Pangkalahatang Kumperensya
Hindi Sila Mananaig; Hindi Tayo Babagsak
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


9:4

Hindi Sila Mananaig; Hindi Tayo Babagsak

Kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, hindi tayo babagsak!

Sinabi ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson sa ating huling pangkalahatang kumperensya: “Sa mapanganib na panahong ito na ipinropesiya ni Apostol Pablo, hindi na tinatangka ni Satanas na itago ang kanyang mga pag-atake sa plano ng Diyos. Palasak ang kasamaan. Kaya, ang tanging paraan para espirituwal na maligtas ay magpasiya na hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay, matutuhang pakinggan ang Kanyang tinig, at gamitin ang ating lakas para tumulong sa pagtipon ng Israel.”1

Kapag iniisip natin ang paanyaya ng propeta na matutong pakinggan ang tinig ng Diyos, ang puso ba natin ay determinado o matigas? Alalahanin natin ang ipinayo sa Jacob 6:6: “Oo, ngayon, kung inyong maririnig ang kanyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso; sapagkat bakit kayo mamamatay?” Maging determinado tayo na hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay.

Paano natin hahayang manaig ang Diyos sa ating buhay at hindi ang kaaway? Sa Doktrina at mga Tipan 6:34 mababasa natin, “Samakatwid, huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.” Ito ay isang napakahalagang pangako. Bagama’t ang mundo at impiyerno ay magsama laban sa atin, hindi sila mananaig kung pipiliin nating manaig ang Diyos sa pamamagitan ng pagtatayo ng ating buhay sa Kanyang bato.

Kinakausap ang Kanyang mga disipulo, itinuro ni Jesucristo ang tungkol sa isang taong matalino at isang taong hangal, na nakatala sa Mateo kabanata 7 sa Bagong Tipan. Narinig na ng marami sa inyo ang awit sa Primary na “Ang Matalino at ang Hangal.”2 Kung nag-ukol kayo ng oras na ikumpara ang apat na talata ng kanta, matutuklasan ninyo na magkatulad ang mga talata 1 at 2 sa mga talata 3 at 4. Ang taong matalino at taong hangal ay kapwa nagtayo ng bahay. Gusto nilang bigyan ng isang ligtas at komportableng tahanan ang kanilang pamilya. Hangad nilang mamuhay nang magkakasama magpakailanman bilang pamilya, tulad natin. Magkapareho ang sitwasyon: “Nang umulan ay biglang bumaha.” Inaawit natin ito nang apat na beses kapag inaawit natin ang kantang iyan. Ang tanging pagkakaiba ay itinayo ng taong matalino ang kanyang bahay sa bato at ito ay nanatiling nakatayo, samantalang itinayo naman ng taong hangal ang kanyang bahay sa buhanginan at ito ay inanod ng baha. Kung gayon, mahalaga kung saan nakatayo ang ating saligan, at ito ay tiyak na may epekto sa kahihinatnan sa huli at sa kawalang-hanggan.

Umaasa ako at dumadalangin na tayong lahat ay matatagpuan ang at mananatili sa tunay na saligan habang itinatatag natin ang ating buhay sa hinaharap. Ipinapaalala sa atin sa Helaman 5:12: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”

Iyan ay pangako na nagmula sa Diyos! Kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, hindi tayo babagsak! Kapag nagtiis tayo hanggang wakas nang buong tapat, tutulungan tayo ng Diyos na itayo ang ating buhay sa Kanyang bato, “at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig sa [atin]” (Doktrina at mga Tipan 10:69). Maaaring hindi natin mababago ang lahat ng mangyayari sa hinaharap, ngunit mapipili natin kung paano maghanda para sa mga mangyayaring iyon.

Marahil ay iniisip ng ilan sa atin, “Mabuti ang ebanghelyo, kaya kailangang maging bahagi ito ng aming buhay, marahil kahit isang beses sa isang linggo.” Ang pagpunta sa simbahan nang isang beses lamang sa isang linggo ay hindi sapat para makatayo sa bato. Ang ating buong buhay ay dapat mapuno ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ebanghelyo ay hindi maliit na aspeto ng ating buhay, ngunit ang ating buhay ay maliit na bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pag-isipan ninyo ito. Hindi ba’t totoo iyan? Ang ating mortal na buhay ay bahagi lamang ng buong plano ng kaligtasan at kadakilaan.

Ang Diyos ay ating Ama sa Langit. Mahal Niya tayong lahat. Mas alam Niya ang ating potensyal kaysa kilala natin sa ating sarili. Alam Niya hindi lamang ang mga detalye ng ating buhay. Alam ng Diyos ang detalye ng kaliit-liitang detalye ng ating buhay.

Pakiusap, sundin ang matalinong payo ng ating buhay na propeta na si Pangulong Nelson. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 21:5–6:

“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.

“Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.”

Sa kadahilanang iyan, hindi sila mananaig, at hindi tayo babagsak!

Pinatototohanan ko sa inyo na muling darating si Cristo sa ikalawang pagkakataon gaya ng ginawa Niya noong una, ngunit sa pagkakataong ito, nang may dakilang kaluwalhatian at karingalan. Umaasa ako at dumadalangin na maging handa ako sa pagsalubong sa Kanya, sa panig mang ito ng tabing o sa kabila. Habang ipinagdiriwang natin ang napakagandang panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, umaasa ako, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at kapangyarihan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Moroni 7:41), na masasalubong ko ang aking Tagapaglikha at masasabi ko, “Salamat po.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 95.

  2. “Ang Matalino at ang Hangal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 132.