Pangkalahatang Kumperensya
Walang Hanggang Katotohanan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023


10:40

Walang Hanggang Katotohanan

Ang pangangailangan natin na makilala ang katotohanan ay hindi pa kailanman naging ganito kahalaga!

Mga kapatid, salamat sa inyong katapatan sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at salamat sa inyong pagmamahal at paglilingkod sa isa’t isa. Talagang kahanga-hanga kayo!

Pambungad

Matapos naming matanggap ng aking asawang si Anne ang tawag na maglingkod bilang mga full-time mission leader, nagpasiya ang pamilya namin na alamin ang pangalan ng bawat missionary bago kami dumating sa field. Humingi kami ng mga retrato, gumawa ng mga flash card, at sinimulang tandaan ang mga mukha at isaulo ang mga pangalan.

Pagdating namin, nagkaroon kami ng mga kumperensya para magpakilala sa mga missionary. Habang nakikihalubilo kami, narinig ko ang sinabi ng aming siyam na taong gulang na anak:

“Masaya akong makilala ka, Sam!”

“Rachel, taga-saan ka?”

“Wow, David, ang tangkad mo!”

Nababahala, nilapitan ko ang aming anak at bumulong, “Uy, tandaan nating tawagin ang mga missionary na Elder o Sister.”

Nalilitong tumingin siya sa akin at nagsabing, “Itay, akala ko dapat saulado natin ang mga pangalan nila.” Ginawa ng anak namin ang inakala niyang tama batay sa kanyang pagkaunawa.

Kaya, ano ang pagkaunawa natin sa katotohanan sa mundo ngayon? Palagi tayong inuulan ng matitinding opinyon, pag-uulat na may kinikilingan, at hindi kumpletong datos. Kasabay nito, ang daming pinagmumulan ng impormasyong ito. Ang pangangailangan natin na makilala ang katotohanan ay hindi pa kailanman naging ganito kahalaga!

Mahalaga sa atin ang katotohanan para sa pagbuo at pagpapatibay ng ating ugnayan sa Diyos, magkaroon ng kapayapaan at kagalakan, at maabot ang ating banal na potensyal. Ngayon, pag-isipan natin ang sumusunod na mga tanong:

  • Ano ang katotohanan, at bakit ito mahalaga?

  • Paano natin mahahanap ang katotohanan?

  • Kapag nahanap natin ang katotohanan, paano natin ito maibabahagi?

Ang Katotohanan ay Walang Hanggan

Itinuro sa atin ng Panginoon sa mga banal na kasulatan na “ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24). Ito ay “hindi nilikha o ginawa” (Doktrina at mga Tipan 93:29) at “walang katapusan” (Doktrina at mga Tipan 88:66).1 Ang katotohanan ay tiyak, di-natitinag, at hindi nagbabago. Sa madaling salita, ang katotohanan ay walang hanggan.2

Tinutulungan tayo ng katotohanan na makaiwas sa panlilinlang,3 malaman ang mabuti sa masama,4 makatanggap ng proteksiyon,5 at makadama ng kapanatagan at mapagaling.6 Magagabayan din ng katotohanan ang ating kilos,7 magagawa tayong malaya,8 mapadadalisay tayo,9 at aakayin tayo tungo sa buhay na walang hanggan.10

Naghahayag ang Diyos ng Walang Hanggang Katotohanan

Naghahayag ang Diyos ng walang hanggang katotohanan sa atin sa pamamagitan ng isang proseso na itinatag para sa pagtanggap ng mga paghahayag na kasama mismo ang Diyos, si Jesucristo, ang Espiritu Santo, mga propeta, at tayo. Talakayin natin ang mga natatangi ngunit magkakaugnay na ginagampanan ng bawat indibiduwal sa prosesong ito.

Una, ang Diyos ang pinagmumulan ng walang hanggang katotohanan.11 Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo,12 ay may ganap na pagkaunawa sa katotohanan at palaging kumikilos ayon sa tunay na mga alituntunin at mga batas.13 Sa kapangyarihang ito Sila ay nakalilikha ng mga mundo at napamumunuan Nila ang mga ito14 at minamahal, ginagabayan, at pinangangalagaan tayo sa perpektong paraan.15 Nais Nilang maunawaan natin at maipamuhay natin ang katotohanan para matamasa natin ang mga pagpapalang natatamasa Nila.16 Maibabahagi Nila ang katotohanan nang personal o, ang mas karaniwan, sa pamamagitan ng mga sugo na tulad ng Espiritu Santo, mga anghel, o mga buhay na propeta.

Pangalawa, ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan.17 Direkta Niyang inihahayag sa atin ang mga katotohanan at nagpapatotoo rin sa mga katotohanang itinuturo ng iba. Ang mga impresyon mula sa Espiritu ay mga ideya na pumapasok sa ating isipan at nadarama sa ating puso.18

Pangatlo, natatanggap ng mga propeta ang katotohanan mula sa Diyos at ibinabahagi iyon sa atin.19 Nalalaman natin ang katotohanan mula sa mga propeta noon sa mga banal na kasulatan20 at mula sa mga buhay na propeta sa pangkalahatang kumperensya at sa iba pang opisyal na mga paraan.

Panghuli, kayo at ako ay may mahalagang ginagampanan sa prosesong ito. Umaasa ang Diyos na hahanapin, kikilalanin, at kikilos tayo ayon sa katotohanan. Ang kakayahan nating matanggap at maipamuhay ang katotohanan ay depende sa lakas ng ating kaugnayan sa Ama at sa Anak, sa pagtugon natin sa impluwensya ng Espiritu Santo, at pag-ayon natin sa mga propeta sa mga huling araw.

Kailangan nating tandaan na kumikilos si Satanas para ilayo tayo sa katotohanan. Alam niya na kung walang katotohanan, hindi tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Inihahalo niya ang mga katotohanan sa makamundong mga pilosopiya para lituhin at gambalain tayo sa nais iparating ng Diyos.21

Paghahanap, Pagkilala, at Pagsasabuhay ng Walang Hanggang Katotohanan

Sa paghahanap natin ng walang hanggang katotohanan,22 ang dalawang tanong na ito ay makatutulong na makilala natin kung ang konsepto ay mula sa Diyos o sa iba:

  • Ang itinuro bang konsepto ay nakaayon sa mga banal na kasulatan o sa salita ng mga buhay na propeta?

  • Ang konsepto ba ay pinagtitibay ng patotoo ng Espiritu Santo?

Inihahayag ng Diyos ang mga walang hanggang katotohanan sa pamamagitan ng mga propeta, at pinagtitibay sa atin ng Espiritu Santo ang mga katotohanang iyon at tinutulungan tayong ipamuhay ang mga iyon.23 Kailangan nating hangarin at maging handang tanggapin ang mga espirituwal na impresyong ito kapag dumarating ang mga ito.24 Nadarama natin ang pagpapatotoo ng Espiritu kapag mapagpakumbaba tayo,25 taimtim na nagdarasal at inaaral ang mga salita ng Diyos,26 at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.27

Kapag pinagtitibay sa atin ng Espiritu Santo ang isang katotohanan, lumalalim ang ating pang-unawa kapag isinasagawa natin ang alituntuning iyon. Sa paglipas ng panahon, kapag patuloy nating ipinamumuhay ang alituntunin, nagiging tiyak ang ating kaalaman sa katotohanang iyon.28

Halimbawa, nagkamali ako at nakonsiyensya ako dahil sa mga pagkakamaling iyon. Ngunit sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral, at pananalig kay Jesucristo, nakatanggap ako ng patotoo tungkol sa alituntunin ng pagsisisi.29 Habang patuloy akong nagsisisi, mas lumalim ang pagkaunawa ko tungkol sa pagsisisi. Naramdaman ko na mas napalapit ako sa Diyos at sa Kanyang Anak. Alam ko na ngayon na mapapatawad ang kasalanan sa pamamagitan ni Jesucristo, dahil nararanasan ko ang mga pagpapala ng pagsisisi sa araw-araw.30

Pagtitiwala sa Diyos Kapag Hindi Pa Inihahayag ang Katotohanan

Kaya nga, ano ang dapat nating gawin kapag tapat tayong naghahanap ng katotohanan na hindi pa inihahayag? Nahahabag ako sa mga kasama natin na naghahangad ng mga sagot na tila hindi naman dumarating.

Kay Joseph Smith, ipinayo ng Panginoon, “Manahimik ka muna hanggang sa makita kong nararapat nang ipaalam ang lahat ng bagay … hinggil dito” (Doktrina at mga Tipan 10:37).

At kay Emma Smith, ipinaliwanag Niya, “Huwag bumulung-bulong dahil sa mga bagay na hindi mo nakita, sapagkat ang mga ito ay ipinagkait sa iyo at sa sanlibutan, na karunungan sa akin sa darating na panahon” (Doktrina at mga Tipan 25:4).

Ako man ay naghanap ng mga sagot sa mga bagay na itinanong ko nang taos-puso. Maraming sagot na dumating; ang ilan ay hindi.31 Kapag kumakapit tayo—nagtitiwala sa karunungan at pagmamahal ng Diyos, sumusunod sa Kanyang mga kautusan, at umaasa sa alam natin—tinutulungan Niya tayong magkaroon ng kapayapaan hanggang sa ihayag Niya ang katotohanan ng lahat ng bagay.32

Pag-unawa sa Doktrina at Patakaran

Kapag naghahanap ng katotohanan, makatutulong na maunawaan natin ang pagkakaiba ng doktrina at patakaran. Ang doktrina ay tumutukoy sa mga walang hanggang katotohanan, tulad ng likas na katangian ng Panguluhang Diyos, plano ng kaligtasan, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Ang patakaran ay pagsasabuhay ng doktrina batay sa mga kasalukuyang sitwasyon. Ang mga patakaran ay tumutulong sa atin na pangasiwaan ang Simbahan sa maayos na paraan.

Bagama’t hindi kailanman nagbabago ang doktrina, ang mga patakaran ay paminsan-minsang binabago. Kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta upang itaguyod ang Kanyang doktrina at baguhin ang mga patakaran ng Simbahan ayon sa mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Sa kasamaang-palad, inaakala natin kung minsan na ang patakaran ay doktrina. Kung hindi natin nauunawaan ang pagkakaiba, posibleng madismaya tayo kapag nagbago ang mga patakaran, at maaaring magsimulang pagdudahan ang karunungan ng Diyos o ang tungkulin ng mga propeta sa paghahayag.33

Pagtuturo ng Walang Hanggang Katotohanan

Kapag nakatatanggap tayo ng katotohanan mula sa Diyos, hinihikayat Niya tayong ibahagi ang kaalamang iyon sa iba.34 Ginagawa natin ito kapag nagtuturo tayo sa klase, ginagabayan ang isang bata, o tinatalakay ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa isang kaibigan.

Ang layunin natin ay ituro ang katotohanan sa paraang nag-aanyaya sa nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng Espiritu Santo.35 Magbabahagi ako ng ilang simpleng paanyaya mula sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta na makatutulong.36

  1. Magtuon sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Kanilang pangunahing doktrina.37

  2. Manatiling nakasalig sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta ng mga huling araw.38

  3. Magtiwala sa doktrinang naitatag sa pamamagitan ng maraming saksi na may awtoridad.39

  4. Umiwas sa haka-haka, personal na opinyon, o mga ideya ng mundo.40

  5. Ituro ang isang punto ng doktrina sa konteksto ng kaugnay na mga katotohanan ng ebanghelyo.41

  6. Gamitin ang mga paraan sa pagtuturo na nag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu.42

  7. Magsalita nang malinaw para maiwasan ang maling pagkaunawa.43

Pagsasabi ng Katotohanan nang may Pagmamahal

Napakahalaga kung paano natin itinuturo ang katotohanan. Hinikayat tayo ni Pablo na magsabi “ng katotohanan nang may pagmamahal” (tingnan sa Efeso 4:14–15). Napakalaki ng tsansa na mapagpala ng katotohanan ang iba kapag ipinarating ito nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo.44

Ang katotohanan na itinuro nang walang pagmamahal ay maaaring maging sanhi para makaramdam ng panghuhusga, panghihina-ng-loob, at kalungkutan. Madalas na nauuwi ito sa galit at hindi pagkakasundo—maging sa alitan. Sa kabilang banda, ang pagmamahal na walang katotohanan ay hungkag at kulang sa pangako ng pag-unlad.

Kapwa mahalaga ang katotohanan at pagmamahal sa ating espirituwal na pag-unlad.45 Ang katotohanan ay naglalaan ng doktrina, mga alituntunin, at mga batas na kailangan upang matamo ang buhay na walang hanggan, samantalang ang pagmamahal ay nagdudulot ng motibasyon na kailangan para yakapin at gawin kung ano ang totoo.

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa ibang tao na matiyagang nagturo sa akin ng walang hanggang katotohanan nang may pagmamahal.

Pangwakas

Bilang pagtatapos, hayaang ibahagi ko sa inyo ang mga walang hanggang katotohanan na naging angkla sa aking kaluluwa. Nalaman ko ang mga katotohanang ito sa pagsunod sa mga alituntuning tinalakay ngayon.

Alam ko na ang Diyos ang ating Ama sa Langit.46 Alam Niya ang lahat ng bagay,47 Siya ay makapangyarihan sa lahat,48 at lubos na mapagmahal.49 Gumawa Siya ng plano para makamit natin ang buhay na walang hanggan at maging katulad Niya.50

Bilang bahagi ng planong iyan, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, para tulungan tayo.51 Tinuruan tayo ni Jesus na gawin ang kalooban ng Ama52 at mahalin ang isa’t isa.53 Tinubos Niya ang ating mga kasalanan54 at inialay ang Kanyang buhay sa krus.55 Nagbangon Siya mula sa mga patay makalipas ang tatlong araw.56 Sa pamamagitan ni Cristo at ng Kanyang biyaya, tayo ay muling mabubuhay,57 mapapatawad tayo,58 at magkakaroon ng lakas sa paghihirap.59

Sa Kanyang ministeryo sa lupa, itinatag ni Jesus ang Kanyang Simbahan.60 Sa paglipas ng panahon, binago ang Simbahang iyon, at nawala ang mga katotohanan.61 Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan at ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.62 At ngayon, patuloy na pinamumunuan ni Cristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at apostol.63

Alam ko na kapag lumapit tayo kay Cristo, maaari tayong “maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32), magtamo ng “ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:33), at matanggap ang “lahat na mayroon [ang] Ama” (Doktrina at mga Tipan 84:38). Pinatototohanan ko ang mga walang hanggang katotohanang ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Awit 117:2; Doktrina at mga Tipan 1:39.

  2. “Salungat sa pagdududa ng ilang tao, talagang mayroong tama at mayroong mali. Talagang mayroong hindi nagbabagong katotohanan—ang walang hanggang katotohanan. Ang isa sa mga salot ng ating panahon ay na kakaunti lamang ang may alam kung saan matatagpuan ang katotohanan” (Russell M. Nelson, “Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2021, 6).

  3. Tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:37.

  4. Tingnan sa Moroni 7:19.

  5. Tingnan sa 2 Nephi 1:9; Doktrina at mga Tipan 17:8.

  6. Tingnan sa Jacob 2:8.

  7. Tingnan sa Mga Awit 119:105; 2 Nephi 32:3.

  8. Tingnan sa Juan 8:32; Doktrina at mga Tipan 98:8.

  9. Tingnan sa Juan 7:17.

  10. Tingnan sa 2 Nephi 31:20.

  11. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:11–13; 93:36.

  12. Tingnan sa Juan 5:19–20; 7:16; 8:26; 18:37; Moises 1:6.

  13. Tingnan sa Alma 42:12–26; Doktrina at mga Tipan 88:41.

  14. Tingnan sa Moises 1:30–39.

  15. Tingnan sa 2 Nephi 26:24.

  16. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:8–9.

  17. Tingnan sa Juan 16:13; Jacob 4:13; Moroni 10:5; Doktrina at mga Tipan 50:14; 75:10; 76:12; 91:4; 124:97.

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3.

  19. Tingnan sa Jeremias 1:5, 7; Amos 3:7; Mateo 28:16–20; Moroni 7:31; Doktrina at mga Tipan 1:38; 21:1–6; 43:1–7. Ang propeta ay “isang tao na tinawag ng Diyos at nangungusap para sa Diyos. Bilang sugo ng Diyos, ang isang propeta ay nakatatanggap ng mga kautusan, propesiya at paghahayag mula sa Diyos. Ang kanyang tungkulin ay ipaalam ang kalooban at tunay na katangian ng Diyos sa sangkatauhan at ipamalas ang kahulugan ng Kanyang pakikitungo sa kanila. Binabatikos ng propeta ang kasalanan at inihahayag niya ang mga kahihinatnan nito. Isa siyang tagapangaral ng katwiran. May mga pagkakataon na ang mga propeta ay binibigyang-inspirasyon na ihayag ang mangyayari sa hinaharap para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Ang una niyang tungkulin, gayunman, ay magpatotoo kay Cristo. Ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang propeta ng Diyos sa mundo ngayon. Ang mga kasapi ng Unang Panguluhan at Labindalawang Apostol ay [sinang-ayunan] bilang mga propeta, tagakita, at tagahayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta,” Gospel Library). Ang mga halimbawa ng mga alituntuning ito ay makikita sa buhay nina Adan (tingnan sa Moises 6:51–62), Enoc (tingnan sa Moises 6:26–36), Noe (tingnan sa Moises 8:19, 23–24), Abraham (tingnan sa Genesis 12:1–3; Abraham 2:8–9), Moises (tingnan sa Exodo 3:1–15; Moises 1:1–6, 25–26), Pedro (tingnan sa Mateo 16:13–19), at Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:6–10; 20:2; 21:4–6).

  20. Tingnan sa 2 Timoteo 3:16.

  21. Tingnan sa Juan 8:44; 2 Nephi 2:18; Doktrina at mga Tipan 93:39; Moises 4:4.

  22. Tingnan sa 1 Nephi 10:19. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Kailangan tayong maging maingat kapag naghahanap ng katotohanan [ng Diyos] at [pumili] ng mga sanggunian para sa paghahanap na iyon. Hindi natin dapat [isaalang-alang] ang sekular na kasikatan o awtoridad bilang angkop na sanggunian. … Kapag naghahanap tayo ng katotohanan tungkol sa relihiyon, dapat tayong gumamit ng espirituwal na mga paraan na angkop para sa paghahanap na iyon: panalangin, ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga makabagong propeta” (“Katotohanan at ang Plano,” Liahona, Nob. 2018, 25).

  23. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang mga apostol at propeta … ay nagpapahayag ng salita ng Diyos, ngunit bukod pa rito, naniniwala tayo na karaniwan ay matututo sa at magagabayan ng banal na inspirasyon, ang kalalakihan at kababaihan at maging ang mga bata, bilang sagot sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. … Ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay binibigyan ng kaloob na Espiritu Santo, na nagbibigay-daan sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa kanilang Ama sa Langit. … Hindi ito nangangahulugan na bawat miyembro ay magsasalita para sa Simbahan o maaaring magpaliwanag sa mga doktrina nito kundi bawat isa ay makatatanggap ng banal na patnubay sa pagharap sa mga hamon at oportunidad sa kanyang buhay” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Liahona, Mayo 2012, 89–90, tala 2).

  24. Tingnan sa 2 Nephi 33:1–2.

  25. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:28.

  26. Tingnan sa Moroni 10:3–5; Doktrina at mga Tipan 9:7–9; 84:85.

  27. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:35; 63:23; 93:27–28. Sa kabila ng ating masigasig na pagsisikap, ang ilan sa atin ay maaaring nahihirapan pa ring madama ang Espiritu dahil sa mga hamon sa kalusugan ng isipan. Ang depresyon, anxiety o pagkabalisa, at iba pang mga neurological condition ay maaaring makaragdag sa kahirapang mahiwatigan ang Espiritu Santo. Sa gayong mga sitwasyon, inaanyayahan tayo ng Panginoon na patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo, at pagpapalain Niya tayo (tingnan sa Mosias 2:41). Maaari tayong maghanap ng dagdag na mga aktibidad—tulad ng pakikinig sa sagradong musika, paglilingkod, o pag-uukol ng oras sa kalikasan—na tumutulong sa atin na madama ang mga bunga ng Espiritu (tingnan sa Galacia 5:22–23) at mapatatag ang ating kaugnayan sa Diyos.

    Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Kaya paano kayo pinakamainam na makatutugon kapag kayo o ang mga mahal ninyo sa buhay ay nakararanas ng mental o emosyonal na mga hamon? Higit sa lahat, huwag mawalan ng pananampalataya sa inyong Ama sa Langit, na nagmamahal sa inyo nang higit pa sa kaya ninyong maunawaan. … Tapat na ipagpatuloy ang mabubuting gawain na naghahatid ng Espiritu ng Panginoon sa inyong buhay. Humingi ng payo sa mga mayhawak ng mga susi para sa inyong espirituwal na kapakanan. Humingi ng mga basbas ng priesthood at pahalagahan ito. Makibahagi sa sakramento linggu-linggo, at kumapit nang mahigpit sa nakasasakdal na mga pangako ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maniwala sa mga himala. Nakita ko nang dumating ang napakarami sa mga ito nang ang lahat ay nagpapahiwatig na wala nang pag-asa. Ang pag-asa ay hindi kailanman nawawala” (“Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 40–41).

  28. Tingnan sa Juan 7:17; Alma 32:26–34. Sa huli, nais ng Diyos na matamo natin ang katotohanan nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin,” hanggang sa maunawaan natin ang lahat ng bagay (tingnan sa Mga Kawikaan 28:5; 2 Nephi 28:30; Doktrina at mga Tipan 88:67; 93:28).

  29. Tingnan sa 1 Juan 1:9–10; 2:1–2.

  30. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67).

  31. Hindi ko alam ang lahat ng dahilan kung bakit hindi pa ipinagkakaloob ng Diyos sa atin ang ilang walang hanggang katotohanan, ngunit nagbigay si Elder Orson F. Whitney ng isang nakasisiyang pananaw: “Mapalad ang naniniwala nang walang nakikita, dahil nagmumula sa pagsampalataya ang espirituwal na pag-unlad, na isa sa mga dakilang layunin ng buhay ng tao sa mundo; samantalang ang kaalaman, na lumululon sa pananampalataya, ang humahadlang dito, kung kaya napipigil ang pag-unlad. ‘Ang kaalaman ay kapangyarihan;’ at ang lahat ng bagay ay malalaman sa takdang panahon. Ngunit ang kaalamang wala sa panahon—pagkaalam sa maling panahon—ay mapanganib kapwa sa pag-unlad at kaligayahan” (“The Divinity of Jesus Christ,” Improvement Era, Ene. 1926, 222; tingnan din sa Liahona, Dis. 2003, 14–15).

  32. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:5–10. Pinayuhan din ng Panginoon si Hyrum Smith na “huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita. … Ikaw ay manahimik muna [at] pag-aralan ang aking salita” (Doktrina at mga Tipan 11:21–22). Ang propetang si Alma ay halimbawa ng pagtugon sa mga tanong na hindi nasagot: “Ang mga hiwagang ito ay hindi pa ganap na ipinaalam sa akin; kaya nga, ako ay magpipigil” (Alma 37:11). Ipinaliwanag din niya sa kanyang anak na si Corianton na “maraming hiwaga ang nakatago, [na] walang sinuman ang nakaaalam ng mga ito kundi ang Diyos lamang” (Alma 40:3). Napalakas din ako ng sagot ni Nephi nang may itanong sa kanya na hindi niya masagot: “Alam kong mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).

  33. Tulad din nito, ang mga tradisyon ng kultura ay hindi doktrina o patakaran. Maaaring kapaki-pakinabang ang mga ito kung tutulungan tayo ng mga ito na sundin ang doktrina at patakaran, pero maaari din itong makahadlang sa ating espirituwal na pag-unlad kung ang mga ito ay hindi nakabatay sa mga tunay na alituntunin. Dapat tayong umiwas sa mga tradisyon na hindi nagpapatatag sa ating pananampalataya kay Jesucristo o hindi nakatutulong sa pagsulong natin sa buhay na walang hanggan.

  34. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 15:5; 88:77–78.

  35. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:21–23.

  36. Hinango mula sa dokumento na “Principles for Ensuring Doctrinal Purity,” na inaprubahan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Pebrero 2023.

  37. Tingnan sa 1 Nephi 15:14. Tinagubilinan ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod na umiwas sa pagtutuon sa mga doktrina o konsepto na hindi nakasentro sa Kanyang ebanghelyo: “At ang mga doktrina ay hindi mo tatalakayin, kundi iyong ipahahayag ang pagsisisi at pananampalataya sa Tagapagligtas, at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pagbibinyag, at sa pamamagitan ng apoy, oo, maging ng Espiritu Santo” (Doktrina at mga Tipan 19:31).

    Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen: “Magtuon tayo sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Hindi ito nangangahulugan na hindi tayo maaaring magkuwento ng karanasan mula sa sarili nating buhay o magbahagi ng mga ideya mula sa iba. Bagama’t maaaring tungkol sa mga pamilya o paglilingkod o templo o sa isang bagong misyon ang ating paksa, dapat ay nakatuon ang lahat … sa Panginoong Jesucristo” (“Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 89–90).

  38. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:2–3, 8. Pinayuhan ng propetang si Alma ang mga itinalagang mangaral ng ebanghelyo na “walang dapat ituro maliban sa mga bagay na kanyang itinuro, at kung alin ay sinabi ng bibig ng mga banal na propeta” (Mosias 18:19).

    Ipinahayag ni Pangulong Henry B. Eyring, “Kailangan nating ituro ang mga pangunahing doktrina ng Simbahan na nakapaloob sa mga pamantayang aklat at sa mga turo ng mga propeta, na ang tungkulin ay ipahayag ang doktrina” (“The Lord Will Multiply the Harvest” [isang gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 6, 1998], sa Teaching Seminary: Preservice Readings [2004], 96).

    Nagpatotoo si Elder D. Todd Christofferson na “sa Simbahan ngayon, tulad noon, ang pagbuo ng doktrina ni Cristo o pagwawasto ng mga paglihis sa doktrina ay inihahayag ng langit sa mga taong pinagkalooban ng Panginoon ng karapatan bilang apostol” (“Ang Doktrina ni Cristo,” 86).

  39. Tingnan sa 2 Corinto 13:1; 2 Nephi 11:3; Eter 5:4; Doktrina at mga Tipan 6:28. Sinabi ni Elder Neil L. Andersen: “Pinagdududahan ng ilan ang kanilang pananampalataya kapag nakakakita sila ng pahayag ng isang pinuno ng Simbahan noong araw na tila hindi tugma sa ating doktrina. May mahalagang alituntuning sumasaklaw sa doktrina ng Simbahan. Ang doktrina ay itinuturo ng lahat ng 15 miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Hindi ito nakatago sa malabong talata ng isang mensahe. Ang tunay na mga alituntunin ay itinuturo nang madalas at ng maraming tao. Ang ating doktrina ay hindi mahirap hanapin” (“Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2012, 41).

    Gayundin ang itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Dapat ding alalahanin na hindi lahat ng pahayag ng isang lider ng Simbahan, noon o ngayon, ay doktrina na kaagad. Nauunawaan ng lahat sa Simbahan na ang pahayag ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o may-bisa sa buong Simbahan” (“Ang Doktrina ni Cristo,” 88).

  40. Tingnan sa 3 Nephi 11:32, 40. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Nakapagsalita na ako noon tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatiling dalisay ng doktrina ng Simbahan. … Nag-aalala ako tungkol dito. Ang maliit na paglihis sa mga itinuturong doktrina ay maaaring magdulot ng malalaki at masasamang kabulaanan” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 620).

    Nagbabala si Pangulong Dallin H. Oaks na may ilang “pumipili ng ilang pangungusap mula sa mga turo ng isang propeta at ginagamit ang mga ito upang suportahan ang kanilang agenda sa pulitika o iba pang mga personal na layunin. … Ang baluktutin ang mga salita ng propeta upang suportahan ang pribadong agenda, pulitika o pinansyal, ay pagtatangkang manipulahin ang propeta, hindi upang sundin siya” (“Our Strengths Can Become Our Downfall” [Brigham Young University devotional, Hunyo 7, 1992], 7, speeches.byu.edu).

    Nagbabala si Pangulong Henry B. Eyring: “Nagkakaroon ng kapangyarihan ang doktrina kapag pinatunayan ng Espiritu Santo na ito ay totoo. … Dahil kailangan natin ang Espiritu Santo, dapat tayong mag-ingat na totoong doktrina lamang ang ating [itinuturo]. Ang Espiritu Santo ang Espiritu ng Katotohanan. Dumarating ang Kanyang patunay kapag iniwasan nating magbigay ng haka-haka o sariling interpretasyon. Maaaring mahirap gawin iyan. … Nakatutuksong sumubok ng bago o kamangha-mangha. Ngunit naaanyayahan natin ang Espiritu Santo na samahan tayo kapag maingat nating itinuturo ang totoong doktrina lamang. Isa sa pinakatiyak na mga paraan para maiwasan nating mapalapit man lang sa maling doktrina ay ipasiyang simplihan ang ating pagtuturo. Natatamo ang kaligtasan sa kasimplihang iyan, at halos walang nawawala” (“The Power of Teaching Doctrine,” Liahona, Hulyo 1999, 86).

    Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang paghahangad na mas makaunawa ay mahalagang bahagi ng ating espirituwal na pag-unlad, ngunit maging maingat sana kayo. Hindi mapapalitan ng katwiran ang paghahayag. Ang haka-haka ay hindi hahantong sa mas maraming espirituwal na kaalaman, sa halip maaari tayong malinlang nito o malihis ang ating tuon sa naihayag na” (“Ang Inyong Banal na Katangian at Walang Hanggang Tadhana,” Liahona, Mayo 2022, 70).

  41. Tingnan sa Mateo 23:23. Nagbabala si Pangulong Joseph F. Smith: “Hindi katalinuhan ang kumuha ng bahagyang katotohanan at ituring ito na parang ito na ang buong katotohanan. … Lahat ng inihayag na alituntunin ng ebanghelyo ni Cristo ay kinakailangan at mahalaga sa plano ng kaligtasan.” Paliwanag pa niya: “Hindi mabuting patakaran ni mabuting doktrina ang kunin ang alinman sa mga ito, ibukod ito mula sa buong plano ng katotohanan ng ebanghelyo, gawin itong espesyal na libangan, at umasa rito para sa ating kaligtasan at pag-unlad. … Lahat ng ito ay mahalaga” (Gospel Doctrine, 5th ed. [1939], 122).

    Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell: “Ang mga alituntunin ng ebanghelyo … ay nangangailangan ng sinkronisasyon. Kapag inihiwalay sa isa’t isa o ibinukod, ang mga interpretasyon at implementasyon ng tao sa mga doktrinang ito ay maaaring maging hindi matwid. Ang pagmamahal, kung hindi isasalig sa ikapitong utos, ay maaaring maging makamundo. Ang ikalimang utos na malinaw na binibigyang-diin ang paggalang sa mga magulang, maliban kung isasalig sa unang kautusan, ay maaaring magbunga ng walang pasubaling katapatan sa mga magulang sa halip na sa Diyos. … Kahit ang pasensya o pagtitiyaga ay binabalanse ng ‘[pagtutuwid] sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo’ [Doktrina at mga Tipan 121:43]” (“Behold, the Enemy Is Combined,” Ensign, Mayo 1993, 78–79).

    Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney, “Ang pagsasaliksik [sa mga banal na kasulatan] para sa layuning alamin kung nakaayon ba ang itinuturo ng mga ito sa turo ni Jesus ay malaki ang pagkakaiba sa pagsasaliksik ng mga ito para sa layuning makakita ng mga talata na magagamit sa paglilingkod upang masuportahan ang noon pa’y tinukoy na ibubunga nito” (“Records of Great Worth,” Ensign, Set. 1980, 3).

  42. (Tingnan sa 1 Corinto 2:4; Moroni 6:9.) Binigyang-diin ni Elder Jeffrey R. Holland na kailangang ipahayag ang ebanghelyo ni Jesucristo sa paraang hahantong sa espirituwal na kasiglahan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo: “Wala nang hihigit pa sa payo na mas binigyang-diin ng Panginoon sa Simbahan kaysa sa pangangailangang ituro natin ang ebanghelyo ‘sa pamamagitan ng Espiritu, maging ang Mang-aaliw na isinugo upang magturo ng katotohanan.’ Itinuturo ba natin ang ebanghelyo ‘sa pamamagitan ng Espiritu [Diwa] ng Katotohanan?’ tanong niya. O itinuturo ba natin ito sa ‘ibang paraan? At kung ito ay sa ibang paraan,’ babala Niya, ‘ito ay hindi sa Diyos’ [Doktrina at mga Tipan 50:14, 17–18]. … Hindi matututuhan ang mga bagay na walang hanggan kung wala ang pagpapaunawang iyon ng Espiritu na mula sa langit. … Iyan ang nais ng ating mga miyembro. … Gusto nilang mapatibay ang kanilang pananampalataya at mapanibago ang kanilang pag-asa. Gusto nila, sa madaling salita, na mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, mapalakas ng mga kapangyarihan ng langit” (“A Teacher Come from God,” Ensign, Mayo 1998, 26).

  43. Tingnan sa Alma 13:23. Tinutukoy ang ating Ama sa Langit, nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson, “Siya ay nakikipag-ugnayan nang simple, tahimik, at napakalinaw kaya tiyak na maiintindihan natin Siya” (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89).

  44. Tingnan sa Mga Awit 26:3; Roma 13:10; 1 Corinto 13:1–8; 1 Juan 3:18.

  45. Tingnan sa Mga Awit 40:11.

  46. Tingnan sa Roma 8:16.

  47. Tingnan sa 1 Samuel 2:3; Mateo 6:8; 2 Nephi 2:24; 9:20.

  48. Tingnan sa Genesis 17:1; Jeremias 32:17; 1 Nephi 7:12; Alma 26:35.

  49. Tingnan sa Jeremias 31:3; 1 Juan 4:7–10; Alma 26:37.

  50. Tingnan sa 2 Nephi 9; Doktrina at mga Tipan 20:17–31; Moises 6:52–62.

  51. Tingnan sa Juan 3:16; 1 Juan 4:9–10.

  52. Tingnan sa Juan 8:29; 3 Nephi 27:13.

  53. Tingnan sa Juan 15:12; 1 Juan 3:11.

  54. Tingnan sa Lucas 22:39–46.

  55. Tingnan sa Juan 19:16–30.

  56. Tingnan sa Juan 20:1–18.

  57. Tingnan sa 1 Corinto 15:20–22; Mosias 15:20–24; 16:7–9; Doktrina at mga Tipan 76:16–17.

  58. Tingnan sa Mga Gawa 11:17–18; 1 Timoteo 1:14–16; Alma 34:8–10; Moroni 6:2–3, 8; Doktrina at Tipan 19:13–19.

  59. Tingnan sa Mateo 11:28–30; 2 Corinto 12:7–10; Filipos 4:13; Alma 26:11–13.

  60. Tingnan sa Mateo 16:18–19; Efeso 2:20.

  61. Tingnan sa Mateo 24:24; Mga Gawa 20:28–30.

  62. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:1–4; 21:1–7; 27:12; 110; 135:3; Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–20.

  63. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:14, 38; 43:1–7; 107:91–92.