Pangkalahatang Kumperensya
Ang Personal na Paglalakbay ng Isang Anak ng Diyos
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021


14:50

Ang Personal na Paglalakbay ng Isang Anak ng Diyos

Bilang mga pinagtipanang anak ng Diyos, tayo ay nagmamahal, gumagalang, nag-aalaga, pumuprotekta, at tumatanggap sa mga espiritung iyon na mula sa premortal na mundo.

Ang bawat isa sa atin ay naapektuhan ng pandaigdigang pandemya sa hindi inaasahang paglisan sa mortalidad ng pamilya at mga kaibigan. Hayaan ninyong kilalanin ko ang tatlo na wala na sa atin na kumakatawan sa mga minamahal natin.

Brother at Sister Nsondi

Ito sina Brother Philippe at Sister Germaine Nsondi. Si Brother Nsondi ay naglilingkod bilang patriarch sa Brazzaville Republic of Congo Stake noong pumanaw siya. Isa siyang doktor ng medisina na bukas-palad na nagbahagi ng kanyang mga talento sa iba.1

Clara Ruano de Villareal

Ito si Sister Clara Elisa Ruano de Villareal mula sa Tulcán, Ecuador. Niyakap niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa edad na 34 at isang minamahal na lider. Nagpaalam ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagkanta ng kanyang paboritong himno na “Buhay ang Aking Manunubos.”2

Ray Tuineau at kanyang pamilya

Ito si Brother Ray Tuineau mula sa Utah, kasama ang kanyang magandang pamilya. Sinabi ng asawa niyang si Juliet, “Gusto kong [maalala ng mga anak kong lalaki] na [ang kanilang ama] ay palaging nagsikap na unahin ang Diyos.”3

Sinabi ng Panginoon, “Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, kaya nga tatangisan ninyo ang pagkawala ng mga yaong namatay.”4

Sa ating pagtangis, nagagalak din tayo sa maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Tagapagligtas. Dahil sa Kanya, ang ating mga mahal sa buhay at kaibigan ay magpapatuloy sa kanilang walang-hanggang paglalakbay. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith, “Hindi natin sila malilimutan; hindi tayo humihinto sa pagmamahal sa kanila. … Umunlad na sila; tayo ay umuunlad; tayo ay lumalago gaya ng paglago nila.”5 Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ating mga luha ng kalungkutan … ay nagiging mga luha ng pag-asam.”6

Alam Natin ang tungkol sa Buhay bago Tayo Isinilang

Ang ating walang hanggang pananaw ay hindi lamang nagpapalawak ng ating pang-unawa sa mga nagpapatuloy ng kanilang paglalakbay matapos ang mortalidad kundi nagbubukas din ng ating pagkaunawa sa mga mas maaga sa kanilang paglalakbay at papasok pa lamang ngayon sa mortalidad.

Ang bawat tao na dumarating dito sa mundo ay natatanging anak na lalaki o anak na babae ng Diyos.7 Ang ating personal na paglalakbay ay hindi nagsisimula sa pagsilang. Bago tayo isinilang, magkakasama tayo sa isang mundo ng paghahanda kung saan tayo ay “tumanggap ng [ating] mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu.”8 Sinabi ni Jehova kay Jeremias, “Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita, at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga.”9

Maaaring itanong ng ilan kung ang buhay ay nagsisimula sa pagbuo ng isang embryo, o kapag ang puso ay nagsimula nang tumibok, o kapag ang sanggol ay maaari nang mabuhay sa labas ng sinapupunan, ngunit para sa atin, walang dudang ang mga espiritung anak na babae at lalaki ng Diyos ay nasa kanilang mga sariling personal na paglalakbay patungo sa mundo para tumanggap ng katawan at maranasan ang mortalidad.

Bilang mga pinagtipanang anak ng Diyos, tayo ay nagmamahal, gumagalang, nag-aalaga, pumuprotekta, at tumatanggap sa mga espiritung iyon na mula sa premortal na mundo.

Ang Kahanga-hangang Kontribusyon ng Kababaihan

Para sa isang babae, ang pagkakaroon ng isang anak ay maaaring isang malaking sakripisyo sa pisikal, emosyonal, at sa pinansyal na aspeto. Minamahal at iginagalang natin ang mga kahanga-hangang kababaihan ng Simbahang ito. Taglay ang talino at dunong, dinadala ninyo ang mga pasanin ng inyong pamilya. Nagmamahal kayo. Naglilingkod kayo. Nagsasakripisyo kayo. Pinalalakas ninyo ang inyong pananampalataya, naglilingkod sa mga nangangailangan, at malaki ang inyong iniaambag sa lipunan.

Ang Sagradong Responsibilidad ng Pagprotekta ng Buhay

Ilang taon na ang nakalipas, nakadarama ng labis na pag-aalala sa bilang ng mga pagpapalaglag sa mundo, nagsalita si Pangulong Gordon B. Hinckley sa kababaihan ng Simbahan na napapanahon pa rin sa atin ngayon. Sinabi niya: “Kayong mga asawa at ina ang angkla ng inyong pamilya. Kayo ang nagdadalantao. Iyan ay isang napakalaki at banal na responsibilidad. … Ano ang nangyayari sa ating pagpapahalaga sa kabanalan ng buhay ng tao? Ang pagpapalaglag ay masama, brutal at totoo at nakaririmarim, na lumalaganap sa buong mundo. Nagsusumamo ako sa kababaihan ng Simbahang ito na iwasan ito, iwaksi ito, at lumayo sa mga alanganing sitwasyon na magpapamukhang kanais-nais ito. Maaaring may iilang kalagayan kung saan maaari itong mangyari, ngunit labis na napakalimitado ng mga ito.10 … Kayo ay mga ina ng mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos na ang mga buhay ay sagrado. Ang pagprotekta sa kanila ay isang tungkuling ibinigay ng Diyos na hindi maaaring basta isantabi.”11

Ibinahagi sa akin ni Elder Marcus B. Nash ang isang kuwento ng isang 84 na taong gulang na babae na, habang iniinterbyu para sa kanyang binyag ay “umamin na nagpalaglag [siya maraming taon na ang nakalipas].” Taos sa pusong sinabi niya: “Dinala ko ang pasaning idinulot ng pagpapalaglag ko ng isang bata sa bawat araw ng buhay ko sa loob ng apatnapu’t anim na taon. … Wala sa mga ginawa ko ang makapag-aalis ng sakit at panunurot ng budhi. Nawalan na ako ng pag-asa hanggang sa itinuro sa akin ang tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. Natutuhan ko kung paano magsisi … at bigla akong napuno ng pag-asa. Sa wakas ay nalaman ko na maaari akong mapatawad kung tunay akong magsisisi sa aking mga kasalanan.”12

Lubos tayong nagpapasalamat para sa mga banal na kaloob ng pagsisisi at pagpapatawad.

Ano ang Magagawa Natin?

Ano ang ating mga responsibilidad bilang mapayapang mga disipulo ni Jesucristo? Ipamuhay natin ang mga kautusan ng Diyos, ituro ang mga ito sa ating mga anak, at ibahagi ang mga ito sa iba na handang makinig.13 Ibahagi natin ang ating malalim na nadarama tungkol sa kabanalan ng buhay sa mga gumagawa ng desisyon sa lipunan. Hindi man nila lubos na pahalagahan ang pinaniniwalaan natin, ngunit ipinagdarasal natin na mas lubos nilang maunawaan kung bakit, para sa atin, ang mga desisyong ito ay hindi lamang tungkol sa kung ano ang gusto ng isang tao para sa kanyang sariling buhay.

Kung hindi inaasahang ang pagdating ng batang ipinagbubuntis, tumulong tayo nang may pagmamahal, panghihikayat, at kung kinakailangan, magbigay ng tulong-pinansyal, pinalalakas ang ina upang tulutan nitong maisilang ang kanyang anak at magpatuloy ng paglalakbay nito sa mortalidad.14

Ang Kagandahan ng Pag-aampon

Sa aming pamilya, hindi masukat ang aming pagpapala dahil dalawang dekada na ang nakalipas, nalaman ng isang 16 na taon na batang babae na siya ay nagdadalantao. Hindi sila kasal ng ama ng sanggol, at hindi nila nakikita na magsasama silang dalawa sa hinaharap. Naniwala ang batang babae na ang buhay na ipinagdadalantao niya ay mahalaga. Isinilang niya ang isang sanggol na babae at pinahintulutan ang isang mabuting pamilya na ampunin ang sanggol bilang kanilang anak. Para kina Bryce and Jolinne, siya ang sagot sa kanilang panalangin. Pinangalanan nila siyang Emily at itinuro sa kanya na magtiwala sa kanyang Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Emily at Christian

Lumaki si Emily. Talagang nagpapasalamat kami na si Emily at ang aming apo na si Christian ay nagmahalan at ikinasal sa bahay ng Panginoon. Sina Emily at Christian ay mayroon na ngayong sarili nilang maliit na batang babae.

Si Emily at ang anak niyang babae

Kamakailan ay sumulat si Emily: “Sa loob ng siyam na buwan ng pagbubuntis, nagkaroon ako ng panahon na pagnilayan ang mga nangyari [sa] sarili kong kapanganakan. Naisip ko ang aking ina na nagsilang sa akin, na 16 na taong gulang lamang noon. Habang nararanasan ko ang mga sakit at pagbabago na dulot ng pagbubuntis, hindi ko maiwasang maisip kung gaano kahirap ito para sa isang 16 anyos. … Dumadaloy ang luha ko sa mismong sandaling ito habang iniisip ko ang aking ina na nagsilang sa akin, na nalaman na hindi niya kayang ibigay sa akin ang buhay na [ninanais para sa akin at di-makasarili na] ipinaampon ako. Hindi ko maarok kung ano ang maaaring pinagdaanan niya sa loob ng siyam na buwan na iyon—pinanonood ng mga mapanghusgang mata habang nagbabago ang kanyang katawan, ang mga nararanasan ng mga tinedyer na hindi na niya magawa, nalalaman na pagkatapos ng pagpapakasakit na ito na pagmamahal ng isang ina, ibibigay niya ang kanyang anak sa mga bisig ng iba. Labis akong nagpapasalamat para sa kanyang hindi makasariling pagpili, na hindi niya piniling gamitin ang kanyang kalayaang pumili sa paraan na mawawala ang sa akin.” Nagtapos si Emily, “Napakalaki ng pasasalamat ko para sa banal na plano ng Ama sa Langit, para sa aking kahanga-hangang mga magulang na [nagmahal at nag-aruga sa] akin, at para sa mga templo kung saan ay maaari tayong mabuklod sa ating mga pamilya magpakailanman.”15

Photo collage

Ang Tagapagligtas ay “kinuha … ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya’y kanyang kinalong at sa kanila’y sinabi, Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap.”16

Kapag ang mga Matuwid na Hangarin ay Hindi Pa Natutupad

Ipinahahayag ko ang aking pagmamahal at habag sa mga matuwid na mag-asawa na nagpakasal at hindi nagkaroon ng mga anak na sabik na sabik nilang inaasam at sa kababaihan at kalalakihan na hindi nagkaroon ng pagkakataon na mag-asawa alinsunod sa batas ng Diyos. Ang mga hindi natupad na pangarap sa buhay ay mahirap maunawaan kung titingnan lamang sa pananaw ng mortalidad. Bilang tagapaglingkod ng Panginoon, ipinapangako ko sa inyo na kung kayo ay matapat kay Jesucristo at sa inyong mga tipan, matatanggap ninyo ang kapalit na mga pagpapala sa buhay na ito at ang inyong mga matuwid na hangarin sa walang hanggang linya ng oras ng Panginoon.17 Maaaring magkaroon ng kaligayahan sa paglalakbay sa mortalidad kahit na hindi matupad ang lahat ng ating matuwid na inaasahan.18

Pagkatapos maisilang, patuloy na kailangan ng mga bata ang ating tulong. Ang ilan ay lubhang kailangan ito. Bawat taon, sa pamamagitan ng mapagmalasakit na mga bishop at ng inyong bukas-palad na mga kontribusyon sa handog-ayuno at mga pondong pangkawanggawa, pinagpapala ang mga buhay ng milyun-milyong bata. Kamakailan ay ipinahayag ng Unang Panguluhan ang karagdagang 20 milyong dolyar na donasyon para tulungan ang UNICEF sa kanilang mga pandaigdigang pagsisikap na magbigay ng dalawang bilyong bakuna.19 Ang mga bata ay mahal ng Diyos.

Ang Sagradong Desisyong Magkaroon ng Anak

Nakakapag-alala na kahit na sa ilang napakayayamang bansa sa mundo, mas kakaunting mga bata ang ipinapanganak.20 “Ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.”21 Kung kailan mag-aanak at kung ilang anak ay desisyon na ng mag-asawa at ng Panginoon. Nang may pananampalataya at panalangin, ang mga sagradong desisyong ito ay maaaring maging maganda at may kalakip na paghahayag na mga karanasan.22

Ibabahagi ko ang kuwento ng pamilya Laing ng Southern California. Isinulat ni Sister Rebecca Laing:

Pamilya Laing

“Noong tag-init ng 2011, ang buhay para sa aming pamilya ay tila perpekto. Masaya ang pagsasama namin bilang mag-asawa na may apat na anak—edad 9, 7, 5, at 3. …

“Ang mga pagbubuntis at panganganak ko ay napakadelikado, … [at] dama namin na lubos kaming pinagpala na magkaroon ng apat na anak, [iniisip] na kumpleto na ang aming pamilya. Noong Oktubre habang nakikinig sa pangkalahatang kumperensya, nakadama ako ng malinaw na pakiramdam na magkakaroon kami ng isa pang sanggol. Habang nagninilay at nagdarasal kami ni LeGrand, … alam namin na may plano ang Diyos para sa amin na iba sa pinlano namin para sa aming mga sarili.

“Matapos ang isa pang mahirap na pagbubuntis at panganganak, nabiyayaan kami ng isang magandang sanggol na babae. Pinangalanan namin siyang Brielle. Isa siyang himala. Ilang sandali pagkatapos siyang maipanganak, habang nasa [delivery room] pa rin, narinig ko ang malinaw na tinig ng Espiritu: ‘May isa pa.’

“Pagkaraan ng tatlong taon, isa pang himala, si Mia. Sina Brielle at Mia ay napakalaking kagalakan sa aming pamilya.” Nagtapos siya sa mga salitang ito, “Ang maging bukas sa patnubay ng Panginoon at pagsunod sa plano para sa atin ay palaging magdadala ng higit na kaligayahan kaysa … umasa sa ating sariling pang-unawa.”23

Brielle at Mia Laing

Minamahal ng Tagapagligtas ang bawat itinatanging bata.

“At kinuha [niya] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, …

“At nang … itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, … nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na … nasa gitna ng apoy; at [ang mga anghel] ay … pinalibutan yaong mga musmos, … at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila.”24

Pinatototohanan ko na ang inyong sariling personal na paglalakbay bilang anak ng Diyos ay hindi nagsimula sa unang paghinga ninyo noong kayo ay ipanganak, at hindi ito magtatapos sa inyong huling hininga sa mortalidad.

Nawa ay palagi nating maalala na ang bawat espiritung anak ng Diyos ay dumarating dito sa mundo sa kanyang sariling personal na paglalakbay.25 Nawa ay tanggapin natin sila, protektahan sila, at palagi silang mahalin. Sa pagtanggap ninyo sa itinatangi na mga batang ito sa pangalan ng Tagapagligtas at pagtulong sa kanila sa kanilang walang-hanggang paglalakbay, ipinapangako ko sa inyo na pagpapalain kayo ng Panginoon at saganang ibibigay sa inyo ang Kanyang pagmamahal at pagsang-ayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Personal na liham.

  2. Personal na liham. Tingnan sa “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78.

  3. Personal na liham.

  4. Doktrina at mga Tipan 42:45.

  5. Joseph F. Smith, sa Conference Report, Abr. 1916, 3.

  6. Sa Trent Toone, “‘A Fulness of Joy’: President Nelson Shares Message of Eternal Life at His Daughter’s Funeral,” Church News, Ene. 19, 2019, thechurchnews.com.

  7. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org.

  8. Doktrina at mga Tipan 138:56.

  9. Jeremias 1:5. Ang Bagong Tipan ay nagsasalaysay tungkol sa hindi pa ipinapanganak na si Juan Bautista na gumalaw sa sinapupunan nang makita ni Elizabeth si Maria, na ipinagdadalantao ang sanggol na si Jesus (tingnan sa Lucas 1:41).

  10. Ang opisyal na posisyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw:

    “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala sa kasagraduhan ng buhay ng tao. Samakatwid, ang Simbahan ay tutol sa sadyang pagpapalaglag para sa personal na ginhawa o panlipunan na kaginhawaan, at pinapayuhan ang mga miyembro nito na huwag sumailalim sa, magsagawa ng, maghikayat ng, magbayad para sa, o maghikayat ng gayong mga pagpapalaglag.

    “Pinahihintulutan ng Simbahan ang mga posibleng eksepsyon para sa mga miyembro nito kapag:

    “Ang pagbubuntis ay bunga ng panggagahasa o incest [pakikipagtalik sa malapit na kamag-anak], o

    “Nasuri ng mapagkakatiwalaang doktor na nanganganib ang buhay o kalusugan ng ina, o

    “Nasuri ng mapagkakatiwalaang doktor na may malulubhang diperensya ang sanggol sa sinapupunan kaya hindi rin mabubuhay ang sanggol matapos isilang.

    “Itinuturo ng Simbahan sa mga miyembro nito na kahit ang mga eksepsyong ito ay hindi sapat na dahilan para magpalaglag kaagad. Ang aborsyon ay isang napakaselang bagay at dapat lamang gawin matapos sumangguni ang mga taong sangkot dito sa mga lokal na lider ng simbahan at madama sa pamamagitan ng personal na panalangin na tama ang kanilang desisyon.

    “Ang Simbahan ay walang pinaboran o sinalungat na mga panukala ng batas o mga pagpapahayag sa publiko hinggil sa aborsyon” (“Abortion,” Newsroom, newsroom.ChurchofJesusChrist.org; see also General Handbook: Serving in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 38.6.1, ChurchofJesusChrist.org).

  11. Gordon B. Hinckley, “Walking in the Light of the Lord,” Ensign, Nob. 1998.99, Liahona, Ene. 1999, 117.

    Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

    “Ang pagpapalaglag ay isang pangit na bagay, isang nakakababang bagay, isang bagay na hindi maiiwasang magdala ng pagsisisi at hinagpis at panghihinayang.

    “Bagamat tinututulan natin ito, gumagawa tayo ng pagpapahintulot sa mga pagkakataon tulad ng kapag ang pagdadalantao ay bunga ng pagtatalik ng malapit na magkamag-anak o bunga ng panggagahasa, kapag ipinasiya ng isang mapagkakatiwalaang doktor na manganganib ang buhay o kalusugan ng ina, o napag-alaman ng isang mapagkakatiwalaang doktor na may malubhang diperensya ang sanggol sa sinapupunan at hindi rin mabubuhay matapos isilang.

    “Subalit ang gayong mga pagkakataon ay bihira, at napakaliit lamang ng tiyansa na mangyari ang mga ito. Sa ganitong mga pagkakataon, ang mga nahaharap sa ganitong katanungan ay hinihiling na kumonsulta sa kanilang lokal na lider ng simbahan at magdasal nang may matinding katapatan, tumatanggap ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng panalangin bago tumuloy” (“What Are People Asking about Us?”, Ensign, Nob. 1998, 71, Liahona, Ene. 1999, 83–84).

  12. Neil L. Andersen, The Divine Gift of Forgiveness (2019) 25.

    Sa isang pangyayari sa France, habang iniinterbyu para sa binyag, isang babae ang nakipag-usap sa akin tungkol sa kanyang pagpapalaglag maraming taon na ang nakalipas. Nagpapasalamat ako para sa kanyang kabutihan. Nabinyagan siya. Pagkaraan ng mga isang taon, nakatanggap ako ng tawag sa telepono. Ang kahanga-hangang babaeng ito isang taon mula nang siya ay binyagan ay tinuruan ng Espiritu Santo. Tumawag siya na umiiyak: “Naalala mo ba noong sinabi ko ang tungkol sa pagpapalaglag ko maraming taon na ang nakalipas? Ipinagdalamhati ko ang nagawa ko. Pero binago ako ng nagdaang taon. … Ang puso ko ay nabaling sa Tagapagligtas. … Labis din akong nagdusa sa bigat ng aking kasalanan na wala akong paraan para maghilom.”

    Nadama ko ang labis na pagmamahal ng Panginoon para sa babaeng ito. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Ang maibalik ang hindi ninyo kayang ibalik, mapagaling ang sugat na hindi ninyo kayang pagalingin, ayusin ang inyong sinira at hindi kayang ayusin ang mismong layunin ng pagbabayad-sala ni Cristo. Kapag matatag ang inyong hangarin at handa kayong bayaran ang ‘katapustapusang beles’ [tingnan sa Mateo 5:25–26], ang batas ng pagsasauli ay hindi na ipinatutupad. Ang inyong obligasyon ay nalilipat sa Panginoon. Siya ang mag-aayos ng inyong mga obligasyon” (“The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign,, Nob. 1995, 19–20). Tiniyak ko sa kanya na mahal siya ng Tagapagligtas. Hindi lamang inalis ng Panginoon ang kasalanan sa kanya, pinalakas at dinalisay Niya ang kanyang espiritu. (Tingnan sa Neil L. Andersen, The Divine Gift of Forgiveness, 154–56.)

  13. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Protektahan ang mga Bata,” Liahona, Nob. 2012, 43–46.

  14. Ang pagprotekta sa mga buhay ng anak na babae o anak na lalaki ng Diyos ay tungkulin din ng ama. Ang bawat ama ay mayroong emosyonal, espirituwal, at pinansyal na responsibilidad sa pagtanggap, pagmamahal, at pag-aalaga sa batang darating sa mundo.

  15. Personal na liham.

  16. Marcos 9:36–37.

  17. Tingnan sa Neil L. Andersen, “A Compensatory Spiritual Power for the Righteous” (Brigham Young University devotional, Ago. 18, 2015), speeches.byu.edu.

  18. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,Ensign, Nob. 1993, 75; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Choices,Ensign, Nob. 1990, 75.

  19. Tingnan sa “Bishop Caussé Thanks UNICEF and Church Members for COVID-19 Relief,” Newsroom, Mar. 5, 2021, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  20. Halimbawa, kung pananatilihin ng Estados Unidos ang bilis ng pag-aanak noong 2008, na 13 taon lang ang nakalipas, magkakaroon ng 5.8 milyon pang mga bata na mabubuhay ngayon (tingnan sa Lyman Stone,“5.8 Million Fewer Babies: America’s Lost Decade in Fertility,” Institute for Family Studies, Peb. 3, 2021, ifstudies.org/blog).

  21. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na ang “mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula” (Mga Awit 127:3). Tingnan sa Russell M. Nelson, “Saligan Nati’y Kaytibay,” Liahona, Hulyo 2002; tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano,Liahona, Nob. 2018.

  22. Tingnan sa Neil L. Andersen, “Mga AnakLiahona, Nob. 2011, 28.

  23. Personal na liham, Mar. 10, 2021.

  24. 3 Nephi 17:21, 24.

  25. “Sa katunayan, lahat tayo’y manlalakbay—mga manunuklas ng mortalidad. Wala pa tayong nakaraang pansariling karanasan na mapapakinabangan natin. Kailangan nating malampasan ang matatarik na bangin at maaalong tubig sa paglalakbay natin dito sa lupa” (Thomas S. Monson, “Ang Tagapagtayo ng Tulay,” Liahona, Nob. 2003, 67).