“Binyag,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Binyag
“Malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5).
Kailan mo nadama sa iyong buhay ang pighati na dulot ng paggawa ng mabigat na pagkakamali o kasalanan? Ang pinakamahalagang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, taos-pusong pagsisisi, at binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ng isang may hawak ng awtoridad, makatatamo tayo ng kapatawaran at mapapatawad sa ating mga kasalanan. Ang binyag ay sumisimbolo sa pagsilang na muli—ang simula ng bagong buhay. Ito ang unang hakbang sa landas tungo sa pagiging miyembro ng Kanyang Simbahan at paghahandang tanggapin ang mga sagradong ordenansa at tipan na matatagpuan sa bahay ng Panginoon. Kapag nabinyagan ka, pinatototohanan mo sa Diyos Ama na ikaw ay “nahahanda [na] taglayin sa [iyong] sarili ang pangalan ni Cristo” (2 Nephi 31:13). Ang mahalagang pangakong iyan ay pinaninibago tuwing tatanggap ka ng sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77).
Bahagi 1
Inaanyayahan ni Jesucristo ang Lahat na Sumunod sa Kanya at Magpabinyag
Bagama’t si Jesucristo ay banal at walang bahid ng kasalanan, nagtungo Siya kay Juan Bautista at nabinyagan upang “matupad ang buong katuwiran” (tingnan sa Mateo 3:13–17; Mga Hebreo 4:15; 2 Nephi 31:5–7). Iniutos ng Diyos sa lahat ng Kanyang anak na tularan ang halimbawa ni Jesucristo at magpabinyag upang sila ay makatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at magmana ng buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:13, 17–18). Naghahanda tayo para sa binyag kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo at nagsisisi sa ating mga kasalanan, ipinapakita ang pagsisisi sa pamamagitan ng bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa Moroni 6:1–3; Doktrina at mga Tipan 20:37).
Iniutos ng Diyos na isagawa ang binyag ng isang taong mayhawak ng awtoridad ng priesthood (tingnan sa 3 Nephi 11:21–28; Doktrina at mga Tipan 20:72–74; 22:1–4, kabilang na ang pambungad sa kasaysayan). Noong Mayo 1829, ang ordenansa ng binyag at awtoridad na magbinyag ay ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith ng sugo ng langit na si Juan Bautista (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–73).
Sa buong kasaysayan, marami sa mga anak ng Diyos ang nabuhay at namatay nang hindi nalalaman ang ebanghelyo ni Jesucristo o nabinyagan sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad ng priesthood. Dahil bawat kaluluwa ay mahalaga sa paningin ng Diyos, ang Kanyang plano ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga pumanaw na taong ito na matutuhan ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu (Doktrina at mga Tipan 138:30–37). Sinisikap ng mga miyembro ng Simbahan ngayon na saliksikin ang mga pangalan ng kanilang mga yumaong ninuno na hindi tumanggap ng mga kinakailangang ordenansa ng ebanghelyo sa buhay na ito at binibinyagan sila sa pamamagitan ng proxy sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:16–18).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isinulat ng propetang si Nephi kung bakit bininyagan si Jesucristo. Pag-aralan ang 2 Nephi 31:4–13. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa layunin ng binyag ng Panginoon? Ano ang ibig sabihin ng ang inyong binyag ay nagpapatotoo “sa Ama na nahahanda kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo”? (2 Nephi 31:13).
-
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:37, at alamin ang mahahalagang paraan na dapat maghanda ang isang tao para sa binyag. Paano makapagbibigay ng payo ang scripture passage na ito sa isang miyembro ng Simbahan na nabinyagan sa mas batang edad?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ang ipinanumbalik na doktrina ng binyag para sa mga patay ay napakalaking pagpapala kay Joseph Smith at sa mga unang Banal sa mga Huling Araw tulad sa atin ngayon. Panoorin ang video na “Glad Tidings: The History of Baptisms for the Dead” (6:55), at isipin kung ano kaya ang madarama ninyo kung isa kayo sa mga unang Banal na nalaman ang tungkol sa doktrina ng binyag para sa mga patay. Ano ang itinuturo sa inyo ng doktrinang ito tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
Alamin ang iba pa
-
1 Corinto 15:29; Alma 7:14–16; Doktrina at mga Tipan 18:41–42; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4
-
“Binyag at ang Kaloob na Espiritu Santo,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 103–15
-
David A. Bednar, “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 59–62
-
“Nagturo si Jesucristo tungkol sa Pagsisisi at Binyag” (video), Gospel Library
Bahagi 2
Inihahanda Ka ng Binyag para sa Buhay na Walang Hanggan
Ang binyag ay simbolo ng kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Ang mahalagang matalinghagang paglalarawang ito ay tumutulong sa atin na makita ang simbolismo ng ating sariling espirituwal na pagsilang na muli kapag tayo ay bininyagan. Sa pagbangon ni Jesucristo mula sa mga patay tungo sa bagong buhay, dapat din tayong “[lumakad] sa panibagong buhay” kapag umahon tayo sa mga tubig ng binyag (Roma 6:4; tingnan din sa talata 3–11).
Inihalintulad din ng mga banal na kasulatan ang binyag, at ang espirituwal na pagbabagong dumarating sa mga mapagpakumbabang tagasunod ni Jesucristo, sa pagsilang (tingnan sa Juan 3:1–8). Tulad ng isang sanggol na ipinanganak sa pamamagitan ng tubig, dugo, at ng espiritu, lahat ng nabinyagan at nagsisikap na sundin si Jesucristo ay ipinapanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu at “[na]linisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo [ni Cristo]” (Moises 6:59). Samakatwid, makatutulong na isipin kung paano nagbibigay sa atin ng bagong simula sa buhay ang espirituwal na pagsilang na muli, o pagging “isi[ni]lang na muli” (tingnan sa Mosias 5:7; 27:25–26).
Itinuro ng Panginoon na pagkatapos ng binyag sa tubig ay ang binyag ng apoy. Ito ay tumutukoy sa kaloob na Espiritu Santo, na naglilinis at nagdadalisay tulad ng apoy (tingnan sa Mga Gawa 1:5; 2 Nephi 31:13). Ang binyag ng apoy ay naghahatid ng kapatawaran sa mga kasalanan (tingnan sa 2 Nephi 31:17; 3 Nephi 9:19–20; Doktrina at mga Tipan 39:6).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Itinuro ni Elder David A. Bednar:
“Tayo ay di-perpektong mga nilalang na nagpupunyaging mabuhay sa mundong ito ayon sa perpektong plano ng Ama sa Langit sa walang-hanggang pag-unlad. Ang mga pangangailangan ng Kanyang plano ay maluwalhati, maawain, at mahigpit. Kung minsa’y maaaring matibay ang ating pagpapasiya at kung minsa’y madarama natin na may pagkukulang tayo. Maaaring isipin natin kung espirituwal pa ba nating masusunod ang utos na tumayo nang walang bahid-dungis sa Kanyang harapan sa huling araw.
“Sa tulong ng Panginoon at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu na ‘magtuturo sa [atin] ng lahat ng mga bagay’ [John 14:26], tunay ngang mapagpapala tayong matanto ang ating espirituwal na mga posibilidad. Ang mga ordenansa ay nag-aanyaya ng espirituwal na layunin at kapangyarihan sa ating buhay kapag nagpunyagi tayong maisilang na muli at maging kalalakihan at kababaihan ni Cristo. Mapapalakas Niya tayo sa ating mga kahinaan, at madaraig natin ang ating mga limitasyon.”1
Ano ang ating responsibilidad sa pagiging “isi[ni]lang na muli”? Anong mga pagpapala ang maaaring dumating sa isang taong nagsisikap na “isilang na muli”?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Isiping panoorin ang “Jesus Teaches of Being Born Again” (6:03), na inaanyayahan ang mga kagrupo na pakinggan ang mga alituntuning itinuro ni Jesucristo kay Nicodemo. Paano ginamit ni Jesus ang simbolismo ng pisikal na pagsilang upang tulungan si Nicodemo na mas maunawaan kung paano maghanda para sa kaharian ng Diyos?
Alamin ang iba pa
-
David A. Bednar, “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Liahona, Mayo 2007, 19–22
-
D. Todd Christofferson, “Isinilang na Muli,” Liahona, Mayo 2008, 76–79
Bahagi 3
Hindi Kinakailangang Binyagan ang Maliliit na Bata
Itinuro ni Jesucristo na ang maliliit na bata ay walang kasalanan sa harapan ng Diyos (tingnan sa Mateo 18:3; Marcos 2:17; Moroni 8:8). Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi kailangang binyagan ang maliliit na bata. Responsibilidad ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28). Ang mga bata ay bibinyagan sa edad na walo, na inilalarawan sa mga banal na kasulatan bilang edad ng pananagutan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:71; 29:46–47; 68:27). “Ang lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (Doktrina at mga Tipan 137:10).
May mga taong may kapansanan na humahadlang sa kanila na magkaroon ng pananagutan. Hindi nila kailangan ang pagsisisi o binyag ngunit maliligtas sila sa kahariang selestiyal (tingnan sa Moroni 8:22; Doktrina at mga Tipan 29:49–50; 137:10). Nilinaw ng mga lider ng Simbahan na “ang mga ordenansa ay hindi dapat ipinagkakait [sa mga indibiduwal na may mga kapansanan] kung karapat-dapat ang tao, nagnanais na matanggap ang mga ito, at nagpapakita ng sapat na antas ng responsibilidad at pananagutan.”2
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin ang 3 Nephi 17:21–24 at Doktrina at mga Tipan 29:46–48. Ano ang nalaman mo sa mga talatang ito na nagpapakita ng nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa maliliit na bata?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Ipinahayag ni Pangulong Brigham Young, “Ang mga sanggol ay dalisay, wala silang nararamdamang kalungkutan, ni kasalanang dapat pagsisihan at talikuran, samakatwid hindi sila maaaring binyagan para sa kapatawaran ng kasalanan.”3 Kasama ang iyong grupo, basahin ang Moroni 8:4–15, 19–24. Paano kayo matutulungan ng scripture passage na ito na maipaliwanag sa iba ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi kailangang binyagan ang mga sanggol?
Alamin ang iba pa
-
Shane M. Bowen, “Sapagka’t Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo,” Liahona, Nob. 2012, 15–17