Pangkalahatang Kumperensya
Templo’y Ibig Makita
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


16:22

Templo’y Ibig Makita

Sa templo natin matatanggap ang katiyakan ng mapagmahal na mga ugnayan ng pamilya na magpapatuloy pagkatapos ng kamatayan at magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan.

Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makasama kayo sa unang sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya. Ang mga tagapagsalita, ang musika, at ang panalangin ay naghatid sa Espiritu—gayundin ng pakiramdam ng liwanag at pag-asa.

Naipaalala sa akin ng damdaming iyon ang unang araw na pumasok ako sa Salt Lake Temple. Binatilyo pa ako noon. Mga magulang ko lamang ang kasama ko noong araw na iyon. Sa loob, huminto sila sandali para batiin ng isang temple worker. Nauna akong lumakad sa kanila, nang mag-isa sandali.

Binati ako ng isang maliit na babaeng may puting buhok na nakasuot ng magandang puting bestidang pantemplo. Tumingin siya sa akin at ngumiti, at pagkatapos ay sinabi sa napakahinang tinig, “Maligayang pagdating sa templo, Brother Eyring.” Inisip ko sandali na isa siyang anghel dahil alam niya ang pangalan ko. Hindi ko natanto na nakasulat ang pangalan ko sa maliit na card na nakakabit sa kuwelyo ng amerikana ko.

Nilagpasan ko siya at tumigil ako. Tumingala ako sa mataas na puting kisame na nagpaliwanag nang husto sa silid kaya tila nakabukas ito sa kalangitan. At sa sandaling iyon, pumasok sa aking isipan ang malilinaw na mga salitang ito: “Nakarating na ako sa maliwanag na lugar na ito dati.” Ngunit biglang pumasok sa aking isipan, sa tinig na hindi akin, ang mga salitang ito: “Hindi, hindi ka pa nakarating dito kahit kailan. Naaalala mo ang isang sandali bago ka isinilang. Nasa isang sagradong lugar kang tulad nito.”

Sa labas ng ating mga templo, inilalagay natin ang mga salitang “Banal sa Panginoon.” Alam ko mismo na totoo ang mga salitang iyon. Ang templo ay isang banal na lugar kung saan madaling dumarating sa atin ang paghahayag kung bukas ang ating puso para dito at karapat-dapat tayo rito.

Kalaunan noong unang araw na iyon, muli kong nadama ang Espiritung iyon. Ang seremonya sa templo ay kinabibilangan ng ilang salitang naghatid ng mainit na pakiramdam sa puso ko, na nagpatibay na ang ipinapakita ay totoo. Ang nadama ko ay personal sa akin tungkol sa aking hinaharap, at nagkatotoo iyon 40 taon kalaunan sa pamamagitan ng isang tawag na maglingkod mula sa Panginoon.

Ganito rin ang nadama ko nang ikasal ako sa Logan Utah Temple. Si Pangulong Spencer W. Kimball ang nagsagawa ng pagbubuklod. Sa iilang salitang sinambit niya, ibinigay niya ang payong ito: “Hal at Kathy, mamuhay kayo sa paraan na kapag dumating ang tawag, madali kayong makakaalis.”

Nang sabihin niya ang iilang salitang iyon, malinaw kong nakita sa aking isipan, na puno ng kulay, ang isang matarik na burol at isang kalsada patungo sa tuktok. May puting bakod sa kaliwang panig ng kalsada at naglaho sa hilera ng mga puno sa tuktok ng burol. May isang puting bahay na halos hindi makita dahil sa mga puno.

Pagkaraan ng isang taon, natandaan ko ang burol na iyon nang ipagmaneho kami ng biyenan kong lalaki sa kalsadang iyon. Iyon mismo ang detalyadong nakita ko nang ibigay ni Pangulong Kimball ang kanyang payo sa templo.

Pagdating namin sa tuktok ng burol, tumigil ang biyenan kong lalaki sa tabi ng puting bahay. Sinabi niya sa amin na bibilhin nilang mag-asawa ang ari-ariang iyon at na gusto niyang tumira kami ng kanyang anak sa guesthouse. Titira sila sa mismong bahay, ilang talampakan lang ang layo. Kaya, sa 10 taon ng paninirahan namin sa magandang pampamilyang lugar na iyon, halos araw-araw naming sinasabi ng asawa ko, “Sulitin na natin ito dahil hindi tayo mananatili rito nang matagal.”

Isang tawag ang dumating mula sa commissioner of education ng Simbahan na si Neal A. Maxwell. Ang babalang ibinigay ni Pangulong Kimball na “madali kayong makakaalis” ay nagkatotoo. Ito ay isang tawag na lisanin ang tila perpektong sitwasyon ng pamilya upang maglingkod sa isang tungkulin sa isang lugar na wala akong nalalaman. Handang lisanin ng aming pamilya ang pinagpalang panahon at lugar na iyon dahil nakita ng isang propeta, sa isang banal na templo, isang lugar ng paghahayag, ang isang pangyayari sa hinaharap na napaghandaan namin.

Alam ko na ang mga templo ng Panginoon ay mga banal na lugar. Ang layunin ko ngayon sa pagbanggit sa mga templo ay upang dagdagan ang hangarin ko at ninyo na maging karapat-dapat at handa para sa mas maraming pagkakataon para sa mga karanasan sa templo na darating para sa atin.

Para sa akin, ang pinakamalaking motibasyon upang maging karapat-dapat sa mga karanasan sa templo ay ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kanyang mga banal na bahay:

“Yayamang ang aking mga tao ay magtatayo ng isang bahay sa akin sa pangalan ng Panginoon, at hindi pahihintulutan ang anumang maruming bagay na pumasok dito, upang ito ay hindi madungisan, ang aking kaluwalhatian ay mananatili rito;

“Oo, ako ay paroroon, dahil ako ay papasok doon, at lahat ng may dalisay na puso na papasok dito ay makikita ang Diyos.

“Ngunit kung ito ay dudungisan hindi ako papasok doon, at ang aking kaluwalhatian ay hindi paroroon; dahil sa ako ay hindi paroroon sa mga hindi banal na templo.”1

Nilinaw sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “makikita” natin ang Tagapagligtas sa templo dahil makikilala natin Siya. Ito ang sinabi ni Pangulong Nelson: “Nauunawaan natin Siya. Naiintindihan natin ang Kanyang gawain at ang Kanyang kaluwalhatian. At unti-unti nating nadarama ang walang hanggang epekto ng Kanyang hindi mapapantayang buhay.”2

Kung kayo o ako ay pupunta sa templo nang hindi sapat ang kadalisayan, hindi natin makikita, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang mga espirituwal na turo tungkol sa Tagapagligtas na matatanggap natin sa templo.

Kapag karapat-dapat tayong matanggap ang gayong turo, maaaring lumago sa pamamagitan ng ating karanasan sa templo ang pag-asa, kagalakan, at pagiging positibo sa buong buhay natin. Ang pag-asa, kagalakan, at pagiging positibong iyon ay matatamo lamang sa pagtanggap ng mga ordenansang isinasagawa sa mga banal na templo. Sa templo natin matatanggap ang katiyakan ng mapagmahal na mga ugnayan ng pamilya na magpapatuloy pagkatapos ng kamatayan at magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan.

Maraming taon na ang nakararaan, habang naglilingkod ako bilang bishop, tinanggihan ng isang guwapong binatilyo ang aking paanyaya na maging karapat-dapat na mamuhay sa piling ng Diyos sa mga pamilya magpakailanman. Pagalit niyang sinabi sa akin ang masasayang panahon niya sa piling ng kanyang mga kaibigan. Hinayaan ko siyang magsalita. Pagkatapos ay ikinuwento niya sa akin ang isang sandali sa isa sa kanyang mga party, sa gitna ng ingay, nang bigla niyang mapagtanto na malungkot siya. Tinanong ko siya kung ano ang nangyari. Sinabi niya na naalala niya ang panahon noong batang musmos pa siya, nakakandong sa kanyang ina, habang yakap siya nito. Sa sandaling iyon habang ikinukuwento niya iyon, umiyak siya. Sinabi ko sa kanya ang alam kong totoo: “Ang tanging paraan upang madama mo ang yakap na iyon ng pamilya magpakailanman ay ang maging karapat-dapat ka mismo at tulungan mo ang iba na matanggap ang mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo.”

Hindi natin alam ang mga detalye ng mga ugnayan ng pamilya sa mundo ng mga espiritu o kung ano ang mangyayari pagkatapos nating mabuhay na mag-uli. Ngunit alam natin na dumating si propetang Elijah tulad ng ipinangako upang ibaling ang puso ng mga ama sa mga anak at ng mga anak sa mga ama.3 At alam natin na ang ating walang-hanggang kaligayahan ay nakasalalay sa ating paggawa sa abot ng ating makakaya na ialok ang gayong nagtatagal na kaligayahan sa ating mga kamag-anak hangga’t maaari.

Nadarama ko rin ang hangaring iyon na magtagumpay sa pag-anyaya sa buhay na mga kapamilya na hangaring maging karapat-dapat na tanggapin at igalang ang mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Bahagi iyon ng ipinangakong pagtitipon ng Israel sa mga huling araw sa magkabilang panig ng tabing.

Ang isa sa pinakamagagandang pagkakataon natin ay habang bata pa ang ating mga kapamilya. Isinilang sila na may Liwanag ni Cristo bilang isang kaloob. Binibigyang-kakayahan sila nito na mahiwatigan kung ano ang mabuti at ano ang masama. Dahil doon, kahit ang makakita ng isang templo o ng larawan ng isang templo ay maaaring ikintal sa isang bata ang hangaring maging karapat-dapat at magkaroon ng pribilehiyo balang-araw na makapasok doon.

Pagkatapos ay darating ang araw na, bilang isang kabataan, tatanggap sila ng temple recommend upang magsagawa ng mga pagbibinyag para sa mga patay sa loob ng templo. Sa karanasang iyon, madarama nilang lalo na ang mga ordenansa sa templo ay palaging nakatuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag nadarama nila na naghahandog sila ng pagkakataon sa isang tao sa mundo ng mga espiritu na malinis mula sa kasalanan, titindi ang damdamin nilang tulungan ang Tagapagligtas sa Kanyang sagradong gawaing pagpalain ang isang anak ng ating Ama sa Langit.

Nakita ko nang binago ng kapangyarihan ng karanasang iyon ang buhay ng isang kabataan. Maraming taon na ang nakararaan, pumunta kami ng isang anak kong babae sa templo isang dapit-hapon. Siya ang huling magsasagawa ng pagbibinyag para sa mga patay. Tinanong ang aking anak kung maaari siyang manatili pa nang mas matagal para kumpletuhin ang mga ordenansa para sa lahat ng tao na ang mga pangalan ay naihanda. Pumayag siya.

Nanood ako habang bumababa ang aking anak sa bautismuhan. Nagsimula ang mga pagbibinyag. Umaagos ang tubig sa mukha ng maliit kong anak tuwing iaahon siya mula sa tubig. Paulit-ulit siyang tinanong, “Puwede ka pa ba?” Sa bawat pagkakataon ay oo ang sagot niya.

Bilang isang nag-aalalang ama, nagsimula akong umasa na huwag nang ipagawa sa kanya ang iba pa. Ngunit naaalala ko pa rin ang kanyang katatagan nang tanungin siya kung kaya pa niyang gawin ang iba pa at determinado siyang sumagot ng, “Opo.” Nanatili siya hanggang sa matanggap ng huling tao sa listahan para sa araw na iyon ang pagpapalang mabinyagan sa pangalan ni Jesucristo.

Nang lumabas kaming dalawa ng templo noong gabing iyon, namangha ako sa nakita ko. Isang bata ang napasigla at nabago sa aking harapan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon sa Kanyang bahay. Naaalala ko pa rin ang pakiramdam ng liwanag at kapayapaan nang magkasama kaming maglakad mula sa templo.

Maraming taon na ang nakalipas. Opo pa rin ang sagot niya sa tanong mula sa Panginoon kung gagawa pa ba siya ng higit pa para sa Kanya kahit napakahirap nito. Iyon ang magagawa ng paglilingkod sa templo para baguhin at pasiglahin tayo. Kaya nga ang dalangin ko para sa inyo at sa lahat ng inyong minamahal na pamilya ay na lumago ang inyong hangarin at determinasyon na maging karapat-dapat na pumunta sa bahay ng Panginoon nang madalas hangga’t itinutulot ng inyong sitwasyon.

Gusto Niyang salubungin kayo roon. Dalangin ko na susubukin ninyong magkintal ng hangarin sa puso ng mga anak ng Ama sa Langit na pumunta roon, kung saan madarama nila na malapit sila sa Kanya, at na aanyayahan din ninyo ang inyong mga ninuno na maging karapat-dapat na makapiling Siya at kayo magpakailanman.

Ang mga salitang ito ay maaaring akma sa atin:

Templo’y ibig makita,

Doon ay pupunta,

Espiritu’y daramhin,

Alay ko’y dalangin.

Pagkat templo’y tahanan ng Diyos,

Kagandaha’t pag-ibig.

Habang bata pa’y maghahanda,

Tungkulin kong sagrado.4

Taimtim kong pinatototohanan na tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Pinili Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Ang tanging paraan para makabalik at mabuhay sa piling Nila at ng ating pamilya ay sa pamamagitan ng mga ordenansa sa banal na templo. Pinatototohanan ko na si Pangulong Russell M. Nelson ang mayhawak at gumagamit ng lahat ng susi ng priesthood na ginagawang posible ang buhay na walang-hanggan para sa lahat ng anak ng Diyos. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.