Mahal ng Diyos ang Kanyang mga Anak
Nais kong magbahagi ng tatlong partikular na paraan na ipinakikita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa atin, na Kanyang mga anak.
Mga kapatid, nagsasaya akong kasama ninyo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Dala ko ang pagmamahal mula sa matatatag na miyembro sa Pilipinas at sinasabi, sa ngalan nila, Mabuhay!
Sa umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinatototohanan ko ang buhay na Cristo, na bumangon Siya mula sa mga patay at na ang Kanyang pagmamahal para sa atin at para sa ating Ama sa Langit ay dalisay at walang-hanggan. Sa araw na ito, nais kong magtuon sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa lahat, na ipinakikita sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak” (Juan 3:16).
Nang tanungin ng anghel ang propetang si Nephi tungkol sa kanyang kaalaman hinggil sa Diyos, tumugon lang si Nephi, “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak” (tingnan sa 1 Nephi 11:16–17).
Isang talata mula sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ang buong linaw na naglalarawan sa sakdal na pagmamahal ng Tagapagligtas: “At ang sanlibutan, dahil sa kanilang kasamaan, ay hahatulan siyang isang bagay na walang saysay; … kanilang hahagupitin siya, … kanilang sasampalin siya, … kanilang luluraan siya, at titiisin niya ito, dahil sa kanyang mapagkandiling pagmamahal at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao” (1 Nephi 19:9). Ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa ating lahat ang lakas na gumaganyak sa lahat ng ginagawa Niya. Nalalaman natin na ito rin ang pagmamahal na mayroon ang Ama sa Langit para sa atin, dahil mapagpakumbabang itinuro ng Tagapagligtas na Siya at ang Ama “ay iisa” (tingnan sa Juan 10:30; 17:20–23).
Kaya nga, paano natin susuklian at ipakikita ang ating pasasalamat sa Kanilang pagmamahal sa ating lahat? Tinuruan tayo ng Tagapagligtas gamit ang payak at sumasakop-sa-lahat na paanyayang ito: “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15).
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang pangkalahatan at perpektong pag-ibig ng Diyos ay ipinakikita sa lahat ng mga pagpapala ng plano ng Kanyang ebanghelyo, pati na ang katotohanang ang Kanyang mga pinakapiling pagpapala ay nakalaan para sa mga sumusunod sa Kanyang mga batas.”1
Nais kong magbahagi ng tatlong partikular na paraan na ipinakikita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa atin, na Kanyang mga anak.
Una, Ipinakikita ng mga Ugnayan sa Diyos at Pamilya ang Kanyang Pagmamahal
Ang ating pinakamahahalagang ugnayan ay sa Ama at sa Anak at sa ating sariling mga pamilya dahil walang-hanggan ang ating mga kaugnayan sa kanila. Ang dakilang plano ng kaligayahan ay isang kahanga-hangang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos para sa atin. Nang may mga matang nakapako sa plano ng Diyos, kusa nating pinipiling tanggalin ang mga lupa at bato sa ating kalooban na nagtataguyod sa mga makasariling pagnanais at pinapalitan ang mga ito ng mga saligang lilikha ng mga walang-hanggang ugnayan. Sa isang banda, matatawag itong “espirituwal na paghuhukay.” Sa pagsasagawa ng ating espirituwal na paghuhukay, dapat muna nating hanapin ang Diyos at manawagan sa Kanya (tingnan sa Jeremias 29:12–13).
Ang paghahanap sa Kanya at pagtawag sa Kanya ang magsisimula ng proseso at magbibigay ng puwang upang lumikha at patibayin ang ating mga walang-hanggang ugnayan. Pinalalawak nito ang ating espirituwal na pananaw at tinutulungan tayong magtuon sa pagbabago sa mga makokontrol natin sa halip na sa mga takot sa hindi natin nakokontrol. Ang pag-aaral tungkol sa buhay at ministeryo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay magbibigay-kakayahan sa ating mamasdan ang mga alalahaning ito nang may walang-hanggang pananaw.
Kung minsan, nahahadlangan tayo ng mga panggagambala mula sa paglasap sa pagmamahal ng Diyos sa ating mga ugnayan at aktibidad sa pamilya. Isang nanay na nadaramang napapalitan na ng mga gadget ang kanyang mga ugnayang pampamilya ay nakaisip ng isang solusyon. Sa hapag kainan at sa iba pang oras pampamilya, sinasabi niya, “Itabi na ang mga telepono; mag-usap-usap tayo.” Sinasabi niya na ito ang bagong kaugalian sa kanilang pamilya at na tumitibay ang kanilang ugnayan bilang isang pamilya kapag nag-uusap-usap sila. Natatamasa nila ngayon ang magagandang diskusyon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin nang sama-sama bilang isang pamilya.
Pangalawa, Ipinakikita Niya ang Kanyang Pagmamahal sa mga Anak Niya sa pamamagitan ng Pagtawag ng mga Propeta
Ang ating kasalukuyang daigdig ay puspos ng mga “labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:10). Ipinapaalala sa atin ni Pablo na “napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan” (1 Corinto 14:10). Alin sa lahat ng tinig na ito ang nangingibabaw nang malinaw at makahulugan sa lahat ng kaguluhan? Ito ang tinig ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Diyos.
Tandang-tanda ko pa na matapos kong magpa-opera noong 2018 at nang bumalik ako sa trabaho, nasa paradahan ako ng Church headquarters. Bigla kong narinig ang tinig ni Pangulong Russell M. Nelson na tumatawag, “Taniela, Taniela.” Patakbo akong lumapit sa kanya, at itinanong niya kung kumusta ako.
Sinabi ko, “Maayos po ang paggaling ko, Pangulong Nelson.”
Binigyan niya ako ng payo at ng isang yakap. Tunay kong nadama ang personal na paglilingkod ng isang propeta sa “isa.”
Nakapaglakbay na si Pangulong Nelson sa maraming bansa sa mundo. Sa isip ko, hindi lamang siya naglilingkod sa libu-libo, kundi naglilingkod siya sa libu-libong “isa.” Sa paggawa niyon, ibinabahagi niya ang pagmamahal na mayroon ang Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak.
Kamakailan, ang mga salita ni Pangulong Nelson ay pinagmulan ng lakas at inspirasyon ng mga tao sa Pilipinas. Tulad ng iba pang bansa sa daigdig, noong 2020, malubhang naapektuhan ang Pilipinas ng pandemyang COVID-19, pati na rin ng pagsabog ng bulkan, mga lindol, malalakas na bagyo, at mga mapaminsalang baha.
Subalit tulad ng isang haligi ng liwanag na nagniningning sa gitna ng madidilim na ulap ng takot, kalungkutan, at kawalang-pag-asa, dumating ang mga salita ng propeta. Kabilang sa mga ito ang panawagan para sa pandaigdigang pag-aayuno at panalangin at payo na magpatuloy na umusad sa kabila ng pandemya. Inanyayahan niya tayo na gawing mga personal na santuwaryo ng pananampalataya ang ating mga tahanan. Nanawagan siya sa mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako na igalang ang lahat ng anak ng Diyos at na hayaang manaig ang Diyos sa ating mga buhay.2
Nakapupukaw rin ang kamakailang video ng patotoo ni Pangulong Nelson tungkol sa kapangyarihan ng pagpapasalamat at ang kanyang pangwakas na panalangin na umalingawngaw sa buong Pilipinas.3 Sa probinsya ng Leyte, ang video ay ipinalabas sa isang interfaith na pagdiriwang, at binanggit din ito bilang bahagi ng sermon ng isang pari. Ang Pilipinas, kabilang ang buong daigidig, ay lubos na pinagpalang madama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang piniling propeta.
Pangatlo, ang Pagpaparusa ay Maaaring Maging Pagpapakita ng Pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga Anak
Minsan, ipinakikita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagpaparusa sa atin. Isa itong paraan ng pagpapaalala sa atin na mahal Niya tayo at kilala Niya tayo. Ang Kanyang ipinangakong pagpapala ng kapayapaan ay para sa lahat ng matatapang na lumalakad sa landas ng tipan at handang tumanggap ng pagwawasto.
Kapag kinilala natin ang pagpaparusa at naging mga handang tagatanggap, ito ay nagiging espirituwal na pag-oopera. Sino nga ba ang gustong maoperahan? Subalit sa kanilang nangangailangan nito at handang tanggapin ito, nakasasagip ito ng buhay. Pinarurusahan ng Panginoon ang mga minamahal Niya. Gayon ang sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan (tingnan sa Mga Hebreo 12:5–11; Helaman 12:3; Doktrina at mga Tipan 1:27; 95:1). Ang pagpaparusang iyon, o espirituwal na pag-oopera, ay magdudulot ng kinakailangang pagbabago sa ating buhay. Mababatid natin, mga kapatid, na nililinis at dinadalisay nito ang ating mga kalooban.
Si Joseph Smith, ang Propeta ng Pagpapanumbalik, ay pinarusahan. Matapos maiwala ni Joseph ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, kapwa nagwasto at nagpakita ng pagmamahal ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabing: “Hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos. … Ikaw ay dapat na naging matapat. … Masdan, ikaw ay si Joseph, at ikaw ay pinili. … Tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi” (Doktrina at mga Tipan 3:7–10).
Noong 2016, habang naglilingkod sa isang misyon sa Little Rock, Arkansas, nakiusap ako kay Brother Cava na dalhin ang isang package sa aking ate, na naninirahan sa isang isla sa Fiji. Hindi ko inaasahan ang naging tugon niya. “Pangulong Wakolo,” hinagpis niya, “pumanaw na ang iyong kapatid at inilibing 10 araw na ang nakararaan.” Naawa ako sa aking sarili at nakadama pa ng kaunting sama ng loob na hindi man lamang nag-abala ang pamilya ko na ipaalam sa akin.
Kinabukasan, habang tinuturuan ng asawa ko ang mga missionary, tumimo sa kaluluwa ko ang saloobing ito: “Taniela, ang lahat ng karanasang ito ay para sa iyong sariling ikabubuti at kaunlaran. Itinuturo at ibinabahagi mo ang iyong patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo; ngayon ay mamuhay alinsunod dito.” Ipinaalala sa akin na “mapalad ang tao na sinasaway ng Diyos, kaya’t huwag mong hamakin ang pagtutuwid ng Makapangyarihan sa lahat” (Job 5:17). Ito ay isang espirituwal na pag-oopera para sa akin, at mabilis ang epekto nito.
Habang pinagninilayan ko ang karanasang iyon, tinawag ako na ibigay ang aking pangwakas na saloobin sa diskusyon. Kabilang ang iba pang mga bagay, ibinahagi ko ang mga aral na katuturo lamang sa akin: isa, na katutuwid lamang sa akin ng Espiritu Santo, at nagustuhan ko ito dahil ako lamang ang nakarinig nito; dalawa, dahil sa sakripisyo at pagbabayad ng Tagapagligtas, hindi ko na tatawagin ang mga hamon sa akin na mga pagsubok at paghihirap kundi bilang aking mga karanasang ikatututo; at tatlo, dahil sa Kanyang sakdal at walang-salang buhay, hindi ko na tatawaging mga kahinaan ang mga kakulangan at kawalang-kakayahan ko kundi aking mga pagkakataong umunlad. Tinulungan ako ng karanasang ito na malamang itinutuwid tayo ng Diyos dahil minamahal Niya tayo.
Magtatapos na ako. Ipinakikita ng ating Walang-hanggang Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang Kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa atin na magkaroon ng mga walang-hanggang ugnayan sa Kanila at sa ating mga kapamilya, sa pamamagitan ng pagtawag ng mga makabagong propeta na magtuturo at maglilingkod sa atin, at sa pamamagitan ng pagtutuwid sa atin upang tulungan tayong matuto at umunlad. “Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak,”4 ang ating nabuhay na mag-uling Panginoon, maging ang buhay na Cristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.