Pangkalahatang Kumperensya
Ang Ating mga Natututuhan at Hindi Malilimutan Kailanman
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


16:22

Ang Ating mga Natututuhan at Hindi Malilimutan Kailanman

Kung titingnan ninyo ang inyong buhay nang may panalangin, naniniwala ako na marami kayong makikitang paraan na pinatnubayan kayo ng Panginoon sa mahirap na panahong ito.

Mahal kong mga kapatid, sabik kong hinintay ang virtual meeting na ito kasama kayo. Ang huling sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya na idinaos natin ay noong Abril 2019. Napakarami nang nangyari nitong nakalipas na dalawang taon! Ang ilan sa inyo ay namatayan ng mga mahal sa buhay. Ang iba ay nawalan ng trabaho, kabuhayan, o kalusugan. May iba pa na nawalan ng kapayapaan o pag-asa para sa hinaharap. Nahahabag ang aking puso sa bawat isa sa inyo na dumanas ng mga bagay na ito o iba pang mga kawalan. Lagi kong ipinagdarasal na panatagin kayo ng Panginoon. Kapag patuloy ninyong hinayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay, alam kong hindi magbabago ang pananaw Niya na magiging maganda ang inyong kinabukasan.

Sa kabila ng mga kawalan na naranasan natin, may ilang bagay din tayong natagpuan. Ang ilan ay nakatagpo ng mas malalim na pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Marami ang nakahanap ng bagong pananaw sa buhay—maging ng pananaw na pangwalang-hanggan. Maaaring nagkaroon kayo ng mas matibay na ugnayan sa inyong mga mahal sa buhay at sa Panginoon. Umaasa ako na nakahanap kayo ng karagdagang kakayahan na pakinggan Siya at tumanggap ng personal na paghahayag. Ang mahihirap na pagsubok ay madalas naglalaan ng mga oportunidad na umunlad na marahil ay hindi mangyayari sa atin sa ibang paraan.

Gunitain ang nakalipas na dalawang taon. Gaano kayo umunlad? Ano ang natutuhan ninyo? Marahil ang una ninyong nanaisin ay makabalik sa 2019 at manatili na lang doon! Ngunit kung titingnan ninyo ang inyong buhay nang may panalangin, naniniwala ako na marami kayong makikitang paraan na pinapatnubayan kayo ng Panginoon sa mahirap na panahong ito, tinutulungan kayong maging mas tapat, mas napabalik-loob—isang matapat na tao ng Diyos.

Alam ko na may dakila at kagila-gilalas na mga plano ang Panginoon para sa atin—bilang indibiduwal at bilang grupo ng mga tao. Nahahabag at may pagtitiyagang sinabi Niya:

“Kayo ay maliliit na bata, at hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama [na] … inihanda para sa inyo;

“At hindi ninyo mababata ang lahat ng bagay ngayon; gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin.”1

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na noon pa man ay ginagabayan na Niya tayo, at totoong patuloy na gagabayan tayo, kapag hinangad nating pakinggan Siya. Gusto Niya tayong umunlad at matuto, kahit sa pamamagitan—marahil lalo na sa pamamagitan ng—paghihirap.

Ang paghihirap ay mahusay na guro. Ano ang natutuhan ninyo sa nakalipas na dalawang taon na gusto ninyong laging maalala? Iba-iba ang magiging sagot ninyo, ngunit hayaan ninyong magmungkahi ako ng apat na aral sa buhay na umaasa akong natutuhan nating lahat at hindi kailanman malilimutan.

Unang Aral: Ang tahanan ang Sentro ng Pananampalataya at Pagsamba

Kadalasan kapag binabalaan tayo ng Panginoon tungkol sa mga panganib ng mga huling araw, ipinapayo Niya: “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag.2 Walang alinlangang kabilang sa “mga banal na lugar” na ito ang mga templo at meetinghouse. Ngunit dahil nalimitahan ang pagtitipon natin sa mga lugar na ito sa iba’t ibang antas, natutuhan natin na isa sa mga pinakabanal na lugar sa mundo ay ang ating tahanan—oo, maging ang inyong tahanan.

Mga kapatid, taglay ninyo ang priesthood ng Diyos. “Ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit.”3 Kayo at ang inyong pamilya ay nakatanggap ng mga ordenansa ng priesthood. Dito “sa mga ordenansa [ng priesthood], [makikita] ang kapangyarihan ng kabanalan.”4 Ang kapangyarihang iyan ay mapapasainyo at sa inyong pamilya sa sariling tahanan ninyo kapag tinutupad ninyo ang mga tipang inyong ginawa.5

185 na taon pa lamang ang nakalilipas, sa mismong araw na ito, Abril 3, 1836, ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng priesthood na nagtulot sa ating mga pamilya na mabuklod nang magkakasama magpakailanman. Kaya napakasaya sa pakiramdam na pangasiwaan ang sacrament sa inyong tahanan. Paano kaya nakaapekto sa inyong pamilya ang makita kayo— kanilang tatay, lolo, asawa, anak, o kapatid—na pinangangasiwaan ang banal na ordenansang ito? Ano ang gagawin ninyo para mapanatili ang sagradong damdaming iyon sa inyong pamilya?

Maaaring madama ninyo na may kailangan pa kayong gawin upang magawa ninyong tunay na santuwaryo ng pananampalataya ang inyong tahanan. Kung gayon, mangyaring gawin ito! Kung kayo ay may asawa, kausapin ang inyong asawa bilang inyong kapantay na katuwang sa mahalagang gawaing ito. Kaunti lamang ang mga bagay na dapat hangarin na mas mahalaga kaysa rito. Sa pagitan ng ngayon at ng muling pagdating ng Panginoon, ang ating mga tahanan ay kailangang maging lugar ng katahimikan at katiwasayan.6

Ang mga pag-uugali at kilos na nag-aanyaya sa Espiritu ay magdaragdag ng kabanalan sa inyong tahanan. Tiyak din ang katotohanang mawawala ang kabanalan kung mayroong anuman sa ating pag-uugali o kapaligiran na magpapadalamhati sa Banal na Espiritu, at kapag nagkagayon “ang kalangitan ay lalayo.”7

Naitanong na ba ninyo kung bakit nais ng Panginoon na gawin nating sentro ng pag-aaral at pagsasabuhay ng ebanghelyo ang ating mga tahanan? Hindi lamang ito para ihanda tayo, at tulungan tayong makaraos, sa pandemya. Ang mga kasalukuyang restriksyon sa pagtitipon ay magwawakas din kalaunan. Gayunpaman, ang matibay na pangako ninyong gawing pangunahing santuwaryo ng pananampalataya ang inyong tahanan ay hindi dapat matapos kailanman. Habang nababawasan ang pananampalataya at kabanalan sa nahulog na daigdig na ito, madaragdagan ang pangangailangan ninyo sa mga banal na lugar. Hinihimok ko kayong patuloy na gawing tunay na banal na lugar ang inyong tahanan “at huwag matinag8 mula sa napakahalagang layuning iyan.

Pangalawang Aral: Kailangan Natin ang Isa’t isa

Nais ng Diyos na sama-sama tayong kumilos at magtulungan. Iyan ang dahilan kaya ipinadala Niya tayo sa mundo na kabilang sa mga pamilya at isinaayos tayo sa mga ward at stake. Iyan ang dahilan kaya hiniling Niya sa atin na maglingkod at mag-minister sa bawat isa. Iyan ang dahilan kaya hiniling Niya sa atin na mamuhay sa sanlibutan ngunit hindi maging katulad ng sanlibutan.9 Mas marami tayong maisasagawa nang magkakasama kaysa mag-isa lang tayo.10 Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ay mahahadlangan kung mananatiling malayo sa isa’t isa ang Kanyang mga anak.

Ang pandemyang ito ay kakaiba dahil naapektuhan nito ang lahat ng tao sa mundo sa halos magkakasabay na pagkakataon. Bagama’t may ilang nagdusa nang higit kaysa iba, lahat tayo ay hinamon sa ilang kaparaanan. Dahil dito, ang pagsubok na pare-pareho nating dinaranas ngayon ay maaaring makatulong na pagbuklurin ang mga anak ng Diyos na hindi nangyari kailanman noon. Kaya, ang tanong ko, ang pagsubok bang ito ay mas naglapit sa inyo sa inyong kapwa—sa inyong mga kapatid sa inyong paligid at sa iba’t ibang panig ng daigdig?

Patungkol dito, magagabayan tayo ng dalawang dakilang utos: una, mahalin ang Diyos at, pangalawa, mahalin ang ating kapwa.11 Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng paglilingkod.

Kung may kilala kayong sinuman na nag-iisa, tulungan siya—kahit sa pakiramdam ninyo ay nag-iisa rin kayo! Hindi ninyo kailangang magkaroon ng dahilan o mensahe o negosyo na pag-uusapan. Kumustahin lang siya at ipadama ang inyong pagmamahal. Matutulungan kayo ng teknolohiya. May pandemya man o wala, kailangang malaman ng bawat minamahal na anak ng Diyos na hindi siya nag-iisa!

Pangatlong Aral: Ang Inyong Korum ng Priesthood ay Hindi Nilayong Maging Isang Pagpupulong Lamang

Sa panahon ng pandemya, pansamantalang nakansela ang mga pagpupulong ng korum tuwing Linggo. Ngayon ay nakapagpupulong na nang virtual ang ilang korum. Gayunpaman, ang gawaing ibinigay ng Panginoon sa mga korum ng priesthood ay hindi kailanman nilayong isagawa lamang sa pulong. Ang mga pulong ay maliit na bahagi lamang ng layunin ng korum at ng magagawa nito.

Mga kapatid ko mula sa Aaronic Priesthood at elders quorum, palawakin ang inyong pag-unawa kung bakit tayo may mga korum. Sa paanong paraan nais ng Panginoon na gamitin ninyo ang korum sa pagsasagawa ng Kanyang gawain—ngayon? Hangaring tumanggap ng paghahayag mula sa Panginoon. Magpakumbaba! Magtanong! Makinig! Kung kayo ay tinawag na mamuno, makipagsanggunian sa inyong panguluhan at sa mga miyembro ng korum. Anuman ang inyong katungkulan sa priesthood o calling, hayaang manaig ang Diyos sa inyong ipinangakong gagawin bilang miyembro ng inyong korum at sa inyong paglilingkod. Tamasahin nang may galak ang kabutihang idudulot ninyo habang kayo ay “sabik sa paggawa ng mabuting bagay.”12 May natatanging katayuan ang mga korum na mapag-ibayo ang pagtitipon ng Isarel sa magkabilang panig ng tabing.

Pang-apat na Aral: Mas Naririnig Natin si Jesucristo Kapag Tahimik Tayo

Nabubuhay tayo sa panahong matagal nang ipinropesiya, kung kailan “lahat ng bagay ay magkakagulo; at tiyak, magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao; sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao.”13 Totoo iyan bago ang pandemya, at totoo pa rin pagkatapos nito. Ang kaguluhan sa mundo ay patuloy na madaragdagan. Sa kabaligtaran, ang tinig ng Panginoon ay hindi “tinig ng kulog, ni tunog man ng napakalakas na ingay, subalit … ito ay tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong, at ito ay [tumatagos] maging sa buong kaluluwa.”14 Upang marinig ang tahimik na tinig na ito, kayo ay dapat na tahimik din!15

Pansamantalang nakansela ang mga aktibidad na karaniwang ginagawa natin sa buhay dahil sa pandemya. Di maglalaon maaari nating piliing punang muli ang oras na iyon ng ingay at kaguluhan ng daigdig. O maaari nating gamitin ang ating oras sa pakikinig sa tinig ng Panginoon na bumubulong ng Kanyang patnubay, kapanatagan, at kapayapaan. Ang tahimik na oras ay sagradong oras—oras na magpaparating ng personal na paghahayag at magpapadama ng kapayapaan.

Disiplinahin ang sarili na magkaroon ng oras na makapag-isa at nang kasama ang inyong mga mahal sa buhay. Ipahayag sa Diyos ang inyong saloobin sa pamamagitan ng panalangin. Maglaan ng panahong ituon ang sarili sa mga banal na kasulatan at pagsamba sa templo.

Mahal kong mga kapatid, maraming bagay ang nais ng Panginoon na matutuhan natin mula sa ating mga karanasan sa panahong ito ng pandemya. Naglista lamang ako ng apat. Inaanyayahan ko kayo na gumawa ng sarili ninyong listahan, pag-aralan ito nang mabuti at ibahagi ito sa mga taong mahal ninyo.

Ang hinaharap ay puno ng pag-asa sa mga taong tumutupad ng tipan.16 Pag-iibayuhin ng Panginoon ang pagtawag sa Kanyang mga tagapaglingkod na marapat na mayhawak ng priesthood para basbasan, panatagin, at palakasin ang sangkatauhan at tumulong sa paghanda sa mundo at sa mga tao nito para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Makatutulong sa bawat isa sa atin na makatugon sa sagradong ordenasyong tinanggap natin. Magagawa natin ito! Pinatototohanan ko ito, nang may pagmamahal sa bawat isa sa inyo, aking mahal na mga kapatid, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.