Umasa kay Cristo
Hangad nating matulungan ang lahat ng tao na ang pakiramdam ay nag-iisa sila o hindi sila kabilang. Hayaang banggitin ko, partikular na, ang mga walang-asawa sa ngayon.
Mga kapatid, sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay nakatuon tayo sa maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Inaalala natin ang Kanyang mapagmahal na paanyayang “lumapit [kayo] sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.
“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”1
Ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya ay hindi lamang isang paanyaya sa lahat na lumapit sa Kanya, kundi na maging kabilang din sa Kanyang Simbahan.
Sa naunang talata ng mapagmahal na paanyayang ito, itinuturo ni Jesus na isinasagawa ito sa pamamagitan ng pagsisikap na tularan Siya. Ipinahayag Niya, “Walang nakakakilala [lalaki man o babae] sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala [lalaki man o babae] sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya.”2
Nais ni Jesus na malaman natin na isang mapagmahal na Ama sa Langit ang Diyos.
Ang malamang mahal tayo ng ating Ama sa Langit ay makatutulong sa ating makilala kung sino tayo at maunawaang kabilang tayo sa Kanyang dakilang pamilya na walang hanggan.
Kamakailan lamang, naiulat ng Mayo Clinic na: “Napakahalaga ng pakiramdam na kabilang tayo. … Halos lahat ng aspeto ng buhay natin ay organisado sa anumang bagay na kinabibilangan natin.” Dagdag pa sa ulat na ito, “Hindi natin maihihiwalay ang kahalagahan ng pakiramdam ng pagiging kabilang sa isang bagay mula sa kalusugan ng ating katawan at kaisipan”3—at, idaragdag ko rito, ang espirituwal na kalusugan natin.
Nang gabi bago ang pagdurusa Niya sa Halamanan ng Getsemani at kamatayan sa krus, nakasama ng Tagapagligtas sa Huling Hapunan ang Kanyang mga disipulo. Sinabi Niya sa kanila, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”4 Magdadapit-hapon nang sumunod na araw, nagdusa si Jesucristo at “namatay [sa krus] para sa ating mga kasalanan.”5
Naiisip ko, marahil ganoon na lamang ang lungkot na naramdaman ng matatapat na kababaihan at kalalakihan na nagsisunod sa Kanya sa Jerusalem nang lumubog ang araw at bumalot ang kadiliman at takot sa kanila.6
Tulad ng mga sinaunang disipulong ito, halos 2,000 taon na ang nakalipas, marami sa inyo ang maaaring nakadarama ng lungkot paminsan-minsan. Naranasan ko ang ganitong kalungkutan simula nang mamatay ang butihin kong asawang si Barbara, mahigit dalawang taon na ang nakalipas. Alam ko ang pakiramdam na napalilibutan ng mga kapamilya, kaibigan, at kakilala, pero nararamdaman pa rin ang lungkot—dahil wala na sa aking tabi ang pinakamamahal ko sa buhay.
Ang damdaming ito ng pag-iisa at kalungkutan ay pinatindi pa ng pandemyang COVID-19 para sa marami. Gayunpaman, sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap natin sa buhay, tulad ng umagang iyon ng unang Pasko ng Pagkabuhay, maaari tayong magising sa isang bagong buhay kay Cristo, na may mga bago at kahanga-hangang posibilidad at realidad sa paglapit natin sa Panginoon para sa pag-asa at pagiging kabilang.
Personal na nararamdaman ko ang hirap ng mga taong hindi nakadarama ng pagiging kabilang. Habang pinanonood ko ang mga balita sa iba’t ibang dako ng mundo, nakikita ko na marami ang tila nakararanas ng kalungkutang ito. Sa palagay ko, para sa marami, ito ay dahil sa hindi nila marahil nalalaman na mahal sila ng Ama sa Langit at na kabilang tayong lahat sa Kanyang walang-hanggang pamilya. Ang maniwalang mahal tayo ng Diyos at na mga anak Niya tayo ay nakapagbibigay ng aliw at kasiguruhan.
Dahil tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, lahat tayo ay may banal na pinagmulan, katangian, at potensyal. Bawat isa sa atin ay “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.”7 Ito ang ating pagkatao! Ito ang totoong tayo!
Napauunlad natin ang ating espirituwal na pagkatao habang inuunawa natin ang marami sa ating mga pagkakakilanlan sa buhay na ito, kabilang na ang etniko, kultura, o pambansang pamana.
Itong espirituwal at pangkulturang saloobin, pagmamahal, at pakiramdam ng pagiging kabilang ay magdudulot ng pag-asa at pagmamahal kay Jesucristo.
Ang sinasabi kong pag-asa kay Cristo ay hindi pangangarap lamang. Sa halip, ang pag-asang sinasabi ko ay pag-asam sa isang bagay na matutupad. Kailangan ang ganitong pag-asa upang madaig ang hirap, mapagyaman ang espirituwal na katatagan at lakas, at malaman na mahal tayo ng ating Amang Walang Hanggan at na mga anak Niya tayo na mga kabilang sa Kanyang pamilya.
Kapag may pag-asa tayo kay Cristo, nalalaman natin na dahil kailangan nating gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, ang mga pinakahihiling at pinapangarap natin ay maaaring matupad sa pamamagitan Niya.
Nagpupulong ang Korum ng Labindalawang Apostol sa diwa ng panalangin at paghahangad na malaman kung paano matutulungan ang lahat na ang pakiramdam ay nag-iisa sila o hindi sila kabilang. Hangad nating matulungan ang lahat ng nakararamdam ng ganito. Hayaang banggitin ko, partikular na, ang mga walang-asawa sa ngayon.
Mga kapatid, higit sa kalahati ng mga adult sa Simbahan ngayon ay mga balo, diborsyado, o wala pang asawa. May ilang nag-iisip tungkol sa mga oportunidad at lugar nila sa plano ng Diyos at sa Simbahan. Dapat nating maunawaan na ang buhay na walang-hanggan ay hindi simpleng tungkol lamang sa kasalukuyang marital status, kundi sa pagiging disipulo at “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.”8 Ang pag-asa ng lahat ng walang-asawa ay pareho sa lahat ng miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon—matatamo ang biyaya ni Cristo sa pamamagitan ng “pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”9
Sa palagay ko, may ilang mahahalagang alituntunin ang kailangan nating maunawaan.
Una, pinatutunayan ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta ng mga huling araw na lahat ng matapat sa pagtupad sa mga tipan ng ebanghelyo ay may oportunidad para sa kadakilaan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa paraan at panahon ng Panginoon, walang mga pagpapalang ipagkakait sa Kanyang matatapat na Banal. Ang Panginoon ang hahatol at magbibigay-gantimpala sa bawat tao batay sa taos na hangarin ng puso at gawa.”10
Pangalawa, ang mismong oras at paraan ng paggagawad ng mga pagpapala ng kadakilaan ay hindi inihayag na lahat, gayunman, tiniyak na magaganap ang mga ito.11 Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks na ilan sa mga bagay “sa buhay na ito ay [itutuwid] sa Milenyo, na siyang panahon para punan ang lahat ng kakulangan sa dakilang plano ng kaligayahan para sa lahat ng karapat-dapat na anak ng ating Ama.”12
Hindi ibig sabihin nito na ipagpapaliban muna ang bawat pagpapala hanggang sa Milenyo; natanggap na ang ilan at patuloy na matatanggap ang iba pa hanggang sa sumapit ang araw na iyon.13
Pangatlo, paghihintay sa Panginoon na nangangahulugan ng patuloy na pagsunod at espirituwal na pag-unlad palapit sa Kanya. Ang paghihintay sa Panginoon ay hindi pag-aaksaya ng inyong oras. Hindi ninyo dapat maramdaman kahit kailan na para kayong naghihintay sa loob ng isang silid.
Ang paghihintay sa Panginoon ay nangangailangan ng pagkilos. Natutuhan ko sa pagdaan ng mga taon na lumalakas ang ating pag-asa kay Cristo kapag naglilingkod tayo sa ibang tao. Sa paglilingkod na kahalintulad ng ginawa ni Jesus, likas na pinalalakas natin ang ating pag-asa sa Kanya.
Ang personal na pag-unlad na mararating ng isang tao ngayon habang naghihintay sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako ay walang kasinghalaga at sagradong bahagi ng Kanyang plano para sa bawat isa sa atin. Ang mga kontribusyong maibabahagi ngayon ng isang tao sa pagtulong na patatagin ang Simbahan sa mundo at tipunin ang Israel ay kailangang-kailangan. Walang kinalaman ang marital status sa kakayahan ng isang tao na maglingkod. Ikinararangal ng Panginoon ang mga naglilingkod at naghihintay sa Kanya nang may pagtitiyaga at pananampalataya.14
Pang-apat, iniaalok ng Diyos ang buhay na walang-hanggan sa lahat ng Kanyang anak. Lahat ng tumatanggap sa handog na pagsisisi ng Tagapagligtas at sumusunod sa Kanyang mga kautusan ay makatatanggap ng buhay na walang-hanggan, bagama’t hindi nila nakamit ang lahat ng katangian at kasakdalan nito sa buhay na ito. Mararanasan ng mga nagsisisi ang kahandaang magpatawad ng Panginoon, gaya ng Kanyang pagtiyak: “Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin.”15
Matapos isaalang-alang ang lahat, ang kakayahan, naisin, at mga oportunidad ng isang tao na may kinalaman sa pagpili at pagpipilian, kabilang na ang mga hinihingi para sa mga pagpapalang walang-hanggan, ay mga bagay na tanging Panginoon lamang ang makahuhusga.
Panlima, ang kumpiyansa natin sa mga pagtiyak na ito ay nakaugat sa ating pananampalataya kay Jesucristo, na siyang nagtutuwid sa pamamagitan ng biyaya sa lahat ng bagay na nauukol sa buhay na ito.16 Lahat ng ipinangakong mga pagpapala ay naging posible dahil sa Kanya, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay”17 at “dinaig … ang sanlibutan.”18 Siya ay “umupo sa kanang kamay ng Diyos, upang angkinin sa Ama ang kanyang mga karapatan ng awa na mayroon siya sa mga anak ng tao … ; anupa’t ipinagtatanggol niya ang kapakanan ng mga anak ng tao.”19 Sa huli, “ang mga banal ay mapupuspos ng kanyang kaluwalhatian, at tatanggapin ang kanilang mana”20 bilang “mga kasamang tagapagmana ni Cristo.”21
Ang nais natin ay matulungan ng mga alituntuning ito ang lahat na magkaroon ng mas malakas na pag-asa kay Cristo at maramdaman ang pagiging kabilang.
Huwag kalimutan na kayo’y anak ng Diyos, na ating Amang Walang Hanggan, ngayon at magpakailanman. Mahal Niya kayo, at gusto at kailangan kayo ng Simbahan. Oo, kailangan namin kayo! Kailangan namin ang inyong mga tinig, talento, kasanayan, kabutihan, at pagkamatuwid.
Sa loob ng maraming taon, pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga “young single adult,” “single adult,” at “adult.” Nakatutulong paminsan-minsan ang mga katawagang ito sa pamamalakad, ngunit maaaring di-sinasadyang magpabago kung paano natin nakikita ang iba.
May paraan ba para maiwasan natin ang ganitong pag-uugali ng tao na makapaglalayo sa atin sa isa’t isa?
Hiniling ni Pangulong Nelson na tawagin natin ang ating sarili bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sakop tayong lahat niyan, hindi ba?
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may kapangyarihang pag-isahin tayo. Sa dakong huli, mas magkakatulad tayo kaysa magkakaiba tayo. Bilang mga miyembro ng pamilya ng Diyos, tunay na magkakapatid tayo. Sinabi ni Pablo, “At nilikha [ng Diyos] mula sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa.”22
Sa inyo na mga stake president, bishop, at korum at sister na mga pinuno, hinihiling ko sa inyo na ang bawat miyembro ng inyong stake, ward, korum, o organisasyon ay ituring na mga miyembrong makapagbibigay ng kontribusyon at maglilingkod sa mga tungkulin at makikilahok sa maraming paraan.
Bawat miyembro ng ating mga korum, organisasyon, ward, at stake ay binigyan ng Diyos ng mga kakayahan at talentong makatutulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian ngayon.
Tawagin nating maglingkod, tumulong, at magturo ang mga miyembro nating walang-asawa. Isantabi ang mga lumang paniniwala at ideya na kung minsan ay di-sinasadyang nagpaparamdam sa kanila ng kalungkutan at na hindi sila kabilang o hindi maaaring maglingkod.
Nagpapatotoo ako ngayong araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa walang-hanggang pag-asang ibinibigay Niya sa akin at sa lahat ng naniniwala sa Kanyang pangalan. At mapagpakumbaba kong ibinabahagi ang patotoong ito sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.