Pangkalahatang Kumperensya
Kilala at Mahal Kayo ng Diyos
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


12:36

Kilala at Mahal Kayo ng Diyos

Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ay tungkol sa inyo. Kayo ang Kanyang itinatanging anak at mayroon kayong malaking halaga.

Anim na taon na ang nakararaan, naglakbay ang aming pamilya isang gabi sa labas lamang ng lungsod ng Oxford. Tulad ng laging nangyayari kapag may kasamang mga bata, kinailangan naming huminto, kaya naghanap kami ng gasolinahan na may iba’t ibang tindahan at kainan. Sa maayos na paraan, kami ay bumaba sa sasakyan, naglibot, bumalik sa sasakyan, at nagpatuloy sa aming paglalakbay.

Labinlimang minuto kalaunan, nagtanong ng mahalagang katanungan ang aming pinakamatandang anak na lalaki: “Nasaan po si Jasper?” Mag-isang nakaupo si Jasper sa likod ng sasakyan. Inakala naming nakatulog siya o nagtatago siya o niloloko niya kami.

Nang siyasating mabuti ng kanyang kapatid na lalaki ang likod ng sasakyan, napag-alaman naming wala roon ang aming limang taong gulang na anak. Napuno ng pangamba ang aming mga puso. Habang pabalik kami sa gasolinahan, nagsumamo kami sa Ama sa Langit na maging ligtas si Jasper. Tinawagan namin ang mga pulis at ipinagbigay-alam namin sa kanila ang sitwasyon.

Nang makarating kaming balisa, mahigit 40 minuto kalaunan, may nakita kaming dalawang sasakyan ng pulis sa paradahan, kumikislap ang mga ilaw. Nasa loob ng isa sa mga iyon si Jasper, pinaglalaruan ang mga pindutan. Hindi ko kailanman malilimutan ang kagalakang nadama namin nang makasama namin siyang muli.

Karamihan sa mga matalinghagang turo ng Tagapagligtas ay nakatuon sa pagtitipon, pagbabalik, at pagsisikap na mahanap yaong nakalat o nawala. Kabilang sa mga ito ang mga talinghaga tungkol sa nawalang tupa, nawalang pilak, at alibughang anak.1

Sa pag-alaala ko ng pangyayaring ito tungkol kay Jasper sa paglipas ng mga taon, napagnilayan ko ang banal na pagkakakilanlan at kahalagahan ng mga anak ng Diyos, ang nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo, at ang sakdal na pagmamahal ng Ama sa Langit, na nakakikilala sa inyo at sa akin. Nais kong magbigay ng saksi tungkol sa mga katotohanang ito ngayong araw.

I. Mga Anak ng Diyos

Ang buhay ay puno ng hamon. Maraming taong nakadarama ng panghihina, pag-iisa, pagkakahiwalay, o pagkapagod. Kapag mahirap ang mga bagay-bagay, maaaring madama natin na tayo ay naligaw ng landas o napag-iwanan na. Ang kaalaman na tayong lahat ay mga anak ng Diyos at mga miyembro ng Kanyang walang hanggang pamilya ay muling magbibigay sa atin ng diwa ng pagiging kabilang at layunin.2

Ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard: “Mayroong isang mahalagang pagkakakilanlan na taglay nating lahat ngayon at magpakailanman. … Iyon ay na ngayon at noon pa man, tayo ay isang anak na lalaki o babae ng Diyos. … Ang pag-unawa sa katotohanang ito—talagang pag-unawa rito at pagtanggap dito—ay nagpapabago ng buhay.”3

Huwag magkamali sa pag-unawa o maliitin kung gaano kayo kahalaga sa inyong Ama sa Langit. Hindi kayo aksidenteng produkto ng kalikasan, putok sa buho, o materyal na nagkataong humantong sa ganito sa paglipas ng panahon. Kapag mayroong nilikha, mayroong lumikha.

Ang inyong buhay ay mayroong kabuluhan at layunin. Ang patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahatid ng espirituwal na kaalaman at pag-unawa tungkol sa inyong banal na pagkakakilanlan. Kayo ay minamahal na anak ng Ama sa Langit. Kayo ang paksang tinutukoy sa lahat ng mga talinghaga at turo na iyon. Mahal na mahal kayo ng Diyos kaya ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang pagalingin, iligtas, at tubusin kayo.4

Nakita ni Jesucristo ang banal na katangian at walang hanggang halaga ng bawat tao.5 Ipinaliwanag Niya kung paanong ang dalawang dakilang utos na ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa ang saligan ng lahat ng utos ng Diyos.6 Ang isa sa ating mga banal na responsibilidad ay pangalagaan ang mga nangangailangan.7 Kaya nga bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay “[nagpapasan] ng pasanin ng isa’t isa, … [nakikidalamhati] sa mga yaong nagdadalamhati … , at [nang-aaliw sa] yaong mga nangangailangan ng aliw.”8

Ang relihiyon ay hindi lamang tungkol sa ating relasyon sa Diyos; ito ay tungkol din sa ating relasyon sa isa’t isa. Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland na ang salitang Ingles na religion ay mula sa Latin na religare, na nangangahulugang “itali” o, mas literal, “muling itali.” Samakatwid, “ang tunay na relihiyon [ang] tali na nagbibigkis sa atin sa Diyos at sa isa’t isa.”9

Mahalaga talaga kung paano natin tratuhin ang isa’t isa. Turo ni Pangulong Russell M. Nelson, “Malinaw ang mensahe ng Tagapagligtas: Ang Kanyang tunay na mga disipulo ay nagpapatatag, nagpapasigla, naghihikayat, at nagbibigay-inspirasyon.”10 Higit pa itong mas mahalaga kapag nadarama ng ating mga kapwa manlalakbay na sila ay nawawala, mag-isa, kinalimutan, o tinanggal.

Hindi natin kailangang tumingin sa malayo upang mahanap ang mga taong nahihirapan. Maaari tayong magsimula sa pagtulong sa isang tao sa ating sariling pamilya, kongregasyon, o lokal na komunidad. Maaari rin nating hangarin na pawiin ang paghihirap ng 700 milyong katao na namumuhay sa labis na karalitaan11 o ng 100 milyong katao na puwersahang napaalis dahil sa pang-uusig, tunggalian, at karahasang nagmumula sa pagkamuhi sa isang partikular na identidad.12 Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pangangalaga sa yaong mga nangangailangan—sa nagugutom, estranghero, may sakit, maralita, at nakabilanggo. Ang Kanyang gawain ay ating gawain.

Itinuturo ni Elder Gerrit W. Gong na “kadalasan ay natatagpuan natin ang ating daan pabalik sa Diyos nang magkakasama.”13 Samakatwid, ang ating mga ward ay dapat maging kanlungan para sa lahat ng anak ng Diyos. Tayo ba ay basta-basta lamang dumadalo sa simbahan o aktibong lumilikha ng mga komunidad na ang layunin ay sumamba, alalahanin si Cristo, at mag-minister sa isa’t isa?14 Maaari nating pakinggan ang payo ni Pangulong Nelson na iwasang manghusga, mas magmahal, at ipaabot ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo sa pamamagitan ng ating mga salita at kilos.15

II. Ang Nakatutubos na Kapangyarihan ni Jesucristo

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.16 Ang salitang pagbabayad-sala ay naglalarawan ng “pakikipagkaisa” ng yaong mga nawalay o nahiwalay.

Ang misyon ng ating Tagapagligtas ay maglaan kapwa ng paraan upang makabalik sa Ama sa Langit at ng kaginhawaan sa paglalakbay. Alam ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang karanasan kung paano tayo susuportahan sa mga hamon ng buhay.17 Tandaan: si Jesucristo ang ating tagapagligtas at ang manggagamot ng ating mga kaluluwa.

Kapag nanampalataya tayo, tutulungan Niya tayong sumulong sa mga paghihirap. Patuloy niyang iniaabot ang Kanyang mapagmahal at maawaing paanyaya:

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; … at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.”18

Ang talinghaga ng pamatok ay makapangyarihan. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Howard W. Hunter: “Ang pamatok ay isang kasangkapan … na binibigyang-daan ang lakas ng pangalawang hayop na maiugnay at maidagdag sa pagsisikap ng isang hayop, humahati at bumabawas sa bigat ng [trabaho na kailangang gawin]. Ang isang pasanin na napakabigat o marahil ay imposibleng kayanin ng isa ay maaaring paghatian at komportableng pasanin ng dalawang magkasama sa isang pamatok.”19

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Lumalapit kayo kay Cristo upang makipamatok sa Kanya at sa Kanyang kapangyarihan, upang hindi kayo mag-isang humila sa pasanin ng buhay. Hinihila ninyo ang pasanin ng buhay na nakapamatok sa Tagapagligtas at Manunubos ng mundo.”20

Paano tayo makikipamatok o makikibigkis ng ating mga sarili sa Tagapagligtas? Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar:

“Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo. Ibig sabihin, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na umasa at makipagtulungan sa Kanya. …

“Hindi tayo nag-iisa at hindi natin kailangang mag-isa kailanman.”21

Sa sinumang nabibigatan, nawawala, naguguluhan: Hindi ninyo ito kailangang gawin nang mag-isa.22 Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo at ng Kanyang mga ordenansa, maaari kayong makipamatok o makibigkis sa Kanya. Mapagmahal niyang ibibigay ang kalakasan at paggaling na kailangan ninyo upang madaig ang mga hamong darating. Siya pa rin ang kanlungan sa ating mga unos.23

III. Pagmamahal ng Ama sa Langit

Bilang paglilinaw, si Jasper ay palabiro, mapagmahal, matalino, at makulit. Ngunit ang pinakamahalagang bahagi ng kuwentong ito ay akin siya. Siya ay aking anak, at mahal ko siya higit pa sa malalaman niya magpakailanman. Kung ganito ang nadarama ng isang di-perpektong ama sa lupa tungkol sa kanyang anak, kaya ba ninyong isipin kung ano ang nadarama ng isang perpekto, niluwalhati, at mapagmahal na Ama sa Langit tungkol sa inyo?

Sa aking mga minamahal na kaibigan mula sa bagong salinlahi, Gen Z at Gen Alpha: Mangyaring alamin na ang pananampalataya ay nangangailangan ng gawa.24 Nabubuhay tayo sa panahon kung kailan, para sa marami, “kailangan munang makita bago maniwala.” Ang pananampalataya ay maaaring maging mahirap at mangailangan ng mga pagpili. Ngunit ang mga panalangin ay sinasagot.25 At ang mga sagot ay maaaring madama.26 Ang ilan sa pinakatunay na bagay sa buhay ay hindi nakikita; ang mga ito ay nadarama, nalalaman, at nararanasan. Ang mga ito ay totoo rin.

Nais ni Jesucristo na malaman ninyo at magkaroon kayo ng relasyon sa inyong Ama sa Langit.27 Itinuro Niya, “Sino sa inyo, na may anak na nasa labas at nagwiwikang, Ama, buksan ninyo ang inyong bahay upang ako ay makapasok at makakain kasama ninyo, ang hindi magwiwikang, Pumasok ka, anak ko; sapagkat ang akin ay iyo, at ang iyo ay akin?”28 May naiisip ba kayong mas personal at mapagmahal na paglalarawan sa Diyos na Amang Walang Hanggan?

Kayo ay Kanyang anak. Kung nadarama ninyo na kayo ay nawawala, kung kayo ay mayroong mga tanong o kulang sa karunungan, kung kayo ay nakikibaka sa inyong mga pinagdadaanan o nahihirapan sa mga espirituwal na alituntuning tila taliwas sa inyong sariling kaisipan at pang-unawa, bumaling sa Kanya. Manalangin sa Kanya para sa kaginhawaan, pagmamahal, mga sagot, at direksyon. Anuman ang pangangailangan o nasaan man kayo, ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Para sa ilan, maaaring naisin ninyong sundin ang paanyaya ni Pangulong Nelson at tanungin “kung naroroon Siya talaga—kung nakikilala Niya kayo. Tanungin Siya kung ano ang nadarama Niya para sa inyo. At pagkatapos ay makinig.”29

Mahal kong mga kapatid:

  • Kilalanin ang inyong Ama sa Langit. Siya ay perpekto at mapagmahal.

  • Alamin kung sino si Jesucristo.30 Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ibigkis ang inyong sarili at ang mga mahal ninyo sa Kanya.

  • At alamin kung sino kayo. Alamin ang inyong tunay na banal na pagkakakilanlan. Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ay tungkol sa inyo. Kayo ang Kanyang itinatanging anak at mayroon kayong malaking halaga. Kilala at mahal Niya kayo.

Ang mga simple ngunit pangunahing katotohanang ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Lucas 15:4–32.

  2. Tingnan sa Preach My Gospel: A Guide to Sharing the Gospel of Jesus Christ (2023), 1.

  3. M. Russell Ballard, “Children of Heavenly Father” (debosyonal sa Brigham Young University, Mar. 3, 2020), 2, speeches.byu.edu.

  4. Tingnan sa Juan 3:16; Mosias 15:1; 3 Nephi 17:6–10.

  5. Tingnan sa Preach My Gospel, kabanata 3.

  6. Tingnan sa Mateo 22:36–40.

  7. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2, Gospel Library.

  8. Mosias 18:8, 9.

  9. Jeffrey R. Holland, “Religion: Bound by Loving Ties” (debosyonal sa Brigham Young University, Ago. 16, 2016), speeches.byu.edu.

  10. Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 99.

  11. “Ang bilang ng mga taong natutukoy bilang labis na maralita ay umangat ng 70 milyon kung kaya’t mahigit 700 milyong katao na ang nasa ganitong antas ng karalitaan” (“Poverty,” Nob. 30, 2022, World Bank, worldbank.org).

  12. “Mahigit 100 milyong katao ang sapilitang pinaalis sa kanilang lugar” (“Refugee Data Finder,” Mayo 23, 2022, United Nations High Commissioner for Refugees, unhcr.org).

  13. Gerrit W. Gong, “Silid sa Bahay-Tuluyan,” Liahona, Mayo 2021, 25.

  14. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 1.3.7, Gospel Library.

  15. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” 98–101.

  16. Tingnan sa Juan 3:16.

  17. Tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 122:8.

  18. Mateo 11:28–29.

  19. Howard W. Hunter, “Come unto Me,” Ensign, Nob. 1990, 18.

  20. The Mission and Ministry of the Savior: A Discussion with Elder Russell M. Nelson,” Ensign, Hunyo 2005, 18.

  21. David A. Bednar, “Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 88.

  22. Sabi ni Pangulong Camille N. Johnson: “Mga kapatid, hindi ko magagawang kumilos nang mag-isa, at hindi ko kailangang gawin iyon, at hindi ko gagawin iyon. Sa pagpili na mabigkis sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng mga pakikipagtipan ko sa Diyos, ‘Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo] na nagpapalakas sa akin’ [Filipos 4:13]” (“Si Jesucristo ay Kaginhawahan,” Liahona, Mayo 2023, 82).

  23. Tingnan sa Mga Awit 62:6–8.

  24. Tingnan sa Santiago 2:17.

  25. Tingnan sa Mateo 7:7–8; Santiago 1:5.

  26. “Siya [ang Espiritu Santo] ang Mang-aaliw (Juan 14:26). Tulad ng magiliw na tinig ng isang mapagmahal na magulang na nakapagpapatahan sa isang umiiyak na bata, ang mga bulong ng Espiritu ay nakapagpapapanatag sa ating mga pangamba, nakapagbibigay ng kapayapaan sa gitna ng mga alalahaning lumiligalig sa ating buhay, at nakapaghahatid ng aliw sa atin kapag tayo ay nagdadalamhati. Ang Espiritu Santo ay maaaring magpuno sa atin ‘ng pag-asa at ganap na pag-ibig’ at ‘[magturo] sa [atin] ng mga mapayapang bagay ng kaharian’ (Moroni 8:26; Doktrina at mga Tipan 36:2)” (Topics and Questions, “Holy Ghost,” Gospel Library).

    “Siya [ang Espiritu Santo] ay ‘sumasaksi sa Ama at sa Anak’ (2 Nephi 31:18). Sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Espiritu Santo natin matatanggap ang tiyak na patotoo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

    “Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa katotohanan, at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ay ‘malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay’ (Moroni 10:5)” (“Ang Espiritu Santo ay Sumasaksi sa Katotohanan,” Liahona, Mar. 2010, 14, 15).

    “Subalit kapag dumating na ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 15:26).

  27. Tingnan sa Juan 14:6–7; 17:3.

  28. Joseph Smith Translation, Matthew 7:17 (sa apendiks ng Biblia).

  29. Russell M. Nelson, “Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Liahona, Mayo 2019, 90.

  30. Tingnan sa Marcos 8:27–29.