Pangkalahatang Kumperensya
Alalahanin ang Daan Pauwi
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


8:26

Alalahanin ang Daan Pauwi

Nasa atin ang perpektong halimbawa ni Jesucristo na matutularan natin, at ang paglalakbay tungo sa ating walang hanggang tahanan ay posible lamang dahil sa Kanyang mga turo, Kanyang buhay, at Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Noong 1946, ang batang mananaliksik na si Arthur Hasler ay naglalakad sa batis malapit sa tahanang kinalakihan niya nang nagkaroon siya ng karanasang humantong sa mahalagang pagkakatuklas niya sa kung paano nakababalik ang mga isda sa batis na pinagmulan ng mga ito.

Habang paakyat sa bundok na hindi tanaw ang kanyang paboritong talon noong paslit pa, biglang naalala ni Hasler ang isang bagay na matagal na niyang nalimutan. Sinabi niya, “Habang umiihip ang malamig na hanging amoy lumot at columbine sa mabatong dalisdis, ang bawat detalye ng talon na ito at ang kinalalagyan nito sa gilid ng bundok ay biglang sumagi sa aking isipan.”1

Ang mga amoy na ito ay nagpabalik sa mga alaala ng kanyang pagkabata at ng kanyang tahanan.

Kung ang mga amoy ay nakapukaw sa kanya ng gayong mga alaala, naisip niya na marahil nakapupukaw rin ang mga amoy sa alaala ng isdang salmon, na kahit ilang taon nang nasa karagatan, ay bumabalik pa rin sa eksaktong lugar na pinagmulan nito upang doon ito mangitlog.

Batay sa karanasang ito, pinatunayan pa ni Hasler, kasama ang iba pang mga mananaliksik, na naaalala ng salmon ang mismong mga amoy na nakatutulong sa mga ito na lumangoy nang milya-milya para mahanap ang daan pabalik sa tahanan nito mula sa dagat.

Napaisip ako ng kuwentong ito na isa sa mga pinakamahalagang bagay na magagawa natin sa buhay na ito ay tukuyin at alalahanin ang landas pabalik sa ating Ama sa Langit at matapat at masayang magpursige sa paglalakbay.

May apat na paalala akong naisip na, kung palaging gagamitin at ipamumuhay natin, ay makapagpapaalala ng mga naramdaman natin sa ating tahanan sa langit.

Una, Maaari Nating Alalahanin na Tayo ay mga Anak ng Diyos

Tayo ay may banal na pamana. Ang malamang mga anak tayo ng Diyos at nais Niyang bumalik tayo sa Kanyang kinaroroonan ay isa sa mga unang hakbang sa paglalakbay pabalik sa ating tahanan sa langit.

Ipaalala sa inyong sarili ang pamanang ito. Palaging maglaan ng oras na palakasin ang espirituwal na immune system ninyo sa pamamagitan ng pag-alaala sa mga pagpapalang natanggap ninyo mula sa Panginoon. Pagtiwalaan ang mga gabay na ibinigay sa inyo na nagmula sa Kanya, sa halip na bumaling lamang sa mundo upang masukat ang sariling kahalagahan at mahanap ang inyong daan.

Kamakailan lamang, binisita ko ang isang taong malapit sa akin matapos siyang maospital. Madamdaming sinabi niya sa akin na habang nakahiga siya sa kama ng ospital, ang tanging nais lamang niya ay may isang taong kumanta sa kanya ng “Ako ay Anak Diyos.” Ang isipin lamang iyon, sabi niya, ay nagbigay sa kanya ng kapayapaan sa oras na iyon ng paghihirap.

Ang malaman kung sino kayo ay nagpapabago ng nadarama at ginagawa ninyo.

Ang maunawaan kung sino talaga kayo ay mas naghahanda sa inyo na matukoy at maalala ang inyong daan pabalik sa inyong tahanan sa langit at asaming pumaroon.

Pangalawa, Maaari Nating Alalahanin ang Saligang Nagpoprotekta sa Atin

Nagkakaroon tayo ng lakas kapag nananatili tayong matwid, tunay, at tapat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, kahit pa matinding binabalewala ng iba ang mga kautusan at alituntunin ng kaligtasan.2.

Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak na pakatandaan na kailangan nilang itayo ang kanilang mga saligan kay Jesucristo upang magkaroon ng lakas na paglabanan ang mga tukso ng kaaway. Ang malalakas na hangin at bagyo ni Satanas ay humahampas sa atin, ngunit hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang mga ito na hilahin tayo pababa kung ilalagay natin ang ating tiwala sa pinakaligtas na lugar—sa ating Manunubos.3

Alam ko mula sa personal na karanasan na kapag pinili nating pakinggan ang Kanyang tinig at sumunod sa Kanya, matatanggap natin ang Kanyang tulong. Magtatamo tayo ng mas malawak na pananaw sa ating mga kalagayan at mas malalim na pag-unawa sa layunin ng buhay. Madarama natin ang mga espirituwal na panggaganyak na gagabay sa atin pauwi.

Pangatlo, Maaari Nating Alalahaning Maging Mapanalangin

Nabubuhay tayo sa panahon kung kailan sa isang pindot o voice command lamang ay makahahanap na tayo ng mga sagot sa anumang paksa sa napakaraming datos na tinipon at inorganisa sa malawak at kumplikadong netwok ng mga computer.

Sa kabilang banda, simple lamang ang paanyaya sa atin na magsimulang maghanap ng mga sagot mula sa langit. “Manalangin tuwina, at aking ibubuhos ang aking Espiritu sa [inyo].” Kasunod nito, nangangako ang Panginoon, “At malaki ang [inyong] magiging pagpapala—oo, maging mas higit pa sa kung [inyong] matatamo ang mga kayamanan ng mundo.”4

Iniisip ng Diyos ang bawat isa sa atin at handang pakinggan ang ating mga panalangin. Kapag naaalala nating manalangin, nadarama natin ang Kanyang nagbibigay-lakas na pagmamahal, at kapag mas nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Cristo, lalo nating dinadala sa ating buhay ang Tagapagligtas at lalo nating natutukoy ang landas na nilagyan Niya ng mga tanda patungo sa ating tahanan sa langit.

Pang-apat, Maaari Nating Alalahaning Maglingkod sa Iba

Habang sinisikap nating tularan si Jesucristo sa pamamagitan ng paglilingkod at pagpapakita ng kabaitan sa iba, mas pinabubuti natin ang mundong ginagalawan natin.

Mapagpapala nang lubos ng ating mga ginagawa ang buhay ng mga nakapaligid sa atin at pati na ang mga sariling buhay natin. Ang paglilingkod na may pagmamahal ay nagdaragdag ng kabuluhan sa buhay ng nagbibigay at ng tumatanggap.

Huwag maliitin ang potensyal ninyong maimpluwensiyahan ang iba sa kabutihan, kapwa sa paglilingkod na inyong ginagawa at ipinakikitang halimbawa.

Ang paglilingkod sa iba na may pagmamahal ang gagabay sa atin sa landas tungo sa ating tahanan sa langit—ang landas ng pagiging katulad ng ating Tagapagligtas.

Noong 1975, bunga ng digmaang sibil, sina Arnaldo at Eugenia Teles Grilo at kanilang mga anak ay kinailangang iwan ang kanilang tahanan at lahat ng kanilang naipundar mula sa maraming taong pagpapakahirap sa pagtatrabaho. Sa kanilang bansa, sa Portugal, hinarap nina Brother at Sister Teles Grilo ang hamon ng pagsisimulang muli. Ngunit ilang taon kalaunan, matapos sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinabi nila, “Nawala sa amin ang lahat, ngunit nakabuti iyon dahil napag-isipan namin ang kahalagahan ng mga biyayang pangwalang-hanggan.”5

Nawalan sila ng bahay sa mundo, ngunit natagpuan nila ang daan pabalik sa kanilang tahanan sa langit.

Anuman ang dapat ninyong iwan upang masundan ang landas pauwi sa inyong tahanan sa langit ay hindi na maituturing na sakripisyo balang araw.

Nariyan ang perpektong halimbawa ni Jesucristo na matutularan natin, at ang paglalakbay tungo sa ating walang hanggang tahanan ay posible lamang dahil sa Kanyang mga turo, Kanyang buhay, at Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo—kabilang ang Kanyang kamatayan at maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.

Inaanyayahan ko kayong tamasahin ang kagalakang maalala na tayo ay mga anak ng Diyos at na labis Niyang minamahal ang sanlibutan kaya’t isinugo Niya ang Kanyang Anak6 upang ipakita sa atin ang landas. Inaanyayahan ko kayong maging matapat, ibaling ang inyong buhay sa Tagapagligtas at itayo ang inyong saligan sa Kanya. Alalahaning maging mapanalangin sa inyong paglalakbay at maglingkod sa iba habang nasa daan.

Mga minamahal kong kapatid, ngayong Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Manunubos at Tagapagligtas ng sanlibutan. Siya ang makaaakay sa atin sa hapag-kainan ng maligayang buhay at gagabayan tayo sa ating paglalakbay. Nawa’y makaalala tayo at sundan Siya pauwi. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Arthur Davis Hasler, sa Gene E. Likens, “Arthur Davis Hasler: January 5, 1908–March 23, 2001,” sa National Academy of Sciences, Biographical Memoirs, tomo 82 (2003), 174–75.

  2. Tingnan sa Book of Mormon Student Manual (2009), 268–73.

  3. Tingnan sa Helaman 5:6–12.

  4. Doktrina at mga Tipan 19:38.

  5. Tingnan sa Don L. Searle, “Discovering Gospel Riches in Portugal,” Ensign, Okt. 1987, 15.

  6. Tingnan sa Juan 3:16.