Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?
Ginawa ni Jesucristo ang lahat ng mahalaga para sa ating paglalakbay sa mortalidad patungo sa tadhanang nakabalangkas sa plano ng ating Ama sa Langit.
Sa miting ng Sabado ng gabi sa isang stake conference maraming taon na ang nakararaan, nakilala ko ang isang babaeng nagsabi na pinababalik siya ng kanyang mga kaibigan sa simbahan pagkaraan ng maraming taon ng hindi pagiging aktibo, ngunit wala siyang maisip na dahilan para gawin iyon. Para mahimok siya, sinabi ko, “Kapag pinag-isipan mo ang lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo, marami kang dahilan para bumalik upang sumamba at maglingkod sa Kanya.” Nagulat ako nang sumagot siya ng, “Ano ang nagawa Niya para sa akin?”
Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa bawat isa sa atin? Ginawa Niya ang lahat ng mahalaga para sa ating paglalakbay sa mortalidad patungo sa tadhanang nakabalangkas sa plano ng ating Ama sa Langit. Babanggitin ko ang apat na pangunahing aspeto ng planong iyon. Sa bawat isa sa mga ito, ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo ang nasa sentro. Ang dahilan ng lahat ng ito ay “ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao; anupa’t ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay” (1 Nephi 11:22).
I.
Dahil nalalapit na ang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, angkop lamang na unahing banggitin ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Ang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa mga patay ay nakapapanatag na personal na haligi ng ating pananampalataya. Ito ang nagdaragdag ng kahulugan sa ating doktrina, dahilan sa ating mga pagkilos, at pag-asa sa ating kinabukasan.
Dahil naniniwala tayo sa mga paglalarawan sa Biblia at Aklat ni Mormon tungkol sa literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, tinatanggap din natin ang maraming turo sa mga banal na kasulatan na mangyayari din ang pagkabuhay na mag-uling iyon sa lahat ng mortal na nabuhay sa mundong ito.1 Tulad ng itinuro ni Jesus, “Sapagkat ako’y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo” (Juan 14:19). At itinuro ng Kanyang Apostol na “ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira” at “itong may kamatayan ay ma[bi]bihisan ng walang kamatayan” (1 Corinto 15:52, 54).
Ngunit ang Pagkabuhay na Mag-uli ay nagbibigay sa atin ng higit pa sa katiyakang ito ng kawalang-kamatayan. Binabago nito ang paraan ng pagtingin natin sa mortal na buhay.
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay nagbibigay sa atin ng pananaw at lakas na tiisin ang mga hamon sa buhay na kinakaharap ng bawat isa sa atin at ng ating mga mahal sa buhay. Binibigyan tayo nito ng bagong paraan ng pagtingin sa pisikal, mental, o emosyonal na mga kakulangan na nasa atin na nang isilang tayo o nakuha natin sa buhay na ito. Binibigyan tayo nito ng lakas na tiisin ang mga kalungkutan, kabiguan, at kapighatian. Dahil bawat isa sa atin ay tiyak na mabubuhay na mag-uli, alam natin na ang mga kakulangan at oposisyong ito sa buhay ay pansamantala lamang.
Binibigyan din tayo ng Pagkabuhay na Mag-uli ng malaking dahilan para sundin ang mga kautusan ng Diyos habang nabubuhay tayo sa lupa. Kapag nagbangon tayo mula sa mga patay at humarap sa ipinropesiyang Huling Paghuhukom sa atin, nais nating maging marapat sa pinakamaiinam na pagpapalang ipinangako sa mga nilalang na nabuhay na mag-uli.2
Dagdag pa riyan, ang pangako na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay maaaring kabilangan ng pagkakataong makapiling ang ating mga kapamilya—asawa, mga anak, magulang, at inapo—ay isang malaking panghikayat sa atin na gampanan ang ating mga responsibilidad sa pamilya sa mortalidad. Tinutulungan din tayo nito na magmahalan sa buhay na ito, at pinapanatag tayo nito sa pagpanaw ng ating mga mahal sa buhay. Alam natin na ang mga pagkakahiwalay sa buhay na ito ay pansamantala lamang, at inaasam natin ang masayang pagkikita at pagsasamang muli sa hinaharap. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at lakas na magtiyaga habang naghihintay. Inihahanda rin tayo nito nang may tapang at dignidad na harapin ang sarili nating kamatayan—maging ang isang kamatayan na masasabing napakaaga.
Lahat ng epektong ito ng Pagkabuhay na Mag-uli ay bahagi ng unang sagot sa tanong na “Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa akin?”
II.
Para sa karamihan sa atin, ang pagkakataong mapatawad sa ating mga kasalanan ang pangunahing kahulugan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pagsamba, mapitagan tayong umaawit ng:
Ibinuhos N’ya ang sariling dugo,
Buhay N’ya ay isinuko:
Ang walang salang alay sa tao,
Upang iligtas ang mundo.3
Tiniis ng ating Tagapagligtas at Manunubos ang hindi maunawaang pagdurusa upang maging sakripisyo para sa mga kasalanan ng lahat ng mortal na magsisisi. Inialay ng nagbabayad-salang sakripisyong ito ang sukdulang kabutihan, ang dalisay na korderong walang bahid-dungis para sa sukdulang kasamaan, ang mga kasalanan ng buong sanlibutan. Binuksan nito ang pintuan para malinis ang bawat isa sa atin sa ating personal na mga kasalanan upang muli tayong tanggapin sa kinaroroonan ng ating Diyos Amang Walang Hanggan. Ang bukas na pintuang ito ay para sa lahat ng anak ng Diyos. Sa pagsamba, inaawit natin:
Mula sa banal na luklukan S’ya’y bumaba
Upang iligtas ang ’sang tulad kong may sala,
Nang ang tulad ko’y bigyan N’ya ng pagmamahal.4
Ang kamangha-mangha at hindi maunawaang epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay batay sa pagmamahal ng Diyos para sa bawat isa sa atin. Pinagtitibay nito ang Kanyang pahayag na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa”—ng bawat isa—“ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). Sa Biblia, ipinaliwanag ito ni Jesucristo ayon sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Sa makabagong paghahayag, sinabi ng ating Manunubos na si Jesucristo na Kanyang “[labis na minahal ang] sanlibutan na ibinigay niya ang sariling buhay, na kasindami ng mga maniniwala ay magiging mga anak ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 34:3).
Nakapagtataka ba, kung gayon, na ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay nagtapos sa turo na para maging “ganap” at “pinabanal kay Cristo,” kailangan nating “[ibigin] ang Diyos nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip at lakas”? (Moroni 10:32–33). Ang Kanyang plano na ginawa dahil sa pagmamahal ay kailangang tanggapin nang may pagmamahal.
III.
Ano pa ang nagawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo para sa atin? Sa pamamagitan ng mga turo ng Kanyang mga propeta at ng Kanyang personal na ministeryo, itinuro sa atin ni Jesus ang plano ng kaligtasan. Kasama sa planong ito ang Paglikha, layunin ng buhay, pangangailangan sa oposisyon, at kaloob na kalayaang pumili. Itinuro din Niya sa atin ang mga kautusan at tipan na kailangan nating sundin at ang mga ordenansang kailangan nating gawin para makabalik tayo sa ating mga magulang sa langit.
Sa Biblia, mababasa natin ang Kanyang turo: “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). At sa makabagong paghahayag, mababasa natin, “Masdan, ako si Jesucristo, … isang ilaw na hindi maikukubli sa kadiliman” (Doktrina at mga Tipan 14:9). Kung sinusunod natin ang Kanyang mga turo, tatanglawan Niya ang ating landas sa buhay na ito at titiyakin ang ating tadhana sa kabilang buhay.
Dahil mahal Niya tayo, hinihikayat Niya tayong magtuon sa Kanya sa halip na sa mga bagay ng mortal na mundong ito. Sa Kanyang dakilang sermon tungkol sa tinapay ng buhay, itinuro ni Jesus na hindi tayo dapat sumama sa mga yaong lubhang naaakit sa mga bagay ng mundo—mga bagay na nagbibigay-buhay sa lupa ngunit hindi nagpapalusog tungo sa buhay na walang hanggan.5 Tulad ng paulit-ulit na pag-anyaya sa atin ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”6
IV.
Sa huli, itinuturo sa Aklat ni Mormon na bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay “[nagdanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11).
Bakit dinanas ng ating Tagapagligtas ang “lahat ng uri” ng hirap na ito sa buhay? Ipinaliwanag ni Alma, “At dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan [ibig sabihin ay pagiginhawahin o tutulungan] ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).
Dama at alam ng ating Tagapagligtas ang ating mga tukso, paghihirap, pasakit, at pagdurusa, sapagkat kusang-loob Niyang dinanas ang lahat ng ito bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Pinagtitibay ito ng iba pang mga banal na kasulatan. Ipinahayag sa Bagong Tipan, “Palibhasa’y nagtiis siya sa pagkatukso, siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso” (Mga Hebreo 2:18). Itinuro ni Isaias, “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo … aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan” (Isaias 41:10). Dapat tandaan ng lahat ng nagdaranas ng anumang klase ng mga kahinaan sa mundo na ang ating Tagapagligtas ay nagdanas din ng gayong uri ng pasakit, at na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, binibigyan Niya ang bawat isa sa atin ng lakas na makayanan ito.
Ibinuod ni Propetang Joseph Smith ang lahat ng ito sa ating pangatlong saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”
“Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa akin?” tanong ng sister na iyon. Sa ilalim ng plano ng ating Ama sa Langit, Kanyang “[nilikha ang] mga kalangitan at [ang] lupa” (Doktrina at mga Tipan 14:9) upang bawat isa sa atin ay magkaroon ng mortal na karanasang kailangan upang makamtan ang ating banal na tadhana. Bilang bahagi ng plano ng Ama, nadaig ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang kamatayan para tiyakin ang kawalang-kamatayan ng bawat isa sa atin. Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa bawat isa sa atin ng pagkakataong pagsisihan ang ating mga kasalanan at makabalik nang malinis sa ating tahanan sa langit. Ipinapakita sa atin ng Kanyang mga kautusan at tipan ang daan, at ibinibigay ng Kanyang priesthood ang awtoridad na isagawa ang mga ordenansang mahalaga para marating ang tadhanang iyon. At kusang-loob na dinanas ng ating Tagapagligtas ang lahat ng mortal na pasakit at kahinaan upang malaman Niya kung paano tayo palalakasin sa ating mga paghihirap.
Ginawa ni Jesucristo ang lahat ng ito dahil mahal Niya ang lahat ng anak ng Diyos. Pagmamahal ang dahilan ng lahat ng ito, at gayon na ito noong una pa man. Sinabi sa atin ng Diyos sa makabagong paghahayag na “kanyang nilikha ang … lalaki at babae, ayon sa kanyang sariling larawan … , at nagbigay sa kanila ng mga kautusan na sila ay nararapat na magmahal at maglingkod sa kanya” (Doktrina at mga Tipan 20:18–19).
Pinatototohanan ko ang lahat ng ito at dalangin ko na maalala nating lahat ang nagawa ng ating Tapagligtas para sa bawat isa sa atin at na mamahalin at paglilingkuran natin Siya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.