Pagpapatuloy tungo sa Mithiin
Hindi lamang ito tungkol sa kung ano ang pinagdaraanan natin sa buhay, kundi kung ano ang kinahihinatnan natin.
Habang binabasa ko ang aklat ng Mga Gawa at ang mga liham ni Pablo, namangha ako kung paano nahimok si Pablo ng pagmamahal at pasasalamat na maglingkod, magturo, at magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Paano nagawa ng taong ito na maglingkod nang may pagmamahal at pasasalamat, gayong labis ang kanyang mga pagdurusa? Ano ang humimok kay Pablo na maglingkod? “Nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.”1
Ang pagpapatuloy tungo sa mithiin ay tapat na pagsulong sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan”2 kapiling ang ating Tagapagligtas at ang ating Ama sa Langit. Itinuring ni Pablo ang kanyang mga pagdurusa na “hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.”3 Ang liham ni Pablo sa mga taga-Filipos na isinulat niya noong nakakulong siya sa bilangguan ay isang liham ng nag-uumapaw na kagalakan at kasiyahan at panghihikayat sa ating lahat, lalo na sa mahirap na panahong ito ng walang katiyakan. Kailangan nating lahat na humugot ng lakas ng loob mula kay Pablo: “Ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo.”4
Habang tinitingnan natin ang paglilingkod ni Pablo, tayo ay binibigyan ng inspirasyon at pinasisigla ng sarili nating mga “Pablo” sa ating panahon, na naglilingkod, nagtuturo, at nagpapatotoo rin nang may pagmamahal at pasasalamat sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap nila sa kanilang mga buhay at sa mga buhay ng kanilang mga minamahal. Isang karanasan siyam na taon na ang nakararaan ang nakatulong sa akin na maunawaan ang kahalagahan ng pagpapatuloy tungo sa mithiin.
Noong 2012, sa unang pagdalo ko sa leadership meeting ng pangkalahatang kumperensya, hindi ko naiwasang malula at madamang may kakulangan ako. Sa aking isipan, may tinig na paulit-ulit na nagsasabing, “Hindi ka nababagay rito! Isang napakalaking pagkakamali ang nagawa!” Habang naglalakad ako upang makahanap ng lugar na mauupuan, napansin ako ni Elder Jeffrey R. Holland. Lumapit siya sa akin at nagsabing, “Edward, masaya akong makita ka rito,” at magiliw niyang tinapik ang aking mukha. Pakiramdam ko ay para akong sanggol! Ang kanyang pagmamahal at yakap ay nagpadama sa akin na malugod akong tinatanggap at nakatulong sa akin na madama ang diwa ng pagiging kabilang, ang diwa ng kapatiran. Nang sumunod na araw, napansin kong muling ginawa ni Elder Holland ang bagay na ginawa niya sa akin noong nakaraang araw, magiliw na tinatapik nang mga sandaling iyon ang mukha ni Elder Dallin H. Oaks, na mas naunang natawag [na Apostol kaysa] sa kanya!
Noong sandaling iyon, nadama ko ang pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng mga kalalakihang ito na sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Si Elder Holland, sa pamamagitan ng kanyang mabuti at natural na pagkilos, ay nakatulong sa akin na madaig ang labis na isipin ang aking sarili at ang pakiramdam na may kakulangan ako. Tinulungan niya akong magtuon sa banal at masayang gawain kung saan ako tinawag—ang magdala ng mga kaluluwa kay Cristo. Tulad ni Pablo noong sinauna, ibinaling niya ako sa pagpapatuloy tungo sa mithiin.
Nakawiwiling isipin na hinihikayat tayo ni Pablo na magpatuloy sa pagsulong habang nananawagang kalimutan natin ang mga bagay na nakaraan na—ang dati nating mga takot, dating mga pinagtuunan ng pansin, pinagdaanang mga kabiguan, at nakalipas na mga kalungkutan. Inaanyayahan niya tayo, tulad ng minamahal nating propeta na si Pangulong Russell M. Nelson, sa “isang mas bago at mas banal na pamamaraan.”5 Totoo ang pangako ng Tagapagligtas: “Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.”6
Sa aking unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, nagbahagi ako ng isang karanasan tungkol sa pagtuturo sa akin ng aking ina na magtrabaho sa aming bukid. “Huwag kang kailanman lumingong pabalik,” sabi niya. “Tumingin ka sa unahan sa mga kailangan pa nating gawin.”7
Sa huling yugto ng kanyang buhay, sa panahong nakikipaglaban si Nanay sa kanser, nanirahan siya kasama namin ni Naume. Isang gabi, narinig ko siyang humahagulgol sa kanyang silid. Matindi ang nadarama niyang sakit, kahit dalawang oras pa lamang ang nakararaan mula nang inumin niya ang kanyang huling gamot para sa araw na iyon.
Pumasok ako sa kanyang silid at sabay kaming humagulgol. Nanalangin ako nang malakas para sa kanya upang makatanggap siya ng agarang ginhawa mula sa sakit na nadarama niya. At muli niyang ginawa ang bagay na ginawa niya noon sa bukid maraming taon na ang nakararaan: huminto siya at tinuruan niya ako ng isang aral. Kailanma’y hindi ko malilimutan ang kanyang mukha noong sandaling iyon: nanghihina, nahihirapan, at namimilipit sa sakit, pinagmamasdan nang may halong awa ang kanyang anak na nagdadalamhati. Siya ay ngumiti sa kabila ng kanyang mga luha, tumitig sa aking mga mata, at nagsabing, “Hindi ikaw o sinuman ang magpapasiya, kundi ang Diyos ang magpapasiya kung mawawala ba o hindi ang sakit na ito.”
Umupo ako nang tahimik. Umupo rin siya nang tahimik. Nananatiling nakatatak sa aking isipan ang tagpong iyon. Noong gabing iyon, sa pamamagitan ng aking ina, tinuruan ako ng Panginoon ng isang aral na mananatili sa akin magpakailanman. Habang ipinahahayag ng aking ina ang kanyang pagtanggap sa kalooban ng Diyos, naalala ko ang dahilan kung bakit nagdusa si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani at sa krus sa Golgota. Sinabi Niya: “Masdan, naibigay ko na sa inyo ang aking ebanghelyo, at ito ang [aking] ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.”8
Naiisip ko ang mga tanong sa atin ng minamahal nating propeta na si Pangulong Nelson noong nakaraang pangkalahatang kumperensya. Nagtanong si Pangulong Nelson: “Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang hayaan ang Diyos na maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo? … Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig … kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?”9 Marahil ay sasagot ang aking ina ng madamdamin ngunit matatag na “oo,” at marahil ay sasagot din ang iba pang matatapat na miyembro ng Simbahan sa buong mundo ng madamdamin ngunit matatag na “oo.” Pangulong Nelson, maraming salamat sa pagbibigay ng inspirasyon at pagpapasigla sa amin sa pamamagitan ng mga tanong na ito ng isang propeta.
Kamakailan lamang, nagkaroon kami ng pag-uusap ng isang bishop sa Pretoria, South Africa na naglibing ng kanyang asawa at anak sa parehong araw. Binawian sila ng buhay dahil sa pandemyang ito ng coronavirus. Kinumusta ko siya. Ang naging tugon ni Bishop Teddy Thabethe ay nagpalakas sa aking determinasyon na sundin ang mga salita at payo na nagmumula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Panginoon. Sumagot si Bishop Thabethe na palaging may pag-asa at kaaliwan sa kaalamang dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang mga pasakit ng Kanyang mga tao, nang sa gayon ay malaman Niya kung paano tayo tutulungan.10 Sa malalim na pananampalataya, nagpatotoo siya, “Nagpapasalamat ako para sa plano ng kaligtasan, ang plano ng kaligayahan.” Pagkatapos, tinanong niya ako: “Hindi ba’t ito ang sinikap ituro sa atin ng ating propeta noong nakaraang kumperensya?”
Bagama’t ang mga hamon ng mortalidad ay darating sa ating lahat sa anumang kaparaanan, magtuon tayo sa layunin nating “[magpatuloy] tungo sa mithiin,” na “gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos.”11
Ang aking mapagpakumbabang paanyaya sa ating lahat ay huwag sumuko kailanman! May panawagan sa ating “itabi … ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin. Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya.”12
Hindi lamang ito tungkol sa kung ano ang pinagdaraanan natin sa buhay, kundi kung ano ang kinahihinatnan natin. May kagalakan sa pagpapatuloy tungo sa mithiin. Nagpapatotoo ako na Siya na nanaig sa lahat ay tutulong sa atin kapag tumitingala tayo sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.