Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya.
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako sa pribilehiyong makapagsalita sa inyo ngayong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.1 Ang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang nagpabago sa buhay ng bawat isa sa atin magpakailanman. Mahal natin Siya at mapagpasalamat na sinasamba Siya at ang ating Ama sa Langit.
Sa nakalipas na anim na buwan, patuloy tayong nahirapan dahil sa pandaigdigang pandemya. Namangha ako sa inyong katatagan at espirituwal na lakas sa harap ng karamdaman, kawalan, at pagkakahiwalay. Palagi kong idinarasal na, sa gitna ng lahat ng ito, madama ninyo ang walang-maliw na pagmamahal sa inyo ng Panginoon. Kung hinarap ninyo ang inyong mga pagsubok nang may higit na katatagan bilang disipulo, ang nagdaang taon ay hindi magiging walang kabuluhan.
Sa umagang ito, napakinggan natin ang mga lider ng Simbahan na nagmula sa bawat mataong kontinente ng mundo. Talagang ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay para sa lahat ng lahi, wika, at tao. Ang Simbahan ni Jesucristo ay isang pandaigdigang simbahan. Si Jesucristo ang ating pinuno.
Salamat na lamang at hindi napabagal maging ng pandemya ang pagsulong ng Kanyang katotohanan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang talagang kailangan sa mundong ito na puno ng kalituhan, kaguluhan, at kalumbayan.
Bawat anak ng Diyos ay marapat magkaroon ng pagkakataong marinig at matanggap ang nagpapagaling, at mapantubos na mensahe ni Jesucristo. Wala nang iba pang mensahe ang mas mahalaga para sa ating kaligayahan—ngayon at magpakailanman.2 Wala nang iba pang mensahe ang mas puno ng pag-asa. Wala nang iba pang mensahe ang makapag-aalis ng alitan sa ating lipunan.
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang saligan ng lahat ng paniniwala at paraan sa pagtatamo ng banal na kapangyarihan. Ayon kay Apostol Pablo, “Kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.”3
Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya. Ang tulutan ang Diyos na manaig sa ating buhay ay nagsisimula sa pananampalataya na handa Niya tayong gabayan. Ang tunay na pagsisisi ay nagsisimula sa pananampalataya na may kapangyarihan si Jesucristo na linisin, pagalingin, at palakasin tayo.4
“Huwag ninyong itatatwa ang kapangyarihan ng Diyos,” ang pahayag ng propetang si Moroni, “sapagkat siya ay gumagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan, alinsunod sa pananampalataya ng mga anak ng tao.”5 Ang ating pananampalataya ang nagbubukas sa kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.
At gayunman, tila nakalulula ang manampalataya. Naiisip natin kung minsan kung makakaya ba nating magkaroon ng sapat na pananampalataya upang matanggap ang mga pagpapalang kailangang-kailangan natin. Gayunman, pinawi ng Panginoon ang mga pangambang iyan sa pamamagitan ng mga salita ng propetang si Alma ng Aklat ni Mormon.
Ang hiling lamang ni Alma sa atin ay subukan ang salita at “[gumamit] ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala [tayong] higit na nais kundi ang maniwala.”6 Ang pariralang “bahagyang pananampalataya” ay nagpapaalala sa akin ng pangako ng Panginoon na nasa Biblia na kung “mayroon [tayong] pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa,” magagawa nating “[sabihin] sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito’y lilipat; at sa [atin] ay walang hindi maaaring mangyari.”7
Nauunawaan ng Panginoon ang ating mga kahinaan bilang tao. Tayong lahat ay nagkakamali paminsan-minsan. Ngunit nalalaman din Niya ang tungkol sa ating malaking potensyal. Ang binhi ng mustasa ay maliit sa simula ngunit lumalaking mayabong na puno sapat para makapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito. Ang binhi ng mustasa ay sumasagisag sa isang maliit ngunit lumalaking pananampalataya.8
Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo.
Mahal kong mga kapatid, ang pakiusap ko sa inyo sa umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay ay dagdagan simula sa araw na ito ang inyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay,9 kasinglaki man ng Mount Everest ang inyong mga personal na problema.
Ang inyong mga bundok ay maaaring kalungkutan, pag-aalinlangan, karamdaman, o iba pang mga personal na problema. Magkakaiba ang mga bundok ninyo, ngunit ang sagot sa bawat isa sa inyong mga problema ay dagdagan ang inyong pananampalataya. Nangangailangan iyan ng paggawa. Ang mga tamad na mag-aaral at mga pabayaang disipulo ay palaging mahihirapang magkaroon ng kahit bahagyang pananampalataya.
Ang gawin nang mahusay ang anumang bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi naiiba diyan ang pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya at tiwala sa Kanya ay nangangailangan ng pagsisikap. Magbibigay ako ng limang mungkahi na tutulong sa inyo na magkaroon ng gayong pananampalataya at tiwala.
Una, mag-aral. Maging masigasig na mag-aaral. Ituon ninyo ang sarili sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang mas maunawaan ang misyon at ministeryo ni Cristo. Alamin ang doktrina ni Cristo upang maunawaan ninyo ang kapangyarihan nito sa inyong buhay. Gawing bahagi ng buhay ang katotohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa inyo. Dinala Niya sa Kanyang sarili ang inyong pagdurusa, ang inyong mga pagkakamali, ang inyong kahinaan, at ang inyong mga kasalanan. Siya ang sumagot ng kabayaran [para sa kasalanan] at nagbigay ng kapangyarihan sa inyo na ilipat ang bawat bundok na makakaharap ninyo. Natamo ninyo ang kapangyarihang iyan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, tiwala, at kahandaang sumunod sa Kanya.
Maaaring kailanganin ang himala para mailipat ang inyong mga bundok. Alamin ang tungkol sa mga himala. Ang mga himala ay dumarating ayon sa inyong pananampalataya sa Panginoon. Ang mahalaga sa pananampalatayang iyan ay pagtitiwala sa Kanyang kalooban at panahon—paano at kailan Niya kayo pagkakalooban ng mahimalang tulong na hangad ninyo. Tanging ang kawalang-paniniwala ninyo ang pipigil sa Diyos na biyayaan kayo ng mga himala na malipat ang mga bundok mula sa inyong buhay.10
Mas marami kayong natututuhan tungkol sa Tagapagligtas, mas madaling magtiwala sa Kanyang awa, sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal, at sa Kanyang nagpapalakas, nagpapagaling, at mapantubos na kapangyarihan. Nariyan sa tabi ninyo ang Tagapagligtas lalo na kapag hinaharap o inaakyat ninyo ang isang bundok nang may pananampalataya.
Pangalawa, piliing maniwala kay Jesucristo. Kung may pag-aalinlangan kayo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak o sa katotohanan ng Pagpapanumbalik o pagiging totoo ng banal na pagtawag kay Joseph Smith bilang isang propeta, piliing maniwala11 at manatiling tapat. Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala sa halip na umasang may makikitang kamalian sa buhay ng propeta o hindi pagkakatugma-tugma sa mga banal na kasulatan. Huwag nang patindihin pa ang inyong pag-aalinlangan sa pagsasabi nito sa iba pang mga nagdududa. Tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal.
Pangatlo, kumilos nang may pananampalataya. Ano ang gagawin ninyo kung kayo ay may mas higit na pananampalataya? Pag-isipan ninyo ito. Magsulat tungkol dito. Pagkatapos ay tumanggap ng higit pang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nangangailangan ng higit na pananampalataya.
Pang-apat, tumanggap ng mga sagradong ordenansa nang karapat-dapat. Ang mga ordenansa ang nagbubukas ng kapangyarihan ng Diyos para sa inyong buhay.12
At panglima, humingi ng tulong sa inyong Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo.
Ang pananampalataya ay nangangailangan ng paggawa. Ang pagtanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng paggawa. Ngunit “ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.”13 Alam ng Diyos kung ano ang tutulong sa paglakas ng inyong pananampalataya. Humingi, at pagkatapos ay huminging muli.
Maaaring sabihin ng taong di-naniniwala na ang pananampalataya ay para sa mahihina. Ngunit ang pahayag na ito ay nagbabalewala sa kapangyarihan ng pananampalataya. Magpapatuloy ba ang mga Apostol ng Tagapagligtas na ituro ang Kanyang doktrina pagkatapos ng Kanyang kamatayan, na ikapapahamak ng kanilang buhay, kung nag-alinlangan sila sa Kanya?14 Daranasin kaya nina Joseph at Hyrum Smith ang mamatay na mga martir sa pagtatanggol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon kung wala silang matibay na patotoo na totoo ito? Masasawi kaya ang halos 2,000 Banal sa landas na binagtas ng mga pioneer15 kung wala silang pananampalataya na naipanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo? Tunay ngang ang pananampalataya ang kapangyarihang nagbibigay-kakayahan sa tila mahihina na maisakatuparan ang imposible.
Huwag maliitin ang pananampalataya na taglay na ninyo. Pananampalataya ang kailangan para makasapi sa Simbahan at manatiling tapat. Pananampalataya ang kailangan para masunod ang mga propeta sa halip na ang mga eksperto at popular na opinyon. Pananampalataya ang kailangan para makapagmisyon sa panahon ng pandemya. Pananampalataya ang kailangan para mamuhay nang dalisay kapag isinisigaw ng mundo na makaluma na ang batas ng Diyos sa kalinisang-puri. Pananampalataya ang kailangan para maituro ang ebanghelyo sa mga bata sa isang sekular na mundo. Pananampalataya ang kailangan para makapagsumamo para sa buhay ng mahal ninyo at ng higit pang pananampalataya para matanggap ang nakapanlulumong sagot.
Dalawang taon na ang nakararaan, binisita namin ni Sister Nelson ang Samoa, Tonga, Fiji, at Tahiti. Bawat isa sa mga islang bansang iyon ay nakaranas ng matinding pag-ulan nang ilang araw. Ang mga miyembro ay nag-ayuno at nagdasal na maprotektahan sa ulan ang kanilang mga miting sa labas.
Sa Samoa, Fiji, at Tahiti, nagsisimula pa lamang ang mga miting ay huminto na ang ulan. Ngunit sa Tonga, hindi huminto ang ulan. Gayunman, 13,000 tapat na mga Banal ang dumating nang maaga para makaupo, na matiyagang naghintay habang patuloy ang malakas na pag-ulan, at naroon hanggang matapos ang dalawang oras na miting.
Nakita namin ang matibay na pananampalataya ng bawat isa sa mga taga-islang iyon—pananampalatayang sapat para huminto ang ulan at pananampalataya para makapagtiis nang hindi huminto ang ulan.
Ang mga bundok sa ating buhay ay hindi palaging naililipat sa paraan at panahong gusto natin. Ngunit palagi tayong hihikayatin ng ating pananampalataya na sumulong. Pinag-iibayo palagi ng pananampalataya ang pagtatamo natin ng banal na kapangyarihan.
Mangyaring unawain ito: kung mabigo ang lahat ng bagay at ang sinuman sa mundong ito na pinagkakatiwalaan ninyo, hindi kayo kailanman bibiguin ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan. Ang Panginoon ay hindi naiidlip, ni natutulog man.16 Siya “ay siya rin kahapon, ngayon, at [bukas].”17 Hindi Siya tatalikod sa Kanyang mga tipan,18 sa Kanyang mga pangako, o sa Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga tao. Siya ay gumagawa ng mga himala ngayon, at Siya ay gagawa ng mga himala bukas.19
Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya.20
Ang inyong lumalaking pananampalataya sa Kanya ay makapagpapalipat ng mga bundok—hindi ng mga bundok ng bato na nagpapaganda sa mundo kundi ang mga bundok ng kapighatian sa inyong buhay. Ang inyong lumalagong pananampalataya ay tutulong sa inyo na magawang walang kapantay na pag-unlad at oportunidad ang mga pagsubok.
Sa Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, nang may matinding pagmamahal at pasasalamat, ipinahahayag ko ang aking patotoo na si Jesucristo ay tunay ngang nagbangon. Siya ay nagbangon upang pamunuan ang Kanyang Simbahan. Siya ay nagbangon upang pagpalain ang buhay ng lahat ng anak ng Diyos, saanman sila naroon. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, malilipat natin ang mga bundok sa ating buhay. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.