Pangkalahatang Kumperensya
“Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo”
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


15:0

“Ang mga Alituntunin ng Aking Ebanghelyo”

(Doktrina at mga Tipan 42:12)

Ang isang alituntunin ng ebanghelyo ay isang gabay na nakabatay sa doktrina para sa matwid na paggamit ng kalayaang pumili.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Oktubre 1849, si Elder John Taylor ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tinawag upang buksan ang bansang France para sa pangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kabilang sa paglilingkod niya ang pag-edit ng unang opisyal na diyaryo ng Simbahan sa bansang iyon. Si Elder Taylor ay naghanda at naglathala ng isang artikulo noong 1851 bilang tugon sa mga bagay na madalas itanong sa kanya tungkol sa Simbahan. At sa huling bahagi ng sanaysay na iyon, ginunita ni Elder Taylor ang sumusunod na kabanata:

“Ilang taon na ang nakalilipas, sa Nauvoo, isang ginoo sa aking harapan, isang miyembro ng Lehislatura, ang nagtanong kay Joseph Smith kung paano niya napamahalaan ang napakaraming tao, at napanatili ang gayon kaperpektong kaayusan; at sinabi ring imposible ring magawa nila ito sa ibang [lugar]. Sinabi ni Ginoong Smith na napakadaling gawin iyon. ‘Paano?’ tugon ng ginoo; ‘sa amin napakahirap nito.’ Sagot ni Ginoong Smith, ‘Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.’”1

Dalangin ko na maturuan at maliwanagan ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin habang binibigyang-diin ko ang kahalagahan ng mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Alituntunin

Ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na “ang mga elder, saserdote at guro ng simbahang ito ay magtuturo ng mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon, na kung saan [ay naroon] ang kabuuan ng ebanghelyo.”2 Ipinahayag din Niya na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat “lalong ganap na matagubilinan sa teoriya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na kapaki-pakinabang ninyong maunawaan.”3

Sa madaling salita, ang isang alituntunin ng ebanghelyo ay isang gabay na nakabatay sa doktrina para sa matwid na paggamit ng kalayaang pumili. Ang mga alituntunin ay nagmumula sa mas malawak na mga katotohanan ng ebanghelyo at nagbibigay ng patnubay at mga pamantayan habang patuloy tayo sa paglakad sa landas ng tipan.

Halimbawa, ang unang tatlong Saligan ng Pananampalataya ay tumutukoy sa mga pangunahing aspeto ng doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo: ang katangian ng Panguluhang Diyos sa unang saligan ng pananampalataya, ang mga bunga ng Pagkahulog nina Eva at Adan sa ikalawang saligan ng pananampalataya, at ang mga pagpapala na matatamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ikatlong saligan ng pananampalataya.4 At sa ikaapat na saligan ng pananampalataya ay nakasaad ang unang mga alituntunin—ang mga gabay sa pagsampalataya kay Jesucristo at pagsisisi—at ang unang mga ordenansa ng priesthood para maging epektibo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay.5

Ang Word of Wisdom ay isa pang halimbawa ng isang gumagabay na alituntunin. Mangyaring pansinin ang pambungad na mga talatang ito sa bahagi 89 ng Doktrina at mga Tipan:

“Ibinigay bilang isang alituntunin na may lakip na pangako, iniangkop sa kakayahan ng mahihina at ng pinakamahihina sa lahat ng banal, na tinawag o maaaring tawaging mga banal.

“Masdan, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo: Dahil sa masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binigyang-babala ko kayo, at binabalaan kayo, sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo nitong salita ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag.”6

Ang kasunod na inspiradong tagubilin sa pambungad na ito ay naglalaan ng mga gabay para sa pisikal at espirituwal na kapakanan at nagpapatotoo sa mga pagpapalang mapapasaatin batay sa katapatan natin sa alituntunin.

Ang pag-alam, pag-unawa, at pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagpapalakas sa ating pananampalataya sa Tagapagligtas, nagpapalalim ng ating katapatan sa Kanya, at nag-aanyaya ng maraming pagpapala at espirituwal na kaloob sa ating buhay. Ang mga alituntunin ng kabutihan ay tumutulong din sa atin na huwag magtuon sa pansariling kagustuhan at makasariling hangarin sa pamamagitan ng paglalaan ng mahalagang pananaw ng kawalang-hanggan habang pinagdaraanan natin ang iba’t ibang kalagayan, hamon, desisyon, at karanasan ng mortalidad.

Napapanahong mga Halimbawa ng Pagtuturo ng mga Wastong Alituntunin

Ang pahayag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa pagtuturo ng mga wastong alituntunin ay isa na marahil sa kanyang mga turo na pinakamadalas banggitin. At mayroon tayong matitinding halimbawa ng inspiradong turong ito sa mga opisyal na pahayag ng mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon ngayon.

Ang Alituntunin ng Hindi Panggagambala

Nagsalita si Pangulong Dallin H. Oaks sa pangkalahatang kumperensya noong 1998 tungkol sa mga tungkulin ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood na may kinalaman sa paghahanda at pangangasiwa ng sakramento. Inilarawan niya ang alituntunin ng hindi panggagambala at sinabi na hindi nanaisin ng isang mayhawak ng Aaronic Priesthood na mayroong anuman sa kanyang anyo o pag-uugali na makagagambala sa sinumang miyembro ng Simbahan sa pagsamba at pagpapanibago nito ng mga tipan. Binigyang-diin din ni Pangulong Oaks ang kaugnay na mga alituntunin ng kaayusan, kalinisan, pagpipitagan, at dignidad.

Ang nakapagtataka, hindi nagbigay si Pangulong Oaks ng mahabang listahan ng mga bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin ng mga kabataang lalaki. Sa halip, ipinaliwanag niya ang alituntunin na umaasang gagamitin ng mga kabataang lalaki at ng kanilang mga magulang at guro ang sarili nilang pasiya at inspirasyon para masunod ang gabay.

Ipinaliwanag niya: “Hindi ako magbibigay ng detalyadong mga patakaran, dahil ang mga kalagayan sa iba’t ibang ward at branch sa ating pandaigdigang Simbahan ay lubhang magkakaiba kung kaya ang patakaran na tila kailangan sa isang lugar ay maaaring hindi angkop sa iba. Sa halip, magmumungkahi ako ng isang alituntuning batay sa mga doktrina. Kung mauunawaan ng lahat ang alituntuning ito at kikilos nang ayon dito, hindi na gaanong kakailanganin ang mga patakaran. Kung nangangailangan ng mga patakaran o pagpapayo sa ilang sitwasyon, maaari itong ipagkaloob ng mga lokal na lider, ayon sa mga doktrina at kaugnay nitong mga alituntunin.”7

Ang Alituntunin ng Sabbath bilang Isang Tanda

Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2015, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa atin na “ang Sabbath ay kaluguran.”8 Ipinaliwanag din niya kung paano niya personal na naunawaan ang isang pangunahing alituntunin tungkol sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath:

“Paano ba natin ginagawang banal ang araw ng Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.”9

Ang simple ngunit nakaaantig na tanong ni Pangulong Nelson ay nagbibigay-diin sa isang alituntunin na tuwirang pumawi sa anumang hindi tiyak tungkol sa kung ano ang ibig sabihin nito at kung ano ang dapat nating gawin para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Ibinubuod ng kanyang tanong ang isang gabay at pamantayan na magpapala sa ating lahat sa magkakaiba nating kalagayan.

Ang Alituntunin ng Pagiging Handa na Hayaang Manaig ang Diyos

Anim na buwan na ang nakararaan sa pangkalahatang kumperensya, inilarawan ni Pangulong Nelson ang kanyang katuwaan nang may bago siyang malaman tungkol sa ibig sabihin ng salitang Israel. Sinabi niya sa atin na naantig ang ang kanyang kaluluwa nang malaman niya na “ang pangalang Israel ay tumutukoy sa tao na handang hayaan ang Diyos na manaig sa kanyang buhay.”10 Pagkatapos ay tinukoy ni Pangulong Nelson ang ilang mahahalagang implikasyon na nagmumula sa kaalamang ito.

Ang kanyang mensahe tungkol sa pagiging handa na hayaang manaig ang Diyos ay napakagandang halimbawa ng pagtuturo ng mga wastong alituntunin para mapamahalaan natin ang ating sarili. At gaya ng ginawa niya sa kanyang mensahe tungkol sa gawing kaluguran ang araw ng Sabbath, nagtanong si Pangulong Nelson ng mga katanungang nakabatay sa alituntunin na nagsisilbing mga gabay at pamantayan para sa bawat isa sa atin.

“Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos?”

Sabi pa niya:

“Isipin kung gaano kayo mapagpapala ng gayong kahandaan. Kung kayo ay walang asawa at nais may makasama sa walang-hanggan, ang hangarin ninyong ‘mapabilang sa Israel’ ay tutulong sa inyo na magpasiya kung sino ang inyong idedeyt at kung paano makikipagdeyt.

“Kung kayo ay kasal sa asawa na sumira sa kanyang mga tipan, ang kahandaan ninyong hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay ay magpapanatili sa inyong mga tipan sa Diyos. Pagagalingin ng Tagapagligtas ang inyong pusong nasaktan. Ang kalangitan ay mabubuksan sa paghahangad ninyong malaman kung paano susulong. Hindi kayo kailangang magpagala-gala o magtaka.

“Kung tapat ang mga tanong ninyo tungkol sa ebanghelyo o sa Simbahan, kapag pinili ninyong manaig ang Diyos, kayo ay aakayin para mahanap at maunawaan ang tiyak at walang-hanggang mga katotohanan na gagabay sa inyong buhay at tutulong sa inyo na manatiling matatag sa landas ng tipan.

“Kapag nahaharap kayo sa tukso—dumating man ang tukso sa oras na kayo ay pagod o sa mga panahong dama ninyo na kayo ay nalulungkot o di-nauunawaan—isipin ang maiipon ninyong lakas-ng-loob sa pagpiling hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay at sa pagsamo ninyo sa Kanya na palakasin kayo.

“Kapag ang pinakahangarin ninyo ay hayaang manaig ang Diyos, na maging bahagi ng Israel, maraming desisyon ang nagiging mas madali. Maraming isyu ang nagiging hindi na mahalaga! Alam ninyo kung paano magiging kaiga-igaya. Alam ninyo ang dapat panoorin at basahin, kung saan dapat mag-ukol ng oras, at sino ang dapat makasama. Alam ninyo kung ano ang gusto ninyong maisakatuparan. Alam ninyo ang uri ng taong talagang nais ninyong kahinatnan.”11

Pansinin kung gaano karaming mahahalagang desisyon at karanasan sa buhay ang maiimpluwensyahan sa pamamagitan ng alituntunin ng pagiging handa na hayaang manaig ang Diyos: pagdedeyt at pag-aasawa, mga tanong at alalahanin sa ebanghelyo, tukso, pag-aayos ng sarili, kung ano ang panonoorin at babasahin, kung saan iuukol ang oras, kung kanino sasama at marami pang iba. Ang inspiradong mga tanong ni Pangulong Nelson ay nagbibigay-diin sa isang simpleng alituntunin na gumagabay sa lahat ng aspeto ng ating buhay at nagagawa nating pamahalaan ang ating sarili.

Isang Napakaliit na Timon

Nang mabilanggo si Joseph Smith sa Liberty Jail, sumulat siya ng mga liham na nagtatagubilin sa mga miyembro at lider ng Simbahan at ipinaalala sa kanila na “isang malaking sasakyang-dagat [ang] labis na natutulungan ng isang napakaliit na timon sa oras ng bagyo, sa pamamagitan ng paggamit nito nang naaayon sa hangin at mga alon.”12

Timon ng barko

Ang “timon” ay isang manibela o tiller at nakakabit na kagamitan na ginagamit sa pag-ugit ng isang barko o bangka. At ang ibig sabihin ng “paggamit nito nang naaayon sa hangin at mga alon” ay pag-ugit ng barko para mapanatili nito ang balanse at hindi lumubog kapag may bagyo.

Barko sa gitna ng isang bagyo

Tulad ng timon na gumagabay sa isang barko gayon din ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa atin. Dahil sa mga wastong alituntunin, magagawa nating mahanap ang daan at makatayong matibay, matatag, at hindi matitinag nang sa gayon ay makapagbalanse tayo at hindi mahulog sa nagngangalit na mga unos ng kadiliman at pagkalito sa mga huling araw.

Nabiyayaan tayo nang lubos sa pangkalahatang kumperenyang ito na matutuhan ang tungkol sa walang hanggang mga alituntunin mula sa mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon. Ngayon, ang responsibilidad ng bawat isa sa atin ay pamahalaan ang ating sarili ayon sa mga katotohanan na kanilang pinatotohanan.13

Patotoo

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Sa susunod na anim na buwan, ang edisyon ng kumperensya sa [Liahona] ay dapat nasa tabi ng inyong mga banal na kasulatan at dapat madalas na basahin.”14

Nang buong lakas ng aking kaluluwa, inaanyayahan ko ang lahat sa atin na alamin, ipamuhay, at mahalin ang mga alituntunin ng kabutihan. Tanging ang mga katotohanan ng ebanghelyo ang “[makapagpapalugod sa atin] na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya” na patuloy na lumakad sa landas ng tipan at “makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”15

Alam ko na ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamahusay at tanging pinagmumulan ng gabay para sa ating buhay at ng nagtatagal na kagalakan sa mortalidad at sa kawalang-hanggan. At sa maluwalhating Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, masaya kong pinatototohanan na ang ating buhay na Tagapagligtas ang pinagmumulan ng mga katotohanang ito. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. John Taylor, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 331.

  2. Doktrina at mga Tipan 42:12.

  3. Doktrina at mga Tipan 88:78.

  4. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1–3.

  5. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4.

  6. Doktrina at mga Tipan 89:3–4.

  7. Dallin H. Oaks, “The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” Liahona, Ene. 1999, 45–46.

  8. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32.

  9. Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” 130; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  10. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92.

  11. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” 94.

  12. Doktrina at mga Tipan 123:16.

  13. Hinikayat ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang mga miyembro na gawing “gabay [ang mga mensahe sa kumperensya] sa ikikilos at sasabihin nila sa susunod na anim na buwan.” Ipinaliwanag niya, “Ito ang mahahalagang bagay na sa tingin ng Panginoon ay angkop sa Kanyang mga tao sa araw na ito” (sa Conference Report, Abr. 1946, 68).

    Binigyang-diin din ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang kahalagahan ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Sinabi niya, “Walang teksto o aklat maliban sa mga banal na kasulatan ng Simbahan ang dapat magkaroon ng mahalagang puwang sa mga estante ng inyong aklatan—hindi dahil sa mahusay na isinulat o inilahad ang mga ito, kundi dahil sa mga konsepto na nagtuturo ng daan tungo sa buhay na walang hanggan” (In the World but Not of It, Brigham Young University Speeches of the Year [Mayo 14, 1968], 3).

    Muling pinagtibay ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Sinabi niya: “Nawa’y matandaan natin nang matagal ang mga narinig natin dito sa pangkalahatang kumperensya. Ang mga mensaheng ibinigay ay ililimbag sa isyu ng mga magasing Ensign at Liahona sa susunod na buwan. Hinihimok ko kayong pag-aralan ang mga ito at pagnilayan ang mga turo nito” (“Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2008, 106).

  14. Ezra Taft Benson, “Come unto Christ, and Be Perfected in Him,” Ensign, May 1988, 84.

  15. Doktrina at mga Tipan 123:17.