Silid sa Bahay-Panuluyan
Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na maging isang mabuting Samaritano, katulad Niya, na gawing kanlungan ang Kanyang Bahay-Panuluyan (Kanyang Simbahan) para sa lahat.
Mahal kong mga kapatid, bagama’t 20 taon na siyang pumanaw, may mga sandaling nangungulila ako sa aking ama. Dahil sa mga pangako ng Pasko ng Pagkabuhay, muli ko siyang makikita.
Noong nasa graduate school ako sa England, binisita ako ng aking ama. Nadama niya bilang ama na nangungulila ako sa pamilya.
Mahilig makipagsapalaran ang aking ama maliban sa pagkain. Maging sa France, na kilala sa masasarap na pagkain nito, sasabihin niya, “Kain tayo ng Chinese food.” Matagal na naglingkod bilang patriarch sa Simbahan, espirituwal at mahabagin ang aking ama. Isang gabi, habang matuling tumatakbo sa lansangan ng Paris ang mga sasakyang pang-emergency na may malalakas na sirena, sinabi niya, “Gerrit, ang mga panangis na iyon ay mga pasakit ng mga taong naninirahan sa lungsod.”
Sa paglalakbay na iyon, nakadama ako ng iba pang mga panangis at pasakit. Isang dalaga ang nagtitinda ng sorbetes mula sa isang maliit na kariton. Tamang-tama lang sa kanyang mga apa ang isang scoop ng sorbetes. Sa kung anong dahilan, hinarap ng isang malaking lalaki ang dalaga. Habang sumisigaw at nanunulak, itinaob nito ang kariton ng dalaga, at tumapon ang kanyang mga apa. Wala akong magawa nang durugin niya ang mga apa gamit ang kanyang mga bota. Nakalarawan pa rin sa aking isipan ang dalagang nakaluhod sa kalsada, na nagsisikap na isalba ang durog na mga apa, habang umaagos ang mga luha ng dalamhati sa kanyang mukha. Madalas kong maisip ang pangyayaring iyon, isang paalala ng kalupitan, kawalang-malasakit, di-pagkakaunawaan na madalas din nating gawin sa isa’t isa.
Sa isa pang hapon, malapit sa Paris, binisita namin ng aking ama ang malaking katedral sa Chartres. Itinuro ni Malcolm Miller,1 isang kilalang eksperto sa katedral, ang tatlong set ng stained-glass window ng Chartres. Sinabi niya na may kuwento sa likod ng mga ito.
Ipinapakita sa unang mga bintana na nililisan nina Eva at Adan ang Halamanan ng Eden.
Ikinukuwento sa pangalawa ang talinghaga ng mabuting Samaritano.
Ang pangatlo ay ipinapakita ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.
Kapag pinagsama-sama, mailalarawan ng mga stained-glass window na ito ang ating walang-hanggang paglalakbay. Inaanyayahan tayo ng mga ito na tanggapin ang lahat sa silid sa Kanyang bahay-panuluyan.2
Tulad nina Eva at Adan, naparito tayo sa isang mundong may mga tinik at dawag.3
Sa ating maalikabok na daan patungong Jerico, tayo ay sinasalakay, nasusugatan, at iniiwang nasasaktan.4
Bagama’t dapat nating tulungan ang isa’t isa, kadalasa’y lumilipat tayo sa kabilang kalsada, sa anumang kadahilanan.
Gayunman, may pagkahabag, tumitigil ang Mabuting Samaritano at tinatalian ang ating mga sugat at may gamit na alak at langis. Ang alak at langis, na mga simbolo ng sakramento at iba pang mga ordenansa, ay itinuturo tayo sa espirituwal na paggaling kay Jesucristo.5 Isinasakay tayo ng Mabuting Samaritano sa Kanyang asno o, sa ilang kuwento sa stained-glass, pinapasan Niya tayo sa Kanyang mga balikat. Dinadala Niya tayo sa bahay-panuluyan, na maaaring kumatawan sa Kanyang Simbahan. Sa Bahay-Panuluyan, sinabi ng Mabuting Samaritano, “Alagaan mo siya; … babayaran kita sa aking pagbabalik.”6 Ang Mabuting Samaritano, isang simbolo ng ating Tagapagligtas, ay nangangakong babalik, sa pagkakataong ito nang may kamahalan at kaluwalhatian.
Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na maging isang mabuting Samaritano, katulad Niya, na gawing kanlungan ang Kanyang Bahay-Panuluyan (Kanyang Simbahan) para sa lahat mula sa mga pasakit at unos sa buhay.7 Naghahanda tayo para sa Kanyang ipinangakong Ikalawang Pagparito habang ginagawa natin bawat araw sa “pinakamaliit sa mga … ito”8 ang gagawin natin sa Kanya. Ang “pinakamaliit sa mga … ito” ay ang bawat isa sa atin.
Kapag pumasok tayo sa Bahay-Panuluyan kasama ang Mabuting Samaritano, malalaman natin ang limang bagay tungkol kay Jesucristo at sa ating sarili.
Una, pumapasok tayo sa Bahay-Panuluyan bilang tayo, may mga kahinaan at kapintasan na taglay ng bawat isa sa atin. Subalit tayong lahat ay may mahalagang maiaambag. Kadalasan ay natatagpuan natin ang ating daan pabalik sa Diyos nang magkakasama. Kabilang tayo sa nagkakaisang komunidad—sa pagharap man sa mga pandemya, bagyo, malalaking sunog sa kagubatan, tagtuyot o tahimik na pagtugon sa araw-araw na mga pangangailangan. Tumatanggap tayo ng inspirasyon kapag tayo ay nagpapayuhan, nakikinig sa bawat tao, pati na sa bawat sister, at sa Espiritu.
Kapag nagbago ang ating puso at tinanggap natin ang Kanyang larawan sa ating mukha,9 nauunawaan natin ang tungkuling Kanyang ginagampanan at ang tungkuling ating ginagampanan sa Kanyang Simbahan. Sa Kanya, nakakakita tayo ng kalinawan, hindi ng kalituhan. Sa Kanya, nakakakita tayo ng layon para gumawa ng mabuti, ng dahilan para maging mabuti, at ng nag-iibayong kakayahang maging mas mabuti. Sa Kanya, natutuklasan natin ang pananampalatayang hindi natitinag, nagpapalayang pagiging di-makasarili, mapagmalasakit na pagbabago, at tiwala sa Diyos. Sa Kanyang Bahay-Panuluyan, natatagpuan at napapalalim natin ang ating personal na kaugnayan sa ating Diyos Ama at kay Jesucristo.
Nagtitiwala Siya na tutulong tayong gawing lugar ang Bahay-Panuluyan ayon sa kailangan Niyang gawin dito. Kapag ibinigay natin ang ating mga talento at lahat ng ating makakaya, palalakasin at pagpapalain din tayo ng Kanyang mga espirituwal na kaloob.10
Sinabi sa akin ng isang Spanish language interpreter, “Elder Gong, nalaman ko sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang sasabihin mo para makapagsalin ako,” sabi ng tapat na brother na ito, “sa pamamagitan ng kaloob na mga wika.”
Ang mga kaloob na pananampalataya at katiyakan ay dumarating, at nakikita nang magkakaiba sa iba’t ibang sitwasyon. Isang mahal na sister ang tumanggap ng espirituwal na kapanatagan nang pumanaw ang kanyang asawa dahil sa COVID-19. Sabi niya, “Alam ko na muli kaming magkakasama ng mahal kong asawa.” Sa iba pang sitwasyong may kinalaman sa COVID, sinabi ng isa pang mahal na sister, “Nadama ko na kailangan kong magsumamo sa Panginoon at sa mga doktor na bigyan na kaunti pang panahon ang asawa ko.”
Pangalawa, pinakikiusapan Niya tayong gawin ang Kanyang Bahay-Panuluyan na isang lugar ng biyaya at puwang, kung saan makapagtitipon ang bawat isa, na may silid para sa lahat. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, lahat ay pantay-pantay, walang mas mababa.
Lahat ay malugod na tinatanggap sa mga sacrament meeting, sa iba pang mga miting sa araw ng Linggo, at mga pagtitipon.11 Mapitagan nating sinasamba ang ating Tagapagligtas, inaalala at isinasaalang-alang ang isa’t isa. Pinapansin at binabati natin ang bawat tao. Ngumingiti tayo, tinatabihan natin sa upuan ang mga nakaupong mag-isa, nakikipagkilala tayo, pati na sa mga bagong binyag, sa nagbalik na mga kapatid, sa mga kabataang babae at lalaki, sa bawat mahal na batang Primary.
Nakikinita ang ating sarili sa kanilang sitwasyon, malugod nating binabati ang mga kaibigan, bisita, bagong lipat, at abalang mga indibiduwal na napakaraming obligasyon. Tayo ay nagdadalamhati, nagagalak, at laging nariyan para sa bawat isa. Kapag nabigo tayo sa ating mga inaasam at nagpabigla-bigla, nakalimot, nanghusga, o nakasakit ng damdamin, hinihingi natin ang kapatawaran ng isa’t isa at nagpapakabuti tayo.
Sabi ng isang pamilya mula sa Africa na naninirahan ngayon sa Estados Unidos, “Mula sa unang araw, naging mabait at magiliw na sa amin ang mga miyembro ng Simbahan. Ipinadama ng lahat na kabilang kami. Walang nanghamak sa amin.” Sabi ng ama, “Itinuturo sa Banal na Biblia ang mga bunga ng ebanghelyo na nagmumula sa mga ugat ng ebanghelyo.” “At ang mga missionary,” sabi ng ama at ina, “gusto naming lumaki ang aming mga anak na katulad ng mga missionary na iyon.” Mga kapatid, nawa’y malugod nating tanggapin ang lahat sa Kanyang Bahay-Panuluyan.
Pangatlo, sa Kanyang Bahay-Panuluyan natututuhan natin na ang pagiging perpekto ay na kay Jesucristo, hindi sa pagiging perpekto ng mundo. Ang filtered na pagiging perpekto ng mundo, na hindi totoo at hindi makatotohanan, na nagpapakita na tila “perpekto” ang ating buhay para ibahagi sa Instagram, ay maaaring magpadama sa atin ng kakulangan, na kontrolado tayo ng mga swipe, like, o double tap sa social media. Sa kabilang banda, alam ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang lahat tungkol sa atin na ayaw nating malaman ng iba, at mahal pa rin Niya tayo. Ang Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng pangalawa at pangatlong pagkakataon, na ginawang posible ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.12 Inaanyayahan Niya ang bawat isa sa atin na maging isang mabuting Samaritano, huwag masyadong mapanghusga at maging mas mapagpatawad sa ating sarili at sa bawat isa, habang mas lubos nating sinisikap na sundin ang Kanyang mga utos.
Tinutulungan natin ang ating sarili kapag tinutulungan natin ang isa’t isa. May isang pamilya akong kilala na nanirahan malapit sa isang abalang daan. Madalas huminto roon ang mga manlalakbay para humingi ng tulong. Isang madaling-araw nakarinig ang pamilya ng malakas na kalabog sa pinto nila. Pagod at nag-aalala kung sino ang gagawa niyon nang alas-2:00 n.u., inisip nila kung, sa pagkakataon lang na ito, may iba namang maaaring tumulong. Dahil patuloy ang pagkatok, narinig nila, “Sunog—may sunog sa likod ng bahay ninyo!” Nagtutulungan ang mabubuting Samaritano.
Pang-apat, sa Kanyang Bahay-Panuluyan nagiging bahagi tayo ng isang komunidad ng ebanghelyo na nakasentro kay Jesucristo, nakasalig sa ipinanumbalik na katotohanan, sa buhay na mga propeta at apostol, at sa isa pang tipan ni Jesucristo—ang Aklat ni Mormon. Dinadala Niya tayo sa Kanyang Bahay-Panuluyan at gayundin sa Kanyang bahay—ang banal na templo. Ang bahay ng Panginoon ay isang lugar kung saan, tulad ng sugatang lalaki sa daan patungong Jerico, maaari tayong linisin at damitan ng Mabuting Samaritano, ihanda tayo sa pagbalik sa presensya ng Diyos, at pagkaisahin tayo magpasawalang-hanggan sa pamilya ng Diyos. Ang Kanyang mga templo ay bukas para sa lahat ng namumuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo nang may pananampalataya at pagsunod.
Ang galak ng pagsamba sa templo ay kinabibilangan ng pagkakaisa sa ebanghelyo sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga pamana, kultura, wika, at henerasyon. Sa groundbreaking ng Taylorsville Utah Temple, ibinahagi ng 17-taong-gulang na si Max Harker ang isang pamana ng pananampalataya ng pamilya na nagsimula anim na henerasyon na ang nakararaan sa kanyang kanunu-nunuang si Joseph Harker at sa asawa nitong si Susannah Sneath. Sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, maaari tayong maging matibay na kawing na nagdurugtong sa mga henerasyon ng ating pamilya.
Sa huli, ang panglima, nagagalak tayo na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak sa magkakaiba nating pinagmulan at sitwasyon, sa bawat bansa, lahi, at wika, na may silid para sa lahat sa Kanyang Bahay-Panuluyan.
Sa nakalipas na 40 taon, lalong dumami ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang bansa. Mula 1998, mas maraming miyembro ng Simbahan ang naninirahan sa labas kaysa sa loob ng Estados Unidos at Canada. Pagsapit ng 2025, inaasahan namin na maraming miyembro ng Simbahan ang maaaring manirahan sa Latin America tulad sa Estados Unidos at Canada. Tinutupad ng pagtitipon ng matatapat na inapo ni Amang Lehi ang propesiya. Ang matatapat na Banal, kabilang na ang nasa kinaroroonan ng mga pioneer, ay patuloy na pinagmumulan ng katapatan at paglilingkod para sa pandaigdigang Simbahan.
Gayon din, karamihan sa adult na mga miyembro ng Simbahan ngayon ay wala pang asawa, balo, o nakipagdiborsyo. Ito ay isang mahalagang pagbabago. Kabilang dito ang mahigit kalahati sa ating mga sister sa Relief Society at mahigit kalahati sa ating adult na mga brother sa priesthood. Ganito na ang demograpiko sa pandaigdigang Simbahan mula noong 1992 at sa Simbahan sa Estados Unidos at Canada mula noong 2019.
Ang ating katayuan sa harap ng Panginoon at sa Kanyang Simbahan ay walang kinalaman sa ating marital status kundi sa ating pagiging matatapat at magigiting na disipulo ni Jesucristo.13 Nais ng mga adult na ituring silang mga adult at maging responsable at makatulong bilang mga adult. Ang mga disipulo ni Jesucristo ay nagmumula sa lahat ng dako, sa lahat ng hugis, laki, kulay, at edad, bawat isa ay may mga talento, mabubuting hangarin, at malalaking kakayahang magpala at maglingkod. Sinisikap natin araw-araw na sundin si Jesucristo nang may pananampalataya tungo sa pagsisisi14 at nagtatagal na kagalakan.
Sa buhay na ito, kung minsa’y naghihintay tayo sa Panginoon. Maaaring wala pa tayo sa inaasam at nais nating marating sa hinaharap. Sabi ng isang matapat na sister, “Ang matapat na paghihintay sa Panginoon para sa Kanyang mga pagpapala ay isang banal na pamumuhay. Hindi ito dapat tugunan ng awa, pagmamataas, o panghuhusga kundi sa halip ay ng sagradong paggalang.”15 Samantala, nabubuhay tayo ngayon, hindi naghihintay na magsimula ang buhay.
Ipinangako ni Isaias, “Silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas, sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila, sila’y tatakbo at hindi mapapagod, sila’y lalakad, at hindi manghihina.”16
Ang ating Mabuting Samaritano ay nangangakong babalik. Nangyayari ang mga himala kapag nagmamalasakit tayo sa isa’t isa na tulad ng gagawin Niya. Kapag lumalapit tayo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu,17 madarama natin na naririnig tayo ni Jesucristo at yayakapin Niya tayo sa Kanyang nakauunawang mga bisig ng kaligtasan.18 Ang mga sagradong ordenansa ay nagpapadama ng pagiging kabilang sa tipan at “ng kapangyarihan ng kabanalan”19 para pabanalin ang hangarin ng puso at ikinikilos. Sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at mahabang pagtitiis, ang Kanyang Simbahan ay nagiging ating Bahay-Panuluyan.
Kapag lumikha tayo ng silid sa Kanyang Bahay-Panuluyan, na malugod na tinatanggap ang lahat, mapapagaling tayo ng ating Mabuting Samaritano sa ating maalikabok na daan sa buhay na ito. May sakdal na pagmamahal, nangangako ang ating Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating”20—“na kung nasaan ako kayo ay makaparoroon din.”21 Mapagpasalamat akong sumasaksi at nagpapatotoo sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.