangalagaan dahil ang kanyang mga kaibigan ay ginabayan ng Espiritu Santo. Basahin ang kuwentong matatagpuan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow at talakayin kung bakit nahiwatigan at nasunod ng kanyang mga kaibigan ang mga impresyon ng Espiritu Santo.2 Kailan ninyo naranasan ang banal na proteksyon at tulong na ipinarating sa pamamagitan ng mga pahiwatig at damdamin mula sa Espiritu Santo?
Alamin ang iba pa
-
Gary E. Stevenson, “Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?,” Liahona, Mayo 2017, 117–20
-
Kevin R. Duncan, “The Sacred Roles of the Holy Ghost,” Ensign, Okt. 2014, 62–65
Bahagi 2
Tutulungan Ka ng Espiritu Santo na Malaman ang Katotohanan ng Lahat ng Bagay
Nais ng Diyos na malaman ng lahat ng Kanyang anak ang katotohanan tungkol sa Kanyang plano para sa kanilang kaligayahan at kaligtasan. Nagbabala si Pangulong Russell M. Nelson na ang kaaway ay kumikilos upang “palabuin ang pagkakaiba sa pagitan ng totoo at hindi totoo. Ang pagdagsa ng impormasyon na madali nating makuha, sa kabaliktaran, ay lalong nagpapahirap na malaman kung ano ang totoo.”3 Nais ng Diyos na malinaw mong maunawaan ang katotohanan at kung paano ito makatutulong sa iyo na makadama ng kagalakan at maghanda para sa buhay na walang hanggan. Ang Espiritu Santo ang sugo ng Panginoon upang magturo at magpatotoo sa iyo tungkol sa katotohanan. Itinuro ng propetang si Moroni, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Ang isang paraan na natututuhan natin ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu ay kapag nagsasalita ang mga propeta at apostol sa impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:3–4). Bakit mahalagang makinig at sumunod sa mga mensaheng ibinigay ng mga propeta at apostol? Nangangako rin ang Panginoon na palalakasin ang iyong mga salita sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag ginagawa mo ang gawain ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:5–8).
-
Sa kanyang mensaheng “Ang Katotohanan ng Lahat ng Bagay,” nagbahagi si Elder David F. Evans ng mahahalagang paraan na matuklasan mo mismo ang katotohanan.4 Kailan mo sinunod ang huwarang ito sa paghahangad ng katotohanan mula sa Espiritu Santo?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Maaari ninyong talakayin kung paano kayo naimpluwensyahan sa pakikinig o pagbabasa ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson na ang “paglilingkod ng Espiritu Santo” ay “[tutulungan] kayong marinig ang nais ng Panginoon na marinig ninyo” sa pangkalahatang kumperensya.5 Ano ang ilang paraan na makapaghahanda kayong matuto mula sa Espiritu Santo habang nakikinig o nag-aaral kayo ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya?
Alamin ang iba pa
-
Mathias Held, “Paghahangad ng Kaalaman sa Pamamagitan ng Espiritu,” Liahona, Mayo 2019, 31–33