Hindi Gaya ng Ibinibigay ng Sanlibutan
Ang mga instrumentong kailangan natin upang makalikha ng mas maliwanag na araw at magpaunlad ng ekonomiya ng tunay na kabutihan sa lipunan ay inilalaan nang sagana sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Bago ang unang Pasko ng Pagkabuhay, sa pagtatapos ni Jesus sa pangangasiwa Niya ng bagong ordenansa ng sakramento sa Labindalawa, sinimulan Niya ang dakilang diskurso ng pamamaalam Niya dahil parating na ang oras na Siya ay maghihirap sa Getsemane, pagtataksilan, at ipapako sa krus. Gayunman, nadama ang pag-aalala at marahil pati ang takot na malamang ay naipakita ng ilan sa kalalakihang iyon, sinabi ni Jesus sa kanila (at sa atin):
“Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. …
“Hindi ko kayo iiwang nag-iisa: ako’y darating sa inyo. …
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”1
Dumarating ang mga panahon na puno ng hamon sa mortalidad na ito, pati sa mga nananampalataya, ngunit ang nagpapanatag na mensahe ni Cristo ay na Siya, ang iaalay na kordero, ay tutungo gaya “ng tupa sa harapan ng mga manggugupit [nito]”2 at Siya ay magbabangon, upang maging, tulad ng sinabi ng mang-aawit, “ating kanlungan at kalakasan, [ating] isang handang saklolo sa [panahon ng] kabagabagan.“3
Natatanto ang hirap na daranasin ni Cristo habang papunta Siya sa krus at ng Kanyang mga disipulo sa paghahatid nila ng Kanyang ebanghelyo sa buong mundo sa kalagitnaan ng panahon, tingnan natin ngayon ang kaugnay na mensahe sa mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas sa mga huling araw. Ito ay nakapaloob sa kagulat-gulat na dami ng mga talata sa Aklat ni Mormon na inilaan sa iba’t ibang uri ng pagtatalo, mula sa walang katapusang nakayayamot na pag-uugali nina Laman at Lemuel hanggang sa huling mga digmaan na kinabibilangan ng libu-libong mandirigma. Isa sa mga pinakamalinaw na dahilan sa pagbibigay-diin na ito sa digmaan ay, bagaman ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa mga tao sa mga huling araw, ang mga awtor na ito (na nakaranas din mismo ng maraming digmaan) ay naghahayag ng babala sa atin na ang karahasan at pagtatalo ay isa sa mga kapansin-pansing katangian ng mga relasyon sa mga huling araw.
Siyempre pa, hindi ako ang unang nakaisip sa teoriya ng pagtatalo sa mga huling araw. Dalawandaang taon na ang nakalipas, nagbabala ang Tagapagligtas na sa mga huling araw magkakaroon ng “mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan,”4 at kalaunan ay nagsabing “ang kapayapaan ay aalisin sa mundo.”5 Walang alinlangan na ang Prinsipeng ito ng Kapayapaan, na mariing itinuro na ang pagtatalo ay sa diyablo,6 ay nararapat lamang tumangis na kasama ng Kanyang Banal na Ama para sa sangkatauhan sa ating panahon na “walang pagmamahal,” ayon sa mga banal na kasulatan, at hindi matutuhan kung paano mabuhay nang nagmamahalan.7
Mga kapatid, marami tayong nakikita na pagtatalo, galit, at kapalastanganan sa ating paligid. Sa kabutihang palad, ang kasalukuyang henerasyon ay wala pang Ikatlong Digmaang Pandaigdig na pinaglabanan, o nakaranas ng pandaigdigang pagbagsak ng merkado tulad noong 1929 na nagbunga ng Great Depression. Ngunit tayo ay nahaharap sa uri ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig, hindi isang digmaan upang gapiin ang ating mga kalaban kundi pagtitipon sa paghikayat sa mga anak ng Diyos na mas pangalagaan ang isa’t isa at tumulong sa paghilom ng mga sugat na nakikita natin sa daigdig na puno ng pagtatalo. Ang kinakaharap nating Great Depression ngayon ay hindi gaanong tungkol sa kawalan natin ng ipong salapi kundi mas tungkol ito sa kawalan natin ng tiwala sa sarili, ng tunay na kakulangan ng pananampalataya at pag-asa at pag-ibig sa kapwa sa ating paligid. Ngunit ang mga instrumentong kailangan natin upang makalikha ng mas maliwanag na araw at magpaunlad ng ekonomiya ng tunay na kabutihan sa lipunan ay inilalaan nang sagana sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tayo ay hindi maaari—at ang sanlibutan ay hindi maaaring—mabigo sa paggamit nang lubos ng mga panuntunan ng ebanghelyo at nagpapatatag na mga tipan nito nang personal at nang hayagan.
Kaya, sa isang mundong “pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw,” tulad ng sinabi ni Jehova na mangyayari, paano tayo magkakaroon ng tinawag Niyang “tipan ng … kapayapaan?” Mahahanap natin ito sa paglapit sa Kanya na nagsabing maaawa Siya sa atin “sa walang hanggang kabutihan” at bibigyan ng kapayapaan ang [ating] mga anak.8 Sa kabila ng iba pang nakakatakot na propesiya at nakababahalang mga banal na kasulatang naghahayag na tatanggalin ang kapayapaan sa mundo sa pangkalahatan, ang mga propeta, kabilang ang ating minamahal na si Russell M. Nelson, ay nagturo na hindi ibig sabihin nito na tatanggalin ito mula sa bawat isa sa atin!9 Kaya, ngayong Pasko ng Pagkabuhay subukan nating mamuhay nang payapa sa personal na paraan, na ginagamit ang biyaya at nagpapagaling na balsamo ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo sa ating sarili at sa ating mga pamilya at mga nasa paligid natin. Mabuti na lang, at kagila-gilalas pa, na ang nakagiginhawang pamahid na ito ay napapasaatin “nang libre at walang bayad.”10
Kailangan talaga ang gayong tulong at pag-asa dahil sa pandaigdigang kongregasyon ngayong araw, marami ang nahihirapan sa mga hamon—pisikal o emosyonal, sa pakikisalamuha o sa pananalapi, o marami pang uri ng paghihirap. Ngunit marami sa mga ito ang hindi sapat ang lakas upang malutas natin ang mga ito, sapagka’t ang kapayapaang kailangan natin ay hindi ang uri na “ibinibigay ng sanlibutan.”11 Hindi, dahil sa mahihirap na problema ay kailangan natin ang tinatawag sa mga banal na kasulatan na “kapangyarihan ng langit,” at upang matamo ang mga kapangyarihang ito kailangan nating ipamuhay ang sinasabi din sa banal na kasulatang ito na “alituntunin ng kabutihan.”12 Ngayon, ang pag-unawa sa koneksiyon ng alituntunin at kapangyarihan ay ang isang aral na tila hindi matutuhan ng sangkatauhan, na gaya ng sinasabi ng Diyos ng langit at lupa!13
At ano ang mga alituntuning iyon? Paulit-ulit na nakalista ang mga ito sa banal na kasulatan, paulit-ulit na itinuturo ang mga ito sa mga kumperensyang tulad nito, at sa ating dispensayon, itinuro ito kay Propetang Joseph Smith bilang tugon sa kanyang sariling bersyon ng pagtangis ng “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”14 Sa malamig at napabayaang silid sa Piitang Liberty, itinuro sa kanya na ang mga alituntunin ng kabutihan ay kinabibilangan ng mga katangiang tulad ng pagtitiyaga, mahabang pagtitiis, kahinahunan, at hindi pakunwaring pag-ibig.15 Kung wala ang mga alituntuning iyon, tiyak na makararanas tayo sa huli ng hidwaan at poot.
Tungkol diyan, hayaang magsalita ako tungkol sa kawalan sa ilang tahanan ng mga alituntuning ito ng kabutihan sa ating panahon. Karaniwan, isa akong optimista, masayahing tao, at napakaraming kabutihan at kagandahan sa ating daigdig. Walang dudang mas marami tayong materyal na biyaya kaysa alinmang henerasyon sa kasaysayan, ngunit sa kultura ng ika-21 siglo sa pangkalahatan at mas madalas sa Simbahan, nakakakita pa rin tayo ng mga buhay na nasa peligro, napakaraming ikinokompromiso na nagbubunga ng nasirang mga tipan at napakaraming pusong nasasaktan. Isipin na lang ang magaspang na pananalita na katumbas ng seksuwal na kasalanan, na kapwa nakikita sa mga pelikula o sa telebisyon, o pansinin ang seksuwal na karahasan at iba pang uri ng maling asal o pag-uugali na nababasa natin na nagaganap sa lugar na pinagtatrabahuhan. Sa mga bagay na ukol sa kadalisayan ng tipan, ang sagrado ay madalas na ginagawang karaniwan at ang banal ay madalas na nilalapastangan. Sa sinumang natutuksong lumakad o magsalita o kumilos “na gaya ng daigdig,” wika nga—huwag umasang hahantong ito sa payapang karanasan; ipinapangako ko sa inyo sa ngalan ng Panginoon na hindi iyan mangyayari. “Ang kasamaan kailanman ay hindi kaligayahan,”16 sabi nga ng isang sinaunang propeta. Kapag tapos na ang sayawan, ang manunugtog ay kailangang bayaran, at kadalasan ang kabayaran ay mga luha at panghihinayang.17
O marahil nakikita natin ang ibang mga uri ng pang-aabuso o kawalang-dangal. Kailangang doble ang pag-iingat natin bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo na huwag kakitaan ng gayong asal o ugali. Hindi tayo dapat gumamit ng anumang uri ng pang-aabuso o hindi matwid na kapangyarihan o imoral na pamimilit—pisikal o emosyonal o eklesiastikal o anumang iba pang uri. Naaalala kong napukaw ang atensyon ko sa mariing pagsasalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley ilang taon na ang nakalipas sa kalalakihan ng Simbahan tungkol sa tinawag niyang “malupit sa kanilang sariling tahanan”:18
“Nakalulunos at kamuhi-muhi ang pang-aabuso sa asawa,” sinabi niya. “Sinumang lalaki sa Simbahang ito na umaabuso sa kanyang asawa, nagmamalupit sa kanya, nang-iinsulto, o di-makatwiran ang pakikisama sa kanya ay hindi karapat-dapat na magtaglay ng priesthood. … [Siya] ay hindi karapat-dapat na magtaglay ng temple recommend.”19 Kasuklam-suklam din, sabi niya, ang anumang uri ng pang-aabuso sa bata.20
Sa napakaraming pagkakataon, ang matatapat na kalalakihan, kababaihan, at maging mga bata ay maaaring nagkakasala sa pagsasalita nang nakasasakit, maging mapanira, sa mga taong kadalasan ay ibinuklod sa kanila sa pamamagitan ng banal na ordenansa sa templo ng Panginoon. Bawat isa ay may karapatang mahalin, makadama ng kapayapaan, at maging ligtas sa tahanan. Pakiusap, sikapin nating panatilihin ang gayong kapaligiran doon. Ang pangako ng pagiging mapagpayapa ay na laging makakasama ninyo ang Espiritu Santo sa tuwina at dadaloy sa inyo ang mga biyaya “sa walang sapilitang pamamaraan” magpakailanman at walang katapusan.21 Walang sinumang nangangailangan ng matalas na dila o masasakit na salita para “kantahin ang awit ng mapagtubos na pag-ibig.”22
Magtatapos ako kung saan ako nagsimula. Bukas ay Pasko ng Pagkabuhay, isang panahon para sa alituntunin ng kabutihan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala na “mangibabaw”—mangibabaw sa hidwaan at pagtatalo, mangibabaw sa kalungkutan at panghihina-ng-loob, at sa huli ay mangibabaw sa kamatayan. Ito ay panahon para mangako nang buong katapatan sa diwa at sa salita sa Kordero ng Diyos, na “[pinasan] ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan”23 sa Kanyang determinasyon na tapusin ang gawain ng kaligtasan para sa atin.
Sa kabila ng pagtataksil at sakit, pang-aabuso at kalupitan, at habang pasan ang pinagsama-samang kasalanan ng buong sangkatauhan, ang Anak ng Buhay na Diyos ay tumingin sa mahabang landas ng mortalidad, nakita tayo ngayong Sabadong ito, at nagsabing: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”24 Nawa ay magkaroon kayo ng pinagpala, masaya, at payapang Pasko ng Pagkabuhay. Ang hindi pa nababanggit na mga posibilidad nito ay binayaran na ng Prinsipe ng Kapayapaan, na mahal ko nang buong puso ko, na may-ari ng Simbahang ito, at pinatototohanan ko nang walang pag-aalinlangan, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.