Mga Kaharian ng Kaluwalhatian
Mayroon tayong mapagmahal na Ama sa Langit na tinitiyak na matatanggap natin ang lahat ng pagpapala at lahat ng kapakinabangan ayon sa ating mga hangarin at pagpili.
Madalas na itinatanong sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, “Paano naiiba ang inyong simbahan sa iba pang mga simbahang Kristiyano?” Kabilang sa mga isinasagot natin ay ang kabuuan ng doktrina ni Jesucristo. Pinakamahalaga sa doktrinang iyan ang katotohanan na lubos na minamahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak kaya nais Niyang mamuhay tayong lahat sa isang kaharian ng kaluwalhatian magpakailanman. Bukod pa riyan, nais Niyang mamuhay tayo na kasama Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang plano ay nagbibigay sa atin ng mga turo at pagkakataong pumili upang matiyak na makakamtan natin ang tadhana at buhay na pinili natin.
I.
Mula sa makabagong paghahayag nalaman natin na ang pinakahuling tadhana ng lahat ng nabubuhay sa mundo ay hindi lamang ang pagpunta sa langit para sa mabubuti at ang walang hanggang pagdurusa sa impiyerno para sa masasama. Kabilang sa plano ng mapagmahal na Diyos para sa Kanyang mga anak ang katotohanang ito na itinuro ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan.”1
Itinuturo ng inihayag na doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na lahat ng anak ng Diyos—maliban sa iilan na hindi ko na babanggitin pa rito—ay magmamana sa huli ng isa sa mga kaharian ng kaluwalhatian, maging ang pinakamababa sa mga ito ay “walang maaaring makaunawa.”2 Pagkaraan ng mga panahon ng pagdurusa ng mga suwail para sa kanilang mga kasalanan, kung aling pagdurusa ay maghahanda sa kanila para sa susunod na mangyayari, ang lahat ay mabubuhay na mag-uli at haharap sa Huling Paghuhukom ng Panginoong Jesucristo. Doon, ayon sa itinuro sa atin, ang ating mapagmahal na Tagapagligtas, na “lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay,”3 ay ipadadala ang lahat ng anak ng Diyos sa isa sa mga kahariang ito ng kaluwalhatian batay sa mga hangaring naipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga pagpili.
Ang isa pang natatanging doktrina at gawain ng ipinanumbalik na Simbahan ay ang inihayag na mga kautusan at tipan na nagbibigay sa lahat ng anak ng Diyos ng sagradong pribilehiyo na maging karapat-dapat sa pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal. Ang pinakamataas na destinasyong iyan—kadakilaan sa kahariang selestiyal—ang pinagtutuunan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Mula sa makabagong paghahayag, may natatanging pagkaunawa ang mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ang planong iyan ay nagsimula sa ating buhay bilang mga espiritu bago tayo isinilang, at inihahayag nito ang layunin at mga kalagayan ng ating piniling buhay sa mortalidad at sa nais nating kahantungan pagkatapos ng buhay na ito.
II.
Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na “lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay”4 at ang kaharian ng kaluwalhatian na matatanggap natin sa Huling Paghuhukom ay batay sa mga batas na pinili nating sundin sa ating mortal na buhay. Sa ilalim ng mapagmahal na planong iyan, maraming kaharian—maraming mansiyon—upang lahat ng anak ng Diyos ay makapagmana ng isang kaharian ng kaluwalhatian kung saan ang mga batas nito ay kaya nilang “masunod.”
Kapag inilalarawan natin ang katangian at mga kinakailangan sa bawat isa sa tatlong kaharian sa plano ng Ama, nagsisimula tayo sa pinakamataas, na siyang pinagtutuunan ng mga sagradong kautusan at ordenansa na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa kaluwalhatiang “selestiyal”5 may tatlong antas,6 kung saan ang pinakamataas ay kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ito ang tirahan ng mga yaong “nakatanggap ng kanyang kaganapan, at ng kanyang kaluwalhatian,” kaya nga, “sila ay mga diyos, maging ang mga anak na lalaki [at babae] ng Diyos”7 at “mananahan sa kinaroroonan ng Diyos at ng kanyang Cristo magpakailanman at walang katapusan.”8 Sa pamamagitan ng paghahayag, inihayag ng Diyos ang mga walang hanggang batas, ordenansa, at tipan na kailangang sundin upang magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Diyos na kailangan upang matamo ang banal na potensyal na ito. Pinagtutuunan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga ito dahil ang layunin ng ipinanumbalik na Simbahang ito ay ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kaligtasan sa kahariang selestiyal at, lalo na, para sa kadakilaan sa pinakamataas na antas nito.
Hinihingi sa plano ng Diyos, na nakasalig sa walang hanggang katotohanan, na ang kadakilaan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng katapatan sa mga tipan ng walang-hanggang kasal ng isang lalaki at ng isang babae sa banal na templo,9 isang kasal na makakamtan sa huli ng lahat ng matatapat. Kaya nga itinuturo natin na “ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan.”10
Ang isang natatangi at mahalagang turo na makatutulong sa atin na maghanda para sa kadakilaan ay ang paghahayag sa pamilya na ibinigay noong 1995.11 Nilinaw sa mga pahayag nito ang mga kinakailangan na maghahanda sa atin na mamuhay sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang mga hindi lubusang nakauunawa sa plano ng mapagmahal na Ama para sa Kanyang mga anak ay maaaring ituring ang pagpapahayag na ito sa pamilya na isang patakaran na maaaring baguhin. Kabaliktaran ng paniniwalang ito, pinagtitibay namin na ang pagpapahayag sa pamilya, na nakabatay sa hindi mababagong doktrina, ay naglalarawan sa uri ng mga ugnayan ng pamilya kung saan nangyayari ang pinakamahalagang bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad.
Inilarawan ni Apostol Pablo ang tatlong antas ng kaluwalhatian, inihalintulad niya ang mga ito sa kaluwalhatian ng araw, buwan, at mga bituin.12 Pinangalanan Niya ang pinakamataas bilang “selestiyal” at ang pangalawa ay “terestriyal.”13 Hindi niya pinangalanan ang pinakamababa, ngunit sa paghahayag kay Joseph Smith, ang pangalan nito ay “telestiyal.”14 Inilarawan din ng isa pang paghahayag ang katangian ng mga tao na mapupunta sa bawat kaluwalhatiang iyan. Ang mga taong hindi pinili “na [sumunod] sa batas ng isang kahariang selestiyal”15 ay magmamana ng ibang kaharian ng kaluwalhatian, mas mababa kaysa sa selestiyal ngunit angkop sa mga batas na kanilang pinili at kaya nilang “sundin.” Ang salitang sumunod, ayon sa paggamit ng mga banal na kasulatan, ay maaari ding mangahulugang manatili.16 Halimbawa, ang mga nasa kahariang terestriyal—kumpara sa karaniwang ideya tungkol sa langit—“[ay] ang mga yaong tumanggap sa Anak, subalit hindi ng kaganapan ng Ama.”17 Sila ang mga “mararangal na tao sa lupa, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao,”18 ngunit “hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.”19
Ang inihayag na paglalarawan para sa mga yaong mapupunta sa pinakamababang kaharian ng kaluwalhatian, ang telestiyal, ay sila na “hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang terestriyal.”20 Inilalarawan niyan ang mga taong hindi tumanggap sa Tagapagligtas at hindi iniayon ang pag-uugali sa limitasyong itinakda ng Diyos. Sa kahariang ito mananatili ang masasama, matapos nilang pagdusahan ang kanilang mga kasalanan. Inilarawan sila sa makabagong paghahayag bilang “sila [na] hindi tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo, ni ng patotoo ni Jesus. …
“Sila ang mga yaong sinungaling, at mga manggagaway, at mga nakikiapid, at mga patutot, at sinumang nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan.”21
Tungkol sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian, sa kanyang pangitain bilang propeta, isinulat ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan: “Ang mortal na buhay ay wala pa sa isang kisapmata kumpara sa kawalang-hanggan. Ngunit napakahalaga ng kisapmatang iyon! Pag-isipan ito nang mabuti: Sa buhay na ito maaari ninyong piliin kung aling mga utos ang susundin ninyo—yaong sa kahariang selestiyal, o sa terestriyal, o sa telestiyal—at, samakatuwid, kung saang kaharian ng kaluwalhatian kayo mamumuhay magpakailanman. Napakaganda ng plano! Ito ay isang plano na iginagalang nang lubos ang inyong kalayaang pumili.”22
III.
Itinuro ni Apostol Pablo na ibinigay ang mga turo at mga kautusan ng Panginoon upang matamo nating lahat ang “sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.”23 Ang prosesong iyan ay nangangailangan ng higit pa sa pagtatamo ng kaalaman. Hindi magiging sapat na maniwala lang sa ebanghelyo; dapat tayong kumilos upang tayo ay mapabalik-loob nito. Kumpara sa ibang turo, na nagsasabi sa atin na matuto ng isang bagay, hinihikayat tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na maging isang tao [na katulad ni Jesucristo].
Mula sa turong iyan, masasabi natin na ang Huling Paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ginawa natin. Ito ay batay sa huling epekto ng mga ginawa at inisip natin—kung ano ang naging tayo. Nagiging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng proseso ng pagbabalik-loob. Tulad ng pagkagamit dito, ang salitang ito na maraming kahulugan ay tumutukoy sa malaking pagbabago ng pag-uugali. Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. Ang mga kautusan, ordenansa, at tipan ng ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga depositong kailangang ilagak sa bangko ng langit. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang plano na nagpapakita kung paano tayo magiging tulad ng ninanais ng ating Ama sa Langit.24
IV.
Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, kapag nagkasala tayo sa buhay na ito, maaari tayong magsisi at muling tumahak sa landas ng tipan na humahantong sa nais ng ating Ama sa Langit para sa atin.
Itinuro sa Aklat ni Mormon na “ang buhay na ito ang panahon para sa [atin] na maghanda sa pagharap sa Diyos.”25 Ngunit ang mahirap na limitasyong iyon sa “buhay na ito” ay binigyan ng pag-asa (kahit paano para sa ilang tao) ng inihayag ng Panginoon kay Pangulong Joseph F. Smith, na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 138. “Aking namalas,” isinulat ng propeta, “na ang matatapat na elder ng dispensasyong ito, kapag sila ay lumisan mula sa buhay na ito, ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga gawain sa pangangaral ng ebanghelyo ng pagsisisi at pagtubos, sa pamamagitan ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Diyos, sa mga yaong nasa kadiliman at nasa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan sa malawak na daigdig ng mga espiritu ng mga patay.
“Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,
“At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.”26
Bukod pa rito, alam natin na ang Milenyo, ang isanlibong taon na kasunod ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, ay magiging panahon upang isagawa ang mga kinakailangang ordenansa para sa mga taong hindi pa natanggap ang mga ito sa kanilang mortal na buhay.27
Marami tayong hindi alam tungkol sa tatlong mahalagang panahon sa plano ng kaligtasan at kung paano sila nauugnay sa isa’t isa: (1) ang premortal na daigdig ng mga espiritu, (2) mortalidad, at (3) ang kabilang buhay. Ngunit alam natin ang mga walang hanggang katotohanang ito: “Ang kaligtasan ay responsibilidad ng bawat indibiduwal, ngunit ang kadakilaan ay responsibilidad ng pamilya.”28 Mayroon tayong mapagmahal na Ama sa Langit na tinitiyak na matatanggap natin ang lahat ng pagpapala at lahat ng kapakinabangan ayon sa ating mga hangarin at pagpili. Alam din natin na hindi Niya pipilitin ang sinuman na mabuklod nang labag sa kalooban nito. Ang mga pagpapala sa ugnayang nabuklod ay tiyak sa lahat ng tumutupad sa kanilang mga tipan ngunit hindi kailanman sa napilitang mabuklod sa isang tao na hindi karapat-dapat o ayaw nito.
Mga minamahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko ang katotohanan ng mga bagay na ito. Pinatototohanan ko ang ating Panginoong Jesucristo, “na siyang may akda at tagatapos ng ating pananampalataya,”29 na ang Pagbabayad-sala, sa ilalim ng plano ng ating Ama sa Langit, ay ginawang posible ang lahat, sa pangalan ni Jesucristo, amen.