Bakit Mahalagang Tahakin ang Landas ng Tipan
Ang kaibhan ng landas ng tipan sa iba pang mga landas ay natatangi at walang hanggan ang kahalagahan.
Sa kanyang buong ministeryo, pinag-aralan at itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga tipan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Siya mismo ay napakagandang halimbawa ng isang taong lumalakad sa landas ng tipan. Sa kanyang unang mensahe bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Pangulong Nelson:
“Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.
“… Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginawa ninyo roon ay magpapalakas ng iyong buhay, ng pagsasama ninyong mag-asawa at pamilya, at ng kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Ang inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay magpapala sa inyo ng dagdag na personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.”1
Ano ang landas ng tipan? Ito ang landas na humahantong sa kahariang selestiyal ng Diyos. Nagsisimula tayo sa landas papasok sa binyag at pagkatapos ay “[nagpa]patuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao [ang dalawang dakilang utos] … na walang hanggan.”2 Sa pagtahak sa landas ng tipan (hindi lamang sa mortalidad), tinatanggap natin ang lahat ng mga ordenansa at tipan ukol sa kaligtasan at kadakilaan.
Ang ating pinakamahalagang pangako ay ang gawin ang kalooban ng Diyos “at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na kanyang ipag-uutos sa [atin].”3 Ang pagsunod sa mga alituntunin at kautusan ng ebanghelyo ni Jesucristo araw-araw ay ang pinakamasaya at pinaka-nakasisiyang landasin sa buhay. Isang halimbawa, naiiwasan ng isang tao ang maraming problema at kapighatian. Hayaan ninyong gamitan ko iyan ng analohiya sa sports. Sa tennis, may tinatawag na unforced error. Ito ay ang pagpalo ng bola na tumama sa net o double-faulting kapag nagse-serve ng bola sa kalaban. Ang unforced error ay itinuturing na resulta ng pagkakamali ng mga manlalaro hindi ng kahusayan ng kalaban.
Kadalasan, ang mga problema o hamon sa ating buhay ay tayo mismo ang may gawa, resulta ng mga maling pagpli, o, masasabi nating resulta ng mga “unforced error.” Kapag masigasig nating hinahangad ang landas ng tipan, likas nating iniiwasan ang maraming “unforced error.” Lumilihis tayo palayo sa iba’t ibang uri ng adiksiyon. Hindi tayo nagpapatihulog sa kanal ng kasinungalingan. Tinatawid natin ang napakalalim na bangin ng imoralidad at kataksilan. Nilalampasan natin ang mga tao at bagay, kahit pa tanggap ng marami, na makapipinsala sa ating pisikal at espirituwal na kapakanan. Iniiwasan natin ang mga pagpili na nakasasakit o nakapanlalamang sa iba at sa halip ay kinagagawian ang disiplina sa sarili at paglilingkod.4
Ipinapalagay na sinabi ito ni Elder J. Golden Kimball, “Hindi man ako [laging] naglalakad sa tuwid at makipot na daan, pero [sinisikap] kong tawirin ito nang madalas hangga’t [kaya] ko.”5 Sa mas seryosong usapan, sigurado ako na sasang-ayon si Brother Kimball na ang pananatili, hindi pagtawid lamang sa landas ng tipan, ay ang pinakamalaki nating pag-asa para makaiwas sa maiiwasang pagdurusa sa isang banda at magtagumpay rin na makayanan ang di-maiiwasang kapighatian sa buhay.
Maaaring sabihin ng ilan, “Makapipili ako ng tama mabinyagan man ako o hindi; hindi ko kailangan ang mga tipan para maging marangal at matagumpay na tao.” Totoo ngang marami, kahit wala sila mismo sa landas ng tipan, na kapareho lang ang mga pinipili at kontribusyon sa mga taong nasa landas ng tipan. Masasabi ninyo na nabibiyayaan sila dahil sa mabubuting bagay na ginagawa nila kahit “hindi sila aktwal na gumagawa ng mga tipan.” Ano, kung gayon, ang kaibhan ng landas ng tipan sa iba pang mga landas?
Ang totoo, ang kaibhan ay natatangi at walang hanggan ang kahalagahan. Kabilang dito ang uri ng ating pagsunod, ang katangian ng pangako sa atin ng Diyos, ang natatanggap natin na tulong sa langit, ang mga pagpapalang kaakibat ng pagtitipon bilang pinagtipanang tao, at higit sa lahat, ang ating walang-hanggang pamana.
Tapat na Pagsunod
Ang una ay ang uri ng ating pagsunod sa Diyos. Higit pa sa mabubuting intensyon, nangangako tayo na tapat na mabubuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos. Dito ay sinusunod natin ang halimbawa ni Jesucristo, na, sa pagpapabinyag, ay “ipinakikita niya sa mga anak ng tao na, ayon sa laman na siya sa kanyang sarili ay nagpapakumbaba sa harapan ng Ama, at pinatototohanan sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod ng kanyang mga kautusan.”6
Sa mga tipan, hindi lang tayo umiiwas na magkamali o nag-iingat sa mga desisyon natin. Alam nating pananagutan natin sa Diyos ang ating mga pagpili at pamumuhay. Tinataglay natin ang pangalan ni Cristo. Nakatuon tayo kay Cristo—sa pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus at sa pagkakaroon ng katangian ni Cristo.
Sa mga tipan, ang pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nakatimo na sa kaibuturan ng ating kaluluwa. May kakilala akong mag-asawa na, noong ikinasal sila ay hindi aktibo sa Simbahan ang babae at ang lalake ay hindi miyembro ng Simbahan. Tatawagin ko silang Mary at John, hindi nila totoong mga pangalan. Nang magkaroon sila ng mga anak, nadama ni Mary na kailangang palakihin sila, ayon sa sinasabi ng banal na kasulatan na, “pagsasanay at pangaral ng Panginoon.”7 Sinuportahan siya ni John. May mahahalagang isinakripisyo si Mary para makapamalagi sa bahay at maituro palagi ang ebanghelyo. Siniguro niya na makasisimba ang pamilya at makababahagi sa aktibidad ng Simbahan. Naging huwarang mga magulang sina Mary at John, at ang kanilang mga anak (na puno ng enerhiya na mga batang lalaki) ay lumaking tapat sa mga alituntunin at pamantayan ng ebanghelyo.
Ang mga magulang ni John, ang mga lolo’t lola ng mga batang ito, ay natuwa sa malinis na pamumuhay at nakakamit na tagumpay ng kanilang mga apo, ngunit dahil kontra sila sa Simbahan, gusto nilang iugnay lamang ang tagumpay na ito sa maayos na pagpapalaki nina John at Mary sa kanilang mga anak. Bagama’t hindi miyembro ng Simbahan si John, hindi niya pinalampas ang opinyong ito. Iginiit niya na ang nakikita nila ay mga bunga ng pagtuturo ng ebanghelyo—ang mga nararanasan ng kanyang mga anak sa simbahan gayundin sa nangyayari sa tahanan.
Si John mismo ay naiimpluwensiyahan ng Espiritu, sa pagmamahal at halimbawa ng kanyang asawa, at sa mga paghimok ng kanyang mga anak. Kalaunan, siya ay nabinyagan na ikinagalak nang lubos ng mga miyembro ng ward at mga kaibigan.
Bagama’t hindi naging madali ang buhay para sa kanila at sa kanilang mga anak, taos-pusong pinatunayan nina Mary at John na ang tipan ng ebanghelyo ang pinagmumulan ng kanilang mga pagpapala. Nakita nilang natupad ang mga salita ng Panginoon kay Jeremias sa buhay ng kanilang mga anak at sa kanilang buhay din: “Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako’y magiging kanilang Diyos at sila’y magiging aking bayan.”8
Matibay na Nakaugnay sa Diyos
Ang pangalawang natatanging aspeto sa landas ng tipan ay ang ating kaugnayan sa Diyos. Ang mga tipang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak ay hindi lamang gumagabay sa atin. Ibinibigkis tayo ng mga ito sa Kanya, at, dahil matibay na nakaugnay sa Kanya, madadaig natin ang lahat ng bagay.9
May nabasa ako minsan na artikulo ng isang mamamahayag na maling impormasyon ang nakalap na nagpaliwanag na ang paraan ng pagbibinyag natin para sa mga patay ay maglubog ng mga rolyo ng microfilm sa tubig. Pagkatapos, ang lahat ng pangalan na lumitaw sa microfilm ay itinuturing na nabinyagan na. Mahusay sana ang pamamaraang iyon, ngunit binabalewala nito ang walang-hanggang kahalagahan ng bawat kaluluwa at ang matinding kahalagahan ng personal na pakikipagtipan sa Diyos.
“Sinabi [ni Jesus] … : Pumasok kayo sa makipot na pasukan; sapagkat makipot ang pasukan, at makitid ang daan patungo sa buhay, at kakaunti ang makasusumpong nito.”10 Sa matalinghagang paglalarawan, napakakipot ng pasukang ito kaya isa-isa lang ang tinutulutang makapasok. Bawat isa ay nangangako sa Diyos at kapalit nito ay tumatanggap mula sa Kanya ng personal na tipan, sa pangalan, na kanyang lubos na maaasahan ngayon at sa walang-hanggan. Sa mga ordenansa at tipan, “naipapamalas ang kapangyarihan ng kabanalan” sa ating buhay.11
Tulong mula sa Langit
Ito ay makahihikayat para ating isipin ang pangatlong natatanging pagpapala ng landas ng tipan. Naglalaan ang Diyos ng halos hindi maunawaan na kaloob upang tulungan ang mga gumagawa ng tipan na maging mga tagapagtupad ng tipan; ang kaloob na Espiritu Santo. Ang kaloob na ito ay ang karapatan na palaging masamahan, maprotektahan, at magabayan ng Banal na Espiritu.12 Kilala rin bilang Tagaaliw, ang Banal na Espiritu ay “pumupuno ng pag-asa at ganap na pag-ibig.”13 Kanyang “batid ang lahat ng bagay, at nagpapatotoo sa Ama at sa Anak,”14 na tapat nating pinatototohanan.15
Sa landas ng tipan, matatagpuan din natin ang mahahalagang pagpapala ng kapatawaran at pagkalinis mula sa kasalanan. Ito ang tulong na darating lamang sa pamamagitan ng biyaya ng langit, sa pangangasiwa ng Espiritu Santo. “Ngayon, ito ang kautusan,” sabi ng Panginoon, “Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw.”16
Magtipon Kasama ang mga Pinagtipanang Tao
Pang-apat, ang mga nagpapatuloy sa landas ng tipan ay nakahahanap ng natatanging mga pagpapala sa iba’t ibang pagtitipong itinakda ng Diyos. Ang mga propesiya ng literal na pagtitipon ng matagal nang nakalat na mga lipi ng Israel sa mga lupaing kanilang mana ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan.17 Ang katuparan ng mga propesiya at pangakong iyon ay nagaganap na sa kasalukuyan sa pagtitipon ng mga pinagtipanang tao sa Simbahan, ang kaharian ng Diyos sa mundo. Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang pangunahing katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng ating Ama sa Langit … ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”18
Inutos ng Panginoon sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa; … nang ang pagtitipong sama-sama sa lupain ng Sion, at sa kanyang mga istaka, ay maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.”19
May lingguhang pagtitipon din ang mga pinagtipanang tao sa panalanginan sa araw ng Panginoon upang “lalo pa [nating] mapag-ingatan ang [ating] sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan.”20 Ito ay pagtitipon upang tumanggap ng tubig at tinapay ng sakramento bilang pag-alaala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at panahon para “mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng [ating] mga kaluluwa.”21 Noong ako ay tinedyer pa, ako lang ang miyembro ng Simbahan sa klase ko sa high school. Masaya akong makasama ang maraming mababait na kaibigan ko sa paaralan, ngunit mas inaasam ko ang pagtitipong ito sa Sabbath bawat linggo upang mapasigla at mapanibago akong muli sa espirituwal, at maging sa pisikal. Damang-dama natin ang pagkawala ng regular na pagtitipong kaugnay ng tipan dahil sa kasalukuyang pandemya, at nasasabik na tayong muling magkasama-sama tulad ng dati.
Ang mga pinagtipanang tao ay nagtitipon din sa templo, ang bahay ng Panginoon, upang matamo ang mga ordenansa, pagpapala, at paghahayag na doon lamang makukuha. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ano ang layunin ng pagtitipon ng … mga tao ng Diyos sa alinmang panahon ng mundo? … Ang pangunahing layunin ay magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan; sapagkat may ilang partikular na ordenansa at alituntunin na, kapag itinuro at isinagawa, ay kailangang gawin sa isang lugar o bahay na itinayo para sa layuning iyon.”22
Manahin ang mga Pangako ng Tipan
Sa huli, tanging sa pagpapatuloy sa landas ng tipan natin mamamana ang mga pagpapala nina Abraham, Isaac, at Jacob, ang pinakalubos na mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay.23
Ang mga reperensya sa banal na kasulatan tungkol sa mga pinagtipanang tao ay karaniwang nangangahulugan ng literal na mga inapo ni Abraham o ang “sambahayan ni Israel.” Ngunit kabilang din sa mga pinagtipanang tao ang lahat ng tumatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo.24 Ipinaliwanag ni Pablo:
“Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. …
“At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.”25
Ang mga tapat sa kanilang mga tipan ay “mga yaong babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid.”26 Sila ay “ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan. … Sila ang mga yaong ang katawan ay selestiyal, na ang kaluwalhatian ay gaya ng sa araw, maging ang kaluwalhatian ng Diyos, ang pinakamataas sa lahat.”27 “Dahil dito, lahat ng bagay ay kanila, kahit ang buhay o kamatayan, o mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay kanila at sila ay kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.”28
Halina’t dinggin natin ang panawagan ng propeta na manatili sa landas ng tipan. Nakita tayo ni Nephi at ang ating panahon at itinala: “Ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”29
Kasama ni Nephi, “ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga tipan ng Panginoon.”30 Sa Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinatototohanan ko si Jesucristo, na ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay ating pag-asa at ang di-mapasusubaliang katiyakan ng lahat ng ipinangako sa landas ng tipan at sa hangganan nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.