Pangkalahatang Kumperensya
Hindi Nagtagumpay ang Libingan
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


9:18

Hindi Nagtagumpay ang Libingan

Sa pamamagitan ng nakapagtutubos na Pagbabayad-sala at ng maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang mga nasaktang puso ay mapaghihilom, ang hinagpis ay mapapalitan ng kapayapaan, at ang kabiguan ay mapapalitan ng pag-asa.

Sa maluwalhating Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, masayang inaawit ng ating mga anak ang “Nang minsan ay tagsibol, Cristo’y nagbangon, libinga’y nilisan dinaig ang kamatayan.”1

Nagpapasalamat tayo sa kaalaman natin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Subalit, may mga sandali sa ating buhay, na nagdadalamhati tayo sa pagkawala ng taong labis nating minamahal. Dahil sa kasalukuyang pandaigdigang pandemyang ito, marami sa atin ang nawalan ng mahal sa buhay—mga kapamilya man o mga kaibigan.2 Ipinagdarasal namin ang mga taong ipinagdadalamhati ang gayong kawalan.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Anuman ang edad, nagluluksa tayo para sa mga yumao nating mahal sa buhay. Ang pagluluksa ay isa sa mga pinakamalalim na pagpapahayag ng dalisay na pag-ibig. …

“Bukod dito, hindi natin lubos na mapahahalagahan ang masayang pagkikitang muli kalaunan kung walang malungkot na paghihiwalay ngayon. Ang tanging paraan para maalis ang kalungkutan sa kamatayan ay alisin ang pagmamahal sa buhay.”3

Ipinagluksa ng mga kababaihang disipulo si Jesus.

Mapagwawari natin kung ano ang nadama ng mga kaibigan ni Jesus, yaong mga sumunod sa Kanya at naglingkod sa Kanya,4 nang masaksihan ang Kanyang kamatayan.5 Alam nating sila ay “[nagluksa] at [tumangis].”6 Sa araw ng Pagpapako sa Krus, hindi nalalaman ang mangyayari pagsapit ng Linggo, marahil ay puspos sila ng pagkabalisa, nagtatanong kung paano sila magpapatuloy nang wala ang kanilang Panginoon. Gayunpaman, patuloy silang naglingkod sa Kanya maging sa kamatayan.

Nakiusap si Jose ng Arimatea kay Pilato na ibigay sa kanya ang katawan ni Jesus. Kinuha niya ang katawan, binalot iyon ng isang malinis na telang lino, inihimlay sa kanyang sariling bagong libingan, at iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan.7

Nagdala si Nicodemo ng mira at mga aloe. Tinulungan niya si Jose sa pagkuha ng katawan at binalot iyon ng telang lino na may mga pabango.8

Si Maria Magdalena at iba pang kababaihan ay sumunod kina Jose at Nicodemo, tiningnan ang pinaghimlayan ng katawan ni Jesus, at naghanda ng mga pabango at panghaplos upang pahiran ito.9 Ayon sa mahihigpit na batas ng panahong iyon, naghintay sila upang lalong maihanda at pahiran ng panghaplos ang katawan dahil ang araw ng Sabado ay ang Sabbath.10 Kinaumagahan ng Linggo, nagpunta sila sa libingan. Nang matantong wala roon ang katawan ng Tagapagligtas, humayo sila para sabihin ito sa mga disipulo na mga Apostol ni Jesus. Sumama sa kanila ang mga Apostol sa pagpunta sa libingan at nakitang ito ay walang laman. Ang lahat ay nagsialis na maliban kay Maria Magdalena na nag-iisip kung ano na ang nangyari sa katawan ng Tagapagligtas.11

Naiwang mag-isa sa tabi ng libingan si Maria Magdalena. Ilang araw pa lamang ang nakalilipas, nakita niya ang kalunus-lunos na kamatayan ng kanyang kaibigan at Panginoon. Ngayon ay walang laman ang Kanyang libingan, at hindi niya alam kung nasaan Siya. Hindi niya ito nakayanan, at siya’y umiyak. Sa sandaling iyon, ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ay lumapit sa kanya at nagtanong kung bakit siya umiiyak at sino ang kanyang hinahanap. Sa pag-aakalang ang hardinero ang kumausap sa kanya, nakiusap siya na kung kinuha nito ang katawan ng kanyang Panginoon, na sabihin sa kanya kung saan ito naroon upang makuha niya ito.12

Maria Magdalena

Sa aking palagay, hinayaan ng Panginoon si Maria na magdalamhati at maipahayag ang sakit na kanyang nadarama.13 Pagkatapos ay tinawag Niya ito sa pangalan, at lumingon ito sa Kanya at nakilala Siya. Nakita niya ang nabuhay na mag-uling Cristo at naging saksi sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.14

Tulad ninyo, nauunawaan ko kahit paano ang pighating nadama ni Maria Magdalena at ng kanyang mga kaibigan nang ipagdalamhati nila ang kamatayan ng kanilang Panginoon. Noong ako ay siyam na taong gulang, namatay ang aking kuya dahil sa mapaminsalang lindol. Dahil nangyari ito nang hindi inaasahan, matagal bago ko napagtanto ang realidad ng pangyayari. Nanlumo ako sa lungkot, at tinanong ang aking sarili, “Anong nangyari sa kapatid ko? Nasaan siya? Saan siya pumunta? Makikita ko ba siyang muli?”

Hindi ko pa alam noon ang plano ng kaligtasan ng Diyos, at gusto kong malaman kung saan ako nanggaling, ano ang layunin ng buhay, at ano ang mangyayari sa atin matapos tayong mamatay. Hindi ba’t inaasam nating lahat iyan kapag nawalan tayo ng mahal sa buhay o kapag dumaranas tayo ng mga paghihirap sa ating buhay?

Ilang taon kalaunan, nagsimula akong mag-isip tungkol sa aking kapatid sa isang partikular na paraan. Inisip ko na kunwari ay kumakatok siya sa pintuan namin. Bubuksan ko ang pinto, nakatayo siya roon, at sasabihin niya sa akin, “Hindi ako patay. Buhay ako. Hindi kita maaaring puntahan noon, ngunit ngayon palagi na kitang sasamahan at hindi na ako aalis kahit kailan.” Ang pag-iisip na iyon, na halos isang panaginip, ay nakatulong sa akin na makayanan ang sakit at lungkot na nadama ko nang mawala siya. Ang maisip na sasamahan niya ako ay pabalik-balik sa isipan ko. Kung minsan tumititig pa ako sa pintuan, umaasang kakatok siya at makikita ko siyang muli.

Mga 40 taon kalaunan, sa araw ng Pasko ng Pagkabuhay, pinagninilayan ko ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at nagsimulang isipin ang aking kapatid. Nang sandaling iyon, may biglang nagliwanag sa isipan ko. Naalala ko na iniisip kong pupuntahan niya ako.

Nang araw na iyon, napagtanto ko na inaliw ako ng Espiritu sa napakalungkot na panahon. Nakatanggap ako ng patotoo na ang espiritu ng aking kapatid ay hindi patay; siya ay buhay. Patuloy siyang umuunlad sa kanyang walang hanggang pag-iral. Alam ko na “muling mabubuhay ang [aking] kapatid”15 sa kagila-gilalas na sandaling iyon kung kailan, dahil kay Jesucristo, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Bukod pa riyan, ginawa Niyang posible para sa atin na magkasamang muli bilang mga pamilya at magkaroon ng walang-hanggang kagalakan sa kinaroroonan ng Diyos kung pipiliin nating gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya.

Itinuro ni Pangulong Nelson:

“Ang kamatayan ay mahalagang bahagi ng ating walang hanggang pag-iral. Walang nakaaalam kung kailan ito darating, pero mahalaga ito sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos. Salamat sa Pagbabayad-sala ng Panginoon, tunay na may pagkabuhay na muli at posibleng mabuhay nang walang hanggan ang lahat ng tao.

“… Para sa mga naulila’t nagdadalamhating mahal sa buhay … ang tibo ng kamatayan ay pinagiginhawa ng matatag na pananampalataya kay Cristo, ganap na kaliwanagan ng pag-asa, pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao, at matinding hangaring paglingkuran sila. Ang pananampalatayang iyon, ang pag-asang iyon, ang pag-ibig na iyon ang magpapaging dapat sa atin na makapasok sa banal na kinaroroonan ng Diyos at, kasama ang ating asawa at walang-hanggang pamilya, ay mananahang kasama Niya magpakailanman.”16

Libingan sa halamanan

Pinatototohan ko na “kung si Cristo ay hindi bumangon mula sa patay, o nagkalag ng mga gapos ng kamatayan upang hindi magtagumpay ang libingan, at hindi magkaroon ng tibo ang kamatayan, ay hindi sana magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli.

“Subalit may pagkabuhay na mag-uli, samakatwid, hindi nagtagumpay ang libingan, at ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.

“Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim; oo, at isang buhay rin na walang hanggan, na hindi na maaaring magkaroon pa ng kamatayan.”17

Ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas

Ipinahayag mismo ni Jesucristo, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay mabubuhay.”18

Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng nakapagtutubos na Pagbabayad-sala at ng maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang mga nasaktang puso ay mapaghihilom, ang hinagpis ay mapapalitan ng kapayapaan, at ang kabiguan ay mapapalitan ng pag-asa. Mayayakap Niya tayo sa Kanyang bisig ng awa, pinapanatag, pinalalakas, at pinagagaling ang bawat isa sa atin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.