Maging mga Mapamayapang Tagasunod ni Cristo
Pinatototohanan ko na ang “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” ay makadarama ng personal na kapayapaan sa buhay na ito at ng maluwalhating pagkikitang muli sa langit.
Nabubuhay tayo sa panahon na dumaranas ng iba-ibang hamon ang “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo”1. Ang mga naniniwala, mapagpakumbabang sumasamba, at nagpapatotoo kay Jesucristo ay palaging dumaranas ng mga pagsubok, paghihirap, at kapighatian.2 Naranasan din namin iyan ng asawa kong si Mary. Sa nakaraang ilang taon, nakita namin ang marami sa aming malalapit na kaibigan sa high school at mga kompanyon sa misyon, ilan sa kani-kanilang pinakamamahal na asawa na nagsipanaw na o, tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, lumipat na sa kabilang panig ng tabing. Nakita namin ang ilan na lumaki nang may pananampalataya at paniniwala na lumihis sa landas ng tipan.
Napakalungkot na namatay ang aming apong lalaki na 23 anyos sa malagim na aksidente sa kotse. Ang ilan naming mahal na mga kaibigan, kapamilya, at kasamahan ay dumanas din na malalaking hamon sa kalusugan.
Sa tuwing may mga pagsubok, nagdadalamhati tayo at sinisikap magpasan ng pasanin ng isa’t isa.3 Nanghihinayang tayo sa mga bagay na hindi matutupad at mararanasan.4 Ang masasamang bagay ay nangyayari sa mabubuting tao sa buhay na ito. Ang mapaminsalang sunog sa Maui sa Hawaii, Southern Chile, at Eastern Canada ay halimbawa ng kakila-kilabot na mga nararanasan ng mabubuting tao kung minsan.
Mababasa natin sa Mahalagang Perlas na inihayag ng Panginoon kay Abraham ang walang hanggang katangian ng mga espiritu. Nalaman ni Abraham ang ating buhay bago tayo isinilang sa mundo, pag-oorden noon pa man, Paglikha, pagpili ng Manunubos, at mortalidad na ito, na siyang ikalawang kalagayan ng tao.5 Sinabi ng Manunubos:
“Tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan;
“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”6
Narito tayong lahat ngayon sa ikalawang kalagayan ng ating paglalakbay patungo sa kaharian ng kaluwalhatian bilang bahagi ng dakilang plano ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Biniyayaan tayo ng kalayaang pumili at inaasahang daranas ng mga pagsubok sa mortalidad. Ito ang panahong nakalaan para makapaghanda tayo sa pagharap sa Diyos.7 Mapalad tayong malaman ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang gagampanan sa plano. May pribilehiyo tayong maging mga miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bilang mga mapamayapang tagasunod ni Cristo, nagsisikap tayong sundin ang Kanyang mga kautusan. Kailanma’y hindi naging madali ito para sa Kanyang mga tagasunod. Hindi rin madali para sa Tagapagligtas na matapat na isakatuparan ang Kanyang misyon sa mundo.
Malinaw na sinasabi sa mga banal na kasulatan: marami ang magpapatangay sa pananaw na “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas.”8 Ang iba pang mga hindi naniniwala ay bumabaling sa mga tao na mapagpahalaga sa sarili na katulad nilang mag-isip at mapagtangkilik sa “mga bagong bagay”9 at mga pilosopiya ng tao.10 Hindi nila alam kung saan matatagpuan ang katotohanan.11
Ang mga mapamayapang tagasunod ni Cristo ay hindi sumusunod sa alinman sa mga landas na ito. Tayo ay palakaibigan at aktibong mga miyembro ng mga komunidad kung saan tayo naninirahan. Minamahal, binabahaginan, at inaanyayahan natin ang lahat ng mga anak ng Diyos na sundin ang mga turo ni Cristo.12 Sinusunod natin ang payo ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Nelson; pinipili nating maging “tagapamayapa, ngayon at sa tuwina.”13 Ang inspiradong pananaw na ito ay ayon sa mga banal na kasulatan at patnubay ng propeta.
Noong 1829 hindi pa naorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan, ni hindi pa nailathala ang Aklat ni Mormon. Isang maliit na grupo ng mga tao na dumaranas ng pagsubok, ang naantig ng Espiritu ng Diyos, at sumunod kay Propetang Joseph Smith. Inihayag ng Panginoon kay Joseph ang payo para sa mga panahon ng pagsubok, “Samakatwid, huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig.”14 Pinayuhan din niya sila:
“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.
“… Maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit.”15
Malinaw na ang ating tadhana sa langit ay hindi nagbabago kapag dumaranas tayo ng paghihirap. Sa Mga Hebreo pinayuhan tayo na “lumapit [nang] may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan.”16 Si Jesucristo ang “[awtor] ng walang hanggang kaligtasan.”17
Gustung-gusto ko ang mga salita ni Mormon, na binanggit ng anak niyang si Moroni, na pinupuri ang “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo, … dahil sa inyong mapamayapang paglalakad kasama ng mga anak ng tao.”18
Para sa atin sa Simbahan na nagsisikap na maging “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” isang mas matibay na pag-asa ang naghihintay sa atin kapag nagtuon tayo sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang mga pagsubok ay bahagi ng mortalidad at nangyayari sa buhay ng lahat ng tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Kabilang dito ang malaking hidwaan sa pagitan ng mga bansa at indibiduwal.
Madalas itanong sa mga lider ng Simbahan, “Bakit tinutulutan ng isang makatarungang Diyos na may mangyaring masama, lalo na sa mabubuting tao?” at “Bakit hindi ligtas ang mabubuting taong naglilingkod sa Panginoon sa gayong mga trahedya?”
Hindi natin alam ang lahat ng sagot; gayunman, alam natin ang mahahalagang alituntunin na nagtutulot sa atin na harapin ang mga pagsubok, paghihirap, at kapighatian nang may pananampalataya at tiwala sa magandang hinaharap na naghihintay sa bawat isa sa atin. Wala nang mas mabuting halimbawa sa banal na kasulatan pagdating sa pagdanas ng pagsubok kaysa sa salita ng Panginoon kay Joseph Smith, ang Propeta, habang ito ay nakabilanggo sa Liberty Jail.
Sinabi ng Panginoon:
“Kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.
“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?
“… Huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”19
Malinaw na mayroon tayong Ama sa Langit, na personal na nakakikilala at nagmamahal sa atin at lubos na nakauunawa sa ating mga pagdurusa. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos.
Sina Pangulong Russell M. Nelson at Pangulong M. Russell Ballard ay kapwa nagbigay-diin sa kahalagahan ng bagong pangalawang edisyon ng Preach My Gospel.20 Ganoon din ang aking pakiramdam. Ang bagong edisyong ito, na nagpapatibay at nagpaparangal sa sagradong banal na kasulatan, ay mariing nagpapahayag:
“Sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, inako ni Jesucristo ang ating mga pasakit, paghihirap, at kahinaan. Dahil dito, alam Niya nang ‘ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan’ (Alma 7:12; tingnan din sa talata 11). Siya ay nag-aanyaya, ‘Lumapit kayo sa akin,’ at sa paggawa natin nito, pinagkakalooban Niya tayo ng kapahingahan, pag-asa, pananaw, at paggaling (Mateo 11:28; tingnan din sa mga talata 29–30).
“Sa pag-asa natin kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, matutulungan Niya tayo na matiis ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kaaliwan. Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”21
Maaari tayong maging masayang mga mapamayapang tagasunod ni Cristo.
Ang plano ng kaligayahan ng Ama para sa Kanyang mga anak ay saklaw hindi lamang ang premortal at mortal na buhay kundi ang potensyal na matamo ang buhay na walang hanggan, pati na ang dakila at maluwalhating pagkikita nating muli ng mga pumanaw nating mahal sa buhay. Lahat ng pagkakamali ay itatama, at lilinaw at magiging ganap ang ating pananaw at pag-unawa.
Ikinumpara ng mga pinuno ng Simbahan ang pananaw na ito sa isang taong pumasok sa kalagitnaan ng tatlong-yugtong dula.22 Ang mga walang alam sa plano ng Ama ay hindi nauunawaan ang nangyari sa unang yugto, (o sa premortal na buhay), at sa mga layuning itinakda doon; ni hindi nila nauunawaan ang paglilinaw at pagpapasiyang mangyayari sa ikatlong tagpo, na maluwalhating katuparan ng plano ng Ama.
Marami ang hindi nagpapahalaga sa katotohanan na sa ilalim ng Kanyang mapagmahal at malawak na plano, ang mga taong tila napagkaitan, nang hindi nila kasalanan, ay hindi mapagkakaitan sa huli.23
Malinaw ang sinasabi sa mga banal na kasulatan: ang mga tagamapayapang tagasunod ni Cristo na mabubuti, sumusunod sa Tagapagligtas, at sumusunod sa Kanyang mga kautusan ay pagpapalain. Isa sa pinakamahahalagang mga talata sa banal na kasulatan para sa mabubuti, anuman ang kanilang sitwasyon sa buhay, ay bahagi ng mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. Nangako Siya na ang mga taong tapat na sumusunod sa mga kautusan ay pagpapalain sa lahat ng bagay sa buhay na ito at “tatanggapin sa langit … [at] mananahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”24
Alam natin na halos lahat tayo ay nakaranas na ng pisikal at espirituwal na mga unos sa ating buhay, ang ilan ay nakapanlulumo. Isang mapagmahal na Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na namumuno sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, ang naglaan sa atin ng mga banal na kasulatan at mga propeta upang ihanda tayo, balaan tayo tungkol sa mga panganib, at bigyan tayo ng patnubay upang ihanda at protektahan tayo. Ang ilang direksyon ay nangangailangan ng agarang pagkilos, at ang ilan ay nagbibigay ng proteksyon sa loob ng maraming taon sa hinaharap. Ang paunang salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 1, ay nagpapayo sa atin na “[tumalima] sa mga salita ng mga propeta.”25
Sa bahagi 1 pinayuhan din tayo na “Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito.”26 Binibigyan ng Panginoon ang Kanyang mga tao ng pagkakataong maghanda para sa hamon na kanilang haharapin.
Nagbigay ang Panginoon ng makapangyarihang paghahayag kay Pangulong Brigham Young noong Enero 14, 1847, sa Winter Quarters.27 Ang paghahayag na ito ay isang mahalagang halimbawa ng paghahanda ng Panginoon sa mga tao para sa bagay na darating. Sinimulan ng matatapat na Banal ang kanilang paglalakbay papunta sa santuwaryo ng Salt Lake Valley. Matagumpay nilang naitayo ang Nauvoo Temple at tumanggap ng mga sagradong nakapagliligtas na mga ordenansa. Sila ay itinaboy palabas ng Missouri, at itinaboy sila ng kanilang mga tagausig palabas ng Nauvoo sa matinding panahon ng taglamig. Ang paghahayag kay Brigham ay nagbigay ng praktikal na payo kung paano maghanda para sa exodo. Binigyang-diin ng Panginoon ang pangangalaga sa mga maralita, balo, naulila sa ama, at pamilya ng mga naglilingkod sa Batalyong Mormon nang ang pangunahing pangkat ng mga Banal ay nagpatuloy sa kanilang mapanganib na paglalakbay.
Maliban sa pagbibigay ng iba pang payo na mamuhay nang matuwid, binigyang-diin ng Panginoon ang dalawang alituntunin na patuloy na naaangkop ngayon.
Una, hinikayat Niya sila na “Kung kayo ay masaya, purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-awit, ng musika, ng pagsasayaw, at ng isang panalangin ng papuri at pasasalamat.”28
Pangalawa, ipinayo ng Panginoon na kung sila ay “malungkot, manawagan sa Panginoon ninyong Diyos nang may pagsusumamo, upang ang inyong mga kaluluwa ay mangagalak.”29
Ang dalawang payong ito ay mahalaga para sa ating panahon. Ang mga buhay na puno ng papuri, musika, at pasasalamat ay talagang pinagpapala. Ang pagiging masaya at mapagtiwala sa tulong ng langit sa pamamagitan ng panalangin ay mabisang paraan upang maging mga mapamayapang tagasunod ni Cristo. Ang pagsisikap na laging magalak ay nakatutulong na maiwasang manlumo.
Ang huling linya ng isang himno ay nagsasaad sa sagot sa huli sa magandang paraan: “Langit ay lunas sa bawat dusa.”30
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, pinatototohanan ko na ang “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” ay makadarama ng personal na kapayapaan sa buhay na ito at ng maluwalhating pagkikitang muli sa langit. Pinatototohanan ko ang kabanalan ng Tagapagligtas at ang katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.