Pangkalahatang Kumperensya
Ang Liwanag ay Kumukunyapit sa Liwanag
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


11:11

Ang Liwanag ay Kumukunyapit sa Liwanag

Habang pinalalakas natin ang ating pananampalataya kay Cristo, nakatatanggap tayo ng liwanag na patuloy na nagniningning hanggang sa maitaboy nito ang lahat ng kadiliman.

Mahal kong mga kapatid, kasama ninyo akong nagagalak sa pinagpalang Linggo na ito ng Pasko ng Pagkabuhay sa pagninilay sa maluwalhating liwanag na sumikat sa mundo sa Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Habang nasa Kanyang mortal na ministeryo, ipinahayag ni Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”1 Ang Espiritu ni Cristo ay “nasa lahat ng bagay [at] nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay.”2 Nilulupig nito ang kadiliman na maaaring pumalibot sa atin.

Ilang taon na ang nakalipas, sa paghahangad ng pambihirang karanasan, sinamahan namin ng dalawa kong anak na lalaki ang isang grupo ng young men sa Moaning Cavern, na pinangalanan ng gayon dahil sa tunog na minsang umalingawngaw sa bunganga nito. Ang yungib na ito ay isang kuwebang may makitid na pasukan patungo sa isang patayong espasyo na 180 talampakan o 55 metro ang lalim, ang pinakamalaking espasyo ng isang kuweba sa California.

Moaning Cavern

Dalawa lamang ang paraan upang makababa rito: gamitin ang ligtas na paikot na hagdan o mag-rappel patungo sa sahig ng yungib; pinili namin ng mga anak ko na mag-rappel. Nauna ang mas nakatatanda kong anak, at sinadya naming magpahuli ng mas nakababata kong anak upang sabay kaming makababa.

Matapos kaming bigyan ng mga tagubilin ng aming mga gabay at ikabit ang aming harness at belay gear sa isang matibay na lubid, dahan-dahan kaming humakbang patalikod hanggang sa makarating kami sa makitid na tuntungan at makaipon kami ng lakas-ng-loob, dahil ito na ang huling pagkakataong umatras, at ang huling pagkakataong makakita ng anumang sikat ng araw mula sa bunganga ng kuweba.

Ibinaba kami ng aming sumunod na hakbang patalikod sa isang pambihirang yungib na sa sobrang taas at lawak ay kasya sa loob nito ang buong Statue of Liberty. Kami ay nakabitin doon at mabagal na umiikot habang unti-unting nasasanay ang aming mga mata sa padilim nang padilim na paligid. Habang patuloy kaming bumababa, ang ningning ng mga de-kuryenteng ilaw ay nagbigay-liwanag sa kamangha-manghang dingding ng mga kumikislap na estalagmita at estalaktita.

Nang walang babala, biglang namatay ang lahat ng ilaw. Nakabitin sa napakalalim na espasyo, napalibutan kami ng kadiliman na sa sobrang tindi ay hindi na namin makita maging ang aming mga kamay sa lubid sa harap namin. Isang tinig ang agad na tumawag, “Itay, Itay, nariyan po ba kayo?”

“Narito ako, Anak, narito lamang ako,” ang sagot ko.

Ang hindi inaasahang pagkamatay ng ilaw ay nilayon upang ipakita na kung walang kuryente, ang kadiliman sa yungib ay hindi malulupig. Nagtagumpay ito; “nadama” namin ang kadiliman. Nang muling sumindi ang ilaw, mabilis na naglaho ang kadiliman, dahil ang kadiliman ay palaging naglalaho kahit napakahina lamang ng liwanag. Kami ng mga anak ko ay nagkaroon ng isang alaala ng kadiliman na noon lamang namin naranasan, ng mas malaking pagpapahalaga sa liwanag na hindi namin malilimutan, at ng katiyakan na hindi tayo kailanman mag-iisa sa dilim.

Ang pagbaba namin sa yungib na iyon ay may ilang pagkakatulad sa ating paglalakbay sa mortalidad. Nilisan natin ang maluwalhating liwanag ng langit at dumaan tayo sa tabing ng pagkalimot patungo sa isang madilim na mundo. Hindi tayo pinabayaan ng ating Ama sa Langit sa kadiliman kundi pinangakuan Niya tayo ng liwanag para sa ating paglalakbay sa pamamagitan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.

Alam natin na ang sikat ng araw ay kailangan ng lahat ng nabubuhay sa mundo. Tulad nito, ang liwanag na nagmumula sa ating Tagapagligtas ay kailangan sa ating espirituwal na buhay. Sa Kanyang perpektong pagmamahal, ibinibigay ng Diyos ang Liwanag ni Cristo sa bawat tao “na dumarating sa daigdig”3 upang “malaman niya ang mabuti sa masama”4 at mahikayat siya na “patuloy na gumawa ng mabuti.”5 Ang liwanag na iyon, na naghahayag ng sarili nito sa pamamagitan ng madalas nating tawagin na konsiyensya, ay naghihikayat sa atin na palaging kumilos at maging mas mabuti, at maging pinakamabuting bersyon ng ating sarili.

Habang pinalalakas natin ang ating pananampalataya kay Cristo, nakatatanggap tayo ng liwanag na patuloy na nagniningning hanggang sa maitaboy nito ang kadiliman na maaaring pumalibot sa atin. “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”6

Inihahanda tayo ng Liwanag ni Cristo na tanggapin ang nagmiministeryong impluwensya ng Espiritu Santo, na siyang “nakapanghihikayat na kapangyarihan ng Diyos … sa katotohanan ng Ebanghelyo.”7 Ang Espiritu Santo, na ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, ay “isang personaheng Espiritu.”8 Ang pinakamalakas na mapagkukunan ng liwanag na ipinagkakaloob sa inyo ng Ama sa Langit sa mortalidad ay dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na ang impluwensya ay “magbibigay-liwanag sa i[n]yong isipan [at] magpupuspos sa i[n]yong kaluluwa ng kagalakan.”9

Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa pamamagitan ng ipinanumbalik na awtoridad ng priesthood, kayo ay nabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. At ipinatong ang mga kamay sa inyong ulo at ang kamangha-manghang “hindi masambit na kaloob”10 na ito ng Espiritu Santo ay ipinagkaloob sa inyo.

Pagkatapos niyon, kapag ang inyong mga hangarin at kilos ay nakatuon sa landas ng tipan, ang Espiritu Santo, bilang liwanag sa kalooban ninyo, ay maghahayag at magpapatotoo ng katotohanan,11 magbababala sa panganib, mang-aaliw12 at maglilinis,13 at magbibigay ng kapayapaan14 sa inyong kaluluwa.

Dahil ang “liwanag ay kumukunyapit sa liwanag,”15 ang palagiang patnubay ng Espiritu Santo ay aakay sa inyo na gumawa ng mga pagpili na magpapanatili sa inyo sa liwanag; kabaligtaran nito, ang mga pagpiling ginawa nang walang impluwensya ng Espiritu Santo ay aakay sa inyo sa mga anino at kadiliman. Gaya ng itinuro ni Elder Robert D. Hales: “Kapag mayroong liwanag, [ang kadiliman ay] nadadaig … at nawawala. … Kapag nariyan ang espirituwal na liwanag ng Banal na Espiritu, ang kadiliman ni Satanas ay umaalis.”16

Maaari ko bang imungkahi na, marahil, ito ang panahon upang tanungin ang inyong sarili: Ang liwanag na iyon ba ay nasa aking buhay? Kung hindi, kailan ang huling pagkakataon na nasa akin iyon?

Tulad ng araw na sumisikat sa mundo araw-araw upang magpanibago at magpatuloy ng buhay, maaari ninyong paliwanagin araw-araw ang liwanag sa kalooban ninyo kapag pinipili ninyong sundin Siya—si Jesucristo.

Isang sikat ng araw ang nadaragdag sa tuwing hinahanap ninyo ang Diyos sa panalangin; pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan upang “pakinggan Siya”;17 kumikilos kayo ayon sa patnubay at paghahayag mula sa ating mga buhay na propeta; at sumusunod at tumatalima kayo sa mga kautusan na “[lumakad sa mga] ordenansa ng Panginoon.”18

Maaanyayahan ninyo ang espirituwal na sikat ng araw sa inyong kaluluwa at ang kapayapaan sa inyong buhay sa tuwing nagsisisi kayo. Sa pagtanggap ninyo ng sakramento kada linggo upang taglayin sa inyong sarili ang pangalan ng Tagapagligtas, palagi Siyang alalahanin at sundin ang Kanyang mga kautusan, ang Kanyang liwanag ay magniningning sa kalooban ninyo.

May liwanag sa inyong kaluluwa sa tuwing kayo ay nagbabahagi ng ebanghelyo at nagpapatotoo. Sa tuwing naglilingkod kayo sa isa’t isa tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, ang Kanyang giliw ay nadarama sa inyong puso. Ang liwanag ng Ama sa Langit ay palaging nananahan sa Kanyang banal na templo at sa lahat ng pumupunta sa bahay ng Panginoon. Napalalakas ang Kanyang liwanag sa inyo sa inyong mga ginagawang kabaitan, pagtitiyaga, pagpapatawad, at pagmamahal sa kapwa-tao, at nakikita ito sa inyong masasayang mukha. Sa kabilang banda, naglalakad tayo sa mga anino kapag masyado tayong mabilis magalit o matagal magpatawad. “Kapag nakaharap kayo sa sikat ng araw, ang mga anino ay mapupunta sa likod ninyo.”19

Habang namumuhay kayo upang maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu Santo, tunay na “[dinaragdagan ninyo] ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”20

Ang buhay ay may mga hamon at kabiguan, at tayong lahat ay kailangang humarap sa ilang madidilim na araw at malalakas na bagyo. Sa lahat ng ito, kung “[hahayaan natin] ang Diyos na manaig sa ating buhay,”21 ihahayag ng liwanag ng Espiritu Santo na may layunin at kabuluhan ang ating mga pagsubok, at sa huli, babaguhin tayo ng mga ito upang maging mas mabubuti at mas kumpletong indibiduwal na may mas matatag na pananampalataya at mas maliwanag na pag-asa kay Cristo, nalalaman na ang Diyos ay kasama natin sa ating madidilim na araw. Tulad ng ipinayo ni Pangulong Nelson, “Ang tumitinding kadiliman na kaakibat ng pagdurusa ay higit na nagpapaningning sa liwanag ni Jesucristo.”22

Ang mga panahon sa ating buhay ay maaaring magdala sa atin sa mga lugar na kapwa hindi inaasahan at hindi ninanais. Kung kasalanan ang nagdala sa inyo roon, hawiin ang tabing ng kadiliman at simulan na ngayon ang mapagpakumbabang paglapit sa inyong Ama sa Langit nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu at magsisi. Diringgin Niya ang inyong taimtim na panalangin. Nang may taglay na tapang, “magsilapit sa [Kanya] at [Siya] ay lalapit sa inyo.”23 Kaya kayong maabot ng nakagagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Nagmula ako sa mga butihing magulang at sa matatapat na ninuno na tumugon sa liwanag ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo, at ito ay nagpala ng espirituwal na katatagan sa kanilang buhay at sa mga sumunod na henerasyon. Ang aking ama ay palaging nagkukuwento tungkol sa kanyang ama na si Milo T. Dyches, at ibinahagi kung paanong ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay nagbigay-liwanag sa kanya sa araw at gabi. Si Lolo ay isang tanod-gubat at palaging nangangabayo nang mag-isa sa mga kabundukan, ipinagkakatiwala ang kanyang buhay nang walang pag-aalinlangan sa patnubay at pangangalaga ng Diyos.

Isang taglagas, mag-isa si Lolo sa matataas na kabundukan. Nagsimula nang dumating ang taglamig nang sumakay siya sa isa sa mga paborito niyang kabayo na si matandang Prince, at nangabayo siya patungo sa isang lagarian ng troso upang timbangin at sukatin ang mga troso bago putulin ang mga ito para gawing tabla.

Sa takipsilim, natapos niya ang kanyang trabaho at muli siyang sumakay sa kabayo. Noong oras na iyon, ang temperatura ay bumagsak na, at ang bundok ay nabalot ng isang malakas na bagyo ng niyebe. Bagama’t walang liwanag o landas na gagabay sa kanya, ibinaling niya si Prince sa isang direksyon na inakala niyang magdadala sa kanya pabalik sa istasyon ng mga tanod-gubat.

Si Milo Dyches na naglalakbay sa gitna ng isang unos

Matapos maglakbay nang ilang milya sa gitna ng dilim, bumagal si Prince, at pagkatapos ay huminto ito. Paulit-ulit na hinimok ni Lolo si Prince na sumulong, ngunit tumanggi ang kabayo. Dahil sa nakabubulag na niyebeng humahagupit sa paligid nila, napagtanto ni Lolo na kailangan niya ang tulong ng Diyos. Tulad ng palagi niyang ginagawa sa buong buhay niya, mapagpakumbaba siyang “humingi [nang] may pananampalataya na walang pag-aalinlangan.”24 Isang marahan at banayad na tinig ang sumagot, “Milo, luwagan mo ang hawak sa renda ni Prince.” Sumunod si Lolo, at nang luwagan niya ang hawak sa renda, umikot si Prince at matiyagang nagtungo sa ibang direksyon. Pagkaraan ng ilang oras, muling tumigil si Prince at ibinaba nito ang kanyang ulo. Sa gitna ng niyebeng humahagupit, nakita ni Lolo na ligtas silang nakarating sa tarangkahan ng istasyon ng mga tanod-gubat.

Sa tulong ng sikat ng araw sa umaga, binalikan ni Lolo ang malalabong bakas ni Prince sa niyebe. Napahinga siya nang malalim nang malaman niya kung nasaan sila nang luwagan niya ang hawak sa renda ni Prince: nasa bingit sila ng isang napakatarik na dalisdis sa bundok, kung saan sa isang hakbang pasulong ay babagsak ang kabayo at ang nakasakay rito sa kanilang kamatayan sa matutulis na bato sa ibaba.

Batay sa karanasang iyon at sa marami pang iba, ipinayo ni Lolo, “Ang pinakamainam at pinakamagaling na maaari ninyong makasama ay ang inyong Ama sa Langit.” Kapag isinasalaysay ng aking ama ang kuwento ni Lolo, naaalala ko na nagbabanggit siya mula sa mga banal na kasulatan:

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”25

Ang Tagapagligtas na may hawak na lampara

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang walang-hanggang liwanag na patuloy na “lumiliwanag sa kadiliman.”26 Walang kadiliman na maaaring makapigil, makaapula, makadaig, o makatalo sa liwanag na iyon. Bukas-palad na ipinagkakaloob sa inyo ng ating Ama sa Langit ang liwanag na iyon. Hindi kayo kailanman mag-iisa. Dinirinig at sinasagot Niya ang bawat panalangin. Siya ay “tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.”27 Kapag nagtatanong kayo, “Ama, Ama, nariyan ba kayo?” Ang sagot Niya sa tuwina ay, “Narito ako, Anak, narito lamang ako.”

Nagpapatotoo ako na tinupad ni Jesucristo ang plano ng Ama sa Langit bilang ating Tagapagligtas at ating Manunubos;28 Siya ang ating liwanag, ang ating buhay, at ang ating daan. Kailanman ay hindi magdidilim ang Kanyang liwanag,29 ang Kanyang kaluwalhatian ay hindi hihinto, ang Kanyang pagmamahal para sa inyo ay walang hanggan, kahapon, ngayon, at magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.