Pangkalahatang Kumperensya
Ito ang Ating Panahon!
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


11:14

Ito ang Ating Panahon!

Ipinadala tayo ng Diyos dito, ngayon mismo, sa napakahalagang panahong ito sa kasaysayan.

Noong 1978, nakatayo ako sa isang football field sa isang stadium na puno ng 65,000 tagahanga. Nasa harap ko ang ilang napakalalaking katunggali na para bang gusto nilang tanggalin ang ulo ko. Unang laro ko iyon bilang baguhang quarterback sa National Football League, at kami ang kasalukuyang kampeon noon sa Super Bowl. Sa totoo lang, nagduda ako kung talagang magaling akong maglaro. Umatras ako sa linya para ibato ang unang pasa ko, at pagkabato ko sa bola, may bumunggo sa akin nang napakalakas. Sa sandaling iyon, habang nadadaganan ng matitipunong atletang iyon, naisip ko kung ano ang ginagawa ko roon. Kinailangan kong magpasiya. Hahayaan ko bang madaig ako ng mga pagdududa ko, o magkakaroon ako ng tapang at lakas na tumayo at magpatuloy?

Ang unang pagbato

Associated Press

Hindi ko natanto noon kung paano ako ihahanda ng karanasang ito para sa maraming oportunidad sa hinaharap. Kinailangan kong matuto na kaya kong maging malakas at matapang sa harap ng mahihirap na sitwasyon.

Ang larong football ay maaaring hindi kasing-halaga ng mga hamon na makakaharap ninyo. Kadalasan, walang stadium na puno ng mga manonood. Ngunit ang inyong magigiting na desisyon ay mahalaga sa walang-hanggan.

Siguro hindi natin palaging nadarama na kaya natin ang hamon. Ngunit nakikita tayo ng ating Ama sa Langit bilang matatapang na tagapagtayo ng Kanyang kaharian. Kaya nga ipinadala Niya tayo sa pinakamahalagang panahong ito sa kasaysayan ng mundo. Ito ang ating panahon!

Pakinggan ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson noong siya ay maging Pangulo ng Simbahan: “Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa Kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang palatandaan na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang namumuno sa Simbahang ito sa karingalan at kaluwalhatian” (“Paghahayag sa Simbahan, Paghahayag sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96).

Mga pinakadakilang gawain? Mahihimalang palatandaan? Ano ang makikita sa sitwasyong iyan? Ano ang magiging gawain natin, at paano natin mauunawaan kung ano ang gagawin? Hindi ko alam ang lahat ng sagot, ngunit alam kong kailangan ng Panginoon na maging handa tayo! Higit kailanman, ngayon kailangang gamitin nang karapat-dapat ang kapangyarihan ng priesthood.

Naniniwala ba tayo sa propeta ng Diyos? Mahahanap at maisasakatuparan ba natin ang ating tadhana? Oo, maisasakatuparan natin, at oo, kailangang maisakatuparan natin, dahil ito ang ating panahon!

Kapag nakaririnig tayo ng mga kuwento tungkol sa makapangyarihang mga tagapaglingkod ng Diyos na nauna sa atin—tulad nina Moises, Maria, Moroni, Alma, Esther, Jose, at marami pang iba—parang ang gagaling nila. Ngunit hindi sila naiiba sa atin. Sila ay karaniwang mga tao na humarap sa mga hamon. Nagtiwala sila sa Panginoon. Pinili nila ang tama sa mahahalagang sandali ng pagpapasiya. At, nang may pananampalataya kay Jesucristo, naisagawa nila ang mga gawaing kinailangan sa kanilang panahon.

Ang propetang si Josue

Goodsalt

Isipin ang bayaning si Josue sa Lumang Tipan. Siya ay tapat na alagad ni Moises, isa sa mga pinakadakilang lider sa kasaysayan. Nang umalis si Moises, iyon na ang panahon ni Josue. Kailangan niyang pamunuan ang mga anak ni Israel patungo sa lupang pangako. Paano niya gagawin iyon? Si Josue ay isinilang at lumaki sa pagkaalipin sa Egipto. Wala siya hanbuk o mga video ng mga tagubilin na tutulong sa kanya. Wala rin siyang smartphone! Ngunit nasa kanya ang pangakong ito mula sa Panginoon:

“Kung paanong ako’y suma kay Moises, ay gayon ako sasa iyo: hindi kita iiwan ni pababayaan kita.

“Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti” (Josue 1:5–6).

Noong bago pa lang ako sa Pitumpu at wala pang karanasan, nakatanggap ako ng tawag mula sa Tanggapan ng Unang Panguluhan, na nagtatanong kung maaari akong kumatawan sa propeta sa pagbisita—kaagad, sa isang binatang nasa ospital. Ang pangalan ng binata ay Zach. Naghahanda siya na maging missionary pero naaksidente siya at nagkaroon ng matinding pinsala sa ulo.

Habang nagmamaneho ako papunta sa ospital, maraming bagay ang tumakbo sa isipan ko. Gagawin para sa propeta—totoo ba ito? Ano ang daratnan ko roon? Paano ko tutulungan ang binatang ito? Sapat ba ang pananampalataya ko? Ang taimtim na dasal at kaalaman na taglay ko ang awtoridad ng banal na priesthood ang nagpanatag sa aking kalooban.

Pagdating ko, nakahiga si Zach sa kama ng ospital. Naroon ang isang attendant na handang dalhin siya agad sa operating room para maibsan ng mga doktor ang pressure sa kanyang utak. Tiningnan ko ang kanyang lumuluhang ina at ang nag-aalalang binatang kaibigan na nakatayo sa tabi, at malinaw kong nalaman na kailangan ni Zach ng basbas ng priesthood. Katatanggap lang ng kaibigan niya ng Melchizedek Priesthood, kaya hiniling kong tulungan niya ako. Nadama ko ang kapangyarihan ng priesthood nang mapagpakumbaba naming binasbasan si Zach. At mabilis na siyang dinala para operahan, at isang payapang damdamin ang nagpatibay na ang Tagapagligtas ang bahala ayon sa Kanyang karunungan.

Ang medical staff ay nagsagawa ng huling X-ray bago gawin ang unang operasyon. Laking gulat nila nang matuklasan nila na hindi na kailangan ang operasyon.

Matapos ang maraming therapy, natuto si Zach na muling lumakad at magsalita. Matagumpay siyang nakapagmisyon at ngayon ay may sarili ng masayang pamilya.

Siyempre, hindi palaging ganyan ang resulta. Nakapagbigay ako ng iba pang mga basbas ng priesthood nang may gayon ding pananampalataya, at ang Panginoon ay hindi nagkaloob ng lubusang paggaling sa buhay na ito. Nagtitiwala tayo sa Kanyang mga layunin at ipinauubaya sa Kanya ang mga resulta. Hindi natin palaging mapipili ang bunga ng ating mga kilos, pero maaari nating piliin na maging handang kumilos.

Maaaring hindi hilingin sa inyo ng Unang Panguluhan na kayo ang kumatawan sa kanila sa isang sitwasyon na buhay ang nakasalalay. Ngunit tayong lahat ay tinatawag na gumawa ng mga bagay na magpapabago ng buhay bilang mga kinatawan ng Panginoon. Hindi Niya tayo pababayaan. Ito ang ating panahon!

Si Pedro, na punong Apostol ng Tagapagligtas, ay nakasakay sa isang bangka sa gitna ng isang bagyo nang makita niya si Jesus na naglalakad sa tubig. Nais niyang sumama sa Kanya, at sinabi ng Tagapagligtas, “Halika.” Buong tapang at mahimala, iniwan ni Pedro ang bangka at nagsimulang lumakad papunta sa Tagapagligtas. Ngunit nang matuon ang pansin ni Pedro sa malakas na hangin, nanghina ang kanyang pananampalataya. “Natakot siya, at nang siya’y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon, iligtas mo ako. At pagdaka’y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya.” (Tingnan sa Mateo 14:22–33.)

Si Jesus na iniaabot ang Kanyang kamay

Kapag umiihip ang hangin sa ating buhay, saan tayo nakatuon? Tandaan, palaging may isang maaasahang pinagmumulan ng lakas at tapang. Ang mga bisig ni Jesus ay nakaunat sa atin, tulad noon kay Pedro. Kapag inaabot natin Siya, buong pagmamahal Niya tayong sasagipin. Tayo ay sa Kanya. Sabi Niya, “Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko; tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin” (Isaias 43:1). Siya ay mananaig sa inyong buhay kung tutulutan ninyo Siya. Kayo ang pipili. (Tingnan sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95.)

Sa huling sandali ng kanyang buhay, nakiusap si Josue sa kanyang mga tao, “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon” (Josue 24:15). Dahil pinili niya na maglingkod sa Panginoon, si Josue ay naging dakilang lider noong kanyang panahon. Mahal kong mga kaibigan, ito ang ating panahon! At ang mga pagpiling ginagawa natin ang magtatakda ng ating tadhana (tingnan sa Thomas S. Monson, “Decisions Determine Destiny” [Brigham Young University fireside, Nob. 6, 2005], speeches.byu.edu).

Noong bishop ako, may motto kami sa ward: Ang mabubuting pagpili ay katumbas ng kaligayahan—magpakailanman. Daraanan ako ng mga kabataan sa pasilyo at sasabihing, “Bishop, pinipili ko po ang mabuti!” Iyan ang pangarap ng isang bishop!

Ano ang ibig nating sabihin sa “mabubuting pagpili”? May nagtanong noon kay Jesus, “Alin ba ang dakilang utos sa kautusan?” Sagot Niya:

“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.

“Ito ang dakila at unang utos.

“At ang pangalawa ay katulad nito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:36–39).

Hindi ko alam sa inyo, pero kapag binabasa ko ang dalawang dakilang utos na ito, nakikita ko ang ikatlo, na pahiwatig na utos: mahalin ang iyong sarili.

Naisip ba ninyo na isang kautusan ang mahalin ang inyong sarili? Tunay ba nating mamahalin ang Diyos at ang Kanyang mga anak kung hindi natin mahal ang ating sarili?

Pinayuhan kamakailan ng isang matalinong lider ang isang lalaki na nagsisikap na mapaglabanan ang mga nakapipinsalang pagpili na ginawa niya sa maraming taon. Nahiya ang lalaki, nagduda na baka hindi siya marapat na mahalin ng iba.

Sinabi sa kanya ng lider niya, “Kilala ka ng Panginoon, mahal ka Niya, at nalulugod sa iyo at sa matapang na mga hakbang na ginagawa mo.” Ngunit idinagdag niya, “Kailangan [mong] sundin ang utos na mahalin ang iyong sarili para madama mo ang pagmamahal ng [Diyos] at mahalin ang iba.”

Nang marinig ng lalaking ito ang payo na iyon, nagbago ang pananaw niya sa buhay. Sinabi niya kalaunan, “Buong buhay kong sinikap na makahanap ng kapayapaan at pagtanggap. Hinanap ko ang mga bagay na iyon sa mga maling lugar. Tanging sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ako makahahanap ng kapanatagan. Alam kong gusto Nilang mahalin ko ang aking sarili; ito lang talaga ang paraan na madarama ko ang Kanilang pagmamahal sa akin.”

Nais ng ating Ama sa Langit na mahalin natin ang ating sarili—hindi para maging palalo o sarili lang ang isipin at pagtuunan, kundi upang makita natin ang ating sarili tulad ng pagkakita Niya sa atin: bilang Kanyang minamahal na mga anak. Kapag tumimo ang katotohanang ito sa ating puso, ang pagmamahal natin sa Diyos ay nag-iibayo. Kapag may paggalang tayo sa ating sarili, ang puso natin ay bukas sa paggalang din sa iba. Kapag lalo nating nauunawaan ang ating banal na kahalagahan, mas nauunawaan natin ang banal na katotohanang ito: na ipinadala tayo ng Diyos dito, ngayon mismo, sa napakahalagang panahong ito sa kasaysayan, upang magawa natin ang pinakamabuti gamit ang mga talento at kaloob na nasa atin. Ito ang ating panahon! (Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito” [pandaigdigang debosyonal para sa young adults, Ene. 10, 2016], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.)

Itinuro ni Joseph Smith na bawat propeta sa bawat panahon, ay “inasam nang may galak ang ating panahon; … sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; … tayo ang mga taong [pinili] ng Diyos upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 215–16).

Sa pagharap ninyo sa mga hamon sa araw-araw, tandaan ang katiyakang ito na ibinigay ni Elder Jeffrey R. Holland: “Maraming nakaatang sa ating balikat, ngunit ito ay magiging maluwalhati at matagumpay na karanasan. … Ang tagumpay sa huling paligsahan na ito ay naipahayag na. Ang tagumpay ay nakatala na sa mga aklat … , sa mga banal na kasulatan!” (“Be Not Afraid, Only Believe” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Peb. 6, 2015], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Sa magandang linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, inaanyayahan ko na manalangin tayong lahat na maunawaan at matanggap natin ang ating indibiduwal na mga tungkulin habang naghahanda tayo para sa maluwalhating araw ng muling pagparito ng Tagapagligtas. Mahal tayo ng Panginoon nang higit sa nauunawaan natin, at sasagutin Niya ang ating mga dasal! Tayo man ay nasa football field, sa silid sa ospital, o sa iba pang lugar, maaari tayong maging mahalagang bahagi ng mga pambihirang kaganapang ito—dahil ito ang ating panahon! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.