Pangkalahatang Kumperensya
Mga Bishop—Mga Pastol sa Kawan ng Panginoon
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


14:46

Mga Bishop—Mga Pastol sa Kawan ng Panginoon

Ang bishop ay may napakahalagang gawain sa paglilingkod bilang pastol upang magabayan ang bagong henerasyon patungo kay Jesucristo.

Mga mahal na kapatid sa priesthood, isa sa mga di-malilimutang linya sa isang paboritong himno ay nagtatanong, “Kabataan ba ng Sion, tama’y ‘di ‘paglalaban?”1 Ang taos-puso at mariing sagot ko sa tanong na iyan ay “Hindi!”

Upang masiguro na ang sagot na iyan ay totoo, pinatototohanan ko ngayon na ang pagsuporta sa bagong henerasyon sa panahon ng naiibang mga hamon at tukso ay mahalagang responsibilidad na ibinigay ng Ama sa Langit sa mga magulang at bishopric.2 Hayaang ilarawan ko ang kahalagahan ng bishopric gamit ang isang personal na karanasan.

Noong deacon ako, lumipat ang pamilya ko sa isang bagong tahanan sa ibang ward. Nagsisimula pa lang ako noon sa junior high school, kaya pumasok ako sa bagong paaralan. May mahusay na grupo ng mga kabataang lalaki sa deacons quorum. Karamihan sa magulang nila ay mga aktibong miyembro. Ang nanay ko ay lubos na aktibo; at talagang napakahusay ng tatay ko ngunit hindi siya aktibong miyembro.

Ang second counselor sa bishopric,3 si Brother Dean Eyre, ay isang tapat na lider. Noong nag-aadjust pa ako sa bagong ward, may inanunsiyo na aktibidad para sa mga mag-ama sa Bear Lake—mga 40 na milya (65 km) ang layo. Hindi ko inisip na makadadalo ako kung wala ang tatay ko. Ngunit nagbigay ng espesyal na paanyaya si Brother Eyre na sumama ako sa kanya. May paghanga at paggalang siyang nagsalita tungkol sa aking ama at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakataon na makasama ko ang ibang miyembro ng deacons quorum. Kaya nagpasiya akong sumama kay Brother Eyre, at nagkaroon ako ng magandang karanasan.

Si Brother Eyre ay kahanga-hangang halimbawa ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo sa pagtupad sa responsibilidad ng bishopric na suportahan ang mga magulang sa pagbabantay at pangangalaga sa mga kabataan. Binigyan niya ako ng magandang simula sa bagong ward na ito at naging mentor ko siya.

Ilang buwan bago ako umalis sa misyon noong 1960, pumanaw si Brother Eyre dahil sa kanser sa edad na 39. Naiwan niya ang kanyang asawa at kanilang limang anak, na lahat ay wala pang 16 na taong gulang. Ang pinakamatanda niyang mga anak na lalaki, sina Richard at Chris Eyre, ay siniguro sa akin na sa pagpanaw ng kanilang ama, sinuportahan at pinangalagaan silang magkakapatid ng mga bishopric nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo, na ipinagpapasalamat ko.

Ang mga magulang ang laging may pangunahing responsibilidad sa kanilang mga pamilya.4 Ang mga quorum presidency ay nagbibigay rin ng mahalagang suporta at paggabay sa mga miyembro ng korum sa pagtulong sa kanila sa pagsentro ng mga tungkulin at kapangyarihan ng Aaronic Priesthood sa kanilang buhay.5

Ang pastol kasama ang mga tupa

Ang layunin ko ngayon ay magtuon sa mga bishop at kanilang mga counselor, na angkop na tawaging “mga pastol sa kawan ng Panginoon”—na binibigyang-diin ang pagiging mga pastol para sa bagong henerasyon.6 Nakatutuwa na tinukoy ni Apostol Pedro si Jesucristo bilang “Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.”7

Ang bishop ay may limang pangunahing responsibilidad sa pamumuno sa ward:

  1. Siya ang namumunong high priest sa ward.8

  2. Siya ang pangulo ng Aaronic Priesthood.9

  3. Siya ay isang pangkalahatang hukom.10

  4. Pinangangasiwaan niya ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, kabilang ang paglilingkod sa mga nangangailangan.11

  5. Siya ang namamahala sa mga talaan, pananalapi, at sa paggamit ng meetinghouse.12

Sa kanyang ginagampanan bilang namumunong high priest, ang bishop ang “espirituwal na lider” ng ward.13 Siya ay “matapat na disipulo ni Jesucristo.”14

Dagdag pa rito, “pinangangasiwaan ng bishop ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa ward.”15 Dapat italaga ng bishop sa mga elders quorum at Relief Society presidency ang araw-araw na responsibilidad ng pagbabahagi ng ebanghelyo, pagpapalakas sa mga bago at nagbabalik na mga miyembro, ministering, at gawain sa templo at family history.16 Pinangangasiwaan ng bishop ang gawaing ito sa ward council at ward youth council.

Ang bishop ay may napakahalagang gawain sa paglilingkod bilang pastol upang magabayan ang bagong henerasyon, kabilang ang mga young single adult, patungo kay Jesucristo.17 Binigyang-diin ni Pangulong Nelson ang napakahalagang tungkulin ng bishop at ng kanyang mga counselor. Itinuro niya na “ang pangunahin at pinakamahalaga [nilang] tungkulin ay ang pangalagaan ang mga kabataang lalaki at babae ng [kanilang] ward.”18 Sinusuportahan ng bishopric ang mga magulang sa pagbabantay at pangangalaga sa mga bata at kabataan sa ward. Nagsasanggunian ang bishop at ang ward Young Women president. Sila ay nagsisikap na tulungan ang mga kabataan na ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, maging marapat na tumanggap ng mga ordenansa, at gumawa at tumupad ng sagradong mga tipan.

Maaari ninyong itanong, “Bakit iniutos sa bishop na maglaan ng malaking oras sa mga kabataan?” Inorganisa ng Panginoon ang Kanyang Simbahan upang magawa ang mahahalagang prayoridad. Naaayon dito, ang organisasyon ng Kanyang Simbahan ay may kaayusan kung saan may dalawang responsibilidad ang bishop. Mayroon siyang doktrinal na responsibilidad sa buong ward, ngunit mayroon din siyang partikular na doktrinal na responsibilidad sa priests quorum.19

Ang mga binatilyo na mga priest at ang mga dalagitang kaedad nila ay nasa napakahalagang bahagi ng kanilang buhay at pag-unlad. Sa maikling panahon, gumagawa sila ng mga desisyon na may malaking epekto sa habambuhay. Ipinapasiya nila kung sila ba ay magiging marapat na makapasok sa templo, maglilingkod sa misyon,20 magsisikap na ikasal sa templo, at maghahanda para sa trabahong gagawin nila sa kanilang buhay. Ang mga desisyong ito, kapag nagawa na, ay may malaking espirituwal at praktikal na epekto sa buong buhay nila. Mga bishop, tandaan ninyo na ang maikling panahon na kasama ninyo ang isang batang priest, o kabataang babae, o young adult ay makatutulong sa kanila na maintindihan ang lakas na makukuha nila sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Makapagbibigay ito ng gabay na makaiimpluwensya nang malaki sa buong buhay nila.

Si Bishop Moa Mahe at ang kanyang mga counselor

Isa sa mga pinakamagandang halimbawa na nakita ko sa isang bishop na nagbigay ng ganitong paggabay sa kanyang mga kabataan ay si Bishop Moa Mahe. Tinawag siyang maging unang bishop ng San Francisco Tongan Ward.21 Isa siyang immigrant galing sa Vava‘u, Tonga. Ang ward niya ay malapit sa paliparan ng San Francisco, California, kung saan siya nagtatrabaho.22

Tongan ward

Ang ward ay may malaking bilang ng mga kabataan, na karamihan ay mula sa mga pamilya na nandayuhan sa Estados Unidos. Hindi lamang sila tinuruan ni Bishop Mahe kung paano maging mabubuting disipulo ni Jesucristo sa salita at sa gawa, tumulong din siya na magkaroon sila ng pananaw kung ano ang maaaring maabot nila at tinulungan silang maghanda para sa templo, misyon, pag-aaral, at trabaho. Naglingkod siya nang halos walong taon, at ang mga pangarap at hangarin niya para sa mga kabataan ay natupad.

Halos 90 porsiyento ng mga kabataang lalaki sa mga korum ng Aaronic Priesthood ang nagmisyon. Labinlimang kabataang lalaki at babae ang naging unang mga miyembro ng kanilang mga pamilya na nag-aral sa kolehiyo.23 Nakipagkita siya sa punong-guro ng lokal na high school (na hindi miyembro ng Simbahan), at sila ay naging magkaibigan at magkasamang nagplano kung paano matutulungan ang bawat kabataan na magkamit ng marapat na mga mithiin at mapagtagumpayan ang mga problema. Sinabi sa akin ng punong-guro na tinulungan siya ni Bishop Mahe sa pagtulong sa mga nandayuhan na nahihirapan, anuman ang relihiyon nito. Alam ng mga kabataan na mahal sila ng kanilang bishop.

Sa kasamaang-palad, pumanaw si Bishop Mahe habang bishop pa siya. Hindi ko malilimutan ang nakaaantig at nagbibigay-inspirasyong libing niya. Napakaraming tao ang pumunta. Ang koro ay binuo ng mahigit 35 matatapat na batang miyembro na nagmisyon o nag-aaral sa kolehiyo, na mga kabataan noong siya ang bishop. Ang isang nagsalita ay nagpahayag ng matinding pasasalamat mula sa mga kabataan at young adult sa ward niya. Pinasalamatan niya si Bishop Mahe para sa paggabay na ibinigay niya sa kanila sa paghahanda sa buhay at mabuting paglilingkod. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat, tinulungan sila ni Bishop Mahe na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo bilang saligan ng kanilang buhay.

Ngayon, mga bishop, saanman kayo naglilingkod, sa inyong mga interbyu at iba pang pakikisalamuha, maaari kayong magbigay ng gayong paggabay at magpatatag ng pananampalataya kay Jesucristo. Maaari kayong magbigay ng nakaaantig na paanyaya na baguhin ang pag-uugali, ihanda sila para sa buhay, at bigyang-inspirasyon sila na manatili sa landas ng tipan.

Dagdag pa rito, maaari ninyong tulungan ang ilang kabataan na may alitan sa mga magulang dahil sa di-mahahalagang bagay.24 Sa panahon kung kailan madalas magkaroon ng alitan ang mga kabataan sa kanilang mga magulang, ang tao na namumuno sa kanilang korum at kung kanino sila nananagot sa eklesiyastikal ay ang tao rin na pinupuntahan ng mga magulang nila para sa temple recommend. Inilalagay nito ang bishop sa isang kakaibang tungkulin na payuhan kapwa ang kabataan at kanilang mga magulang kapag nagdulot ng malaking hidwaan ang pag-aaway. Matutulungan sila ng mga bishop na tingnan ang mga bagay-bagay nang may walang-hanggang pananaw at lutasin ang mga isyung hindi masyadong mahalaga. Inirerekomenda namin na huwag bigyan ng ministering assignment ang mga bishop upang maituon nila ang kanilang oras at lakas sa paglilingkod sa kabataan at mga pamilya nila sa ganitong mga situwasyon.25

May kilala akong isang bishop na nalutas ang matinding alitan sa pagitan ng isang anak na lalaki at kanyang mga magulang, at nagdala ng pagkakaisa sa tahanan at dagdag na katapatan sa ebanghelyo. Tinulungan ng bishop ang mga magulang na maintindihan na ang pagsisikap na maging mga disipulo ni Jesucristo ay mas mahalaga kaysa kung paano at kailan ginagawa ang mga gawaing-bahay.

Upang mas makasama ang mga kabataan, nasaan man sila, kabilang ang mga kaganapan o aktibidad sa paaralan, pinayuhan ang mga bishop na magtalaga ng angkop na mga miting at oras ng pagpapayo sa mga adult. Bagamat nagpapayo ang mga bishop sa mga bagay na malala at kailangan ng agarang pansin, inirerekomenda namin na ang mga bagay na hindi malala at hindi kailangan ng agarang pansin at hindi kinabibilangan ng paghatol sa pagkamarapat ay dapat italaga sa mga miyembro ng elders quorum o Relief Society—karaniwan sa mga presidency o mga ministering brother at sister. Gagabayan ng Espiritu ang mga lider26 na mapili ang tamang mga miyembro na gagawa ng pagpapayong ito. Ang mga nakatanggap ng pagtatalagang ito ay maaaring tumanggap ng paghahayag. Mangyari pa, kailangan nilang palaging panatilihin ang pagiging kompidensyal ng mga ito.

Ang mga maalalahaning lider ay laging nagsasakripisyo para sa bagong henerasyon. Dito iniuukol ng mga miyembro ng bishopric ang karamihan ng oras ng paglilingkod nila sa Simbahan.

Nais ko ngayong magbanggit ng ilang bagay nang direkta sa mga kabataan at pagkatapos sa ating mga bishop.

Maaaring marami sa inyo mga mahal na kabataan ang hindi pa malinaw na nauunawaan kung sino kayo at kung ano ang maaari kayong maging. Gayunman, nasa harap ninyo ang pinakamahahalagang desisyong gagawin ninyo sa buhay. Humingi ng payo sa inyong mga magulang at bishop tungkol sa mahahalagang pagpili na gagawin ninyo. Gawing kaibigan at tagapayo ninyo ang bishop.

Alam namin na maraming nakapaligid na mga pagsubok at tukso sa inyo. Kailangan nating lahat na magsisi araw-araw tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson. Makipag-usap sa inyong bishop tungkol sa anumang bagay na matutulungan kayo ng isang pangkalahatang hukom upang maisaayos ang buhay ninyo sa Panginoon bilang paghahanda sa “dakilang gawain” Niya para sa inyo sa huling dispensasyong ito.27 Tulad ng paanyaya sa inyo ni Pangulong Nelson, gawing marapat ang inyong sarili na maging bahagi ng batalyong kabataan ng Panginoon!28

Ngayon, para sa inyong mga natatanging bishop, sa ngalan ng pamunuan at mga miyembro ng Simbahan, lubos kaming nagpapasalamat sa inyo. Sa mga pagbabagong hiniling sa inyo na gawin sa nakaraang mga taon, minamahal na mga bishop, nais naming malaman ninyo na mahal namin kayo at nagpapasalamat kami sa inyo. Halos hindi mailarawan ang inyong kontribusyon sa kaharian. Ang Simbahan ay may 30,900 na mga bishop at branch president na naglilingkod sa iba’t ibang panig ng mundo.29 Binibigyang-pugay namin ang bawat isa sa inyo.

Ang ilang mga salita at sagradong calling na inilalarawan ng mga ito ay puno ng halos espirituwal at katangi-tanging kahalagahan. Ang calling ng bishop ay siguradong isa sa nangunguna sa mga salitang iyon. Ang paglilingkod sa Panginoon sa kapasidad na ito ay hindi pangkaraniwan sa napakaraming paraan. Ang pagtawag, pagsang-ayon, at pag-set apart sa isang bishop ay di-malilimutang karanasan. Para sa akin, bihira ang mga kaganapang makapapantay sa lawak at lalim ng mga damdaming nadarama mula rito. Kasama nito ang mahahalagang pangyayari tulad ng kasal at pagiging ama na di-mailarawan ng mga salita.30

Mga bishop, sinasang-ayunan namin kayo! Mga bishop, mahal namin kayo! Tunay na kayo ay mga pastol ng Panginoon sa Kanyang kawan. Hindi kayo pababayaan ng Tagapagligtas sa sagradong mga calling na ito. Ito ay pinatototohanan ko, sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay na ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Tapat sa Pananampalataya,” Mga Himno, blg. 156.

  2. Ang mga lider ng kabataan, quorum at class presidency, at iba pang mga lider ng Simbahan ay magkatuwang sa responsibilidad na ito.

  3. Ang bishop ang president ng priests quorum. Ang kanyang first counselor ay responsable sa teachers quorum, at ang kanyang second counselor ay responsable sa deacons quorum. (Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 10.3, ChurchofJesusChrist.org.)

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28.

  5. Tingnan sa Quentin L. Cook, “Mga Pagbabago para Palakasin ang mga Kabataan,” Liahona, Nob. 2019, 40–43.

  6. Ang paggamit sa salitang bishop ay tumutukoy rin sa ating matatapat na branch president.

  7. 1 Pedro 2:25.

  8. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.1.

  9. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.2.

  10. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.3.

  11. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.4.

  12. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.5.

  13. Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.1; tingnan din sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.1.1–6.1.1.4.

  14. Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.1.

  15. Pangkalahatang Hanbuk, 6.1.4.

  16. Tingnan sa Pangkalahatang Handbook, 21.2; 23.5; 25.2.

  17. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 6.1; 14.3.3.1; tingnan din sa Quentin L. Cook, “Mga Pagbabago para Palakasin ang mga Kabataan,” 40–43. Hinikayat din ang bishop na mas maglaan ng oras para sa kanyang asawa at pamilya. Nagagawa iyan kapag tinawag ang may kakayahang mga adult adviser at specialist na tulungan ang mga Aaronic Priesthood quorum presidency at ang bishopric sa kanilang mga tungkulin.

  18. Russell M. Nelson, “Mga Saksi, mga Aaronic Priesthood Quorum, at mga Young Women Class,” Liahona, Nob. 2019, 39.

  19. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:87–88.

  20. “Inaasahan ng Panginoon ang bawat may kakayahang kabataang lalaki na maghanda sa paglilingkod sa [misyon] (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 36:1, 4–7). Ang mga kabataang babae at matatandang miyembro na nais maglingkod ay dapat ding maghanda. Ang isang mahalagang bahagi ng paghahanda ay ang pagsisikap na magbalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Yaong nagnanais ding maglingkod ay dapat maghanda sa pisikal, mental, emosyonal, at pinansiyal” (General Handbook, 24.0).

  21. Itinatag ang ward noong Disyembre 17, 1980. Si Elder John H. Groberg ng Unang Korum ng Pitumpu ay tumulong sa pag-organisa sa Tongan-language ward na ito. (Tingnan sa Gordon Ashby, chairman, and Donna Osgood, ed., The San Francisco California Stake: The First 60 Years, 1927–1987 [1987], 49–52.)

  22. Si Bishop Mahe ay itinaas sa isang management position sa Pan American Airways sa San Francisco, California, international airport.

  23. Tingnan sa The San Francisco California Stake, 49.

  24. Maaari din silang maghimagsik sa mga bagay na may walang-hanggang kahalagahan.

  25. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 21.2.1.

  26. Makikipagtulungan ang bishop sa mga presidency ng elders quorum at Relief Society tungkol sa kung sino ang dapat italaga at kung paano dapat gawin ang pag-follow-up nang may pagmamahal at pagmamalasakit.

  27. Doktrina at mga Tipan 64:33.

  28. Tingnan sa Russell M. Nelson “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  29. Noong Pebrero 19, 2021, mayroong 24,035 na bishop at 6,865 na branch president ang naglilingkod sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

  30. Tinawag ako na maging bishop ng Burlingame Ward sa California noong 1974 ni President David B. Barlow at na-set apart noong Setyembre 15, 1974, ni Elder Neal A. Maxwell, na noon ay katatawag lang na Assistant sa Korum ng Labindalawang Apostol.